More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 10

Chapter 10



Ang mga taong kagaya ni Joy ay dapat kong iwasan.

Hindi siya magandang influence. Lagi siyang nagcu-cuttiing, walang karespe-respeto sa katawan, hindi magalang at nakakatakot. Pero ang hindi ko maintindihan ngayon ay kung ba't ako naglalakad papunta sa Safe Haven.

Umagang-umaga, wala kaming pasok, nasa bahay pa sana ako at nanonood ng anime kapag ganito, pero hindi...mas pinili kong maglakad papunta sa nakakakilabot na lugar na 'to.

Pinakiramdaman ko ang bracelet na nasa bulsa ng suot kong jacket.

Tama, ibibigay ko lang naman 'to. Baka kasi importante...

"Uy, ikaw pala," bati ni guard. Napansin ko na naman ang butones niyang malapit nang bumigay. "Anong atin? Si Nurse Imelda ba? Naku, day off niya ngayon."

"Ay, hindi po. Nandito po ako para kay..."

"Kay?"

"Kay Joy, po."

Kumunot ang noo niya nang tumingin sa 'kin. "Si...Joy?"

Tumango ako. "Opo."

May binulong siya na hindi ko marinig pagkakuha sa record book. "Log in ka muna rito, hijo."

Tumango ulit ako at nagsulat na roon. Nang ibinigay ko sa kanya ay may binigay siyang laminated ID na may pulang lace. May logo ito ng ospital at may nakalagay rin na 'VISITOR' doon.

Siguro ganito kapag may bibisitahing pasyente. Pero, teka...ibig sabihin...

"Kuya, ba't po ako may ganito? Ano po ba si Joy rito? Staff o pasyente?"

Napakamot siya sa ulo at nag-iwas ng tingin. "Parang..."

"Parang?"

"Kasi-"

"Anong ginagawa mo rito?"

Biglang dumating si Joy sa harap namin. Nakasimangot siya at nakatali ang napakahaba nitong buhok. Naninibago ako sa suot niyang spongebob na ternong pajama at t-shirt. Naka-pambahay na tsinelas lang din siya.

Unang beses ko yata siyang nakita na hindi naka-bestida o damit na pang-magarbo. Lihim akong napangiti. Hindi ko kasi inasahan na ganyan pala siya kapag nakapambahay.

Ibig sabihin din nun...dito nga siya nakatira. Pero bakit?

Kumaway siya sa harapan ng mukha ko. "Nababaliw na yata 'to, Edwin, kailangan nang i-check in."

Lihim na humagikhik si guard.

Tumikhim ako. "Kasi...ano..."

"Kasi ano?" iritado niyang tanong.

"May sadya ako sa 'yo."

Sinukat niya ako ng tingin, kaya napaatras ako ng konti. Bumagsak ang mga nakakatakot niyang mata sa suot kong ID. Umirap siya at tumalikod.

Nang magsimula siyang maglakad ay sinundan ko na siya.

"Teka," sabi ko.

Hindi siya nakinig. Mas binilisan niya pa ang paglalakad. Nakakamangha lang kasi tumitingkad ang dilaw niyang kasuotan sa puting lugar.

Bigla siyang lumiko papunta sa may pinto. Hanggang sa nakalabas kami sa building at tumambad sa 'kin ang playground.

Dito iyong una naming pagkikita. Bigla tuloy akong namula sa hiya nang maalala iyon.

Nang umupo siya sa may swing ay ganun din ang ginawa ko.

"Anong ginagawa mo rito? Alas nuebe pa, ha. Ang aga mo namang manligaw."

Napanganga ako. "A-Ano?"

Tumingin ang mga walang emosyon niyang mata sa 'kin. "Marumi ba ang mga tenga mo? Hindi mo ba ako naririnig ng maayos?"

Nag-iwas ako ng tingin. "Ibang klase ka talaga...hindi ako manliligaw."

"Ah, hindi ba? Sayang. May pag-asa ka sana sa 'kin."

Hindi ko napigilang matawa. Pero nang makitang seryoso siya ay kaagad akong nahinto. Joke ba 'yun?

"Kasi...ano..."

