More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 21

Chapter 21



"Ma, ano ba," inaantok kong sabi. "Bakasyon ngayon. Hayaan mo ngang sulitin ko."

Tinakpan ko ng unan ang mukha kaso hinila iyon ni Mama. Madilim pa nga iyong labas ng bintana, ba't niya ako ginigising sa ganitong oras?

Unang araw ng bakasyon kaya naman kailangan kong sulitin ito. Hindi naging madali ang kolehiyo. Ilang beses nga akong napapaiyak sa mga bagsak kong quiz. Hindi talaga 'to pwede.

"Gumising ka na kasi. May naghahanap sa 'yo sa baba."

Inis kong kinamot ang ulo at napaupo, nakapikit pa ang isang mata. "Ma, naman. Sinong naghahanap sa 'kin ngayon?" Tumingin ako sa orasan sa may bedside table. "Alas tres pa, o!"

Humagikhik si Mama. "Nandito ang kaibigan mo."

"Ba't naman nila ako hinahanap? Nakakainis!" sabay kuha ko ng salamin para makita si Mama nang malinaw.

"Importante raw."

Nagbuntong-hininga ako. "Sige na, sige na. Susunod na ako."

"Sige, sige."

Lumabas na si Mama. Nag-stretching naman ako at inayos ang buhok.

Ano na naman ba ang trip nila? Babatukan ko talaga silang tatlo. Ang sarap-sarap ng tulog ko...

"Ano na naman bang kalokohan 'to?" sabi ko sabay bukas sa pinto.

Kinurap-kurap ko ang mga mata nang hindi tatlong tanga ang tumambad sa harapan...kung hindi isang babae...pamilyar na babae.

"Joy?" halos pabulong kong tanong.

Ngumisi siya.

Si Joy nga! Wala na ang bangs niya at kulot ang dulo ng hanggang baywang niyang buhok. Naka-puting bestida siya at boots, pero ngayon...disente siyang tingnan.

May suot din siyang kuwintas at bracelet. Kahit ang poste lamang ang naging ilaw namin, kitang-kita ko na hindi na siya maputla.

Wala na rin ang eye bags nito. 'Tsaka...lipgloss ba 'yan?

Biglang lumakas ang pintig ng puso ko. Anong sasabihin ko ngayong nasa harapan ko na siya? Ilang buwan din kaming hindi nagkita...mga lima siguro o anim.

"T-Teka anong...anong ginagawa mo rito?" tanong ko.

"Sabi ni Edwin, hinanap mo raw ako noong nakaraan."

Nagtaas ako ng kilay. Bigla kong naalala iyong pagpunta ko sa Safe Haven at iyong pag-uusap namin ni guard.

"Kaya nandito na ako," dagdag niya pa.

Napatitig ako sa maninipis niyang labi nang biglang may sumilay na ngiti rito. Kahit itanggi ko naman, namiss ko talaga siya.

Ilang gabi ko ring binabalik-balikan ang mga panahong lagi niya akong hinihila sa kung saan.

Nagkunot-noo ako. Hindi ko mapigilang manibago. Hindi kasi siya nkakatakot ngayon...ang malumanay niya...ibang-iba sa Joy na nakilala ko.

Kumaway siya sa harap ng mukha ko. "Okay ka lang?"

"Nakauwi ka na?" tanong ko. "Pasok ka na muna. Maraming lamok dito, 'tsaka malamig-"

"Saglit lang ako rito. Huminto lang ako para yayain ka."

"Saan?"

"Mamaya. 5 PM."

Nagtaas ako ng kilay. "Huh?"

Napalunok ako nang ngumiti siya sa 'kin. "Basta 'yun na 'yun. Sige, bye!"

Tinawag ko pa ang pangalan niya nang tumakbo na siya papalayo. Hinawakan ko ang dibdib ko.

Takte...ano 'to? Una, ba't ang ganda niya? Pangalawa, ba't siya laging nakangiti? Tapos...nagpaalam pa siya sa 'kin.

Ilang buwan kaming nagbingihan, tinapak-tapakan niya ang pride ko, tapos isang ngiti niya lang...nakalimutan ko kaagad iyon lahat?

Lumilipad ang utak ko habang nag-aagahan. Hindi na ako makatulog pagkatapos at ginugol ko lang ang mga natitirang oras sa pagre-replay ng ngiti niya.

"Ma," tawag ko. "Si Joy ba talaga 'yun kanina?"

Ngumiti siya habang sumandok ng kanin. "Oo, siya nga."

"Anong sinabi niya sa 'yo?"

"Na gusto ka raw niyang makita."

"Ba't hindi niyo man lang pinapasok?"

"Pinapasok ko naman, kaso matigas ang ulo, eh."

Tumikhim si Lovely. "Naku Kuya, sobrang halata na ha."

Nagkunot-noo ako. "Anong halata?"

