More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 24

Chapter 24



Biglang bumalik sa dati ang buhay ko.

Ibig sabihin nun, hinihila ulit ako ni Joy para sabayan siyang mag-cutting. Kinukulit niya na ako ulit. Kaya naman minsan ay nase-stress ako kapag nakikita ang mga score ko.

Hindi na rin kasi ako nakakapag-aral masyado. Pero kumpara noon, hindi na ganoon kabigat ang loob ko.

"Ang OA mo, ha," sabi pa ni Joy nang minsa'y nagpunta kami sa mall para samahan siyang mag-arcade.

"Hindi kaya..."

"Quiz lang 'yan. Hindi naman grades ang basehan ng buhay."

"Pero iyon ang basehan para makapasok ako sa Med school."

Nahinto siya sa pagsho-shoot ng bola at tumingin sa 'kin. "Seryoso ka talaga dyan sa pagdo-doktor mo?"

Tumango ako.

"Ba't gusto mong maging doktor?" Nagpatuloy na ulit siya sa pagsho-shoot. "Nakaka-stress kaya 'yan. Nakaka-pangit."

"Imbento ka na naman-"

"Pangit ka na, kaya baka lumubha 'yan."

Napangisi ako. "Sus, sinabi mo kaya sa 'kin na gwapo ako kapag walang salamin."

Blangko niya akong tiningnan. "Wala akong sinabing ganyan."

"Ay sus."

"Huwag kang maging doktor," aniya.

Nagkunot-noo ako. "At sino ka naman para pigilan ako sa pangarap ko?"

"Ako si Joy-"

"Ang sisira sa buhay ko?"

Sinamaan niya ako ng tingin. "Parang ganoon na nga."

Natawa ako. "Ibang klase."

Napabuntong-hininga ako at pinagmasdan siya sa paglalaro. Aakalain mo talaga na mas bata pa siya sa 'kin. Mula sa height, pati na rin sa mukha. Baby face kasi siya.

Bakit ba ako nagkagusto sa kanya? Bakit ko hinahayaang guluhin niya ang buhay ko? Wow...ang lakas yata ng epekto niya sa 'kin. Akalain mo 'yun?

"Ba't ayaw mo akong maging doktor?"

"Hindi bagay sa 'yo," sagot niya nang hindi tumitingin sa 'kin.

"Ano bang bagay sa 'kin?"

Lumingon siya sa 'kin. "Kikiligin ka ba kung sasabihin kong ako?"

Nanlaki ang mga mata ko. "P-Parang tanga 'to."

Mahina siyang natawa. "Joke lang. Kadiri ka."

Idinaan ko na lang sa tawa kahit medyo masakit na nandidiri siya sa 'kin, kahit alam kong biro lang naman.

Masamang bagay talaga na magka-crush kay Joy. Pero hindi ko naman pinagsisisihan. Mawawala rin naman 'to...

Mataas ang sikat ng araw bandang ala-una nang nakatambay kami nina Oyo at Tiboy sa tindahan. Wala si Reggie kasi may group project daw.

Linggo ngayon at balak sana naming mag-basketball. Pero dahil kulang sa tao, umupo na lang kami sa tindahan at nagku-kwentuhan. Sanay na rin naman iyong tindera sa ingay namin.

"College yata ang sisira sa buhay ko, Pre," ani Oyo. "Ngayon ko lang naramdaman na parang masisiraan na ako ng bait."

Tinapunan siya ni Tiboy ng crackers. "OA, 'tol ha. Second year ka pa lang."

"Agree ako, Oyo," sang-ayon ko.

"Ikaw? Nahihirapan? Himala naman yata 'yan, Lester."

"Oo nga, oo nga," sang-ayon ni Oyo.

Napabuntong-hininga na lang ako. "Hindi kaya ng plus at minus ang mga subjects, Pare. 'Tsaka, minsan napapaisip na lang ako kung ba't ako nag-nursing."

"Ako nga rin," ani Tiboy. "Ba't ba ako nag-criminology..."

"Para sa mga pangarap natin, malamang," si Oyo. "Kapag bago ako matulog sa gabi, wish ko na maging porn star na lang para hindi na ako mahirapan pa."

Natawa si Tiboy. "Ulul. Kahit sa porn industry, walang kukuha sa 'yo."