"Kanina ka pa sa 'kasi ano' na 'yan, ha," inis niyang sabi. "Isa pang sabi niyan, lilipad na ang tsinelas ko sa mukha mo."

"Kasi-"

"Punyeta."

Kinuha niya ang tsinelas kaya lumayo ako sa kanya. "Teka...hindi pa nga ako tapos, eh."

Mariin ang hawak niya roon kaya pinagpawisan ako bigla. Seryoso ba talaga siya?!

Nagbuntong-hininga siya at tinapon 'yun sa malayo. "Kunin mo."

"Huh?"

"Bigyan kitang bente, ha. Bumili ka ng cotton buds. Bwisit."

Tatayo na sana siya pero kaagad akong tumakbo at kinuha ang tsinelas niya. Pagkabalik ay nakaupo na ulit siya sa swing.

"Isuot mo sa 'kin," aniya.

"Grabe naman."

"Tsk."

Mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ko nang mag-squat sa harapan. Kukunin ko na sana ang paa niya kaso pinigilan niya ako.

"Diyan na lang pala 'yan. Ilagay mo na sa baba."

Inis ko siyang tiningnan. Ginawa ko ang sinabi niya at tumayo. Napipikon na ako.

Kinuha ko ang bracelet sa bulsa para makauwi na. Mukhang hindi ko kasi talaga kaya ang ugali niya.

"Sa 'yo ba 'to?" sabay pakita ko sa bracelet.

"Oo." Kinuha niya iyon at tinitigan.

"Nahulog 'yang bracelet sa pub."

"Sinadya ko naman talagang ihulog, eh," aniya. "Akala ko nga, hindi mo ibabalik." Tumingin siya sa 'kin. "Mukha ka kasing magnanakaw."

Inis ko lamang siyang tinitigan.

"'Tsaka hindi 'to bracelet. Anklet 'to."

Yumuko siya at isinuot iyon sa kanan niyang paa. Hindi ako sure pero parang may nakita ako. Mataas kasi iyong pajama niya kaya hindi ko masyadong naaninag, pero parang may...pula...sugat ba 'yun? Peklat? Allergies?

"Uuwi ka na ba?" tanong niya at mahinang itinulak ang sarili para mag-swing.

Tumango ako.

"Sayang...may kuwento pa sana ako."

Siya si Joy. Bawat salita sa bibig niya ay walang kasiguraduhan. Kagaya na lang ng pagsasabi niya ng Regina at kung anu-anong imbento.

Alam ko na magsasayang lang ako ng oras, pero kusang umupo iyong puwet ko sa katabing swing, handang makinig sa kung ano mang katarantaduhan.

Makulimlim ang langit. Hindi mukhang uulan, pero hindi rin mainit. Malamig din ang simoy ng hangin. Siguro October na. Basta 'ber' months na kasi, nagsisimula nang lumamig ang paligid.

"Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng anklet?" tanong niya.

"Oo. Parang bracelet sa paa."

"Tanga, hindi 'yung literal na meaning. Iyong symbol..."

Umiling ako.

"Basta raw may suot na anklet ang tao, ibig sabihin may nagmamay-ari na raw sa tao na 'yun, pero hindi siya masaya. It's like a signage. Parang nanghihingi ng tulong..."

Seryoso akong nakatingin sa kanya. Hindi ganun kataas ang ilong niya pero pointed ito. Pati na rin ang mga pisngi niya. Mataba ito pero 'yung sakto lang.

Hinahangin din 'yung buhok niya. Pero 'yung mga mata...ang lungkot-lungkot tingnan.

"Kaya ka ba...nakasuot ng anklet?" mahina kong tanong, nagbabasakaling makausap siya ng matino.

Nagkatinginan kami. Tumataas iyong mga balahibo ko nang tumitig sa mga mata niyang walang buhay. Ang lalim kasi nun, pero kahit anong sisid mo...hindi mo kakayanin ito...

Parang ang bigat ng pressure...baka mawalan ka ng oxygen...baka ikamatay mo kung gusto mo pang sumisid nang mas malalim...

