More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 9

Chapter 9



Kasalukuyan kong nilalagyan ng gel ang buhok ko sa harap ng salamin habang naghu-hum sa paborito kong kanta. Medyo tumataas na 'to kaya kailangan ko nang magpagupit.

Mula sa salamin, nakita ko ang kapatid kong nakatingin sa 'kin habang tinatakpan ang baunan.

"Ano?" tanong ko, medyo naiinis. Ang lagkit kasi ng tingin niya.

"Ggood mood ka yata. Parang 'di broken hearted, ah."

Lumingon ako sa kanya. "Matagal na 'yung tapos. Magtatatlong buwan na, hindi ka pa rin ba titigil?"

"Sus, neknek mo," aniya. "Pero, Kuya...nasaan ka pala kahapon?"

Nag-iwas ako ng tingin. Tinakpan ko ang gel at nagpunta sa kainan.

"Bakit?"

"Kasi iyong sapatos mo rin, ang dumi. 'Tsaka hindi ako sure, pero parang nakita kita sa school kahapon."

Hindi ko pinahalata na nagulat ako. Kinagat ko rin ang labi para pigilan ang ngiti. Sa tuwing naaalala ko kasi ang ginawa ni Joy kahapon, automatic na matatawa ako.

Kaya tumalikod ako sa kanya at naghugas ng kamay sa lababo.

"Ba't naman ako pupunta sa eskwelahan mo?"

"Sa bagay..."

Medyo nagsinungaling ako kay Lovely at sa sarili. Kasi kahit lumipas na ang halos tatlong buwan, naaapektuhan pa rin kasi ako.

Hindi biro 'yung ginawa ni Mayumi. Parang hindi ko na yata makakalimutan 'yung ginawa niya,

Habang nasa jeep, tiningnan ko ang facebook niya, at napigilan ko ang paghinga nang makitang hindi na kami friends.

Naka-private ang account niya kaya naman hindi ko nakita. Nagpunta ako sa instagram at dun naman tiningnan ang profile niya.

Wala na ang mga pictures namin. Ni-isa.

Tumingin ako sa labas at hinayaang hanginin ang inayos kong buhok. Nagtutubig na rin ang mga mata ko.

Pambihira, para naman akong bata nito.

Tama na...hindi na ako ang gusto niya. Pero bakit parangag bilis naman yata.

Naalala ko na naman 'yung sinabi niya...at iyong sinabi ni Joy. Ang plain ko lang ba talaga? Ano ba ang gagawin ko?

Kailangan ko bang magbago? Kailangan ko bang baguhin ang buhay ko?

Tumingin ulit ako sa cellphone at nagtipa ng text.

To Reggie:
Inom mamaya?

Dahil active ang mga kaibigan ko pagdating sa inuman, pagkatapos ng klase ay pinapunta nila ako sa isang pub na malapit sa university.

Nagpaalam na rin ako kay Mama na mahuhuli ako ng uwi. Ala singko nang dumating ako sa lugar. Nakapuwesto na sila doon sa may gilid at okupado ang buong mesa.

"Yo, men!" bati ni Oyo. "Why are you late, men? Come and sit down, men."

"Oyo, isang men na lang at lilipad na 'tong bote sa mukha mo," si Tiboy.

"Why men?--Joke! Joke lang, pre."

Kaagad na nag-duck, cover at hold si Oyo sa ilalim ng mesa nang hahagisin na sana siya ni Tiboy ng bote.

"Duwag ka naman pala, eh," ani Reggie sabay tawa. "O, halika na, Lester Boy. Simulan na natin ang okasyon."

Nagbuntong-hininga ako at naupo na sa tabi ni Tiboy. Kaagad siyang nagbukas ng bote at inilahad sa 'kin.

Tiningnan ko na muna 'to. Kaya ko ba? Nang simulang laklakin lahat ay bigla silang nagpalakpakan kaya napapatingin ang ilan.

Halos umutot ako sa pagpigil ng hininga. Ang pait naman! Kaagad na gumuhit ang alak sa sikmura. Bigla ring nag-iba ang timpla ng tiyan ko.

"Ang tapang mo na, ha!" ani Reggie.

"Ba't ang pait naman?" tanong ko habang nauubo pa.

"Kailangan naman kasi 'yang idahan-dahan," ani Oyo. "Nagmamadali? May appointment?"

Natawa na rin si Tiboy. "O, lemon, para umayos ang pakiramdam mo."

"Kakainin ko ba 'to?" sabay turo ko roon.

"Tanga, hindi! Sisipsipin mo lang."

Ginawa ko iyon. Kahit maasim, medyo umayos nga ang lagay ng tiyan ko.

