More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 22

Chapter 22



Isa sa pinaka-ayaw ko sa mundo ay ang ROTC.

Noong nasa grade twelve ako, naalala ko kung ang lahat ng sakit na naranasan. Halos hindi ko magalaw ang mga braso ko sa buong school year.

Tandang-tanda ko pa kung paano kami dapat umupo nang tuwid, pati na rin sa pagtayo.

Kaya isinusumpa ko sa sarili na hindi na talaga ako makikialam sa ROTC o kahit ano pang may kaugnay sa pagsusundalo.

Pero ngayon...daig ko pa lahat ng general at captain na nasa gobyerno sa tuwid ng pagkakaupo ko.

Kaharap ko si Joy na pinipigilan ang tawa. Nasa hapag-kainan kami at nasa gitna ang Tita niya.

Sobrang taas ng dining table nila. Pati ang mga pagkain na sine-serve ng mga naka-unipormeng maid ay parang mamahalin.

Para tuloy akong nasa mundo ng anime. May napakalaking chandelier naman sa gitna. Nakakatakot ito kasi kahit magandang tingnan, parang matalim.

Nang makita kami ng Tita ni Joy, inalok niya kaming mag-dinner. Aayaw na sana ako kaso hinila na ako ni Joy kaya wala na akong magawa pa.

Tanging ang tunog ng mga kubyertos sa plato ang naging ingay. Kanina pa bumubungisngis si Joy. Napansin niya siguro ang pagkailang ko.

"So, what's your name again?"

Tuwid akong humarap sa Tita niya. "Silvester Cruz IV po, ma'am."

Tumango siya. "Okay, okay."

Sa totoo lang, mas nakakatakot si Joy kaysa sa Tita niya...pero mukha itong napaka-high maintenance.

"Saan ka nag-aaral?" tanong niya ulit.

"Sa may malapit na University po, ma'am."

"Oh, a college boy. Anong course mo?"

"N-Nursing...third year na po, ma'am."

"That's great."

"Maraming salamat po, ma'am."

Natawa si Joy. "Natatae ka ba?" tanong niya sa 'kin.

"Happiness, I think it's inappropriate to talk like that in front of the food," ani Tita niya.

"Check mo nga 'yang kausap mo, Tita, parang naging robot na kasi."

Sinamaan ko siya ng tingin kaso kaagad itong napalitan ng ngiti nang tumingin ang Tita niya sa 'kin.

"Magka-ano-ano kayo?" sabay turo niya sa amin gamit ang tinidor.

Tumingin ako kay Joy na naghihintay kung ano ang sasabihin ko. "Ah...magkaibigan po."

"Really? You two seemed intimate earlier."

Naubo ako at inabot iyong tubig.

Tumawa si Joy. "May balak na kasi siyang pakasalan ako, Tita...payag ka ba dun?"

"H-Hindi kaya!" depensa ko.

"Ay sus, ide-deny mo pa. Eh, may gusto ka kaya sa 'kin."

Napakurap ako. "I-Imbento ka ha."

Ngumisi lamang siya at kumain na ulit.

Kinabahan ako roon. Iyong biro niya kasi...totoo. Ayaw ko namang ipahalata at baka ano ang isipin niya.

"I'm sorry for her behavior," sabay tingin ng Tita niya sa 'kin. "She's really like that...a living headache."

"Okay lang po. Sanay na rin po ako sa kanya."

Inirapan ako ni Joy.

"I hope she's not bothering you, because she always do that to everyone."

"Hindi naman po, he he," sabay peke ko ng ngiti.

Tinuro ni Joy ang tita niya gamit ang tinidor. "Hindi mo rin ba itatanong kung nakaka-istorbo ba 'yang damuhong 'yan sa buhay ko?"

Nagkunot-noo ako. Ano na namang pinagsasabi nito.

"Una sa lahat, laging sumasakit ang papulsuhan ko kakahila niya. Pangalawa, ang tigas ng ulo. Sabing niloloko lang siya ng ex niya, pero hindi talaga naniniwala."

"Happiness, stop okay..." ani Tita niya. "I'm not asking you."

"Whatever," sabay irap ni Joy.

