More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 8

Chapter 8



Nagbuntong-hininga ako at pinagmasdan ang mga sasakyan na dumadaan sa kalsada.

"Talaga?" Base sa mukha ni Joy, parang natutuwa pa yata siya sa nangyari.

Kasalukuyan kaming nakaupo sa may pasemano, katabi ng de-tulak na cart. Si Manong Alfred naman sinasagutan iyong crossword puzzle sa dyaryo.

Kinuwento ko sa kanya kung ano ang nangyari. Mula sa mall hanggang sa coffee shop. Bukod sa 'kin, bumigat din ang pakiramdam ng pitaka ko.

Kanina pa siya kain nang kain at sinabing ako raw ang magbabayad. Saludo na talaga ako sa kakapalan ng mukha niya.

Lampas na rin ala una. Nag-cutting na lang ako para tumambay rito. Kung makikita ako ni Lovely, tiyak magtatanong talaga 'yun.

"Sabi ko naman sa 'yo, eh," sabay kain sa fishball. "Niloloko ka lang nun."

Nagbuntong-hininga ulit ako.

Tumawa siya. "Tapos sinabihan ka pa na para kang aso? Nakakatawa 'yun."

Lumingon ako sa kanya. "Masaya ka na?"

"Oo," sabay tango at natatawa pa.

Tumayo siya at nagpunta sa cart. "Isang kwek-kwek, Alfred."

"Ang dami mo nang kinakain," sabi ko. "Mahiya ka naman sa 'kin."

"Ba't naman ako mahihiya sa 'yo? Si James ka ba?"

"James?" sabay taas ng kilay.

"James Reid."

"Ibang klase." Napailing na lang ako.

Umupo ulit siya at may hawak nang mangkok ng kwek-kwek. "Teka, maiba ako...ba't ka nandito?"

"Huh?"

"Bingi ka ba? Narinig mo naman, 'di ba?"

Tiningnan ko siya sa mata. Wala talaga itong mga emosyon kahit isa. Para akong nakikipag-usap sa patay.

Pero bakit nga ba?

Hindi naman kami magkaibigan, 'tsaka masama siyang tao. Hindi rin matinong kausap. Bakit nga ba ako nandito?

Nag-iwas ako ng tingin. "Bakit...bakit mo alam na niloloko lang pala ako?"

Tumawa siya bigla. Sa totoo lang, iniisip ko kung pinipilit niya lang bang matawa. Wala kasi itong buhay at peke pakinggan...o baka sadyang ganyan lang talaga siya.

Siya si Joy, eh...ang taong hindi mo maaasahan.

"Hindi pa ba halata?" Natatawa niyang nilingon si Manong. "Alfred, tinatanong niya pa kung ba't siya iniwanan ng girlfriend niya."

Umiling na lamang si Manong bilang tugon at nagpatuloy sa pagsasagot.

"Hubarin mo nga lahat ng damit mo tapos tumingin ka sa salamin. Makikita mo kung bakit."

Nagkunot-noo ako. "A-Anong maghubad..."

Sumeryoso siya bigla. "Ang ibig kong sabihin, ikaw. Ikaw ang may problema Hindi mo pa ba gets 'yung sinabi ng ex-chick mo? Ano ba 'yan, ang bobo naman."

Napayuko ako. Mas masakit 'pag sa kanya galing. Alam ko kasi na hindi siya nagsisinungaling.

Tumayo siya. "O, ba't ganyan ang mukha mo? Masakit ba?"

Tumingin lang ako sa kanya.

Ngumisi siya. "Ang babaw lang niyan, Silvester IV. Huwag kang OA."

Umiling siya at tumayo tapos pinagpagan iyong puwet.

"Saan ka pupunta?" tanong ko.

"Bakit? Sasama ka?"

Wala sa sarili akong tumango na parang tuta.

