More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 15

Chapter 15



Isang himala na nagkausap kami ni Joy nang matino kagabi.

Kahit saglit lang 'yun at kahit walang patutunguhan, seryoso pa rin siya. Kaya naman hindi na ako umasa na makikita na siya kinabukasan.

Kaso laking gulat ko nang kinabukasan ay tumambad siya sa sala...nakasimangot...at may bangs na!

Suot niya pa rin iyong t-shirt at pajama ko. Palihim kong tiningnan ang paa niya kaso natatabunan na iyong peklat niya na nakita ko kagabi.

Nakakapanibago, kaya naman hindi ko naitago ang pag-nganga ko. Mas lumiit iyong mukha niya...ang cute.

"Gulat na gulat talaga?" gigil niyang tanong sa 'kin sabay pagkrus ng braso.

"Sino...bakit..."

"Good morning, anak," bati ni Mama na nakangiti nang lumabas sa kusina. Sabado ngayon at nakatoka kaming mamalengke kaya naman maaga akong nagising, pero mukhang nakabili na siya.

"Anong maganda sa umaga, ha?!"

Mas lalo akong ngumanga nang suminghal siya kay Mama.

"Bagay naman sa 'yo, eh."

"Anong bagay?!" sabay turo ni Joy sa bangs niya.

"Anong nangyari?" tanong ko.

"Tanungin mo 'yang magaling mong ina," sabay irap ni Joy.

Lumaki ang mga mata ko. Wala ba talaga siyang galang? Ito namang si Mama, pinipigilan ang tawa.

"Anong nangyari, Ma?"

"Alas kwatro ng umaga, gising na siya. Mas maaga pa ngang nagising kesa sa 'kin, eh. Sabi niya putulan ko raw ang buhok niya-"

"Tama nga," putol ni Joy. "Sabi ko putulan mo ang buhok ko, hindi iyong ganito!"

"Mas bagay kaya 'yan, sa 'yo."

Umirap si Joy.

"Teka, sabay ba kayong nagpunta sa palengke?" tanong ko.

"Sana hindi ko na lang siya sinamahan," ani Joy. "Nakakainis talaga!"

Humarap ako kay Mama. "Paano mo 'yun nagawa?"

"Pinutol ko na lang bigla," patawa niyang sabi. "Wala na siyang magawa, eh. Kaya inayos ko na."

"Bakit ang ingay?" bungad ni Lovely na kakagising lang. Kaso kaagad niyang tinuro si Joy. "Nagising lang ako, may bangs ka na?!"

"Hindi pa ba halata?" ani Joy.

"In fairness, bagay sa 'yo," si Lovely.

"Hindi nga bagay!"

"Bagay nga," ani Mama.

"Para akong kabayo nito!"

"Hindi ka mukhang kabayo," sabi ni Lovely. "Bagay nga sa 'yo, ang arte ha."

"Wow, at sa 'yo pa talaga galing, ha?"

"Gusto mo ikaw rin, Lovely?" si Mama.

"Oo, nga!" suporta naman ni Joy.

"Ayoko nga! Yucks."

"Tama na!" sigaw ko.

Natahimik sila at tumingin sa 'kin, Sumasakit na ang ulo ko sa kanilang tatlo. Gusto ko tuloy mag-impake at lumayas.

"Pwede bang mag-agahan na tayo?" pakiusap ko.

"Okay," sabay pasok ni Mama sa kusina.

Tumulong na rin kami ni Lovely sa paghahanda habang si Joy naman nakaupo lang at nakatingin sa TV.

"Ehem, ang kapal talaga ng mukha 'no?" pagpaparinig ni Lovely.

Pero parang walang narinig si Joy at nakangiti pa habang nanonood ng spongebob.

Nang okay na ang lahat, umupo siya sa tabi ko.

"Bakit ka nakangiti?" supladang tanong niya kay Mama. Pinandilatan ko siya ng mga mata pero wala talagang epek.

"Bagay kasi sa 'yo."

"Sabing hindi nga-"

"Magdasal na tayo," putol ko bago magkaroon ng away.

Palihim ko ring dinasal na sana magkaroon siya ng galang kay Mama. Kasi...nakakatakot talaga siya kapag galit na. Nakakagulat nga na hindi pa siya napipikon sa pananalita ni Joy.

Habang kumakain, ramdam na ramdam ko ang inis ni Joy, pero tahimik lang siya. Hanggang sa natapos kaming kumain.

"Maghugas ka na Lovely," ani Mama.

"Bakit ako?" Tinuro niya si Joy. "Siya na lang paghugasin mo."

"Ano ka ba, bisita siya rito."

"Naku, hindi talaga 'yan pwede, Ma..."

Tinulak na siya papunta sa kusina kaya naiwan kami ni Joy sa sala. Nanonood siya ng palabas.

Nakakapanibago talaga ang mukha niya. Bagay naman, eh. Mas naging bata nga siyang tingnan. Hindi nga ako makapaniwala na mas matanda siya ng dalawang taon sa 'kin.

"Huwag mo 'kong tingnan. Alam ko na pangit talaga," aniya.

Umupo sa tabi niya. "Hindi naman. Bagay nga sa 'yo. Para kang bumata."

Masama ang tingin niya sa 'kin. "Magtigil ka nga. Mas matanda ako sa 'yo."

"Alam ko."

Inirapan niya ako at nagpatuloy sa panonood.

"Pero totoo ba talaga na magka-edad lang kayo ni Phil? So twenty-one ka na?"

Tumango siya.

"Talaga? Bakit?"

"Ba't ang dami mong tanong, ha? Bigyan mo na lang ako ng bio data at sasagutin ko lahat. Kainis."

Natawa ako. "Nagtatanong lang naman, eh."