"Ba't ka nagtawag ng emergency meeting?" si Reggie. "Anong agenda natin?"

Pumalakpak si Oyo. "Si Regilio ang president natin ngayon, ha. Libre niya kasi lahat."

"Wow, ang dami mo yatang pera," sabi ko.

Ngumiti siya at kumaway na parang artista. "Nagpadala kasi si Papa. Sinabi niya rin na ilibre ko raw kayo. Maglaro daw tayo o gumala."

"Tapos alam ba ng Papa mo na nilibre mo kami sa inuman?" si Tiboy.

Umiling siya. "Hindi, pero hindi na rin 'yun importante."

Hinagod ni Oyo ang likod niya. "The best president ka talaga for me, Boss."

Nagtawanan kami.

Nakakatuwa lang kasi habang nag-uusap kami, ni-minsan, hindi nila binanggit si Mayumi o iyong hiwalayan. Nararamdaman ko rin na nag-iingat sila sa bawat salitang binibitawan. Wala talaga kaming pinag-usapan na babae o relasyon.

Kaya minsan kahit lasing sila kadalasan, nagpapasalamat pa rin ako na naging magkaibigan kami.

"Wow, anong celebration?"

Lumubo ang mga mata ko nang makita si Joy na biglang umupo sa harapan. Natahimik din kami bigla.

Teka...anong ginagawa niya rito?!

Naka-half pony ang napakataas niyang buhok. Sa pag-upo nga niya parang aabot na 'to sa sahig. May suot siyang mataas na pulang palda at violet na blusa. Naka-boots din.

Nagkatinginan kaming lahat. May mga question mark sa mga mukha nila.

"Anong ginagawa mo rito?" gulat kong tanong.

Kumuha siya ng chicharon at kinain ito sa harapan namin. Rinig na rinig namin ang tunog nito lalo na at sinasadya niya talagang iparinig.

"Makiki-celebrate lang, ano ka ba naman," aniya. Kinuha niya ang bote ni Reggie at uminom mula rito.

"Teka..." pabulong na pigil ng kaibigan ko, nagtataka pa rin.

"Huh?" Itinaas ni Joy ang kilay niya at uminom ulit dito. "Bakit?"

Nakita ko ang pagtaas ng mga balahibo ni Tiboy sa braso...same, pre. Same na same.

"Sino ka?" tanong ni Oyo.

Nakanguso si Joy. "Hindi mo pala ako pinakilala sa kanila?" sabay tingin sa 'kin. "Ang sama mo naman."

"Magkakilala kayo?" tanong ni Tiboy sa 'kin.

"Konti..." nakita ko ang panlilisik ng mga mata ni Joy, "...medyo...parang..."

Nang sumeryoso ang mukha niya, mas dumikit si Reggie kay Oyo, parang natatakot.

"K-Kasi," nagsimula na akong mautal sa kaba, "magkakilala kami." Masama pa rin ang tingin niya sa 'kin. "Ano...uh...magkaibigan. Tama, magkaibigan kami."

Bigla na lang ngumiti si Joy, pero hindi ito umabot sa mga mata niyang walang buhay.

"Yeah, magkaibigan kami," aniya.

"Paano?" palihim na tanong ni Tiboy nang tumingin sa 'kin.

Nagkibit-balikat ako kasi hindi ko rin naman alam.

"Anong mga pangalan niyo?"

Tumingin ang tatlo sa 'kin, hindi ko alam kung nanghihingi ng tulong o parang naiiyak na.

Naiintidihan ko sila. Iyong awra kasi ni Joy...parang kakaiba. Lahat yata ng lalapitan niya ay hindi magiging kumportable.

Sinenyasan ko sila na sagutin na lang si Joy bago pa magkaproblema.

"Reggie..."

"Palayaw mo lang ba 'yan?"

Tumango si Reggie.

"Sabi ko pangalan, 'di ba? Ba't mo ako sasagutin ng palayaw?"

Napalunok si Reggie. "R-Regilio Perez III."

Ngumisi siya. "So, may the fourth, meron ding the third?" Lumingon siya kay Oyo. "Ikaw, anong pangalan-"

"Oliver Yo Senes, Jr. po, ma'am."

"Wow, may junior din?! Huwag mong sabihing the fifth ka?" sabay turo niya kay Tiboy.

Umiling ang katabi ko at dumitdit sa 'kin. "Teodoro Gapa po..."

"So, ikaw iyong magiging Senior dito?" sabay tawa niya. "Kakaiba."

Nagsimulang tumawa si Joy pero lahat yata ng balahibo namin ay nagsitaaasan. Nang mapansin na nakatingin lang kami sa kanya ay biglang sumeryoso ang mukha niya.

