More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 19

Chapter 19



"Ang bilis mo naman akong mamiss."

Kaharap ko ngayon ang nakangiting Joy. Gabing-gabi na pero sinadya ko talagang makipagkita para ibalik ang folder...para na rin makahingi ng sagot sa kanya.

Mabuti na lang at maliwanag ang buwan. Nasa playground ulit kami. Hindi pa siya nakabihis at parang antok na antok na, ngunit pinipilit niya pa ring harapin ako.

Bumagsak ang mga mata niya sa hawak kong folder pero hindi man lang siya nagulat.

"Ibabalik ko lang sana 'to," sabay lahad ko sa dala. "Naiwan mo kasi."

Tiningnan niya lang ito. "Alam ko. Sinadya ko rin naman kasing iwan 'yan."

Nagkunot-noo ako. Hindi ko na naman siya maintindihan.

Umupo siya sa swing at tumingala sa buwan. Nakatingin lang ako sa kanya.

"Binasa mo ba?" mahina niyang tanong.

Hindi ako nagsalita. Nanatiling nakatikom ang bibig ko.

"I guess...hindi mo talaga binasa." Lumingon siya sa 'kin.

"Hindi, nga. Hindi rin naman 'to sa 'kin-"

"Pero may nakita ka, hindi ba?"

Nabitin sa ere ang mga dahilan ko. Bumalik sa akin lahat iyong mukha niya sa ID picture at iyong mga nabasa ko.

Nag-iwas ako ng tingin.

Nagbuntong-hininga siya at nagsimulang itulak ang sarili sa swing. "Bakit ba kasi ang bait mo, Lester."

"Ano 'to?" sabi ko sabay lahad sa folder. "Bakit...sinasabi rito na na-diagnose ka. Pasyente ka ba talaga rito?"

"So, iniisip mo na naman na baliw ako?"

"Hindi...oo...ewan ko, Joy." Nahinto ako at tumingala na lang sa buwan. "Ba't 'di mo na lang kasi sabihin sa 'kin?"

Hindi siya nagsalita at nagpatuloy sa pagse-swing. Hinahangin iyong mataas niyang buhok pati iyong laylayan ng bestida niya.

Doon ko natanto na wala pala talaga akong kaalam-alam sa tunay niyang buhay.

"Kasi magkasalungat lagi ang mga sinasabi mo sa mga nalalaman ko, eh," dagdag ko pa. "Hindi ko na alam kung maniniwala pa ba ako. Hindi ko maintindihan."

Nang magkatinginan kami, wala akong makitang ekspresyon sa mga mata niya, kaya mas lalo akong nainis. Hindi ko siya mabasa.

Nakaka-frustrate na rin na lagi ko na lang itong tinatago. Gusto ko nang malaman.

"Sino ka ba talaga, Joy?" mahina kong tanong.

"Bakit mo gustong malaman?"

"Ayan ka na naman, eh. Lagi ka na lang ganyan. Hindi kita makausap nang matino."

"Ganito naman talaga ako, Lester. What would you expect?"

Nakipagsukatan siya ng tingin. Nagbuntong-hininga ako at umupo sa katabing swing. Nasa kandungan ko ang folder at gustong-gusto ko na itong basahin.

Pero ayaw kong magalit siya. Ayaw kong makita niya na hindi ko siya nirerespeto.

"Bakit ba ganyan ang mga tanong mo?" mahina niyang tanong, patuloy pa rin sa pagse-swing.

"Gusto kitang...makilala." At totoo iyon. Gustong-gusto talaga. Pero siya na mismo ang naglalagay ng pader sa gitna.

Mahina siyang natawa. "Hindi ka ba natatakot sa 'kin?"

"Hindi. Sa tingin mo ba pupunta ako rito at kakausapin ka kung oo?"

Nakaupo na lang siya ngayon at nakadungaw sa buwan. Palihim akong tumingin sa side profile niya.

"Na-diagnose nga ako rito, pero okay na ako," aniya.

"Ba't ka pa rin nandito?"

"Kasi dito na ako nakatira," sagot niya. "Wala na akong mapupuntahan. May sariling pamilya na rin si Tita." Humarap siya sa 'kin. "Mag-isa na lang ako, okay?"

"Anong nakalagay rito? Ba't may PTSD? Anong nangyari?"

Kinuha niya ang folder mula sa 'kin at inilagay ito sa kandungan niya. "Sana binasa mo na lang 'to kaysa tanungin ako. Ang hina mo naman."

Tumayo na siya at alam kong may balak siyang umalis, pero bago pa siya umalikod at maglakad papalayo, hinawakan ko ang papulsuhan niya para pigilan siya.

Nang humarap siya ay roon ko natanto naang lapit lang pala namin. Habang tinitingnan ang walang buhay niyang mga mata, unti-unti akong hinihila pailalim.

Gusto kitang makilala, Joy...

"Hindi ka mag-isa," mahina kong sabi. "Nandito ako...nandito sina Phil, Tiboy, Oyo at Reggie. Nandito si Mama. Kung wala kang matakbuhan, sa amin ka pumunta...sa akin ka pumunta, okay?"

Hindi siya nagsalita at hinila ang papulsuhan niya pabalik kaya nabitawan ko 'yun.

Kagaya nang lagi niyang ginagawa, iniwan na naman niya ako nang wala man lang sinabi ni-isa.