Alam ko na hindi ko dapat pagkatiwalaan si Joy, pero kusa akong sumama. Pagkatapos na bayaran ang kinain niya, nagsimula kaming maglakad sa isang hindi pamilyar na lugar.

Imbis na sa may highway, sa likod kami ng eskwelahan nagpunta. May makitid na daan roon na puno ng mga kahoy. Medyo liblib din ito.

"Teka, sure ka ba na ito ang tamang daan?" pigil ko sa kanya habang hindi pa kami nakakalayo.

Walang gana niya akong tiningnan. "Pang lima mo na 'yang tanong. Kung wala kang tiwala, huwag ka na lang sumama. Kainis."

Nagpatuloy siya sa paglalakad. Sinundan ko pa rin siya. Parang papunta na kami sa amazon forest dahil kumakapal na ang mga puno.

Ayaw ko rin naman siyang iwanan kasi baka mapano siya. Kahit mas malakas siya sa 'kin, babae pa rin siya. Parang ako pa nga ang mas takot sa aming dalawa.

Alas kwatro na at lampas sampung minuto na akong nakasunod sa kanya. Hindi ko rin alam kung nasaang lupalop na kami nagpunta.

"Joy..."

"O?"

"Hindi ba tayo naliligaw?"

Nahinto siya at tumingin sa 'kin. "Paano kung sabihin ko sa 'yo na nawawala nga tayo?"

Kaagad akong nanlamig. "T-Totoo?"

Dahan-dahan siyang tumango.

Tumingin ako sa paligid, naghahanap ng daan. Kaso puro damo at puno pa rin ang nakikita ko.

"Anong gagawin-" Natigilan ako nang may ngisi sa mukha niya. "Binibiro mo lang ako?"

Natawa siya. "Oo, naman. Uto-uto talaga."

"Para na kasi tayong nasa Amazon o sa Jurassic Park," sarkastiko kong sabi.

Nag-inhale-exhale ako para pigilan ang sarili na baliin ang leeg niya at patayin siya mismo ngayon. Nagpatuloy na siya sa paglalakad.

May signal pa naman kaya nasa matinong lugar pa siguro kami. Habang nakasunod sa kanya, hindi ko mapigilag pagmasdan ang likuran niya.

Sobrang taas talaga ng buhok niya. Naiinitan nga ako sa 'kin tapos sa kanya, parang wala lang. Hindi pa nga niya tinatali. 'Tsaka, ano bang meron sa bestida? Iyon lang ba ang mga damit niya?

Pati na rin ang boots na suot. Para talaga siyang pupunta sa party kahit nasa eskwelahan lang. Sosyal din siguro ang pambahay nito.

"Happiness ba talaga ang pangalan mo?" tanong ko.

"Regina."

"Huh? Regina? Eh, bakit 'Happiness' iyong nakalagay?"

Huminto siya at tumingin sa 'kin. "Ano sa tingin mo? Regina o Happiness? Anong nasa ID ko? Regina ba?"

"H-Happiness," kabado kong sabi. Parang naiinis na kasi siya.

"Sa tingin mo bibigyan kaya nila ako ng ID kung hindi pangalan ko ang nakalagay?"

"Sorry na...nagtatanong lang naman, eh."

"Ang obvious na kaya."

Nagpatuloy siya sa paglalakad. Ang gulo niya talaga kausap. Pwede naman na tumango siya kesa sa Regina.

"Kaya ba Joy ang palayaw mo?"

"Sa tingin mo-"

"Oo na, oo na...Joy nga," putol ko sa kanya bago may masabi pa siyang hindi maganda.

"Kaya ka iniiwan, eh."

Sumimangot ako. "Ikaw ba, wala kang naging boyfriend?"

"Hulaan mo."

Hula ko, wala. Para kasing ang weird niya para sa mga ganyang bagay. 'Tsaka bata pa siya. At sino ba namang magkakagusto sa kanya? Himala na sigurong makita siya na parang isang normal na tao.

