More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Beginning

Beginning



"Lester, bumili ka na rin ng tomato paste. May pera sa ibabaw ng aparador."

Kinamot ko ang ulo sa inis at kinuha 'yung perang sinasabi ni Mama. "Opo."

Nang mapadaan sa salamin ay inayos ko ang polo at ang buhok ko. Tinanggal ko ang salaming suot at nilinisan gamit ang laylayan ng suot kong polo. Sakto namang bumaba si Lovely, iyong bunso kong kapatid.

"Pormang-porma, ah," aniya. "May date ba kayo Kuya?"

Nagkunot-noo ako sa kanya. "Anong date? Huy, ba't ganyan na ang iniisip mo ha?"

Natawa siya. "Sus, kunwari ka pa."

"Bibili lang ako ng gamit. Ikaw talaga."

"Sus, palusot! Sabihin mo na rin kay Ate Mayumi na nagpapakumusta ako."

Natawa ako at tumango na lang. Nagpaalam na ako bago lumabas.

Malamig ang simoy ng hangin at masama ang panahon. Mukhang uulan yata. Bahala na.

Pumara na ako ng traysikel papunta sa sakayan ng jeep. Binasa ko 'yung maliit na sticky note na dala. Listahan iyon ng mga kailangan kong bilhin para sa susunod na pasukan.

Magkokolehiyo na kasi ako at excited pa. Masaya ako na makapasok sa isa sa pinaka-magaling na university sa lugar namin. Kahit nahiwalay ako sa mga barkada ko, okay pa rin kasi naging isa ako sa mga iskolar. Para na rin makatulong kay Mama.

Alam ko na malaki ang gastos sa pagdodoktor ko, kaya kahit hindi naman ganun katalino ay ginagawa ko talaga ang lahat.

Nakasakay na ako sa jeep nang nadaanan namin 'yung maliit na eskinita. Liblib 'yun at may mga malalaking puno sa bawat gilid. Kung titingnan mo mula sa labas ay nakakatakot talaga ito.

Sa loob ay may malaking building na tinatawag na Safe Haven. Lugar ito ng mga may sayad sa utak. Matagal na talaga akong curious sa lugar na 'yun, bata pa lang.

Sabi ng kaibigan kong si Reggie, nakakatakot daw. Naging nurse kasi ang Tita niya roon at pagkatapos ng isang taon ay tumigil. Bukod sa mga nakakatakot ang kakaibang pasyente, medyo haunted raw ang lugar.

Mahilig akong magbasa sa mga horror kaya rin siguro hindi ako mapakali kapag nadadaanan ko lang ang lugar na 'yun. Gusto kong pumasok. Gusto kong tingnan.

Isang pad ng papel, dalawang notebook at mga bolpen lamang ang binili ko pagdating sa mall. Gusto ko sanang pumunta sa grocery para bumili ng tomato paste kaso naisipan ko na sa may convenience store na lang. Panigurado, mahaba ang pila ngayon.

Bumili rin ako ng cute na pantali. Kulay pink ito at naalala ko bigla si Mayumi.

Girlfriend ko siya at magtatatlong taon na. Medyo nakakalungkot nga kasi sa darating na pasukan ay hindi na kami magkasama. Sa isang private college kasi siya pinasok ng Mommy niya. Napangiti tuloy ako bigla.

Sumakay na ako ng jeep, bitbit iyong paper bag kung saan nandun ang mga pinamiling gamit, at pumara sa may parang maliit na grocery sa may bayan.

"Good afternoon, Sir," bati nung guard.

Tinanguan ko lamang siya at ibinigay ang dala ko sa may baggage area. Kaagad ko namang hinanap ang tomato paste kaso nang kukuha na ako ng isa ay may parang kampana na biglang tumunog.

Tumaas bigla ang mga balahibo ko. Naka-sampung ugong yata 'yun bago huminto. Ibang klase...

Napabuntong-hininga iyong saleslady na nag-aayos sa may malapit at tumingin sa 'kin.

"Tumataas din 'yung balahibo ko kapag naririnig 'yun," sabi niya.

"Saan po 'yun... galing?" mahiyain kong tanong.

Napailing siya. "Sa may mental hospital... 'yung Safe Haven, 'yung malapit lang dito."