Parang malapit sila sa isa't-isa. Bahay yata 'to ng Tita niya. Ibig sabihin, dito nga siya nakatira. Big time naman pala, eh, pero napaka-kuripot.

Iyon na yata ang pinaka-awkward na dinner sa buong buhay ko. Mabuti na lang at may tumawag sa Tita niya kaya naiwan kaming dalawa.

Doon lang ako humabhab ng todo sa mga pagkain. Pagkatapos, sumakay na ulit kami sa sasakyan kanina kasi ihahatid niya raw ako.

Kaya naman nagsuot kaagad ako ng seatbelt pagpasok sa shotgun seat.

"Ba't ka ba takot sa Tita ko?" tanong niya at nagsimula na sa pagmamaneho.

"Sinong takot? Hindi kaya ako takot."

"Kunwari ka pa...halata kaya..."

Mahina akong natawa at lumingon sa kanya. Kahit hindi nakabukas ang ilaw, kitang-kita ko pa rin ang maamo niyang mukha, pati na rin ang nunal niya sa ilong.

Ba't ngayon ko lang napansin na maganda nga talaga siya? Pinagmasdan ko ang bawat detalye kahit ang marahan niyang pagpikit.

Ang astig niya ring tingnan kapag nagda-drive. Doon ko natanto na may marami pa pala akong hindi nalalaman.

"Huwag mo namang ipahalata na in-love ka talaga sa 'kin," aniya.

Kaagad akong tumingin sa labas ng bintana. "Hindi kaya."

"Sus. Ang dami mong palusot 'no."

Naisipan kong mag-change topic. Kasi baka 'pag nagpatuloy pa kami sa ganitong usapan, may tsansa na mahuli nga niya ako.

Naalala ko tuloy ang sinabi ni Phil noon na hindi niya itinuloy ang nararamdaman niya kay Joy. Iyon din ang plano ko.

Mawawala rin naman 'to, eh. Kung kaya ni Phil, kaya ko rin.

"Ba't nga pala hindi mo kinuha ang certificate mo nong nakaraan?"

Nahinto siya saglit para mag-isip. "Ah, sa recognition ba?"

Tumango ako. "Nandun ka, 'di ba? Nakita kita, eh."

"Nakakainis kasi ang principal. Pinilit akong magsuot ng uniform."

"Kasi formal program 'yun?" sabi ko. "Normal lang na mag-uniform sa recognition."

"Eh, ayoko nga. Napaka-baduy."

"Ibang klase," pabulong kong sabi. "Bilib na talaga ako sa 'yo."

"Alam ko." Saglit siyang tumingin sa 'kin. "Kaya nga crush mo ako, eh."

Itinago ko kaagad ang gulat ko. "H-Hindi kaya...ba't mo ba laging sinasabi na crush kita kung...hindi naman totoo."

Nagtikhim ako at tumingin sa labas ng bintana para hindi niya makita ang mukha ko.

"Pero kung kunwari, gusto mo ako, may balak ka bang manligaw?" mahina niyang sambit.

Natigilan ako. Wala 'yan sa plano ko. Kagaya kasi ni Phil, alam ko na wala itong patutunguhan. Hindi kagaya si Joy sa ibang babae. Kakaiba siyang mag-isip.

"Kunwari?" tanong ko para makasigurado.

Tumango siya, ang mga mata ay nasa daan.

"Siguro, oo, pwede ring hindi."

"Ang gulo mong kausap. May sagot bang ganyan? Bobo talaga."

Napangiti ako. "Oo at hindi nga."

"Isa lang."

Nahinto ako at nag-isip. "Hindi siguro..."

"Bakit naman?" mahina niyang sabi.

Tumingin ako sa kanya. "Ewan ko. Hindi ko alam."

Nakita ko ang paglunok niya. "Tama. Kung sakali na magkagusto ka sa 'kin, huwag ka talagang manligaw. Ayaw ko sa mga ganoon," aniya habang ang mga mata ay nasa daan pa rin.

Inasahan ko na iyon, pero iba pa rin ang atake. Gusto ko siya at hanggang doon lang iyong, kaso ba't ang bigat ng loob ko?

Parang sinabi niya na rin na wala akong pag-asa sa kanya. Tumingin ulit ako sa labas ng bintana para itago ang lungkot.

