More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 23


Chapter 23



Naging normal ang buong bakasyon ko.

Kung wala sa bahay, nasa gym at tindahan kami tumatambay ni Reggie. Wala si Oyo kasi nag-bakasyon sila sa bahay ng Lola niya. Si Tiboy naman ay umuwi sa probinsya.

Kagaya ng hula ko, hindi na ulit kami nagkita ni Joy.

Nadi-disappoint ako sa sarili ko. Okay na ako na wal siya, eh. Nitong mga nakaraang buwan, dahan-dahan na akong nasanay. Pero dumating na naman siya...at umalis na naman nang walang paalam.

"Ano, cleared ka na ba pare?" tanong sa 'kin ng isang ka-block.

Naglalakad kami paalis sa registrar. Nagpapa-clearance kami. Matatapos na kasi ang first sem at sa susunod na linggo ay semestral break na namin.

"Oo, eh. Ikaw ba?"

Pagod siyang nagbuntong-hininga. "Hindi pa, eh. Iyong isang prof kasi namin, ang daming pinapagawa. Feeling major."

Natawa ako at tinapik ang balikat niya. "Kaya mo 'yan, pre."

"Salamat."

Isinuot ko nang maayos ang bag at nagpaalam na sa kanya. Nang makalabas sa gate ay kaagad akong nahinto nang makita si Joy na nakatayo sa may eskinita.

Napalunok ako. Ilang buwan ko na rin siyang hindi nakita.

As usual, bestida na naman ang suot niya. Itim ito at may pattern ng mga butterfly. Naka-boots din siya at iyong sobrang taas niyang buhok ay hanggang sa ibabaw ng puwetan niya na lang.

Nakayuko siya at pinaglalaruan ang mga batong nasa paanan.

May kutob na ako sa balak niya, kaya naman tumikhim ako at naglakad na palayo. Kaso nang tinawag niya ang pangalan ko, awtomatik na huminto iyong mga paa ko.

"Silvester Cruz IV!"

Napapikit ako nang mag-buntong hininga. Kinuyom ko na rin ang kamao para pigilang magalit. Pilit ko siyang hinarap.

"Bakit?"

Unti-unting lumambot ang mukha ko nang tumingin sa kabuuan niya. Mula sa mga walang emosyon na mga mata, hanggang sa nunal sa ilong at sa maninipis nitong labi.

Para bang nalimutan ko na galit pala ako sa kanya.

At nakakainis 'yun.

"Sumama ka sa 'kin," aniya.

"Bakit? 'Tsaka, anong ginagawa mo rito?"

"Hindi ba halata ang rason? Sa tingin mo, sinong pinunta ko rito?"

Hindi ko siya pinansin at tumalikod na, kaso hinila niya ang bag ko kaya napaharap ulit ako sa kanya.

"Anong problema mo?" tanong niya. "Daig mo pa ang babaeng may mens ngayon, ah."

"Joy, pagod ako. Wala akong time para makipaglaro o ano."

Tiningnan niya lang ako kaya hindi ko mapigilang mailang.

"Dyan ka na nga," sabi ko at naglakad na papalayo.

Pinakiramdaman ko siya pero mukhang hindi siya umalis sa kinatatayuan. Hinawakan ko ang strap ng bag.

Tama, iwan mo siya, Lester. Dapat mo 'yang gawin.

Kaso nahinto ako at nagbuntong-hininga. Napapikit ako sa inis.

Ito na naman ako, eh. Bumibigay na naman. Hinahayaan na naman ang sarili.

Dahan-dahan akong humarap at naglakad pabalik kay Joy na nakangisi na.

"Saan tayo pupunta?" inis kong tanong.

Mas lumawak ang ngisi niya at inihagis ang bag sa 'kin. Mabuti na lang at nasalo ko kaagad kaya naalog iyong salamin ko. Inayos ko ito at sinundan siya sa paglalakad.

"May bibilhin ako sa mall. Sumama ka," aniya. "Wala kasi akong taga-bitbit."

Sarkastiko kong inikot ang mata. Ano pa nga bang inaasahan ko?

