More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 12

Chapter 12



"Bwisit...kainis...mga walang ambag sa lipunan...ba't pa ba kayo pinanganak sa mundo?"

Iyan lamang ang ilan sa mga halimbawa na lumalabas sa bibig ni Joy ngayon. Nakapaikot kami sa isang bonfire sa gilid ng madilim na daan. Ala syete na at nagugutom na rin kami. Mabuti na lang at may dalang mga junkfood si Phil at iyon ang pinagtiyagaan namin.

Pagkatapos naming magtakbuhan ay nag-uunahan kami papunta sa sasakyan. Muntik pa ngang maiwan si Reggie.

Okay na sana, eh, kasi pauwi na kami. Pinag-uusapan namin iyong nangyari, kesyo raw baka may makuha sila sa camera, kesyo may nakita raw si Tiboy na kung ano.

Nang mahinto bigla ang sasakyan, natahimik na naman kami.

"Baka sinusundan tayo ng multo, pare," sabi pa ni Oyo na muntik nang maiyak.

Iyon pala, na-flat lang ang gulong. Kaya bwisit na bwisit si Joy. Kanina pa may nagriring sa cellphone niya pero pinatay niya lang 'yun.

Nagtawag na rin ng tulong si Phil at may susundo raw sa amin at papunta na. Mukhang marami talaga siyang connections, eh.

Kumuha ako ng malaking junkfood at binuksan ito. Ibinigay ko ito kay Joy na kaagad naman niyang hinablot. Pinagbuksan ko na rin siya ng bottled water at inilagay sa may gilid niya.

Si Reggie iyong nakaisip na mag-bonfire pangontra sa malamig na hangin.

"Okay lang 'yan...papunta na raw sila," ani Phil.

"Bakit kasi ang lampa-lampa kung mag-drive. Hindi man lang chineck," bulong ni Oyo.

"Narinig ko 'yun, ha," si Phil. "Bakit? Marunong ka bang mag-drive? Hindi 'di ba...kaya 'wag kang mag-marunong."

"Ah, talaga-"

"Isang buka pa ng bibig, may ulong masusunog ngayong gabi," banta ni Joy.

Napa-zipper sa bibig si Oyo at si Phil naman ay napatikhim. Mahina akong natawa sa mga reaksiyon nila. Parang mas takot pa yata sila kay Joy kesa sa multo, eh.

"Maglaro na lang kaya tayo," sabi ni Tiboy.

"Mabuti pa nga," sang-ayon ni Reggie.

Kinuha ni Joy ang tubig na inihanda ko at ininom iyon, nakasimangot pa rin pero mukhang interesado.

"Anong laro naman 'yan?" tanong ko sabay tanggal ng salamin ko. Nilinisan ko ito gamit ang laylayan ng damit.

Nang ibinalik ko ito ay nakatingin na sa 'kin si Joy. Mapayapa iyong mukha niya at nakatitig sa 'kin diretso sa mata. Naging inosente ang mukha niya...napakagandang tingnan. Nagre-reflect din sa kanya iyong ilaw ng apoy.

Anong iniisip niya? 'Tsaka ba't siya nakatingin sa 'kin?

Tumingin na ulit siya sa apoy at nakatikom ang bibig. Tumikhim ako at kinuha iyong tubig at uminom mula rito. Kaso nahinto ako nang matanto na lumapat din pala iyong bibig ni Joy rito.

Naubo tuloy ako bigla.

"TMI game," sabi ni Tiboy.

"Ano ba 'yan, nakakaumay!" ani Oyo.

"Iyon na lang. Pagod naman tayong lahat para gumawa ng iba," ani Tiboy.

"Anong TMI game?" tanong ni Phil.

Too Much Information game, iyon ang ibig sabihin nun. Nang magkatinginan kami ni Tiboy, kaagad kong nakuha ang punto niya.

Gusto niya ring malaman ang mga tinatago ni Joy.

Laro kasi ito na kailangang magbigay ng mga impormasiyon na hindi alam ng iba. Kapag may nakaalam na nun, automatic na gagawin niya ang dare. Ipinaliwanag iyon lahat ni Tiboy.

Kaso bawal ang mga follow up questions.

Nalaro na namin ito nung may retreat sa high school. Boring naman talaga 'to, pero nang dahil kay Joy, bigla akong naging ganado.

"Game," sabi ni Joy na ikinagulat ko. Akala ko kasi aayaw siya.

Uuna si Tiboy tapos sunod-sunod na kung sino sa kanan. So, si Oyo ang susunod, tapos si Phil, ako, si Joy at si Reggie.

"Teka, teka, teka," pigil ni Oyo. "Pati na rin sa 'tin? Kailangan ba hindi niyo rin alam?"

Tumango si Reggie.

"Paano 'yun? Eh, halos alam niyo na pagkatao ko."

"Pati nga ang lahat ng mga buto mo, eh, nabilang ko na," ani Tiboy.