"'Tsaka 'di tayo talo," aniya. "Mas challenging kung babae ang magiging girlfriend ko."

Lumubo ang mga mata ko. "Totoo?"

"Joke lang," aniya at natawa nang mahina. "Uy, kinabahan siya. Sabi ko na nga ba, may gusto ka talaga sa 'kin."

Imbis na itanggi ang katotohanan, tumawa na lang ako.

"Doon ka ba nakatira?" tanong ko.

"Parang ganoon na nga...bahay 'yun ni Tita Matilda."

"Nasaan ang mga magulang mo?"

Hinigpitan niya ang hawak sa manibela. At para akong nakatama sa target point. May mali...

Natanto ko na wala siyang sinabi tungkol sa mga magulang niya. Kinagat ko ang loob ng pisngi sa pagsisisi. Bumigat bigla ang hangin sa pagitan namin.

Sana hindi ko na lang tinanong.

"Patay na sila, matagal na," prente niyang sagot.

Sakto namang dumating na kami sa tapat ng bahay. Tinanggal ko ang seatbelt.

"Salamat sa paghatid," paalam ko.

Hindi siya tumango o nagsalita. Nanatiling nakapatong ang mga kamay niya sa manibela at ang mukha ay nasa harapan. Ni-hindi man lang ako tinapunan ng tingin.

Napalunok ako at tiningnan muli ang mukha niya bago isinara ang pinto.

Sa totoo lang, wala akong kasalanan. Hindi ko alam. Kaya naman kung may natamaan man ako, labas na ako roon.

Pero siya si Joy, alam ko na isisisi niya na naman iyon sa 'kin. Hindi na naman niya ako kakausapin ng ilang linggo...o buwan.

Napapitlag ako nang mapaso ang dila ko. Umiinom kasi ako ng kape sa labas ng bahay. Ipinatong ko ang tasa sa may railings.

"Okay ka lang?" tanong ni Mama nang lumabas siya.

"Ah, opo...napaso lang..."

"Bago 'yan, ah. Nagkakape ka? Eh, hindi ka naman mahilig diyan."

"Ah, oo nga po, eh. Malamig kasi ang simoy ng hangin."

Sinamahan niya ako at tumayo sa gilid. "Okay ka lang? Simula nung umuwi ka kanina, parang masama yata ang timpla ng mukha mo."

Ngumiti ako. "Wala po."

"Sus, sa akin ka pa talaga magsisinungaling, ha."

Nagbuntong-hininga ako. "May sasabihin po ako sa inyo, pero huwag kayong mabibigla."

"Na ano? Na gusto mo iyong babaeng laging galit sa mundo?"

Tumingin ako kay Mama, hindi makapaniwala sa sinabi niya. "Ba't mo alam?"

"Halata kaya," sabay tawa niya.

"H-Halata ba talaga?"

Nag-panic ako. Ibig sabihin, sinasabi iyon ni Joy kasi nahahalata na niya?

"Anak kita kaya alam ko."

Nakahinga ako nang maluwag. Pero kahit ganoon ang sinabi ni Mama, hindi pa rin nawala ang kaba.

Hindi naman siguro 'di ba? Hindi niya mahahalata. Hindi pwede.

Hinagod ni Mama ang likuran ko. "Alam mo, wala namang problema sa 'kin kung gusto mo siya. Ba't di mo ligawan? Alam ko na medyo...weird siya pero okay naman. Masungit pero honest. Laging nakasimangot pero maganda."

"Wala po akong plano, eh. Basted na rin po ako kung sakali."

"Bakit naman?"

"Ayaw niya sa mga ganun."

Nagbuntong-hininga siya.

Tumingin ako sa kalangitan. "'Tsaka, hindi ko pa po siya kilala. Nararamdaman ko na...ang dami niyang sikreto, Ma."

"Natatakot ka ba?" marahan niyang tanong.

Tumingin ako kay Mama at dahan-dahang tumango. "Opo."

"Bakit mo siya nagustuhan kung takot ka?"

"Hindi ko rin po alam," sabay iling. "Hindi ko alam kung bakit ko siya gusto."

Mapait akong nagbuntong-hininga.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.