Umuwi ako na galit sa sarili. Tinatapak-tapakan niya lang iyong pride ko. Alam ko na wala siyang magandang dulot sa 'kin, pero ayaw ko siyang layuan.

Nararamdaman ko na kailangan ako ni Joy. Nakikita ko lahat ang likod ng maskara niya. Halata naman na nagtatapang-tapangan lang siya.

Hula ko, hindi naging maganda ang pinagdaanan niya. Handa naman akong makinig, eh...baka siya lang itong hindi pa handang magsabi.

Gusto ko lang naman na maramdaman niya na nandito lang ako.

Kasalukuyan akong nagwawalis sa sala ng bahay. Holiday ngayon at plano kong mag-aral pagkatapos nito para sa quiz bukas.

Wala sina Mama at Lovely kasi may binili sa mall na mga kailangan para sa program daw.

"Tao, po?"

Nagkunot-noo ako at sumilip sa may bintana at nakita si Mayumi. Teka, anong ginagawa niya rito?

Inayos ko ang buhok at salamin bago lumabas at pinagbuksan siya ng gate.

"Mayumi...naparito ka?" tanong ko.

Hanggang leeg na lang ang buhok niya at naka-t shirt lang at pantalon. Inaya ko siyang pumasok sa bahay kasi parang iiyak na talaga siya, eh.

"May problema ba?"

Umupo siya sa sofa. "Si Mommy kasi...ipinakilala ako sa bago niyang boyfriend. Tapos ikakasal na raw sila."

Unti-unting tumulo iyong mga pinipigilang luha. Umupo ako sa katabing sofa at hinago ang likuran niya.

Naiintindihan ko kung bakit siya ganyan ngayon. Halos tatlong taon pa lang simula nung pagkamatay ng Papa niya. Alam ko rin na ayaw niya sa mga ganito.

"Sorry, ha," aniya sabay punas sa mga luha. "Wala kasi talaga akong matakbuhan ngayon. I don't know what to do. Nagkasagutan pa nga kami kasi...gustong-gusto niya talagang pakasalan, eh. She did not even tell me that she has a boyfriend. Sinabi niya lang when they are engaged na. Oh my gosh..."

"Okay lang, Mayumi. Iiyak mo lang 'yan."

"She's so insensitive. How can she move on like that? Three years pa lang since he died."

"Hindi ba kayo nagkausap nang matino?"

Umililng siya. "Hindi nga, eh. Nagalit kasi ako. Alam mo 'yun? Nakaka-inis lang kasi hindi man lang niya ako sinabihan beforehand. Is she crazy?"

Hinayaan ko lang na umiyak si Mayumi. Kahit mag-ex, naging mabuti rin naman kaming magkaibigan kaya hindi na rin big deal sa 'kin 'to.

Malaki na rin kami at wala na akong nararamdaman sa kanya. Nang kumalma na ay tumayo na siya.

"Medyo hapon na, kailangan ko na yatang umuwi."

Tumayo ako at tumango. "Uuwi ka?"

"Yep. I think kailangan talaga namin mag-usap ni Mommy. Okay na rin ako kahit na-shock pa."

Tumango ako at sabay na lumabas sa bahay. Kaso nahinto ako nang makita si Joy sa harapan ng gate namin, bestida at boots pa rin ang suot.

Kitang-kita ko ang paglobo ng mga mata niya hanggang sa kumunot ang noo at naglakad palayo.

Lumingon ako kay Mayumi. "Teka lang..."

"Ah, okay," sagot niya.

Wala akong sinayang na oras at kaagad na hinabol si Joy. Hinila ko kaagad ang braso niya kaya napaharap siya sa 'kin.

"Joy..." hinihingal kong sabi.

Nagtaas siya ng kilay at hinila pabalik ang braso niya kaya nabitawan ko ito. "Ba't ka nandito? Bumalik ka na sa ex mong manloloko."

"Huh?"

Nagkrus ang mga braso niya. "Huh?" gaya niya sa 'kin. "Halatang may ginagawa kayo, ah."

Nagkunot-noo ako nang unti-unting ma-realize na iba iyong iniisip niya.

"Wala kaming ginawa."

"Sus, palusot."

"Wala, nga..."

Inirapan niya lang ako at naglakad na ulit palayo pero hinila ko na naman ang braso niya.

"Ano ba," inis niyang sabi. "Bitawan mo nga ako."

Hindi ko siya sinunod. "Anong ginagawa mo rito?"

"Sabi mo na pwede akong tumakbo sa 'yo, 'di ba?"

Dahan-dahang lumambot ang pakiramdam ko. "Bakit? Anong nangyari?"

Nagkibit-balikat siya. "Wala."

Naglakad na ulit siya papalayo. Tuluyan na akong naiinis. Mas matanda nga siya sa 'kin, pero para siyang bata mag-isip.

"Joy, ano ba," sigaw ko.

Ilang metro na ang layo niya nang humarap sa 'kin.

"Kaya ko iniwan sa 'yo ang folder na 'yun kasi gusto ko na basahin mo...gusto kong makilala mo ako," sigaw niya. "Pero huwag na lang."

Lalapit na sana ako sa kanya nang bigla akong tinawag ni Mayumi. Mula sa malayo, inirapan ako ni Joy at nagpatuloy sa paglalakad.

Nagbuntong-hininga ako at hinayaan na lang siya.

Gusto kong tumakbo at lapitan si Joy, pero pagod na rin ako. Ayaw ko nang maghabulan pa. Kaya tumalikod na ako at humarap kay Mayumi.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.