Nagtaas ako ng kilay. Malapit lang pala 'yun dito.

"Bakit po?"

"Ewan ko ba. Tuwing alas kwatro talaga 'yan ng hapon. Sa tagal kong nagtatrabaho rito, hindi pa rin ako sanay," aniya.

Tumitig ako sa tomato paste na nasa harapan.

Bakit ganoon? Anong dahilan? Ang daming tanong na umikot na lamang bigla sa utak ko. Kailangan ko na yata 'tong tuldukan.

Kaya imbis na kunin ang sache ng tomato paste ay umalis na ako pagkatapos kunin ang paper bag sa baggage area. Babalikan ko na lang 'yun mamaya.

Natagpuan ko na lang ang sarili kong naglalakad papunta sa kung saan galing ang tunog kampana. Naging pamilyar na ang daan sa bawat pagtapak ko. Ginapang na rin ako ng kaba.

Nahinto ako sa gitna ng liblib ng daan. Sa bawat paglunok, mas lalo akong nasasabik.

Titingin lang ako saglit...

Nagpatuloy ako sa palakad sa may eskinita. Palapit nang palapit ay nakikita ko na ang malaking building. Halos napanganga ako nang makita ito ng buo.

Malaki at malapad ito at tatlo ang palapag. Kulay puti ito at hindi name-maintain kaya medyo marumi na. Sa may kanan ay may playground, sa kaliwa ay may parang botanical garden. Pero wala itong tao ni isa, kaya naman nakakapagtaka.

Kung titingnan mo ito sa labas, para lang itong normal na ospital, kaso may kakaibang awra. Hindi tuloy ako naging kumportable at parang pinagpapawisan pa. Kung ano ang dahilan, hindi ko alam.

Imbis na pumasok sa main entrance, umikot ako pakanan hanggang sa marating ang playground. Wala talaga itong tao. May pinto akong nakita at nagpunta roon.

Dahan-dahan ko itong binuksan at sumilip sa loob. Kagaya sa labas, puti rin halos ang makikita mo, kaso ba't ganun? Parang wala ring tao?

Nagkunot-noo ako, mas naging curious na talaga.

Paanong walang laman? Nakabukas nga iyong mga ilaw pero walang mga nurse. Napakatahimik pa.

"Huy."

Kaagad akong napatalon nang may biglang bumulong sa tenga ko. Nahulog tuloy ang salamin ko at wala akong makitang matino.

Para akong maiihi sa kaba. Para na rin akong hinihingal. Kahit malabo ang paningin, may naaninag akong parang figure ng isang tao na may suot na kulay pula. Parang napakataas din ng buhok.

Basa na ang kili-kili ko sa pawis. Nanghina ang mga tuhod ko kaya napaupo ako.

"S-S-Sino ka?!" matapang kong sabi.

Pilit kong kinukurap ang mga mata kaso wala talaga, eh. Ang labo pa rin. Pero unti-unti itong luminaw nang may nagsuot ng salamin ko. Doon ko nakita na may mukha ng isang babae na nakatingin sa akin at sobrang lapit pa.

Nahinto ako at napatitig sa mga mata niya. Maitim ang malaki niyang eyebags. May nunal din sa tulay ng ilong. Bigla itong ngumiti kaya nakita ko ang mga mapuputi nitong ngipin.

Pero nakakatakot ito kaya umatras ako. "Huwag kang lumapit!"

Umayos siya ng tayo. Nakasuot siya ng pulang bestida at makintab ang buhok niyang malapit nang umabot sa may baywang. Bigla siyang natawa nang mahina.

Iyong mata niya ay walang emosyon kaya nakakakilabot. Wala ring buhay ang tawa nito. Maputla ang mukha at ang balat niya.

Ramdam na ramdam ko ang mabilis na pagpintig ng puso ko.

"M-M-Multo ka ba?" nauutal kong sabi.

Nagkunot-noo siya at maya-maya natawa na naman kaya umatras pa ako. Medyo sumasakit na iyong pwet ko kasi mabato ang lugar pero wala na akong pakialam sa ngayon.

Nahinto siya sa pagtawa. "Chill. Hindi ako multo, ano ka ba."

"Talaga?" mahina kong tanong.

Nakangiti siyang tumango. Pero hindi pa rin ako naniniwala.