"Isang sakay lang, bali na 'yang mga buto mo," dagdag ko.

"Ang sama niyo, ha. Watch and learn, magkaka-muscles din ako."

"Balitaan mo kami 'pag nangyari 'yan."

"Gago," mura niya kay Tiboy kaya nagtawanan kami.

Nang matahimik ay sabay-sabay kaming nagbuntong-hininga.

"Huy, Kuya."

Biglang dumating si Lovely na may nakaikot pang tuwalya sa buhok.

"Anong ginagawa mo rito?"

"Pinapauwi ka ni Mama. Nandun si Ninang."

"Ninang?"

"Basta, basta," inis niyang sabi. "Umuwi ka na, ha."

Naglakad na siya palayo.

Tumayo na ako at inayos ang salamin. "Narinig niyo na 'yun. Uwi muna ako."

"Ge, pre."

Pagdating sa bahay, kaagad akong nagmano kay Ninang Imelda nang makita siyang nakaupo sa sala kasama si Mama.

Unang beses ko siyang makita na hindi naka-uniform. Ngayon, t-shirt at pantalon ang suot niya. Kahit magka-edad lang sila ni Mama, mas bata pa rin siyang tingnan. Payat din ang pangangatawan nito.

"Magandang hapon, po," bati ko rin.

Ngumiti siya sa 'kin at tumango.

Kinalabit ako ni Mama. "Tulungan mo muna ang kapatid mo sa kusina para maghanda ng meryenda."

"Sige po, Ma."

Sumunod ako roon at tumulong sa pagtimpla ng juice habang si Lovely naman ay nag-a-arrange sa mga pandesal at cupcake sa plato.

"Huy," tawag ko. "Tanggalin mo nga 'yang tuwalya sa buhok mo."

"Ikaw kasi, eh," mahina niyang singhal.

"Anong ako? Kararating ko lang tapos ako na naman."

"Iyon na nga. Kung hindi ka umalis, edi sana nakaligo na ako nang tuluyan," aniya. "Saktong unang buhos ko, tinawag ako ni Mama para maghanda ng snack."

"Tapos kasalanan ko ba na tanghali ka na maligo?"

Inilabas niya lang ang dila sa 'kin at inirapan ako. Nauna siyang lumabas. Sumunod naman ako sa kanya at inilagay ang mga baso sa mesa.

Aakyat na sana ako nang bigla na naman akong natawag.

"May nakapagsabi sa 'kin na palagi ka raw na bumibisita sa ospital," ani Ninang.

Mula sa gilid, humagikhik si Lovely kaya sinamaan ko siya ng tingin.

Pilit akong ngumiti. "Ah, opo."

"May crush kasi siya roon, Ninang," singit ni Lovely.

"Huy-"

"Bakit, hindi ba totoo? Narinig ko kaya kayo ni Mama."

Naramdaman ko ang pamumula ng mga tenga. Humanda ka talaga sa 'kin, Lovely. 'Pag umuwi na si Ninang, ibibitay talaga kita patiwarik.

Inirapan niya ako at umakyat na papunta sa kwarto. Hilaw akong humarap kay Ninang.

"Huwag po kayong maniwala sa kanya. Nag-iimbento lang 'yun."

"Naku, huwag kang mag-alala, hindi ko naman ipagkakalat."

Nang tumawa sila ni Mama, pumilit na rin ako ng tawa. Aalis na sana ako nang kinausap na naman ako ni Ninang.

"Sino, hijo? May mga magagandang nurse doon, 'tsaka mga intern. May mga mula sa university mo at sa ibang lugar."

"Naku, Mare, hindi 'yan ang mga tipo ni Lester."

Pinandilatan ko si Mama para iparating na kailangan niyang itikom ang bibig kaso huli na ang lahat.

"Iyong babaeng may bangs? Iyong laging nakasuot ng bestida? Sino nga ba 'yun?" Humarap pa siya sa 'kin para magtanong ng pangalan.

"Wala na po siyang bangs ngayon, Ma."

"Bangs?" sabay taas ng kilay ni Ninang, at unti-unti siyang nagulat kasabay nang paglingon niya sa 'kin. "Si Joy? Joy Paraiso?"

"Tama!" ani Mama. "Siya nga."