"Ha ha ha ha..." panimula ni Oyo. Kaya pumilit kami ng tawa.

Pinagtitinginan kami kasi para kaming mga robot. Si Reggie nga, pinagsisingkit pa ang mga mata habng tumatawa.

Napainom tuloy ako ulit sa kaba.

Nagbuntong-hininga si Joy. "Normal akong tao, okay...hindi niyo ako kailangang sabayan."

Mula sa mabigat na hangin, biglang lumungkot ito.

"Hindi naman," panimula ni Reggie. "Medyo, naguguluhan lang kami sa mga nangyayari ngayon."

"Nakita ko kasi kayong nagtatawanan pagkapasok ko. Kaya naman umupo ako rito."

Hindi ko alam kung...maniniwala ba ako na malungkot siya. Siya kasi ang tipo na walang kasiguraduhan.

Umayos ng upo si Tiboy. "Ikaw, anong pangalan mo?"

"Regina," aniya sabay inom.

Natawa ako ng konti. "Joy ang pangalan niya."

"Anong year ka na?" ani Reggie.

"Third year college."

"High school..." pagtatama ko habang nakatingin sa nakangising Joy. "Senior high school. Grade eleven."

"Grade eleven ka pa?!" sabay turo ni Oyo sa kanya.

Pinagtaasan siya ng kilay ni Joy kaya naman lumiko ang daliri niya at ako na lang ang tinuro. "T-Talaga?"

Tumango lamang ako.

"Saan ka nakatira?" tanong ulit ni Reggie.

"Sa may subdivision."

"Sa menta-" nahinto ako. Nang magkatinginan kami, matalim ang titig niya habang may maliit na ngisi.

Nag-iwas ako ng tingin at uminom ulit. Hindi ko kasi alam kung tama bang sabihin ko iyon.

Sa sumunod na sampung minuto, nagtatawanan na silang lahat. Kwento nang kwento si Oyo na sinasabayan ni Joy. Parang natatamaan na rin sila ng alak pero nasa tamang wisyo pa naman.

Para ngang mas naging magkaibigan sila kesa sa 'kin. Tahimik lang ako habang palihim na pinagmamasdan ang bisita namin.

Ang lakas niyang humalakhak kahit...hindi kaaya-aya ang tunog ng tawa niya. Pati na rin iyong cute na nunal sa tulay ng ilong. Kahit maputla at maitim iyong ilalim ng mga mata, ang sigla pa rin naman niya tingnan.

"Naku, ala syete na pala," sabi ni Oyo.

"Bakit, Yo? Gusto mo nang umuwi?" ani Joy.

"Huwag mo na kasi akong tawaging Yo. Oyo na lang."

Umiling siya. "Mas gusto ko ang Yo. Ang unique kaya. Rapper ba ang mga magulang mo?"

Natawa ako nang magets ang sinabi niya. Parang inaantok na rin si Tiboy. Kanina pa inom nang inom si Joy, pero hindi pa siya nalalasing. Sanay ba siyang uminom?

"Uwi na tayo," yaya ni Reggie.

Tumango ako. "Nagpa-reserve na ako ng grab kanina. Tatawagan ko na ba? Ikaw magbabayad, ha."

"Sige, sige."

"Ikaw, Joy?--Teka..."

Nahinto ako nang makitang wala na siya. Tumingin ako sa labas at nakita siyang naglalakad na palayo.

"Umalis na siya?" tanong ni Tiboy.

"Parang ganun na nga," tugon ni Oyo.

"Talaga?" ani Reggie.

Nagbuntong-hininga ako. "Hindi kasi siya marunong magpaalam."

"May ganun ba?" wala sa sariling tanong ni Reggie.

May ganun nga...si Joy.

Gabi na, baka anong mangyari sa kanya. Kahit malakas siya at medyo nakakatakot, babae pa rin siya.

Hindi pa rin ako makapaniwala na umupo siya sa mesa kasama ang mga kaibigan ko. Nakakagulat talaga siya. Ganyan ba siya sa mga kakilala niya?

Nagbayad na si Reggie kaya tumayo na kami. Mula sa sahig, may maliit na bagay na kumikinang. Pinulot ko 'to at pinagmasdan.

Isa siyang bracelet. Manipis ito at parang totoong ginto yata. Kay Joy ba 'to? Malapit kasi sa upuan niya.

'Tsaka hindi naman nagsusuot ng ganito ang mga kaibigan ko.

"Tara na, Silvester," tawag ni Tiboy. Naiwan na pala nila ako.

Ibinulsa ko na lang ang bracelet at hinabol sila.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.