Mula sa gilid, naka-park iyong sasakyan na ginamit niya noong mga huling buwan. Iyon ang sinakyan namin papunta sa mall.

Tahimik lang ako sa biyahe at nakatingin sa labas ng bintana, tinatanong ang sarili kung bakit nandito na naman ako. Kung bakit kasama ko na naman siya.

Alam ko na wala na naman itong patutunguhan, at nakakainis 'yun. Pero hindi ko talaga mapigilan ang sariling hindi gumapang pabalik kay Joy.

"Kanina ka pa tahimik, ah," sabi niya. "Nakakapanibago."

Hindi ko siya sinagot. Hinigpitan ko ang hawak sa basket nang maglagay siya ng mga instant noodles doon.

Nasa grocery kami at nakasunod lang ako sa kanya. Naging taga-bitbit niya nga ako.

Malakas niyang tinapik ang balikat ko kaya napa-aray ako. As usual, wala na naman siyang pakialam.

"Ano ba?" angal ko.

"Anong problema mo?" Nakakunot ang noo niya. "Bagsak ka ba? Pinagalitan ka ba ng nanay mo? Or OA ka lang talaga."

Prente ko siyang tiningnan. Nakipagtitigan siya sa 'kin.

"Bilisan mo na lang," malamig kong sabi. "Gusto ko nang umuwi."

Tumalikod ako at nag-iwas na ng tingin. Hindi na siya nagsalita pa, pero ramdam na ramdam ko na tumitingin siya sa 'kin.

Nang ma-punch na lahat ng pinamili niya, kinuha ko na iyong paperbag at naunang maglakad papunta sa direksiyon ng exit.

"Huy, hindi diyan," aniya.

Nahinto ako at hinarap siya habang nakataas ang kilay.

"May pupuntahan pa tayo," sabi niya.

Nagbuntong-hininga ako at sumunod sa kanya. Hindi ko alam kung saan kami papunta kaya nauna siyang lumakad.

Lihim akong napapangiti kasi kada-minuto siyang tumitingin sa likuran, sinisigurado kung nakasunod pa ba ako.

Hanggang baba ko ang height niya, kaya ang liit niyang tingnan. Medyo tumataas lang siya dahil sa takong ng boots. Kaya ang cute niya tingnan.

Sa tuwing chini-check niya kung nakasunod pa ba ako, nakakunot ang noo niya at may maliit na nguso. Kinakagat ko tuloy ang loob ng pisngi para pigilang mapangiti.

Sa totoo lang, hindi ko kayang magalit sa kanya, pero gusto ko talaga. Para mapatunayan na hindi niya ako kontrolado.

Kaso hindi talaga, eh...ang lakas ni Joy sa 'kin.

Pumasok kami sa isang maliit na kainan sa may dulo ng mall. Nasa third floor kami at hindi na masyadong matao kaya walang customer doon kung hindi kami lang.

May pagka-native ang disenyo ng lugar, pero iyong mga pagkaing binebenta ay puro streetfoods.

Umupo kami sa may dulo. Inilagay ko sa katabing upuan ang paper bag na dala.

Pumunta si Joy roon at nag-order.

Wow, himala. Libre niya ngayon? Anong nakain niya?

Nagkunot-noo ako nang makita kung paano sila mag-ngitian nung lalakeng taga-silbi. Itong si Joy naman, nagpapa-cute. Takte...kinindatan pa siya ng lalake.

Nag-iwas ako ng tingin nang bumalik na si Joy at may dalang mga sari-saring streetfood. May tempura, fishball, kwek-kwek, tokneneng at kung anu-ano pa. Nakalagay ito sa plato.

"O, ba't ganyan ang mukha mo?" tanong niya.

"Wala."

Kumuha ako ng stick at nagsimulang tumusok ng fishball. Kakainin ko na sana 'to pero nahinto ang kamay ko sa ere nang makita ang galit na mukha ni Joy.

"Bakit?" tanong ko.

"Ano bang pinuputok ng itlog mo at ganyan ka sa 'kin?"

Nagkunot-noo ako. Gusto kong matawa kasi hindi ba niya nakikita? Hindi ba niya nahahalata?

