More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 11

Chapter 11



'Joy Paraiso sent you a friend request.'

Iyan ang bumungad sa 'kin nang binuksan ko ang cellphone. Hindi ko alam kung tatanggapin ko ba o hindi. Hindi rin naman kasi ako active sa mga social media. Ginagamit ko lang 'to kung may gusto akong i-message.

Matagal kong tinitigan ito. Walang siyang profile picture. Wala ring laman ang timeline pero hula ko naka-private itong account niya.

Na-curious akong tingnan ito kaya in-accept ko na. At tama nga ako, naka-private lang.

Doon ko nakita ang mga kababalaghan niya sa social media. Literal na kababalaghan.

'h3LLo guyZ! kamustah mga ka-fb w0rld!'

'n3w ph0n3!!!!'

'g00d afti3!"

Inihagis ko ang cellphone sa kama at tumayo. Lahat yata ng balahibo ko sa katawan ay nagsitaasan. Napa-sign of the cross na rin ako.

Ano 'yun?!

Humugot muna ako ng malalim na hininga bago tiningnan ulit ang cellphone. Pagtingin ko sa mga friends niya, halos mga amerikano at mga arabo lahat! Iyong mga uploads naman ay puro spongebob lang.

"Si...Si Joy ba talaga 'to?" bulong ko sa sarili. Bakit ang jejemon niya?!

Umatras lahat ng takot na naramdaman ko at natulala sa may kisame. Si Joy...jejemon. Totoo ba talaga 'to?

May mga ganito pa pala mag-type ngayon? Aaminin ko na naging jeje rin ako rati, pero noon lang 'yun! Tapos na ang era na 'yun!

"O, napano 'yan?" sabay nguso ni Tiboy na bagong dating sa 'kin.

Nasa court kami ngayon, naghahanda na para maglaro. Kanina pa ako lutang kaya naman tahimik lang ako at minsan ay nakatulala pa.

"Ewan." Nagkibit-balikat si Reggie. "Hagisan mo nga ng bola, Oyo, tingnan natin kung sinapian na ba 'yan."

Hindi ko sila pinansin at nagpunta na naman sa facebook. Ilang beses na akong patingin-tingin sa profile niya. Pero kahit anong refresh, ganoon pa rin, e!

Nagpaalam si Oyo na bibili pa ng chewing gum kaya naman hindi na muna kami nagsimula. Ginamit ko ang oras na 'yun para tingnan pa ang facebook ni Joy nang bigla siyang nag-chat.

Joy:
y0w. wh3r3 y0u?

Napigilan ko bigla ang hininga ko.

Silvester:
Ikaw ba talaga 'yan?

Joy:
00 naman. san ka ngay0n?

Silvester:
Bakit?

Joy:
Iyan bah ang tan0ng k0 hah?!!!

Tama, siya nga si Joy. Para ngang magic kasi naririnig ko ang boses niya sa mga chat niya.

Silvester:
Sa basketball court, sa may malapit sa amin.

Nag-angat ako ng tingin nang tinapik ni Reggie ang balikat ko. "Laro na tayo."

"Ah, sige."

Pinatay ko na ang cellphone at ipinasok sa bag. Nag-stretching na kami at dumiretso na sa paglalaro.

May mga nakaikot na mga rubber band sa dulo ng salamin ko para hindi siya maging madulas at natatanggal kapag pawisan na. Kahit medyo nakaka-istorbo, mas magaling pa rin naman ako kesa kay Tiboy.

"Pasa mo! Pasa mo!" senyas ni Reggie sa 'kin na binabantayan ng payatot na Oyo.

Kaagad kong hinagis ang bola sa kanya at nang makuha ito ay kaagad siyang nag-shoot sa ring at sumapol ito.

"Nice one!" sabi ko at nakipag-apir sa kanya.

"Ano ba naman 'yan, Oyo," daing ni Tiboy. "Harangin mo naman."

"Paano haharang 'yan, eh parang liliparin na nga 'yan ng hangin sa nipis," si Reggie.

Natawa ako lalo na at kaagad sumimangot si Oyo. Pati ang naiinis na si Tiboy ay natawa na rin.