Pagkatapos ng mahigit 30 minutes na paglalakad, may nakikita na akong pamilyar na puting building. Habang papalapit nang papalapit, nakita ko na ito ng buo.

Nasa Safe Haven na kami.

"Shortcut iyong dinaanan natin, hindi Amazon o Jurassic Park," sabi niya.

"Shortcut? Kung sumakay tayo ng jeep, wala pang sampung minuto, nandito na siguro tayo."

Nagkunot-noo siya. "Sige, bumalik ka sa eskwelahan tapos sumakay ka ng jeep papunta rito. Sige na!"

Napaatras ako. Dumidilim ang mga mata niya sa inis. Napalunok ako at naglahad ng peace sign.

Inirapan niya ako at naglakad ulit.

"Ibig sabihin ba, dito ka dumadaan papunta sa eskwelahan?" tanong ko.

"Oo."

Grabe, kaya niya 'yun? Araw-araw? Tuwing umaga at hapon? Ibang klase talaga.

Walang tao sa labas. Tahimik na rin ang lugar. Malapit na rin kasi mag ala singko.

Imbis na sa harapan kami ng ospital dumaan, umikot si Joy at sa likuran nagpunta. Nakakatakot tuloy kasi mas mataas ang mga puno at medyo madilim. Natatabunan kasi ang sikat ng araw.

Nahinto kami sa may malaki at nakakatakot na pinto. Puno ito ng lumot at parang pinto papuntang impyerno.

"Salamat sa paghatid. Umuwi ka na," aniya.

Napanganga ako. "H-Huh? Anong ibig mong sabihin?"

Inikot niya ang mga mata at tumingin sa 'kin. "Salamat sa paghatid. Umuwi ka na," ulit niya pero mas mahina na parang nakikipag-usap sa kinder.

"Bakit...paanong..." Humugot ako ng hininga. "Naglakad ako rito para...para ihatid ka?!"

Dahan-dahan siyang tumango.

"Naglakad ng ganoon kalayo para sa wala?!"

"Technically, hindi. Naglakad ka dahil hinatid mo ako. Malaking bagay na 'yun," sabay turo niya sa sarili.

"Akala ko--teka!"

Hindi na niya ako pinatapos at pumasok na sa loob, iniwan akong nakanganga at tulala.

Kahit kumbinsido ako na nasa matinong pag-iisip si Joy, baliw pa rin ang turing ko sa kanya.

Iyong uri ng pag-iisip niya...grabe.

Akala ko dadamayan niya ako o pupunta sa isang lugar. Tapos...ganun na lang 'yun?

Kung may award siguro sa pagiging makapal ang mukha, nahakot na niya siguro.

Kung marami pang tao ang kagaya niya sa mundo, ako na siguro mismo ang mababaliw nang tuluyan.

Mula sa pananamit, masasabi mo na talaga na may something. Hindi siya nagpapaalam kung aalis, pati paggalang sa mga matatanda, hindi niya rin ginagawa.

Natatawa na lang ako nang maisip kung paano niya ako ini-scam, Napatingin tuloy iyong ilan sa 'kin nang sumakay sa jeep pauwi.

"Okay ka lang?" tanong ni Mama pag-uwi ko.

"Okay lang naman po," sabay mano sa kanya.

"Bakit parang," tinuro niya ang labi ko, "may iba sa mukha mo. Okay ka lang ba talaga?"

Natawa ako. "Oo naman, po."

Napahawak siya sa dibdib. "Jusko po...tumawa ka..."

"Ano ba naman 'yan, Ma," parang nagiging katulad ka na ni Joy. Napangiti ako sa naisip.

"Mula nung naghiwalay kasi kayo...ngayon ka lang ngumiti."

"May maganda lang na nangyari sa araw na 'to, Ma."

Ewan ko kung maganda nga ba...pero hindi rin naman ako nagsisising sumama kay Joy kahit nananakit na ang mga binti.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.