"Sure ka ba, hijo?"

Huli na ang lahat para itanggi ko kaya naman dahan-dahan na lang akong tumango.

"Talaga?" tanong niya ulit.

"O-Opo."

Kinamot ko ang batok sa pagka-ilang. Gusto ko na talagang um-exit bago may malaman pa siya. Baka masabi niya kay Joy...katapusan ko na talaga.

"Bakit siya pa?"

Nagtaas ako ng kilay nang sabihin niya 'yun. Hindi ko maipaliwanag ang mukha niya. Para bang nalulungkot, na nadidismaya, na nandidiri.

Naiintindihan ko naman kung ba't siya ganyan. Nakasama na niya si Joy sa mahabang panahon. Nakita na niya kung gaano katindi ang ugali nito. Pero sa ibang paraan ko siya nakilala.

Hindi bilang si Joy na na-diagnose sa ospital na 'yun. Kundi iyong totoong Joy. Nakita ko ang mga panahong ngumiti siya nang tunay. Sinabi niya sa 'kin ang mga pananaw niya.

Nakilala ko siya sa ibang parte. At sapat na 'yun na dahilan.

Mahinang natawa si Mama. "Medyo kakaiba lang ang batang 'yun, 'no?"

Nagbuntong-hininga si Ninang. "Kawawa nga, eh."

Nagtaka ako kasi hindi iyon ang inasahan ko sa kanya. Akala ko ay may sasabihin siyang pangit tungkol kay Joy, pero iba...

Kaya naman pasimple akong kumuha ng cupcake at umupo sa may gilid, handang makinig sa kung ano man ang lumabas sa bibig ni Ninang.

"Kawawa?" tanong ni Mama. "Bakit naman kawawa? Mukhang matapang nga, eh."

"Kahit matigas ang ulo nun, mahalaga siya sa 'min lahat. Kahit nagsusungit at walang galang, at medyo pinapaiyak ang ibang mga nurse, tinututukan pa rin namin siya."

"So, pasyente siya roon?"

Tumango si Ninang. "Pero noon lang 'yun. Okay na siya at doon lang pinatira ng kamag-anak kasi wala na siyang mapuntahan, eh."

"Iyong mga magulang niya, Mare?"

"Patay na ang mga magulang niya."

May kumirot sa dibdib ko. Parang wala yata akong karapatang makinig ngayon. Alam ko kasi na may malalaman ako.

May oras pa akong takpan ang tenga o 'di kaya ay umalis, pero kusang nanigas ang katawan ko.

"Talaga?" malungkot na sabi ni Mama.

"Napadpad siya sa ospital four years ago. Nakita niya kasi kung paano namatay ang mga magulang niya...sa harapan niya mismo. Kaya ayun, nabaliw. Posttraumatic stress disorder...

"Halos lahat ng nurse, napapaiyak kapag tinitingnan siya. Nakakaawa siya, Mare. Halos sakupin ng iyak niya ang buong ospital. Mapapaluha ka talaga kapag nakita mo kung paano niya hilingin sa 'min na patayin na lang siya...

"Ang bata-bata niya pa para sa mga ganoong bagay. Hindi niya nakayanan...hindi nakayanan ng utak niya kaya kusang nag-give up. Ang sakit lang na makita siyang ganoon."

Nanuyo ang lalamunan ko, lalo na nang tumingin si Mama sa 'kin, naluluha, nalulungkot. Nawala yata ang lahat ng dugo ko sa katawan.

Nanghihina ako kasi...kasi hindi ganoon ang inasahan ko.

Yumuko ako at nagpigil ng hininga. Bigla kong nakita ang maputlang mukha ni Joy, iyong walang buhay niyang mga mata, iyong peklat sa may paanan...lahat.

Umalingawngaw ang tunog ng cellphone ni Ninang sa paligid.

"Hello?" sagot niya. Ilang segundo pa ay bigla na lang siyang tumayo. "Ano?!...sige...papunta na ako diyan."

Natataranta si Ninang nang kinuha niya ang bag. Pinigilan siya ni Mama. Pati ako ay napatayo na rin.

"Anong nangyayari?"

"Si Joy raw," nanginginig na tugon ni Ninang. "Isinugod sa ospital."

Napalunok ako. May mali...may mali...
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.