More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 16

Chapter 16



Warning: Some scenes contain suicide, PTSD and themes that are not suitable for other readers.

PTSD stands for Posttraumatic Stress Disorder. A psychiatric disorder that may occur in people who have experienced and witnessed a traumatic event or who have been threatened badly.





* * *




Hindi ako nakasali sa boy scout, pero lagi akong handa.

Kapag may surprise quiz na nagaganap, lagi akong nakakasagot kasi gabi-gabi akong nag-aaral. Lagi akong may extra at may plan B para maiwasan ang pagkakaroon ng palpak.

Kaya naman ako ang takbuhan ng mga kaibigan ko kapag nagkaproblema. Nakaugalian ko na rin ang mag-advance reading para maunahan ang mga prof ko.

Pero ngayon...hindi ako makapagsalita sa naging tanong ni Lovely.

Walang extra. Walang plan B. Unexpected shot, ika nga.

"May gusto ka ba dun?"

Lumubo ang mga mata ko. "A-Ano?"

"May gusto ka ba sa kanya?"

Nag-iwas ako ng tingin at aakyat na sana kaso hinawakan niya ang balikat ko at pilit na iniharap sa kanya.

"Ba't ka lumalayo?"

"Hindi kaya! Gusto mo bang isumbong kita kay Mama?"

Pinagtaasan niya ako ng kilay. "Sige, magsumbong ka!"

Nagkunot-noo ako at itinulak ang noo niya gamit ang daliri. "Wala. Wala akong gusto kay Joy."

Sinundan niya ako hanggang sa kwarto. Ilala-lock ko sana iyong pinto kaso naunahan niya na ako sa loob.

"Ano ba! Ang kulit mo naman, sabing wala nga, eh!" sabay kamot ko sa ulo.

Umupo siya sa kama. "Paano ba kasi kayo nagkakilala?"

Gusto ko siyang paalisin, kaso alam ko kasi na kung matatakasan ko man siya ngayon, hindi pa rin niya ako titigilan. Kaya naman pinili ko na lang na magsabi ng totoo mula sa pagpunta ko roon nang mag-isa.

Pero ang nakakapagtaka roon, wala siyang sinabi kahit isa.

Akala ko papagalitan niya ako o pagsasabihan, kaso wala talaga, eh. Pero iyong tingin niya...grabe. Alam ko na may kahulugan iyon pero sa tuwing kinukulit siya, dine-deny niya naman.

"Imagination mo lang 'yan," iyon lang ang lagi niyang sinasabi.

Dumating na ang Chistmas break, ibig sabihin din nun, papalapit na ang kaarawan ko. Simple lang naman ang handaan. Tanging sina Reggie at iilang mga kapitbahay at mga kamag-anak lang naman ang pumupunta.

Pero ngayon, gusto kong imbitahan si Joy.

"Talaga?" sabi ni Mama sa telepono at nagpunta sa labas.

Kasalukuyan akong nanonood ng TV at pinapanood ang paborito kong anime. Simula nang magbakasyon, lagi na akong nakatambay sa sala at sinasakop ito. Alam ko kasi na magiging busy na ako next sem, kaya susulitin ko na.

"Akin na ang remote," sabay lahad ng palad ni Lovely na kakababa lang mula sa kwarto.

"Huwag ka ngang epal. Nanonood ako."

"Kuya naman! Halos isang linggo ka na, ha."

"Kailangan kong tapusin lahat."

"Ano ba naman 'yan!" sabay pagdadabog niya. "Kainin mo na lang ang remote. Bwisit ka!"

Sakto namang pumasok ulit si Mama. "Huy, Lovely, iyang bibig mo ha."

Pinagtawanan ko siya.

Nagkrus ang mga balikat ni Lovely at umupo sa kabilang sofa habang nakasimangot. Inirapan niya lang ako kaya mas lalo akong natawa.

"Lester," sabay lapit ni Mama sa 'kin. "Pwede bang utusan kita?"

"Ano po?" tanong ko habang nakatingin sa TV.

"May problema kasi sa barangay kaya kailangan kong pumunta roon, kaso pupunthan ko kasi sana si Imelda para ibigay iyong sobre...pwede bang ikaw na lang?"

Tumingin ako sa kanya. "Imelda? Nurse Imelda?"

"Oo, iyong ninang mo."

"Sa...ospital po ba?" Kaagad kong naisip si Joy.

Tumango siya. Dinukot ni Lovely ang remote at inilipat ito.

"Papayag 'yan, Ma. Sige na, Kuya, magbihis ka na," nakangiti niyang sabi. "Magpabango ka na rin, 'tsaka ayusin mo ang buhok mo."

Sinamaan ko siya ng tingin. "Anong ibig mong sabihin?"

