More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 14

Chapter 14



Hanggang saan ba ang kaya kong gawin para sa katotohanan?

Ilang gabi akong hindi makatulog sa kakaisip tungkol sa mga nalaman ko. Parang wala kasing sense. Kahit pagtagpi-tagpiin ko iyong mga patay na magulang ni Joy, iyong babaeng kamukha niya, at iyong pagiging pasyente niya sa ospital, wala talaga eh.

Kaya naman naisipan kong gumawa na talaga ng aksyon.

Nag-cutting ako sa hapon at naghintay sa bukana ng makitid na daan sa may likuran ng eskwelahan niya. Iyong shortcut papuntang Safe Haven.

Ala una pa ako rito at ilang oras na akong nakaupo sa may damuhan habang inaabangan ang pagdating niya.

Sa totoo lang, para akong manyakis sa lagay na 'to. Pero ano pa ba ang magagawa ko?

Alas kwatro nang bigla ko siyang makita. Naka-itim na bestida siya tapos may mga print ng bulaklak dito. Nakatali rin ang mataas niyang buhok at naka-boots.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya.

"Wala. Gusto lang kitang makita."

Hindi siya natinag sa pagtitig sa 'kin na may pagtataka sa mukha. Nakatitig siya na para bang nasisiraan na ako ng bait.

"Totoo nga-"

Hindi ako nakatapos nang bigla siyang magtapat ng ballpen sa gitna ng lalamunan ko.

"Magsasabi ka ba ng totoo o hindi?" mabagal niyang sabi.

Napalunok ako at hinawakan ang kamay niya para ilayo ito kaso ang lakas niya kaya tumango na lang ako.

"M-Magsasalita na ako," sabi ko.

Doon niya lang ibinaba ang ballpen. "Anong sasabihin mo?"

Sinabayan ko na siya sa paglalakad.

"Kasi-"

"Ah, nagsumbong ba ulit iyong tsismosa mong kapatid? Ano na naman bang sinabi niya ngayon?" Nahinto siya at matalim ang tingin sa 'kin. "Iyon bang nakita niya na kinakaladkad ako ng bodyguard papasok sa sasakyan?"

Umiling ako. "Hindi iyon."

Nagtaas lang siya ng kilay, hinihintay kung ano ang lalabas sa bibig ko.

"Iyong tungkol sa pagiging pasyente mo sa ospital na pupuntahan mo ngayon."

Nagulat siya...nakita ko 'yun. Pero mabilis niya itong tinabunan ng inis. Nag-iwas siya ng tingin.

"Totoo ba 'yun?" mahina kong tanong.

Imbis na magsalita, naglakad siya papunta sa pinagmulan namin.

"Joy...totoo ba 'yun?" tanong ko ulit.

Nahinto siya at humarap sa 'kin. "Bakit ko naman sasabihin sa 'yo? Magkaibigan ba tayo?"

Napanganga ako. Anong ibig niyang sabihin? Ba't niya 'yun tinatanong?

Lumapit siya sa 'kin, puno ng galit ang mukha. "Bakit kita sasagutin? Wala naman akong tiwala sa 'yo..."

Hinamon ko siya sa tinginan. Kaso hindi ko kaya, eh...imbis na sa mga mata niya tumingin, nagpunta ang mga mata ko sa kabuuan ng mukha niya.

Iyong nunal sa gitna ng tulay ng ilong...iyong maninipis niyang labi...sa pisngi...

"Eh, ano 'yung lahat ng pinagsamahan natin?" tanong ko. "Ano 'yun lahat?"

Ngumisi siya. "May gusto ka ba sa 'kin?"

Nagkunot ako ng noo, hindi makapaniwala sa naging tanong niya.

"May gusto ka ba sa 'kin?" ulit niya.

Napalunok ako nang tumingin ulit sa kabuuan ng mukha niya. Sa isang iglap, para bang naging perpekto siya. Hindi ko maintindihan...