Nang naglakad siya papunta sa akin ay napapikit ako kaso naramdaman ko ang mga kamay niya sa mga pisngi ko. Nang dumilat ay nakita ko na naman na ang lapit niya sa akin.

"Mainit ang mga kamay ko," bulong niya. "Hindi pa ako patay."

Nang ngumiti na naman siya at inalis ko ang hawak niya at kusang tumayo. Pinagpagan ko rin ang puwet ko.

Sa ngayon, panigurado akong pulang-pula na ako sa kahihiyan. Bobo, Lester. Ang laki mo na para magpaniwala sa mga multo.

"Pasensiya na," mahina kong sabi, nahihiya.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya. Mala-anghel iyong boses niya. Pwedeng pang-hele ng bata. "Bawal kaya ang mga ligaw na tao rito. Unless may bibisitahin kang kapamilya o kaibigan."

Tumikhim ako. "Ano... tumitingin lang..."

"Bawal nga, aba," aniya.

"Bakit nga pala... walang tao..."

Mahina siyang humagikhik. "Alas kwatro na, kailangan nang ipasok ang mga pasyente sa mga kwarto nila. Kaya rin walang nurse kasi nag-aassist."

Baka iyon din ang dahilan kung ba't tumutunog iyong kampana kasi oras na para pumasok.

"Ah..." sabay tango ko.

Natawa na naman siya. "Kaya ka ba... takot?"

Nag-iwas ako ng tingin.

"Walang multo rito," aniya. "Mga baliw siguro, marami, pero walang multo. Mga tsismis lang 'yun, 'no."

Bumaling ako sa kanya. Parang magka-edad lang kami o mas bata pa siya. Mukha siyang manika, pero iyong parang si Annabelle. Kahit kasi maayos at palangiti, nakakakilabot siya. Para talaga siyang multo.

"Nagagandahan ka ba sa 'kin?" tanong niya sabay turo sa mukha.

Nagulat ako kay hindi agad ako nakapagsalita.

Natawa na naman siya, at tumataas iyong mga balahibo ko. "Salamat ha," sabay lagay ng ilang hibla ng mataas niyang buhok sa likod ng tenga. "Alam ko naman na maganda ako. Hindi ko lang ineexpect na speechless ka sa beauty ko."

Gusto kong magprotesta pero tinikom ko na lang ang bibig ko.

"Mauna na ako," sabi niya. "Bye... ano bang pangalan mo?"

"Lester."

Tumango-tango siya. "Ah... bye, Lester."

Kumaway pa siya kaya tumango ako. Nang maglakad siya palayo ay inis akong napasabunot ng konti sa buhok.

Para siguro akong tanga kanina. Mahina ko na ring sinampal ang sarili. Mabuti na lang at siya lang 'yung nakakita.

Napaayos naman ako ng tayo nang may babaeng lumapit na naka-nurse outfit. Para siyang hinihingal.

"Bata," sabi niya. "Tapos na ang oras ng bisita."

"Ah... opo." Baka inakala niyang bisita ako rito at hindi trespasser.

"Pero teka, may nakita ka ba ritong babae na may mahabang buhok? Basta parang weird siya tapos pula yata ang suot niya ngayon."

Kaagad naman akong tumango.

"Talaga? Saan siya nagpunta?"

Tinuro ko iyong daan sa may main entrance. "Parang doon po yata."

"Iyong batang 'yun talaga," gigil niyang sabi.

"Bakit po?" kuryuso kong tanong.

"Wala. Matigas lang ang ulo. Siguro normal na rin. Baliw kasi 'yun."

Pagkasabi niya nun ay nagsitaasan ang mga balahibo ko. Hindi ako makapaniwala. Bigla namang nag-flash ang mukha niya sa utak ko, pati na rin iyong tawa niyang walang buhay.

Nagpaalam na iyong nurse pero nakatayo pa rin ako. Bigla akong nanlamig.

Baliw 'yun? Iyong babaeng 'yun?

Hindi tumigil sa pagtaas iyong balahibo ko, natatakot at kinikilabutan. Kaya naman mabilis akong tumakbo palabas sa lugar at sumakay na ng traysikel kahit mahal ang pamasahe, basta makalayo lang sa lugar.

At nalimutan kong bumili ng tomato paste.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.