"Nasa lahi niyo na siguro ang pagiging kupal 'no? Una iyong demonyita mong kapatid. Sa eskwelahan, lagi rin akong iniinitan ng ulo nun, eh. Pati ang Mama mo."

"Huy, matuto ka ngang gumalang sa kanya."

Tinuro niya ang bangs niya. "Pagkatapos ng ginawa niya? No way," sabay irap sa 'kin.

"Ano ba ang naging kurso mo?" tanong ko nang maisip ulit na college na sana siya ngayon.

Isinandal ko ang kanang braso sa sandalan ng sofa at humarap sa kanya. Nakatutok pa rin siya sa TV at naghahanap ng bagong mapapanood.

"Hulaan mo," sabi niya.

Imbis na sagutin siya ay nagtanong ulit ako. "Bakit ka nahinto?"

Kunot-noo niya akong nilingon. "Isa pang tanong, hahampasin ko ang TV gamit ang remote na hawak ko."

"Bakit naman--teka, teka, titigil na ako!"

Bigla ba naman siyang tumayo at aaktong hahampasin na ito kaya humarang ako sa harapan.

"Wala ka naman pala, eh," sabay tawa niya at umupo ulit.

Natawa na rin ako. Tinanggal ko ang salamin na suot at nilinisan ito gamit ang laylayan ng t-shirt ko. Kailangan ko na yatang magpa-adjust ulit. Mas lumabo yata mata ko nitong nakaraan. Nahihilo kasi ako tuwing nagbabasa.

Nang ibinalik ito ay nakatingin na naman sa 'kin si Joy, kaya naman naiilang ako.

"Bakit?" tanong ko.

"Mas bagay sa 'yo na walang salamin," sabay tingin niya ulit sa TV.

Nag-iwas ako ng tingin. Anong ibig niyang sabihin nun? Gwapo ba ako kapag walang salamin?

Umiling ako. Ano ba 'tong pinag-iisip ko. Nakakatawa.

Alas nuebe nang bumaba na si Joy. Suot niya na ulit iyong bestida at boots, pati iyong bag niya. Nasa sala kami lahat at nagbubukas ng mani. Plano kasi ni Mama na magprito nito mamaya.

"Uuwi ka na ba?" tanong ni Mama.

"Oo."

Siniko ako ni Mama. "Ihatid mo na, Lester."

May makahulugang tingin si Lovely pero hindi ko ito pinansin. Tumango ako at pumasok sa kusina para maghugas ng kamay.

"Hindi na kailangan, may paa naman ako at mga kamay," rinig kong sabi ni Joy. "Makakauwi naman siguro ako ng buhay."

"Ihahatid na kita," sabi ko pagkalabas sa kusina.

Sinungitan niya lang ako at nauna nang maglakad. Hindi na naman siya nagpaalam.

"Ma, punta na po kami," sabi ko.

"Sige anak." Kinindatan niya pa ako. "Siguraduhin mong nakasakay talaga siya, ha."

"Opo," sabay tango.

Tumakbo na ako palabas at hinabol si Joy. Pinagtitinginan siya ng mga kapitbahay namin. Panigurado, may tsismis na namang kakalat ngayong gabi.

"Teka," sabi ko at sumabay sa kanya.

"Bumalik ka na dun. Kaya ko namang maglakad."

"Ihahatid na kita."

Inihagis niya ang bag sa 'kin kaya naman sinalo ko ito.

"Dalhin mo 'yan," aniya.

Nagbuntong-hininga lamang ako at tinanggap pa rin ito. Nauna siyang maglakad sa 'kin at doon ko pinagmasdan ang buhok niyang malapit nang umabot sa may puwetan.

Nang humarap siya sa 'kin, pinagtaasan niya ako ng kilay. "Bilis."

"Opo, Ate," sabay ngiti.

Nahinto siya at sinamaan ako ng tingin.

"Bakit?" tanong ko.

"Anong sabi mo?"

"Ate..." kampante kong sabi. Lumawak ang ngiti ko nang magkatagpo na talaga ang mga kilay niya.

"Huwag mo nga akong tawagin niyan."

"Mas matanda ka sa 'kin, 'tsaka pinalaki ako ni Mama na magalang...kaya tama lang na tawagin kitang Ate."

Hinampas niya ang braso ko kaya napadaing ako sa sakit. Gawa yata sa bakal ang mga kamay niya.

"Bakit ba?!" angal ko.

Kinuha niya nang sapilitan ang bag niya. Doon ko lang napansin na nasa sakayan na pala kami.

Inayos niya ang bangs niya at nakanguso pa, kaya kinagat ko ang ibabang labi para hindi na ngumiti.

Maganda naman talaga siya, eh...pero marami lang talaga ang umiiwas kasi lagi siyang nakasimangot.

"Bwisit talaga," aniya habang tinuturo ang bangs. "Nakakainis talaga ang nanay mo."

Natawa ako. "Kulang na lang isumpa mo si Mama."

Umiling siya. "Hindi rin..." Tumingin siya sa 'kin. "Malay mo maging nanay ko rin siya balang-araw."

Nagkunot-noo ako nang hindi maintindihan ang ibig niyang sabihin. Naglakad na siya papunta sa jeep, hindi man lang ako nilingon.

"Huh?" pabulong kong tanong sa sarrili, pilit na iniisip iyong sinabi niya.

Magpapa-adopt ba siya? O baka...

Umiling kaagad ako nang maisip na papakasalanan niya ako. Hindi yata nakakatuwa 'yun.

Hinawakan ko ang puso ko...hindi talaga 'yun nakakatuwa.

Nagbuntong-hininga na ako at bumalik nang umandar na ang jeep na sinasakyan niya.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.