More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 13

Chapter 13



Silvester:
Okay ka lang ba?

Joy:
Ba't m0 natan0ng?

Ginulo ko ang buhok sa inis. Tinitigan ko ang mga chat niya...ba't ba siya nag-e-effort masyado para mag-type nang ganyan?

Silvester:
Wala lang.

Joy:
Ah,,, 0kaY

Silvester:
Ganyan ka ba talaga mag-type?

Hindi na siya nag-reply. 9 PM na rin at baka patulog na si Joy. Hindi rin naman siya marunong magpaalam kaya hindi ko na rin inasahan pa na makatanggap ng reply.

Kaya naman nang nakipag-video call siya ay automatic kong inayos ang buhok ko. Tumikhim pa ako bago ito sinagot.

"Hello?" sabi ko.

Naka-off ang camera niya kaya in-off ko na rin iyong akin.

"Ipakita mo ang mukha mo," sabi niya sa kabilang linya.

"Bakit naman? Hindi mo nga ipinakita ang mukha mo, eh."

"Gawin mo na kasi. Ang pabebe naman," pagmamaktol niya.

Inayos ko ulit ang buhok ko at sumandal sa headboard. Binuksan ko ang camera ko.

Ang weird. Hindi ako sanay na may ka-video call. Kahit kay Mayumi noon, hindi kami gumagamit ng ganito. 'Tsaka, nakakailang kasi mukha ko lang 'yung nakikita ko sa screen.

Inayos ko ang salamin ko. "Ba't ka napatawag?"

"Judgemental ka kasi."

"Teka...anong-"

"Ganun talaga ako mag-type." Narinig ko ang paghinga niya nang malalim. "Nakakatuwa nga. Challenging."

Natawa ako. "Anong challenging?" Umiling ako. Kakaiba talaga siya mag-isip.

Natahimik kami. Naalala ko 'yung sinabi ni Lovely. Gusto kong magtanong pero hindi ko alam kung paano ko sisimulan.

"Ipakita mo naman ang mukha mo," mahina kong pakiusap.

"Bakit? Gusto mo ba akong makita?"

Natutop ko ang bibig ko. "Hindi naman sa ganun. Weird kasi na mukha ko lang ang nakikita ko."

Mahina siyang natawa. "Punta ka rito."

"Ha?"

"Ikaw. Pumunta ka rito."

"Ngayon?" 9:30 PM na at tulog na sina Mama. Nahihibang na ba siya?

"Gusto mo akong makita, 'di ba? Nasa playground lang ako."

"Teka-"

Bigla niyang ibinaba ang tawag. Nakita ko na online na siya at kung anong dahilan ang chinat ko pero hindi siya nagrereply. Kahit seen hindi niya man lang ginawa.

Nagbuntong-hininga ako at ginulo ang buhok. Kumuha ako ng jacket at pitaka at dahan-dahang lumabas sa kwarto.

Nakapatay na lahat ng ilaw at tulog na yata sila. Hindi siguro nila ako mababantayan. Kaya naman nakalabas ako sa bahay na parang ninja.

Alas onse ang last trip ng jeep dito sa amin kaya naman kampante ako na makakauwi pa ako ng buhay.

Habang naglalakad sa makitid na eskinita papasok sa Safe Haven, napayakap ako sa sarili kasi malamig ang simoy ng hangin.

Full moon ngayon, kaya medyo maliwanag ang gabi. Dahil din rito, nakikita ko iyong daan.

Ba't ba ako nandito? Parang isang pakiusap niya lang, o-oo na kaagad ako. At saka, lagot talaga ako kay Mama kapag nalaman niya 'to.

Sa likod ng utak ko, may maliit na kutob...maliit na pag-asa na sana malaman ko kung bakit siya napaaway. Nag-aalala ako kahit hindi naman kailangan...siya si Joy, eh.