"Sus, kunwari ka pa."

Nagkunot-noo ako, pero kaagad rin na pumayag. Naligo na ako at nagbihis pagkatapos.

Tama, iimbitahin ko na rin si Joy para sa birthday ko sa susunod na linggo. Bigla tuloy akong na-excite.

Simpleng t-shirt at pantalon lang ang suot ko. Kagaya nang sabi ni Lovely, inayos ko na rin ang buhok ko.

Pinagpapawisan ang mga kamay ko sa hindi malamang dahilan.

"Anong nangyayari sa 'kin?" bulong ko sa sarili.

Tumingin muli ako sa salamin at bumaba na. Sinabihan ako ni Mama kung ano ang dapat kong gawin. Ibinigay niya na rin ang sobre sa 'kin.

Bago ako umalis, naabutan ko pa ang nakakalokong ngiti ni Lovely kaya sinamaan ko na lang siya ng tingin.

Habang nakasakay sa jeep, napangisi ako nang maalala ang mukha ni Joy noong nagkabangs na siya.

Ba't ba siya galit na galit? Bagay naman sa kanya, ah. Medyo hindi ako sanay, pero bagay naman talaga.

Isang linggo ko na siyang hindi nakikita mula noong hinatid ko siya sa sakayan, at sana makita ko siya ulit ngayon.

Kasi iimbitahan ko siya...tama...iyon lamang at wala nang iba.

"Uy, magandang umaga," bati ng guard nang makita niya ako.

"Magandang umaga rin po."

Inilabas niya iyong logbook. "Si Joy ba?"

Kaagad akong umiling. "Ah, hindi po...si Nurse Imelda po sana."

Nagkunot-noo siya, pero kaagad ring tumango. Sakto namang dumaan si Nurse. Nakatali iyong buhok niya at may suot na puting scrub suit.

"Uy, hijo!" aniya. "Nandito ka na pala."

"Ah, opo, Nurse Imelda."

Pinapasok na ako ng guard kaya naman mas nakalapit ako sa kanya. Lumingon ako sa puting pathway, pero wala akong makita na Joy kahit saan.

"Ano ka ba, ninang na lang ang itawag mo sa 'kin," aniya.

"Sige, po...Ninang." Medyo weird 'yun kasi simula pagkabata, wala talaga akong nakilalang ninong at ninang.

"Dala mo ba 'yung sobre?"

"Opo."

"Sige, mamaya na lang 'yan. Kain na muna tayo. Libre ko na."

"Ah, opo..." hindi ko naman po kasi kailangan ng pagkain, pera po ang kailangan ko, Ninang.

Sumama ako sa kanya papunta sa canteen. May mga pasyente rito na sinasamahan ng mga nurse. Wala pa ring Joy.

"Pumili ka na ng kahit ano. Libre ko na. 'Tsaka, sabi ni Gina, malapit na raw ang birthday mo. Ano bang gusto mong regalo?"

Hay salamat at nagtanong din. "Naku, nakakahiya naman po 'yun."

"Ay sus, ako nga dapat ang mahiya sa 'yo, eh."

"Kahit ano na lang po, hehe," sabay pilit ng ngiti.

Tumawa siya. "O, siya...sige."

Pinapili na niya ako ng pagkain.

"Charge mo na lang sa 'kin 'yan, Ineng," sabi ni Ninang sa tindera.

"Sige po, Nurse."

Pumili lamang ako ng siopao at iced tea. Nang makuha ito, haharapin ko na siya para magpasalamat kaso hindi ko natuloy nang may bigla na lamang sumigaw.

Halos lahat ng tao ay nakatingin sa babaeng nakaupo sa sahig. May pagkain na nagkalat sa paligid niya at sigaw lamang siya nang sigaw.

Nasa mid-30's na siguro siya at naka-boycut. Sigaw siya nang sigaw na parang takot na takot kaya naman nagsitaasan ang mga balahibo ko.

Nakaupo siya sa sahig at pilit na isiniksik ang sarili sa may gilid. Halos dumikit na siya sa pader.

Iyong ibang nurse, pilit na pinapalayo at inaaliw iyong ibang mga pasyente para malipat ang atensiyon nila.

Tumakbo roon si Ninang kasabay ang tatlo pang nurse at pilit siyang pinapakalma.

"Huwag...please...maawa kayo! Tulong! Tulong!" Puno ng paghihinagpis iyong boses niya na para bang mamamatay na siya.

Kinakamot niya ang mga braso niya at sinasabunutan ang sariling buhok habang sigaw nang sigaw.

Parang hindi ako makahinga. Hindi ko naiintindihan.

Niyakap siya nung lalaking nurse at hinaplos ang buhok. "Sshh, nandito na kami...okay ka na...okay ka na..."