"Ha ha ha."

Pagkatapos ng ilang bangayan ay nagsimula na kami.

"May sugat ako sa binti," sabay ngiti ni Tiboy. "Kaninang umaga lang kaya hindi niyo alam, haha!"

"May plano akong magpakalbo ngayong Sabado," sumunod naman si Tiboy.

Tumawa si Reggie. "Huwag, pare...maawa ka. Magmumukha kang posporo."

Malakas na natawa si Phil kaya sinamaan siya ng tingin ni Oyo.

"Binasted ako ng nililigawan ko kagabi," ani Phil.

"Woah, talaga?" si Joy. "Si Faye? Bakit naman?"

"Ganyan talaga kapag masama ang ugali," pagpaparinig ni Oyo kaya sinamaan din niya ito ng tingin.

Nagsukatan sila ng tinginan, kaso nang tumikhim si Joy ay para kaagad silang nag-ngitian...ng peke.

"Ano..." sabi ko at nag-isip. "Nagnakaw ako kay Mama ng 500 last week."

"Huh?!" si Reggie. "Pare, ang sama mo na, ha!"

Nakipag-handshake si Oyo sa 'kin. "Congrats pare, nagawa mo na rin."

Umiling ako bilang depensa. "May ambagan kasi kami sa kagrupo ko, 'tsaka wala si Mama-"

"Sus, kahit na," ani Tiboy. "Isang malaking pagbabago 'yan."

Napailing ulit ako. Puro na lang talaga kalokohan.

Pero kaagad kaming tumutok kay Joy...

Tumikhim siya. "Hindi naman talaga ako nakatira sa Safe Haven."

Nagkunot-noo ako. Pati si Phil parang hindi rin niya alam. Alam ko na marami pa silang tanong kaso walang naglakas ng loob na magsalita.

"May bago na naman akong chicks."

"Na naman, Reggie?" sabi ni Oyo.

Nagpatuloy ang laro kaso lumilipad iyong utak ko. Kaya ba binigyan ako ng ID noong nakaraan? Kaya ba sinabi ni Nurse Imelda na baliw siya kasi...pasyente siya roon?

Pero ba't siya nakakapasok sa school at nakakalabas?

"Masakit ang ngipin ko," sabi ko nang ako na.

"Nag-research ako para maghanap ng time machine."

"Uy, alam ko 'yan," sabay turo ni Phil kay Joy.

"Hindi mo 'yan alam Phil kasi akala mo biro lang. Tinotoo ko 'yun. Kung titingnan niyo ang kwarto ko, may dingding roon na puno ng mga clippings."

Ang weird naman ng mga hilig niya. Mas naging interesado tuloy ako.

Kung anu-ano na lang ang mga sinabi namin. Lalo na iyong kina Oyo at Reggie, pu na lang kalokohan. Sumasabay na nga si Phil. Pero iyong kay Joy kasi...

"3rd year college na sana ako ngayon. Magka-batch lang kami ni Phil. Kaya mas matanda pa ako kesa sa inyo."

"Na-try ko nang mag-drugs noon. Konti lang. Hindi pa naman ako nahuhuli."

"Naging witness na ako sa isang pagnanakaw."

"May nilason akong aso na pagala-gala sa ospital."

Masyado niyang sineryoso...at lahat 'yun ay nakakakilabot.

Bigla tuloy kumapal ang tensiyon kahit nagbibiruan sina Oyo at Reggie para maibsan naman kahit papaano.

Nang ako na ay malalim akong nag-isip. Parang alam na kasi nila lahat. Napakamot ako sa batok hanggang sa may naisip ako...kahit hindi sigurado...

"Naka-move on na ako kay Mayumi..."

Katahimikan.

Nang ini-angat ang tingin, nakangiti sa akin ang mga kaibigan ko.

"Maganda 'yan, pre," ani Tiboy.

"Congrats, kailangan kong magpa-tarpaulin bukas," si Oyo.

"Sira," sabi ko at natawa na lang.

Nakatingin si Joy sa 'kin, seryosong-seryoso. Kaso inirapan niya lang ako.

"Mahilig ako kay spongebob," sagot niya.

Tinuro ko siya. "Alam ko 'yan!"

Nagkunot-noo siya. "Bakit mo alam? Imbento."

"Hindi ako nag-i-imbento, ah! Noong nakaraan kasi, nakasuot ka ng ternong pajama at t-shirt na may print na spongebob."

"Tapos?"

"Tapos, na-conclude ko na mahilig ka nga."

"Imbento. Conclusion mo lang 'yan."

"Hindi, nga."

"Teka," sabat ni Reggie. "Nagkikita kayo?"

Natahimik ako, hindi alam kung ano ang ibig niyang sabihin. Nakaabang silang lahat sa amin. Natutop ang bibig ko kaya naman tumingin ako kay Joy na walang emosyon ang mukha.

"Nandito na sila," sabay turo niya sa may daan.