Ibinalik ko ang fishball at nagkrus ng braso. "Ako dapat ang nagtatanong niyan, eh...ba't ganyan ka sa 'kin?"

"Huh?"

Kumuha siya ng fishball at nagsimulang kumain.

"Bakit ka ganyan, Joy?" Umayos ako ng upo. "Magpapakita ka, tapos bigla ka na lang mawawala ng ilang buwan na para bang walang nangyari."

"So, nagtatampo ka?"

Nanatili akong nakatingin sa kanya, hindi makasagot.

"So, anong gusto mo?" tanong niya. "Ayaw mo na bang makipagkaibigan sa 'kin?"

"Ang concern ko lang naman, Joy, ay iyong magsabi ka ng katotohanan. Sabihin mo kung anong problema, kung saan ka galit, kung masaya ka...para malaman ko."

Kinuyom ko ang kanang kamao. "Ang gulo mo kasing tao, eh. Hindi kita maintindihan. Hindi ko ma-gets kung ano ang kasunod mong plano. Napaka-unexpected mo kasi. Kaya, sabihin mo...para maintindihan kita."

Parang nawala ang malaking tinik nang lumabas iyong sa bibig ko. Ilang buwan ko rin iyong hinawakan.

Nakatingin lang siya sa pagkain at tinutusok-tusok ito.

"Gusto mo akong magsabi ng totoo?" aniya.

Tumango ako.

Tumingin siya sa 'kin. "Gusto kitang makasama...kaya manitili ka sa tabi ko."

Habang nakikipagtitigan, nararamdaman ko na naman iyong para niya akong hinihila. Naputol lang 'yun nang nag-iwas siya ng tingin.

Tumikhim ako at nagpatuloy sa pag-kain. Palihim akong umiling para alugin ang utak.

"Tsk," aniya at may pinulot sa paanan niya. "Naputol na naman."

Hawak niya na iyong anklet. Suot-suot niya pa pala 'yan.

"Sira ba?" tanong ko.

Tumango siya at pilit iyong inayos. "Ang lock niya kasi, medyo maluwag na."

"'Di ba ninakaw mo 'yan?"

"Oo."

"Ibalik mo na lang kaya 'yan sa pawnshop? O 'di kaya ay ibenta mo. Mukhang mahal 'yan."

Ipinatong niya 'to sa mesa. "Sa 'kin 'to."

"Ikaw bahala-"

"Sa mama ko 'to."

Natahimik ako. Hindi ko inasahan na magsasalita siya tungkol sa mga magulang niya kaya nanatili akong naka-depina sa mga pagkain.

"Isinangla 'to ni Daddy sa pawnshop, kaya ninakaw ko na."

Alam ko na hindi siya kumportableng pag-usapan iyon kaya nag-kuwento na lang ako tungkol sa mga nangyari sa first sem.

Nakalimutan ko nang panandalian ang tungkol sa pagka-diagnose niya sa mental hospital. Biglang nawala sa utak ko iyong mga nabasa kong medical records.

Bigla ko ring nalimutan ang tungkol sa mga sikreto niya. At alam kong mabigat iyon...

Gusto kong sabihin sa kanya na pwede niya pa rin akong matakbuhan. Pero, itinago ko na lang ito sa sarili.

Gabi na nang inihatid niya ako sa bahay. Sakto namang naghahapunan si Mama. Nagmano ako at hinalikan ang pisngi niya.

"Si Lovely?" tanong ko.

"Ayaw raw kumain. Nasa kwarto. Pagod na pagod kaya natulog na," aniya. "Ikaw? Kakain ka ba?"

"Busog po ako, Ma...kumain kami ni Joy sa labas."

Nagulat siya at ngumiti. "Nagkita pala kayo ulit."

"Opo..."

Napansin ko ang ngiti niyang may halong panunukso.

Nagbuntong-hininga ako. "Ma..."

"Bakit, anak?"

"Parang...parang hindi na po yata ako takot."

Ngumiti siya nang malumanay at hinawakan ang kamay ko. "Edi, paghandaan mo na."

Tumango ako.

Paghahandaan ko na yata.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.