"Kapag ako talaga tumaba, kayo ang una kong tutumbahin," sabay turo ni Oyo sa amin.

"Tanggalin mo muna ang mga bulate sa katawan mo."

Kaagad na hinabol ni Oyo si Reggie.

Hindi naman talaga puno ng bulate ang katawan ni Oyo kaya ang payat niya. Pati nga ang pamilya niya, sobrang payat talaga. Para bang nasa lahi na nila.

Lagi namin siyang binibiro tungkol doon pero hindi naman niya sineseryoso. Kaya nakaugalian na rin namin.

"Silvester Cruz IV!"

Nahinto kaming apat nang may sumigaw na lang bigla. Paglingon ko ay halos malaglag ang panga ko kakanganga nang makita si Joy na naglalakad papunta sa 'kin.

Anong ginagawa niya rito?

Nakasimangot siya at nakayukom ang dalawang kamao, halatang galit na galit. Kulang na nga lang na may apoy sa background, eh.

Nakasuot siya ng pulang bestida at naka-jacket ng itim. Suot niya rin iyong boots niya at nakalugay ang sobrang taas nitong buhok.

"Aray!" daing ko nang hinampas niya nang napakalakas ang kanan kong braso.

Napaluhod tuloy ako. Namanhid yata 'yun at parang mahihiwalay ang braso ko sa buo kong katawan.

"Walang hiya ka!" sigaw niya pa.

"Hoy, Joy!" sigaw rin ni Phil na tumatakbo papunta sa 'min.

Tinulungan naman ako ng mga kaibigan ko pero nang naitayo nila ako ay nagtago na sila sa likuran. Para tuloy akong naging shield laban kay Joy.

Hinawakan ni Phil ang dalawang braso niya nang susugod pa sana.

"Bakit, bakit, bakit?" Natataranta na ako. Ano bang ginawa ko sa kanya, ha?! Halos maiyak na ako sa takot.

"Pare...nakakatakot siya," rinig kong bulong ni Oyo sa likuran ko.

"Oo nga huhu," ani Reggie.

"Kanina pa kita tinatadtad ng chat! Bakit hindi ka nagrereply, ha?!" sabi niya.

"Nagbabasketball kami...nakikita mo naman, 'di ba?" nakanguso kong paliwanag.

Hilaw na tumawa si Phil. "Pasensiya na kayo. Sadyang-"

"Isama na lang natin sila," malamig na sabi ni Joy.

Nakakagulat kasi biglang nagbago ang mood niya. Parang kanina lang, halos bubuga na siya ng apoy. Pero ngayon, para siyang robot...iyong tipong walang reaksiyon.

"Huh?" Hinarap siya ni Phil. Nang binitawan niya ang braso ni Joy, nagkapitan kaming magkakaibigan.

"Sila," sabay turo ni Joy sa 'min. "Isama na natin."

Napangisi si Phil. Naka-pantalon siya at naka-maroon na t-shirt. May ginto rin siyang relo sa kaliwang kamay. Kung titingnan mo, mukha siyang mayaman.

Hanggang sa natagpuan ko na lang ang sarili na nasa loob na ng SUV ni Phil kasama ang mga kaibigan ko. Pareho naming niyayakap ang mga bag. Si Oyo nga, hindi na nakapagsuot ng t-shirt.

Nagd-drive si Phil at si Joy naman ang nasa shotgun seat.

"Hay nako, nag-amoy pawis tuloy ang sasakyan," parinig ni Joy.

"Saan ba tayo pupunta?" tanong ko kay Phil.

May sasabihin sana siya kaso biglang sumingit si Joy.

"Magpaalam na kayo sa mga magulang niyo na medyo gagabihin tayo ngayon."

"Huh? Bakit naman?" tanong ni Oyo.

"Basta, gawin niyo na lang."

Humarap si Oyo sa 'kin. "Kidnapping ba ang nangyayari ngayon? Ibebenta ba nila ang mga laman-loob natin?"

"Kahit buksan 'yang mga laman loob mo, hindi siguro 'yan aabot sa isang kilo," ani Tiboy.

Pinigilan namin ang hindi matawa. Kaso biglang humalakhak si Phil.

"Nakakatawa 'yun?" sarkastikong tanong ni Oyo sa kanya.