"O, baka ikaw ang niligawan ha? Ang aga niya namang manuyo."

Tumawa si Mama.

"Hindi kaya!" tanggi ko.

"Hindi na talaga ako magugulat kung liligawan mo ang baliw na 'yun."

"Lovely," banta ni Mama. "Ayusin mo nga 'yang pananalita mo."

"Hindi siya baliw," dagdag ko pa.

Ngumuso lamang siya at nagpatuloy na sa pag kain.

Lumingon ako kay Mama. "Ma, wala ba talaga siyang sinabi?"

"Sinabi na ano?"

"Na kung ano...kung paano siya pumunta rito? Nasaan siya galing? Saan siya papunta? Ba't siya bumalik?"

Humagikhik si Mama. "Wala talaga. Pagbukas ko ng pinto pagkatapos niyang kumatok, sinabi niya lang na 'gusto kong makita ang anak niyong lalake' tapos iyon lang," sabi ni Mama at ginaya pa talaga ang boses ni Joy.

Bahagya akong natawa. Typical Joy.

"Maganda siya, ha," sambit ni Mama.

"Yuck, hindi kaya," si Lovely. "Para nga 'yung walking zombie eh. Hindi niyo ba napasin? Malaki ang eye bags nun tapos maputla."

"Hindi kaya," depensa ko.

May sumilay na ngiti sa labi ni Mama, pero hindi ko na lang 'yun pinansin.

Halos mabaliw ako kakatingin sa kabinet ng maisusuot. Ala singko? Anong gagawin namin? Saan kami pupunta?

Kailangan ba akong mag-formal wear? Polo o t-shirt?

Kanina pa ako nagcha-chat kay Joy pero seen lang ang natanggap ko. Nagbuntong-hininga ako at humiga sa kama.

Bigla ko na namang naisip ang ngiti niya. Naka-auto replay yata 'to sa utak ko. Dahan-dahan namang sumilay ang maliit kong ngiti.

Alas kwatro ay nakabihis na ako. Itim na polo-shirt at brown na pantalon ang naisipan ko. Hindi gaanong pormal, hindi ganong simple. Sakto lang.

Inayos ko rin ang buhok at nag-gel. Kinakabahan ako. Siya si Joy, eh. Hindi ko ma-predict ang mga susunod niyang gagawin.

Nag-chat siya sa 'kin na nasa labas na raw siya, sa may kanto kaya nagpaalam na ako kay Mama na may nakakalokong ngiti.

"Ma, kung ano man 'yang iniisip mo, wala 'yang patutunguhan," sabi ko sabay turo sa kanya.

Natawa siya. "Wala naman, ah. Ikaw talaga anak...napaka-defensive."

"Sige po.."

Hinalikan ko ang noo niya at lumabas na sa bahay. Habang naglalakad papunta sa kanto, para akong hinihingal sa kaba. Ba't ako nagkakaganito?

Si Joy lang 'yan...Si Joy lang 'yan...

Imbis siya ang nakita ko, may puting Fortuner na nandoon. Bumaba ang salamin sa driver's seat at nakita ko ang mukha niya. May sunglasses pa na naka-headband sa buhok niya.

"Halika na," yaya niya.

Siya ang magmamaneho? Pumasok ako sa shotgun seat at kaagad nakaamoy ng pambabaeng pabango.

Nakasuot na siya ngayon ng puting sweater at pink na paldang maikli. Naka-boots pa rin naman siya, pero ba't iba yata siya ngayon?

"Teka, ikaw ba ang magmamaneho?" tanong ko.

Prente niya akong tiningnan. "Sa tingin mo? May ibang tao pa ba rito? Sino bang nakaupo sa driver's seat?"

Nag-iwas ako ng tingin at unti-unting napangiti. Siya pa rin pala si Joy.

"Ang obvious na kasi, nagtatanga-tangahan pa rin," dagdag niya pa.

Tuluyan na akong natawa. Nakakamiss din ang pamimilosopo niya.

Pinaandar na niya ang makina at nagsimula na siyang magmaneho. Nag-seatbelt ako nang mapansin na medyo hindi stable ang pagmamaneho niya.

"May lisensya ka ba?" tanong ko.

"Wala."

"Huh?!" sabay tingin sa kanya. "Bakit wala?!"

"Aba'y wala. Kailangan ba may sagot sa lahat ng tanong? Kung ayaw mo, pwede kitang i-drop sa kanto. Kainis."

Napakapit ako sa seatbelt at napansin niya naman 'yun.

"Dahan-dahan, baka masira mo 'yan. Ninakaw ko lang 'to."

"Ha?!" sigaw ko.

"Bwisit, ang ingay," bulong niya.

"Wala kang lisensya-"

"Pero marunong akong mag-drive," putol niya.

"At hindi 'to sa 'yo-"

"Pero ako ang may hawak nito ngayon," putol niya ulit.