"Hindi." Inirapan niya ako at tumingin ulit sa harap. "Ninakaw ko nga lang 'to, eh. 'Tsaka sabi-sabi lang 'yun, ulol."

Mahina akong natawa. Akala ko makakausap ko na talaga siya nang seryosohan. Ano pa bang aasahan ko?

"Ninakaw mo? Saan?"

"Sa pawnshop. Tanga kasi iyong nagbabantay. So far, hindi pa naman ako nahuli."

Tuluyan na akong natawa. Ibang klase...ibang klase talaga...

"Mahal mo pa ba siya?"

Naging hilaw iyong tawa ko. Kunot-noo ko siyang tiningnan. Parang ang random naman na magtanong siya tungkol kay Mayumi.

"Ba't mo natanong."

Ngumisi siya. "Kasi kung mahal mo pa, kawawa ka."

Nag-iwas ako ng tingin.

May nararamdaman pa rin ako kay Mayumi. Hindi naman siya ganun kabilis mawala kahit ilang buwan na ang nagdaan. Tatlong taon din kami.

Pero aaminin ko na medyo nagbago na. Tanggap ko na kasi iyong hiwalayan. Konti na lang...

"Tama rin siya, para ka ngang aso," natatawa niyang sabi. "Nang pinakuha kita ng tsinelas, ginawa mo. Nang sabihin kong isuot mo sa 'kin, ginawa mo rin. Wala ka bang paninindigan? Ano bang gusto mo?"

Nanuyo bigla ang lalamunan ko. Na-realize ko rin iyong sinabi niya at para akong sinampal nang malakas.

"Magiging sunod-sunuran ka na lang ba forever?" dagdag niya pa.

Nanatili akong tahimik at pinakiramdaman ang hangin.

"Kasi kung ganyan ka na lang palagi, magpakamatay ka na lang."

Siya si Joy. Bawat salita sa bibig niya ay walang kasiguraduhan. Pero kahit papaano, tama naman lahat ng mga sinabi niya.

Parang nabahiran iyong pride ko. Pero totoo naman, eh. Tama siya. Ba't ba lagi siyang tama?

"Hindi ako magiging ganito palagi," mahina kong sabi.

Naging tahimik kami pareho. Kahit nakasuot ng jacket, ramdam ko ang lamig ng hangin. Concern tuloy ako kung nilalamig din ba siya...

"Umuwi ka na." Tumayo siya at nag-unat. "Tatae na ako."

At bigla na lang siyang naglakad palayo pagkatapos akong paalisin.

Linggo nang nakatambay kami nina Reggie, Oyo at Tiboy sa tindahan. Pawisan kami kasi kagagaling lang naman sa pagbabasketball.

Bigla kasing pinulikat si Reggie. Mainit na sana iyong laban. Nang uminom ng malamig na sting ay nag-fog iyong salamin ko kaya tinanggal ko muna at nilinisan.

"Kainis ka talaga, Reggie," ani Tiboy. "Ang ganda-ganda na sana. Two-two, pare. Two-two!"

"Oo, nga. Sus, ang sarap hampasin ng bola, eh," si Oyo.

"Sige, kung kayo ang mapulikat, hinding-hindi ko talaga kayo tutulungan, mga gago!" sabi ni Reggie. "Itataga ko 'yan sa 'di pantay na itlog ni Oyo, ulol!"

Nagtawanan kami ni Tiboy. Binatukan tuloy ni Oyo si Reggie.

"Pero, maiba tayo..." ani Tiboy sabay tingin sa 'kin. "Si Joy... saan mo siya nakilala, pre?"

Natahimik sila at tumutok sa 'kin, inaabangan ang sasabihin ko.

Parang nakuha yata talaga ni Joy ang mga atensiyon nila.

"Sa mental hospital, nung bumisita kami ni Mama sa ninang kong nurse."

"Ibig sabihin, baliw siya?" si Oyo.

"Bakit, iyong mga staff at nurse na nandun, baliw rin?" sabi ko. "Hindi...ewan...sadyang nandun lang talaga siya."

"Nakakatakot siya, pare, pero alam mo 'yun...ang sarap niyang kasama," ani Reggie

Sobra. Sobrang-sobra. Natawa lamang ako.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.