More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 20

Chapter 20



Lumipas ang ilang buwan at hindi ko na siya nakita pa ulit.

Hindi ko na dapat iyon iniisip pa kasi alam ko na mas nakakabuti 'yun. Wala rin naman siyang magandang dulot sa 'kin.

Pero nakakainis kasi hindi ako mapakali.

Unti-unti na kasi akong nasasanay na nandyan siya. Ginusto ko man o hindi, naging parte na siya ng buhay ko.

Ilang beses ko ring pinag-isipan na pupuntahan ko siya sa ospital o sa eskwelahan kaso hinihila ako pabalik ng pride ko.

Tama na. Ayaw ko na.

Recognition day na ni Lovely at papunta kami sa eskwelahan niya. Alam ko na makikita ko si Joy, at hindi ko alam na papansinin ko ba siya o hindi.

Sa totoo lang, hindi naman kami nag-away. Hindi ko rin alam kung ba't ganoon siya. Magulo siyang tao, at doon ko lang na-realize na ako lang palagi iyong nagre-reach out.

Pagod na ako sa kanya.

May pa-sabi-sabi pa siya na gusto niyang makilala ko siya. Kaso...ayoko na talaga.

Naka-itim na polo shirt at pantalon ako kasama sina Mama na naka-casual at si Lovely na naka-uniform. Pagkapasok namin sa gate, kaagad akong na-conscious sa rami ng tao.

Halos mabali na ang leeg ko kakatingin kung nandito ba siya, pero nakaupo na kami sa hall, wala pa rin siya. Kaya hindi ko na rin pinansin ulit.

"Kuya," tawag ni Lovely. "Ayusin mo ang pag-picture, ha? Noong nakaraan kasi blurred, nakakainis."

Natawa ako. "Kumuha ka na lang ng photographer kung gusto mong maging perfect."

Inirapan niya lang ako.

"Pwede ba," ani Mama, "huwag na muna kayong mag-away ngayon? Dapat maging masaya tayo kasi nakasali si Lovely sa honor roll."

"Himala," sabi ko.

Siniko ako ni Lovely. "Umuwi ka na lang kaya? Mukhang ikaw lang kasi ang malas dito."

"Ma, 'yung anak mo walang respeto sa nakakatanda," sumbong ko.

Nagbuntong-hininga lamang si Mama at hindi kami pinansin. Palihim akong tumingin sa paligid pero wala talaga akong makita na babaeng naka-bestida at boots.

Daig pa ng leeg ko ang 360 kakahanap sa kanya. Huminga ako nang malalim at hinayaan na lang.

"May hinahanap ka 'no?" tanong ni Lovely. Itinataas-baba niya ang kilay at tinutukso ako.

"Imbento."

"Sus, kunwari ka pa Silvester. Sinong hinahanap mo? Si Ate Happiness ba? Yieee."

Nagkunot-noo ako. "Ano ba 'yang pinag-iisip mo? Tumigil ka nga."

"Gusto mo siya, 'di ba?"

Dumikit ako kay Mama. "Ma, si Lovely o, nag-iimbento."

Natawa lamang si Lovely. May sasabihin pa sana siya kaso nagsimula na ang program. Tumayo kami para sa prayer at flag raising.

Pero wala pa ring Joy.

Unang tinawag iyong mga grade eleven, kaya mas naging alerto ako at pinagmasdan ang paligid.

Sinimulan na nung teacher ang pagtawag ng mga pangalan. Napalunok ako nang marinig ang pangalan niya.

"Proficiency Award. Paraiso, Happiness L."

Akalain mo, honor pa pala 'yun? Sa rami ng kalokohan niya?

Kasabay nun ang palakpakan kaso walang nagpakita. Inabangan ko ang pagtapak niya sa stage.

Kinalabit ako ni Mama. "'Di ba siya iyong kaibigan mo?"

"Ah, opo."

"Again, Paraiso, Happiness L. Proficiency Award," tawag ulit ng teacher.

Pero wala talaga.

Kaya naman nagpatuloy na ulit sa pag-a-announce ng mga honor. Tumingin ako sa mga gilid ng stage kaso wala talaga, eh.

"Sus, hindi raw hinahanap," pagpaparinig ni Lovely.

Nagkunwari ako na hindi ko 'yun narinig. Umupo ako nang maayos at nakinig na lang sa program kahit boring ito.

Nang matapos ito, pauwi na sana kami pero na-stuck kami sa pathway nang may makausap si Mama na kaibigan. Pati si Lovely, kausap din ang mga kaklase.

Nakatayo lamang ako at hinihintay silang matapos. Mula sa gilid ng hallway, bumilis ang pintig ng puso ko nang may babaeng mataas ang buhok na nakatalikod, naka-itim na bestida at boots.

Si Joy...

Pupuntahan ko na sana kaso napako ang mga paa ko. Nakatingin lang ako sa kanya hanggang sa makalayo na.

Nandito pala siya. Eh, ba't hindi niya kinuha 'yung award? Sayang. Hindi ko rin nakita iyong mukha niya.

Medyo may space sa puso ko. Namiss ko rin naman siya, pero mukhang hanggang doon na lang siguro ang pagkakaibigan namin.

Nakakainis iyong may naputol na ugnayan sa hindi malamang dahilan. Pero wala na rin naman akong magagawa.

Nakatulong din naman ang pagkawala niya. Noon kasi, nagpapakita na lang siya bigla at hinihila ako sa kung saan. Ngayon, mas marami akong oras sa pag-aaral. Sakto rin na malapit na ang finals.