Napa-sign of the cross ako lalo na nang binilisan niya pa ang pagmamaneho. Madilim na nang makarating kami sa isang napakalaking bahay.

Mansyon yata 'to, eh. Hanggang tatlong palapag ito. Kulay puti ang exterior ng bahay at mula sa mga malalaking bintana, makikita mo na magarbo ang loob nito.

"Kaninong bahay 'to?" tanong ko sabay tanggal sa seatbelt.

Hindi siya sumagot at lumabas na, kaya binilisan ko na rin ang paglabas.

Nang pumasok kami rito, napanganga ako sa laki ng lugar. Puro muwebles ang bahay at may makikitang ginto sa bawat sulok.

Para yata akong nasa castle.

Sobrang tahimik nito at dumadalungdong ang bawat pagtapak ni Joy. Wala ring tao sa paligid.

"Teka, nasaan ba tayo?" tanong ko.

"Gutom ka ba?"

"Hindi? Sagutin mo na ako."

Nahinto siya at humarap sa 'kin. May nakakalokong ngiti sa mukha niya. "Ano, sasagutin na ba kita?"

Nagkunot-noo ako at unti-unting na-gets ang ibig niyang sabihin.

"Sira."

Natawa siya at halos um-echo ito sa paligid. Umakyat kami sa malaking staircase. Doon ko nakita kung gaano pala ito kalawak.

Halos 'wow' lagi ang lumalabas sa bibig ko. Para na ring mababali ang leeg ko kakaikot at kakatingin sa lugar. Umakyat pa ulit kami sa may hagdanan.

Sunod lang ako nang sunod kay Joy hanggang sa makarating kami sa may rooftop.

Sinalubong ako ng malamig na hangin, pero hindi ko iyon ininda nang makita ang napakagandang view sa harapan ko. Sobrang laki ng rooftop at pwede na rin itong gawin na hall.

Mula rito, kitang-kita ko ang buong siyudad. Parang bituin ang mga ilaw at sobrang ganda nitong tingnan.

Lumapit ako sa may railings kung nasaan nakasandal si Joy. Halos malula ako nang tumingin sa baba. Medyo mataas kasi ito.

"Ang ganda..." wala sa sarili kong sabi.

"Paborito ko 'tong tambayan," aniya. "Lalo na 'pag gusto kong mag-isa."

Lumingon ako sa kanya. Hinahangin ang sobrang taas niyang buhok.

"Dito ka ba talaga nakatira?" mahina kong tanong.

Umiling siya. "Nakiki-tresspass lang tayo."

Sinungaling. Alam niya ang daan rito. 'Tsaka sa kanya na mismo galing na palagi siya rito.

"Mayaman ka naman pala, eh. Ang hilig mo pang magpalibre," sabay mahina kong tawa.

"Hindi ko nga bahay 'to."

"Sus."

Katahimikan.

Mapayapang katahimikan.

Hinayaan ko lang na hanginin ako habang nakatingin sa mga parang bituin na ilaw. Nakatingin na siya sa 'kin nang lumingon ako sa kanya.

Napansin ko na naman ang nunal niya sa gitna ng tulay ng ilong. Ngayong wala na siyang bangs, mas nakikita ko nang buo ang mukha niya.

Dito ko napansin kung gaano pala siya kaganda. Kumpara noong una kong kita sa kanya, ngayon hindi siya mukhang baliw.

"Bakit mo ako hinanap sa Safe Haven?" tanong niya.

At biglang nag-sink in sa 'kin lahat. Hindi ko maintindihan kung ba't pa rin sa kanya ako bumabalik kahit hindi siya nakakabuti sa 'kin.

Sa kanya pa rin ako gumagapang kahit pinapahiya na niya ako, tina-trashtalk, at pinagsasalitaan ng masama.

Kasi parang gusto ko na yata siya.

Hindi ko alam kung paano o bakit...kasi siya naman ang tipong hindi dapat magustuhan. Pero iyon na talaga, eh.

Wala na akong magagawa.

"Bakit...bakit mo ako dinala rito?" tanong ko pabalik.

Tiningnan niya ako mata sa mata. Para itong naging alon, pero kahit hindi ko maintindihan, hinayaan ko ang sariling malunod rito.

Bumagsak ang tingin ko sa manipis niyang labi. Napalunok ako.

"Anong ginagawa niyo rito?"

Bigla akong natauhan nang may babaeng nagsalita sa likuran. Paglingon ko, may babaeng nasa mid 40's na yata ang naglakad papalapit sa amin.

Marami siyang suot na mga alahas at halata na sopistikado ito. Nakatali ang buhok niya at parang...may hawig siya kay Joy.

"Tita Matilda, ikaw pala 'yan," ani Joy.

Tita? Tita Matilda? Siya 'yun?
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.