Tumingin si Phil sa salamin para tingnan kami sa likuran. "Oo."

"Aba'y siraulo 'to, ah..."

"Huwag niyo ngang awayin si Yo," si Joy. "Tayo na lang ang magkakampi rito, Yo, hindi kita aawayin."

Takot na tumango si Oyo at dumikit sa 'kin.

Tahimik lang kami buong biyahe. Nag-text na rin ako kay Mama. Kahit hindi nila sinasabi, alam ko na tinatanong din nila ang sarili kung bakit sumama kami ngayon.

Kung saan man kami pupunta, sana hindi magiging magulo 'to.

Alas kwatro nang sinabi ni Phil na nandito na raw kami. Pagtingin ko sa labas, puro palayan ang nakikita ko.

Ang layo na nito, ah.

"Nasaan na tayo?" tanong ni Tiboy pagkalabas namin.

"May signal pa naman, pre," ani Reggie.

Nagsuot na rin ng t-shirt si Oyo at nang magkatitigan sila ni Phil, parang magpapatayan. Hindi yata sila magkasundo.

"Hay, ang ganda ng panahon." Nakapikit si Joy at pinakiramdaman ang paligid.

Hinahangin iyong mataas niyang buhok. Ang payapa niya tingnan...pero nang ibinuka niya ang mga mata ay nag-iwas kaagad ako ng tingin.

"Anong gagawin natin dito?" tanong ni Oyo.

Kaagad siyang nanigas nang umakbay si Joy sa kanya. "Basta, magugustuhan mo, Yo."

"T-T-Talaga?"

Tumango si Joy at nang inalis ang pagkaakbay sa balikat ng kaibigan ko ay kaagad siyang nakahinga at lumapit sa 'kin.

"The sun is still high. Papasok na ba tayo?" tanong ni Phil.

Bumungisngis si Joy kaya lihim akong napangiti. "Pwede na rin. Baka kasi hanapin pa sila ng mga magulang nila."

Tumango si Phil at hinanda ang dalang video camera.

"Teka," pigil ko. "Pwede bang sabihin niyo sa 'min kung ano ang ginagawa namin dito?"

Tinuro ni Joy ang isang abandunadong building na ilang dangkal ang layo rito. "Nakikita niyo 'yan? Papasukin natin 'yan."

"Bakit? Project mo ba para sa school?" tanong ni Tiboy.

Ayan na naman ang tawa ni Joy na walang buhay. "Hindi 'no."

"Mag-g-ghost hunting tayo," sabat ni Phil.

Nagkunot-noo ako. "Ano? Ghost hunting?"

Tumango si Joy at pumalakpak pa, excited na excited.

"Game ako diyan!" si Reggie at nagpunta kay Phil para tulungan iyong isa pang video cam.

"Diyan?" sabay turo ni Oyo.

Dahan-dahang tumango si Joy at may nakakatakot na ngisi sa mukha.

Nagbuntong-hininga na lang ako. Ano ba 'tong pinasok namin?

Hindi naman talaga ako naniniwala sa mga multo. May scientific explanation ang mga ganyang bagay. Siguro meron ngang mga kaluluwa, pero iyong nanakot? Parang hindi siguro.

Tayo lang naman ang gumagawa ng takot sa utak natin. Nasa sa 'yo na 'yan kung patuloy mong paniniwalain ang sarili mo sa mga ganyang bagay.

Kaya naman nang nahinto kami sa tapat ng abandunadong building, medyo plain lang ang pakiramdam ko. 'Di kagaya ni Oyo na kanina pa iniimpit ang tili na parang teenager.

"Tsk, ang ingay naman," sabay baling ni Phil kay Oyo.

Pero hindi niya na 'yun narinig. Nakahawak siya kay Reggie na may hawak ding isang camera.

"Ano 'to? Ospital ba 'to dati?" tanong ni Tiboy.

"Oo," tugon ni Joy. "Nalugi raw kasi nasa rural area at walang pasyente." Ngumisi siya. "Tanga ba sila? Hindi ba nila naisip 'yun beforehand? Ang bobo."

"Kasi naman, iyon daw talaga ang rason kung ba't nila pinatayo 'to," si Phil. "Kaso, hindi nila alam na puputulan sila ng fundings."