"W-Wala...wala akong gusto sa 'yo." Tumikhim ako. "Gusto ko lang naman magtanong kung totoo ba 'yun."

Napalunok siya. "Paano kung sasabihin kong oo? Anong gagawin mo? Tatakbo ka ba?"

Sa pagsagot niya, alam ko na kaagad ang totoo. Pero bakit ganun? Bakit para siyang takot? O baka guni-guni ko lang siguro 'yun. Hindi kasi makatotohanan kung iisipin kong natatakot si Joy.

Dahan-dahan akong umiling. "Hindi. Nagtatanong lang naman ako...wala naman akong gagawin..."

Nagbuntong-hininga siya at yumuko. "Lester, pwede bang dalhin mo ako sa isang ligtas na lugar?"

Hindi mo talaga ma-e-expect ang takbo ng utak ni Joy. Gusto kong paniwalaan na gumagawa lang siya ng palusot, pero mukhang pagod na pagod siya.

Sa totoo lang, hindi ako lumalabas sa bahay maliban na lamang sa school at sa gym kapag naglalaro ng basketball, kaya naman wala akong maisip na ligtas na lugar.

Sa pulis ko ba siya dadalhin? Ligtas doon, 'di ba?

Napakamot na lang ako sa ulo ko.

"Anong ginagawa niya rito?!" Nakakrus ang braso ni Lovely sabay pagtaas ng isang kilay habang nakatingin kay Joy.

Tinaasan din siya ng kilay ng katabi ko, nakikipaghamunan.

"Ikaw ba 'yung sa Safe Haven?" tanong ni Mama.

Lumambot ang mukha niya at tumango. "Opo. Ikaw 'yung nagpakain, 'di ba? Alam mo ba? Akala ko chef iyong nagluto ng lahat ng 'yun. Ikaw lang pala!"

Humagikhik si Mama. Dilat na dilat ang mga mata namin ni Lovely. Kulang na lang tawagin niyang Gina 'yung Mama ko.

"Ma..." tawag ko. "Pwede bang dito na muna siya ngayong gabi?"

"Huh?!" ani Lovely. "Bakit, ha? May bahay ka naman, 'di ba?" Binigyang bigat niya ang salitang 'bahay'.

Pinandalitan ko si Lovely kasi alam ko ang ibig niyang ipahiwatig. Parang sinabi niya na rin na bumalik siya sa mental hospital.

"Ano ka ba," saway ni Mama sa kanya. "Bumili ka nga ng softdrink sa tindahan."

"Mama naman, eh," sabay kamot ni Lovely at naglakad papunta sa kwarto.

"Halika," tawag ni Mama kay Joy na may malawak na ngiti. "Ano ang paborito mong ulam?"

Nagbuntong-hininga ako nang pumasok silang dalawa sa kusina. Lumabas muli si Lovely at may pera nang dala.

"Anong ginagawa nun dito? At bakit kayo magkasama, ha?!" pasinghal niyang bulong.

"Teka-"

"Anong teka? Paano kayo nagkakilala?"

Napahawak ako sa sentido ko. "Lovely-"

"Kuya, huwag mong sabihin na all this time kilala mo na pala siya?"

"Hindi naman sa ganun..."

Naputol ang usapan namin nang lumabas sina Mama. Lumabas na rin si Lovely para bumili ng softdrink.

Kitang-kita ko na natutuwa talaga si Mama na nandito si Joy na nahahalata mong peke ang mga ngiti. At pinagluto niya talaga ito sa paborito niyang ulam: Sinigang na hipon.

Allergic si Lovely sa hipon kaya naman nagprito si Mama ng isda at iyon ang kinain niya. Kung nakakamatay lang ang tingin, nasa ilalim na siguro sa lupa si Joy. Halos hindi nilulubayan ng kapatid ko ang katabi ko ngayon.

Pero dedma lang naman si Joy. As if maapektuhan siya.