Kinilabutan ako nang makita siyang nags-swing sa ilalim ng napakalaking buwan. Nakadungaw siya roon.

Nakalugay ang buhok niyang napakataas na sumasabay sa pags-swing. Naka-night gown siya. Mataas ito at parang iyong damit mula sa nakaraan.

Sa madaling salita, para siyang multo.

Hindi siya napapansin ng guard kasi tulog ito sa upuan habang nakakrus ang braso.

"Ang tagal mo, ha," aniya nang makalapit ako.

Umupo ako sa katabing swing. "Iyong jeep kasi-"

"Masaya ka na?"

Nagtaas ako ng kilay.

Tumingin ang walang buhay niyang mga mata sa akin. "Masaya ka na bang makita ako?"

Nag-iwas ako ng tingin. "Ang taas talaga ng confidence level mo 'no?"

Ngumisi siya. "Kunwari ka pa. Eh, bakit ka pumunta rito?"

"Kasi-"

"At huwag mong i-dahilan sa 'kin na sinabi ko kaya ka nagpunta rito."

"Hindi...narinig ko kasi na napaaway ka sa school mo."

Natahimik siya at patuloy na nakadungaw sa malaking buwan. "Iyong tsismosa mo bang kapatid ang nagsabi sa 'yo."

Nagkunot-noo ako. "Hindi tsismosa si Lovely."

Nagbuntong-hininga siya. "Tsismosa siya."

Hindi ko na lang pinatulan pa. Alam ko rin naman na hindi ako mananalo sa kanya.

"Bakit ka napaaway?" mahina kong tanong.

Nagsimula ulit siya sa pags-swing. "Magkagrupo kami. Tapos inutusan niya ako."

"Kaya mo siya sinuntok?"

Tumango siya.

Napangisi ako na may halong panunuya. "Malamang normal lang na utusan ka niya kasi magkagrupo kayo."

Magkatagpo na ang mga kilay niya nang tumingin sa akin. "Nakakainis kaya."

"Ano bang inutos sa 'yo, ha?"

Nag-iwas siya ng tingin. "Mag-submit ng family tree."

May mabigat na hangin sa paligid. Tinikom ko ang bibig at tumingin na rin sa buwan.

"Gusto niya akong gumawa ng family tree...nakakainis, 'di ba?" dagdag pa niya.

Walang emosyon ang mukha ni Joy. Ito rin ang problema, eh. Hindi ko siya mabasa. Hindi ko maturo kung masaya ba siya...o malungkot...nakakalito.

"Sinabi ko naman sa kanya na wala akong mga picture kaso matigas talaga ang ulo, eh. Kaya sinuntok ko na...matigas nga talaga. Sumakit nga 'yung kamao ko."

Lihim akong napangiti.

"Kasi...paano ko naman gagawin 'yun? Totoo naman na wala talaga akong picture tapos...patay na rin sila..."

Parang may malaking tinik na humarang sa lalamunan ko. Hindi ko 'yun inasahan...

Unang beses siyang nagsabi ng tungkol sa sarili niya. At kung patay na nga talaga, naawa ako. Kaya ba siya ganyan?

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Pero nang tumayo siya at magsimulang maglakad papasok sa ospital, alam ko na kailangan ko na ring umalis.

Nang gabing 'yun, nanaatili si Joy sa utak ko. Pati na rin iyong sinabi niya tungkol sa mga magulang niya. Nakaka-curious kasi.

Paano namatay? Sabay ba? Magkahiwalay ba? Anong edad niya nang mawala sila? Kaya ba siya nasa ospital?

Gusto kong alamin 'yun isa-isa, pero kailangan ko pang maghanda. May kutob kasi ako na parang hindi ko kakayanin.

"Sa wakas at nakita ko na rin," sabi ko sabay kuha ng libro na tungkol sa Biology.

Nasa bookstore ako para maghanap ng mga magagandang libro. Matindi kasi iyong exam namin. Mas nakakapag-focus din ako kapag libro ang ginagamit kesa sa internet.