"Please...tulong! Parang awa niyo na!"

Pulang-pula iyong mukha niya, pati na rin iyong mga mata. Kitang-kita mo na takot na takot talaga siya.

Pati iyong nurse ay pinapalo na niya. Nagpupumiglas siya kaso patuloy siyang niyayakap nung nurse habang may binubulong.

Napakapit ako sa may mga tray at napaatras lalo na nang magkatinginan kami nung babae.

Tumataas iyong mga balahibo ko. Nakakatakot siya...sobrang nakakatakot...

Nang biglang kumalma iyong babae ay may itinusok na syringe sa balikat na nakayakap sa lalaking nurse. Maya-maya ay bigla itong nawalan ng lakas.

Humugot ako ng malaking hininga. Nang umiwas ng tingin ay bigla akong napadpad sa pamilyar na mga matang nakatingin sa 'kin.

Si Joy...

As usual, naka-bestida na naman siya at nakaboots. Pero bukod roon, parang may mali.

May mga nakikita akong emosyon sa mga mata niya. Hindi ko maintindihan, pero namumula iyon na para bang iiyak na.

Nagkunot-noo ako. Bakit siya ganyan? Kanina pa ba siya nakatingin sa 'kin?

Pero bigla na lang tumalikod si Joy at naglakad palayo, kaya naman tumakbo ako para sundan siya.

"Joy, teka!" sabi ko pero hindi pa rin siya tumitigil kaya hinigit ko na ang balikat niya.

Doon kami nagkatinginan. Hindi nga ako nagkamali...namumula nga iyong mga mata niya at may mga namumuong luha.

Gusto kong magtanong kung anong nangyari, pero walang lumabas na salita sa bibig ko. Nanatili lamang akong nakatingin at unti-unting hinayaan ang sariling malunod sa kawalan.

"Bakit ganun ka makatingin sa babae?" mahina niyang tanong. "Natatakot ka ba sa kanya?"

Nagkunot-noo ako. "Anong ibig mong sabihin?"

"Ba't ganun ka makatingin?" ulit niya. "Takot ka ba?"

May kakaiba sa boses niya, pero hindi ko talaga maintindihan, eh.

Napalunok ako at dahan-dahang tumango.

Tinanggal niya ang kamay kong nakahawak sa balikat niya at tumakbo papalayo. Tinawag ko siya at sinubukang habulin kaso tinawag na rin ako ni Ninang.

"Nandito ka lang pala," sabi niya. "Iyong sobre?"

Tumango ako at dinukot ito mula sa bulsa. Nag-igiting ang mga panga ko. Gusto kong puntahan si Joy. Gusto kong magtanong kung ano ang nangyari.

Kaso, sa laki ng ospital na 'to, imposible na yata.

"Kausap mo ba iyong naka-bestida?" tanong ni Ninang.

"Ah, opo..."

"Magkakilala kayo?" Bigla niya na lang akong tinuro. "Ikaw ba 'yung pinagtanungan ko noon, 'di ba? Noong hinahanap ko si Joy?"

Tumango ako. "Opo. Schoolmate po siya ni Lovely," tanging dahilan ko.

Napansin ko na nakahawak siya ng tinidor

Nagbuntong-hininga siya. "Naku...pasensiya ka na kanina, ah," sabay tingin niya sa tinidor na hawak.

Napatingin na rin ako roon. "Ano ho ba ang nangyari?"

"Iyong pasyente kanina, nakakita ng tinidor, kaya nagkaganoon. PTSD. 4 months nang naka-diagnose dito. Iyong nag-iisang anak kasi, nagpakamatay gamit 'to," sabay nguso sa hawak. "Kaya nang nakakita ng tinidor, biglang natakot."

Nagkunot ako ng noo. Hindi ko maintindihan. Dahil sa tinidor? Ang babaw lang kasi...ganoon ba talaga kapag na-trauma ka?

Natawa siya. "Naiintindihan ko kung ba't ganyan ang mukha mo ngayon...oo...ganoon talaga. Mahal na mahal niya kasi, 'tsaka naabutan niya na lang bigla nang umuwi sa bahay na patay na at nakahandusay sa sahig...tapos nakatusok iyong tinidor sa papulsuhan na halos maputol na mula sa braso."

Tumaas ang mga balahibo ko.

Ngumiti siya sa 'kin. "Ang babaw lang, hijo, pero iba-iba tayo ng mga pinagdadaanan," sabay tapik niya sa balikat ko.

"Sorry, po..."

"Okay lang..." Humarap siya sa 'kin. "Teka, alam mo ba na ganoon din iyong babaeng kausap mo kanina?"

Nagtaas ako ng kilay. "Si Joy po?"

"Oo. PTSD rin..."
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.