"Naku, ang sarap po nito!" sabi ni Joy sabay tingin sa 'kin. "Ang swerte mo sa Mama mo, ah. Sana all."

Humagikhik si Mama. "Ano ka ba, hindi naman masyado."

"Nag-aral ka po ba kung paano magluto?"

"Hindi 'no...ewan ko ba pero nakakapagtaka talaga na ang daming nasasarapan sa luto ko kahit wala naman akong ginagawa."

Iyan talaga ang tinatanong ni Mama sa 'min. Kasi kahit anong gawin niya, ang sarap talaga niyang magluto. Kaya siya palagi ang nakatoka sa kusina lalo na kapag may mga aktibidad sa barangay.

"May magic ka po ba?" Ngayon, seryosong-seryoso ang mukha ni Joy.

Lihim akong ngumiti nang pinagmasdan siya. Inaabangan niya ang sagot ni Mama at bahagya pa siyang nakanganga.

Nang magkatinginan naman kami ni Lovely ay nakakunot na ang noo niya sa 'kin.

"Bakit?" lihim kong bulong.

Pinaningkitan niya lang ako ng mga mata at inirapan.

"Lovely," tawag ni Mama, "kumuha ka ng mga baso roon."

"Mama naman, eh! Si Kuya na lang kaya."

"May bisita ang kuya mo. Sige na."

Padabog na tumayo si Lovely. "Bisita ba 'yan, ha? Tsk, kainis." Pero pumasok pa rin siya sa kusina.

"Pasensiya ka na sa kanya, hija," pagpapaumanhin ni Mama.

"Sanay na po ako. Ganyan talaga siya sa eskwelahan."

Humagikhik lamang si Mama at nagpatuloy na sila sa pag-uusap.

Inihanda ko ang bakanteng kwarto para sa kanya. Maliit lang ito at parang stock room na rin pero malinis naman. Nilagyan ko na rin 'to ng mga unan at bagong kumot.

"Okay ka na ba rito?" tanong ni Mama.

Inikot ni Joy ang paningin niya sa kwarto at pilit na ngumiti. "Medyo maliit pero okay na."

Tumawa si Mama at hinaplos ang buhok niya. "Matulog ka nang maayos, ha? May extrang damit na rin dito. Medyo maliit si Lovely kaya mga t-shirt 'yan ni Lester."

Ngumisi siya at tumingin sa 'kin. "Talaga?"

Tumango ako.

"Ang taas ng buhok mo, hija," ani Mama.

"Oo nga po, eh."

"Gusto mo bang putulin ko 'to-"

"No, thanks." Biglang sumeryoso ang mukha niya at isinara ang pinto.

Nagkatinginan kami ni Mama. Nag-aalala ako kasi baka magalit siya kaso may ngiti sa labi niya.

"Gusto ko siya," bulong ni Mama.

"Tara na, Ma," yaya ko sa kanya.

Habang naglalakad, umakbay ako sa kanya. "Pasensiya na kayo, ha, dinala ko siya rito. Nakiusap kasi, eh."

"Ano ka ba, okay lang kaya." Humarap siya sa 'kin. "Kaano-ano mo ba 'yun? Girlfriend?"

Kaagad akong umiling. "N-Naku...hindi po."

Ngumiti siya at parang hindi naniniwala. Hinayaan ko na lang din.

Nang humiga na ako sa kama, napatitig ako sa kisame. Ang dami kong kailangang gawin pero hindi ko magawa-gawa.

Nadi-distract kasi ako lalo na at nandito si Joy. Hindi ko alam ang mga plano niya, pero kahit ganun, malaki pa rin ang tiwala ko. Nakakalito nga.

11 PM na pero hindi pa rin ako makatulog kaya bumangon ako para uminom ng tubig. Nang pumunta sa kusina, napansin ko na nakabukas ang pinto ng konti at hindi naka-lock.

Tsk, si Lovely talaga, nalimutan na namang isara ang pinto.