Pero ba't nakakalungkot?

"Sino ang namatay?" tanong sa 'kin ni Reggie.

Linggo at nasa tindahan kaming magkakaibigan para tumambay. Plano sana naming mag-basketball pero tinamad kaya nakaupo na lang kami rito.

"Wala naman," sagot ko.

"Para kasing namatayan 'yang mukha mo, eh," sabay turo niya sa 'kin.

Natawa si Oyo. "Oo, nga. Kanina pa kami tawa nang tawa rito tapos ikaw naman, tahimik lang."

"May pinagdadaanan ka ba?" ani Tiboy. "Nagkabalikan kayo ni Mayumi 'no?"

Umilling ako. "Hindi, ah."

"Eh, ba't parang biyernes santo 'yang mukha mo?"

"Wala...finals...iyon ang iniisip ko." Sinungaling. Hindi nga ako maapag-aral sa gabi kasi iniisip ko kung magcha-chat ba ako kay Joy o hindi.

Mabuti na lang at nanaig ang pride ko at hindi ko pa 'yun nagagawa.

"Kalma ka lang kasi, Lester boy," ani Oyo.

"Teka nga." Tumingin kami kay Reggie. "Nitong mga nakaraang linggo, napansin ko na hindi na yata nagpapakita si Joy sa 'tin."

Palihim kong tinago ang pagkailang ko para hindi nila mahalata.

"Oo, nga," ani Tiboy.

"Hindi na niya tayo inaaya," malungkot na sabi ni Oyo. Tumingin siya sa 'kin. "Anong balita?"

Tinuro ko ang sarili. "Ba't ako ang tinatanong mo?"

"Kayo kasi ang close."

Malagkit ang tingin ni Tiboy sa 'kin. "May problema ba kayo?"

"Huh? Wala, ah..."

"Neknek mo!"

"Wala nga," sabay iling ko. "'Tsaka, bakasyon na nila, baka lumipad na 'yun sa kung saan."

Tumikhim ako at inayos ang salamin sa kaba. Wala naman talagang problema pero ba't ako nagkakaganito? Wala naman akong kasalanan.

"Sayang," si Tiboy. "Sana makasama natin siya sa bakasyon. Mas marami tayong time nun."

"Pati na rin si Phil," ani Reggie.

"Naku, huwag na nating isama ang kupal na 'yun," angal ni Oyo.

"Tanga. Siya kaya sponsor natin. Mayaman ang gago, eh."

"Oo nga," sang-ayon ko. "Ba't ba ang init ng ulo mo sa kanya?"

"Hambog, eh."

Natawa lamang ako.

Alas tres nang umuwi ako sa bahay. Umakyat ako sa kwarto kasi plano ko talagang mag-aral para sa exam bukas, kaso lumilipad ang utak ko kay Joy.

"Ma, may pupuntahan na muna ako," paalam ko.

Pinatay ni Mama ang gripo at humarap sa 'kin. "Saan ang lakad mo?"

"Ah..." Kinamot ko ang likod ng leeg. "Sa mall lang po. May bibilhin."

Lumapit siya para amuyin ako kaso kaagad akong napaatras. "T-Teka, anong..."

"Ba't ka nagpabango? Anong meron?"

Inayos ko ang salamin. "Wala. Masama na bang magpabango ngayon?"

Biglang lumitaw si Lovely sa kusina. "May nililigawan siguro 'yan, Ma."

"Imbento ka na naman."

Inirapan niya ako. "Hindi na ako magugulat kung si Ate Happiness 'yan."

Natawa si Mama.

"Hindi, ah!" medyo tumataas na ang boses ko. "Maka-alis na nga."

Narinig ko ang tawa ni Lovely hanggang sa lumabas ako ng bahay.

Hindi ko alam kung ba't ako naglalakad ngayon sa liblib na daan patungo sa Safe Haven. Makulimlim ang langit kaya kahit alas tres y medya pa lang ng hapon, madilim-dilim na.

Sa mga nakaraang buwan, nanaig ang pride sa puso ko kaya hindi ko na siya inabot muli. Hindi naman talaga niya ako tinatrato na parang isang kaibigan...masama siya, makasarili, walang galang...

Nasa kanya na lahat ng katangian na ayaw ko, kaso pilit pa rin akong gumagapang papunta sa kanya.

Sa tuwing naalala ko ang walang buhay niyang mga mata, kahit malabo, gusto ko na ulit iyong basahin. Pati na rin iyong nakakakilabot niyang ngiti at pilit na tawa.

Hindi ko nga siya kilala. Hindi ko masabi kung kailan siya nagpapanggap o nagpapakatotoo, pero gusto kong manatili sa tabi niya.

Seryoso ako na pwede niya akong matakbuhan.

Sana, hindi pa ako huli.

"Uy, ikaw pala hijo," bati nung guard at inilahad ang record book. "Si Nurse Imelda?"

Umiling ako. "Si Joy, po."

"Hindi mo pa ba alam?"

"Ang alin?"

"Tuwing bakasyon kasi ay wala siya rito. Umuuwi siya sa kanila."

Napalunok ako. "Talaga po?"

Tumango siya. "Hindi na kasi siya pasyente rito. Nakatira lang pansamantala, kasi malapit ito sa eskwelahan niya, pero umuuwi talaga siya sa kanila 'pag ganito."

"Ah, sige po. Salamat."

Huli na nga yata ako.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.