"Ano pa bang inaasahan mo?" tahimik na sabi ni Joy na mukha ako lang ang yata ang nakarinig.

Sa sumunod na sampung minuto, halos sigaw at impit nina Oyo, Tiboy at Joy ang umaalingawngaw sa paligid. Ah hindi, sinasadya lang pala ni Joy iyon para takutin pa si Oyo.

Si Reggie naman tuwang-tuwa. Si Phil, halatang kinakabahan pero hindi pa naman ganoon katakot.

Nakapasok na kami sa unang palapag. Palubog na ang araw kaya medyo madilim na rin ang paligid kaya nakailaw na ang mga flashlight mula sa mga cellphone namin.

Nasa unahan si Reggie. Si Tiboy naman at Oyo na magkahawak-kamay ang nakasunod. Tapos ako at si Joy na nasa likuran ng dalawa para manakot, at sa huli naman si Phil para kuhanan din kami ng video.

"May mga multo ba talaga rito?" nanginginig na ang boses ni Oyo, parang malapit nang mapaos.

"Marami daw, lalo na kapag ala sais na ng gabi," ani Phil.

"Sa likod mo, Yo!"

Nang may tinuro si Joy ay kaagad na sumigaw si Oyo at tumalon kay Tiboy. Tumawa lang kami maliban kay Phil na mukhang naiinis na.

Nakakatakot naman talaga ang lugar. Parang ilang taon na talagang walang tao. Ang dumi ng paligid. Konti lang iyong kagamitan at halos puno ng cobwebs ang lugar.

Nang umakyat sa pangalawang palapag, tumaas na talaga ang mga balahibo ko nang makita ang hallway na sobrang dilim. May mga pinto sa bawat gilid nito, may mga nakabukas, may sarado rin.

Dumitdit si Joy sa 'kin at hinawakan ang braso ko. Mahigpit iyong hawak niya at malamig din ang mga kamay.

Nanatili ang flashlight ko sa daan. Baka kasi 'pag may inilawan ako ay may makita akong kakaiba.

"Pare...parang maiihi na ako," daing ni Oyo.

"Ako rin," ani Tiboy.

Nakahawak si Tiboy sa kanang braso ni Reggie at si Oyo naman sa kaliwa. Pareho na yatang nanginginig. Si Phil naman busy sa pagvi-video sa paligid.

Imbis na matakot, iyong utak ko lumilipad sa kamay ni Joy. Tahimik lang siya. Dahil sa dilim, hindi ko makita iyong mukha niya.

Natatakot na ba siya?

"Umuwi na kaya tayo?" ani Tiboy.

"Isang palapag na lang," si Phil.

"Anong isang palapag?" angal ni Oyo. "Sige ikaw na lang ang umakyat, huwag mo na kaming idamay."

"Sige, lumabas ka na. Dito lang kami. Hindi kasi kami duwag tulad mo."

"Pwede ba na mamaya na lang kayo mag-away?" ani Joy. "Baka ma-badtrip 'yung mga multo sa inyo. Kainis."

Singhal ang naging tugon ni Oyo.

Nang aakyat na sana sa ikatlong palapag, tumunog bigla iyong pinto at biglang bumukas. Nanigas kaming lahat at nagkatinginan.

Hanggang sa sumigaw si Oyo at tumakbo na sa kung saan. Pati na rin sina Reggie at Tiboy. Hindi ko na sila mahanap kasi tumakbo na lang sila sa kung saan. Pati na rin si Phil.

Ang lakas ng pintig ng puso ko. Lalo na nang magsimula kaming magkahiwalay. Baka kasi may maligaw at may mangyaring hindi maganda.

Hanggang sa hinawakan ni Joy ang kamay ko at hinila ako patakbo.

Sa totoo lang, nagsimula na akong matakot. Hindi naman talaga ako duwag pagdating sa mga ganitong bagay. Hindi rin 'to ang unang ghost hunting ko, pero ito 'yung pinaka-intense na lugar.

Pero hindi kasi iyong multo ang iniisip ko ngayon...kundi iyong kamay ni Joy na nakahawak sa 'kin.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.