Napabuntong-hininga ako at nagpunta roon, kaso nang sumilip sa labas, nakita ko si Joy na nakaupo sa damuhan sa harap ng bahay.

Kung hindi mo kilala, mapapaisip ka talaga na isa siyang white lady. Nakatalikod siya sa 'kin at halos buhok ang nakikita ko.

Malaki at maliwanag ang buwan at nakadungaw siya rito.

Dahan-dahan akong lumapit at umupo sa tabi niya.

"Gabi na, ah. 'Tsaka maraming lamok dito," sabi ko.

Hindi man lang siya nagulat. Nagbuntong-hininga siya. "Gabi na, ah. 'Tsaka maraming lamok dito."

"Hay, pambihira," sabi ko.

Napangisi siya. Suot-suot niya ang itim kong t-shirt at ang pajama kong bugs bunny. Napansin ko ang kumikinang niyang anklet, iyong nakita ko sa may pub...pero bukod pa roon, may napansin pa ako.

Sa may bukong-bukong, may peklat na nakapaikot dito. Namumula ito at parang...tali. Unang beses kong makita ang paa niya kasi lagi siyang naka-boots at naka-medyas.

Nakatingin na siya sa 'kin nang tumingin ako sa kanya. Sanay na ako na walang emosyon ang mga mata niya...pero ngayon, may nakikita ako kahit malabo.

Kalungkutan.

"Anong nangyari diyan?" mahina kong tanong.

Natahimik siya ng ilang segundo. Dumungaw ulit siya sa buwan. "Ang ganda ng buwan 'no? Full moon."

Napalunok ako at dumungaw rin dito. Oo nga...

Kulay dilaw ito at buong-buo. Ganun din iyong buwan nang pinapunta niya ako sa ospital.

Ang dami kong tanong sa kanya, pero nasa dulo lahat ng dila ko. Hindi ko masabi-sabi kasi nag-aalala ako na baka hindi niya magustuhan.

Na baka 'pag pinilit ko ay lalayo siya sa 'kin.

"Sabi nila, kapag full moon daw, lumalabas daw ang mga baliw," aniya, nakadungaw pa rin. "Naniniwala ka ba roon?"

"Narinig ko na ang sabi-sabi na 'yan, pero hindi naman. Psychological 'yun, 'tsaka anong kinalaman ng buwan, 'di ba?"

"Ako kasi...naniniwala..." mahina niyang sabi.

Bumagsak ang tingin ko sa mapayapa niyang mukha. Dahil sa liwanag ng buwan, nakikita ko ang nunal niya sa tulay ng ilong. Maliit ito pero klarong-klaro ko.

"Hindi ako baliw, Lester," sabi niya. "Hindi ako baliw."

Tumingin siya sa 'kin at ngayon...pagod ang nakita ko. Pagod na pagod na siya...pero ano ang dahilan?

Nang bumisita si Nurse Imelda sa bahay namin noong nakaraang buwan, inusisa siya ni Mama tungkol sa trabaho niya.

"Hindi ba nakakatakot 'yun?" naalala kong tanong ni Mama.

Natawa si Nurse. "Hindi rin."

"Paano niyo naman nalalaman kung okay na ang mga pasyente niyo? Sa mga test ba?"

"Oo, naman...pero may isa rin kaming palatandaan," patawa niyang tugon. "Iyong mga nagsasabi na hindi sila baliw, iyon talaga ang mga tunay na baliw. In denial pa kasi..."

Tumatak iyon sa utak ko. Pero nang marinig sa kanya mismo, bigla akong naguluhan. Tama iyong sinabi ni Nurse Imelda, pero ang laki ng tiwala ko kay Joy kahit walang kasiguraduhan.

Ngumiti ako. "Naniniwala ako, Joy."

Nag-iwas siya ng tingin at tumayo. Bumalik na siya sa loob nang hindi na naman nagpapaalam.

At unti-unti na akong nasasanay dun.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.