Nang pumunta ako sa kabilang shelf, nagkita kami ni Phil na may dala ring mga libro.

"Uy, kamusta?" tanong niya.

"Okay lang naman."

Tumingin siya sa mga dala ko. "Biology? Bio ba ang course mo?"

Umiling ako. "Nursing."

"Talaga? Magnu-nurse ka?"

"Preparatory for Med school."

"Ah, magdodoktor," sabay tango niya.

"Engineering?" tanong ko sabay turo sa mga librong dala niya.

Natawa siya at umiling. "Ah, oo."

Magpapaalam na sana ako nang may tinuro siya sa shelf na malapit sa 'kin.

"Tingnan mo 'to." Tuwang-tuwa siya nang kumuha ng isang horror book na may whhite lady sa cover. "Parang si Joy lang."

Pareha nga sila nung white lady. Mataas ang buhok tapos naka-bestida pa. Mahina akong natawa.

Ibinalik niya iyon sa shelf. "Akalain mo, nagkagusto ako sa isang mukhang white lady."

"Teka...gusto mo siya?" tanong ko.

"Noon, oo. Pero ngayon, hindi na. Kaibigan na lang. 'Tsaka, alam ko naman na basted na ako kaya hindi ko na rin itinuloy."

Napanganga ako. Si Phil? Kay Joy?

"Bakit?"

Natawa siya. "Anong bakit?"

"Bakit...bakit ka nagkagusto sa kanya? 'Tsaka, ano ang nagustuhan mo roon?"

Natawa ulit siya. "Naiintindihan ko kung bakit ka ganyan, okay? Napaka-imposible kasi-"

"Sobrang imposible," putol ko.

Siya si Joy, eh. Ang hirap nun intidihin. Masungit. Mayabang. Walang modo.

"Ewan ko rin nga. Pero noon na 'yun. Tapos na," sabi niya.

Nagpaalam na siya sa 'kin at umalis na. Umiling ako. Ang weird. May nagkaka-crush din pala sa kanya.

Nang hapon na 'yun, naabutan ko si Lovely sa sala na tulala habang may mga papel na nagkalat sa mesa.

Kumaway ako sa harapan niya at pinalo niya 'yun.

"Aray!" daing ko.

"Harang kasi nang harang," sabi niya at sumandal sa sofa.

"Ang sungit ha." Inilagay ko iyong pinamili sa katabing upuan.

"Kuya..." tawag niya. "Naalala mo iyong si Ate Happiness? Iyong weird na babaeng sinabi ko sa 'yo nung nakaraan. Iyong may kaaway."

Dahan-dahan akong tumango at nagkunwari na hindi ko masyadong maalala.

"Bakit naman?" sabay upo sa tabi niya.

"Kasi, may sumundo sa kanya kanina. Babae. May magarang sasakyan. Big time yata siya."

"O, tapos?"

"Hindi ako sure kung kamag-anak niya ba 'yun pero parang magkamuha sila nung babae. Tapos pumipiglas siya pero may nakahawak sa kanya na mukhang bodyguard. Para bang ayaw niyang sumama."

"T-Talaga?"

"Tapos ito pa. Nagpunta kasi ako sa office kanina, tapos nakita ko iyong record niya. Eh, may nalaman ako."

Dumikit ako sa kanya. "Anong nalaman mo?"

"Pasyente siya sa isang mental hospital, Kuya. Pasyente. Napaisip ako, anong ginagawa ng isang pasyente sa school, 'di ba? Delikado 'yun. Baliw ba siya?"

Nagkunot-noo ako. May kutob naman talaga ako na baka nga ganoon, pero nang makumpirma ko...parang ang hirap paniwalaan.

Kasalungat kasi lahat ng mga nalalaman ko at iyong mga sinasabi niya.

Ano ba kasi ang totoo, Joy?
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.