May dalawang sasakyan na nagsidatingan kaya naman nagligpit na kami. Hindi tuloy namin nasagot ang tanong nila.

Nagkasama kaming lahat sa isang itim na SUV. Iyong saskayang sira naman, hinila nung isa pang sasakyan.

Halos tulog ang lahat maliban na sa 'kin at kay Phil na nasa shotgun seat. Magkatabi kami ni Joy sa second seat at iyong tatlo naman ay sa backseat.

Kaya naman nagkaroon ako ng pagkakataong tingnan siya. Kahit tulog, nakasimangot pa rin.

So, mas matanda siya sa 'kin ng dalawang taon? Pero kahit ganun, ang bata niya pa ring tingnan.

Dahan-dahan kong pinindot ang nunal niya sa ilong at palihim na ngumiti.

Sayang at hindi natapos 'yung laro. Gusto ko pa kasi siyang makilala. Parang may sekreto pa akong gustong malaman...

Kasalukuyan akong nasa palengke at namimili ng mga gulay. Inutusan kasi ako ni Mama kesyo raw ginabi ako masyado kagabi at galit na galit daw siya sa 'kin.

Kaya naman pumunta na rin ako. Nakasablay iyong basket sa braso ko at puno na ito ng kung anu-anong gulay.

Isa na lang ang kulang sa listahan ko, ang repolyo. Kaya naglakad ako papasok papunta sa may suki namin.

Sakto namang naroon si Mayumi. Nakapambahay lang siya at may hawak na mga eco bag. Ganun pa rin siya...maganda at simpleng-simple.

Napaisip tuloy ako sa sinabi ko kagabi. Tapos na ba talaga ako sa kanya?

Nagulat siya nang mapansin ako. Tumango ako sa kanya. Naging awkward tuloy.

Mas lumayo siya kaya may malaking pagitan sa gitna namin. Pumili na ako ng repolyo at binayaran ito. Ibinalot ito ng tindera sa plastik at inilagay ko 'to sa basket.

Pumipili si Mayumi ng mga kamatis at parang pinaglalaruan lang 'yun. Kilala ko siya kaya alam ko na kinakabahan siya ngayon.

"Kamusta ka na?" tanong ko. "Ilang buwan na rin."

Pilit siyang ngumiti. "Ah, oo. Ilang buwan na nga."

Inayos niya iyong bangs niya at ibinigay iyong mga kamatis para timbangin.

"Mauna na ako," paalam ko.

"Sige, Lester..."

Tumango ulit ako bago tumalikod.

Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Wala...wala akong naramdaman.

Nandun pa rin naman 'yun pero parang...panghihinayang lang 'yun sa pakikipagkaibigan namin. Tama, panghihinayang lang lahat.

Sayang din naman kasi. Magiging maganda sana siyang kaibigan.

Maaalahanin kasi siya. Mother figure kumbaga. Siya iyong nagpapaala sa 'kin sa mga project na kailangan kong gawin noon. Siya rin iyong alarm clock ko.

Kaya naman nung mga panahon bago kami nagkahiwalay, medyo mahirap kasi hindi na niya ulit ginagawa iyon.

Masyado kasi akong umasa sa kanya...at hindi ko dapat iyon ginawa.

Pero sa ngayon, masasabi ko na talaga na...tapos na nga ako sa kanya.

Tapos na tapos na.

Malaking buntong-hininga ang pinakawalan ko. Nasa hapag-kainan kami ni Lovely at gumagawa ng mga assignment. Gabi na pero hindi pa rin kasi ako inaantok kaya naman tinulungan ko na lang siya.

Malaking buntong-hininga rin iyong pinakawalan niya.

"O, problemado ka yata?" tanong ko.

"Malaki nga ang problema ko, Kuya."

"Bakit naman?"

"Ang sakit sa ulo ng mga estudyante, eh."

Officer kasi siya sa eskwelahan nila. Halos tuwing sabado nga ay may lakad siya. May pa-meeting kasi sila lagi.

"Ayan kasi, pasali-sali pa sa mga ganyan, eh hindi mo naman kaya."

Kinamot niya nang marahas ang ulo kaya nagulo iyong buhok niya. "Ito kasing si Ate Happiness, eh. Nakakainis."

Biglang na-alarma ang tenga ko. Happiness? Si Joy?

"Bakit? Anong problema?" tanong ko.

Parang paiyak na siya. "Nakipagbugbugan sa lalaki niyang kaklase. Kahit lagpas tatlo na ang warning niya, pinagbibigyan pa rin siya ng school. Ang unfair-unfair!"

Nakipagbugbugan? Ano na namang gulo ang pinasok niya?

Hindi ko pinahalata na nagulat ako kasi hindi naman niya alam na kilala ko nga siya.

Kaya naman kaagad akong nag-chat sa kanya nang matutulog na sana.

Silvester:
Hi.

Ilang minuto pa ay biglang tumunog ang cellphone ko.

Joy:
H3LL0
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.