More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 26

Chapter 26



Sa totoo lang, hindi naman talaga ako nahihirapan sa exam. Minsan, nagdadalawang-isip, pero hindi talaga ako umabot sa punto na walang mai-sagot. Kagaya nga ng lagi kong sinasabi, daig ko pa ang boyscout sa paghahanda.

Pero parang bumagsak yata an tuhod ko nang marinig ang balita mula kay Ninang. Pagkaalis niya, kaagad akong napaupo at pinakiramdaman ang sarili.

Masakit sa loob na mula kay Ninang ko pa talaga nalaman ang tungkol sa nangyari. Sumasakit ang dibdib ko habang inaalala kung ano ang naranasan ni Joy. Hindi ko akalain na ganoon pala kalala.

Hindi ko rin maintindihan kung anong nangyayari. Anong ibig sabihin sa pagkaka-ospital ulit ni Joy? Ba't nataranta si Ninang?

Pumikit ako at nag-inhale-exhale, lihim na nagdadasal na sana okay lang siya. Pero lumilipad ng isip ko sa puting pasilidad na 'yun.

"Okay ka lang?" tanong ni Mama nang lumapit sa 'kin.

"O-Opo..."

"Iyong totoo, Silvester."

Napalunok ako at yumuko. "Ewan...naguguluhan po ako. Parang nag-uusap lang tayo rito tungkol sa kanya, tapos ganoon na ang nangyari."

"Gusto mo bang pumunta?" Napatingin ako sa kanya. "I mean, hindi ko alam kung pwede ba, pero pwede mo siyang kamustahin."

"Ah, hindi po." Tumayo ako. "Punta na muna ako sa kwarto."

Nang tumango siya ay kaagad akong umakyat. Napaupo ako sa kama at kinusot-kusot ang mga mata sa ilalim ng salamin.

Ilang gabi akong hindi makatulog kakaisip kay Joy. Lagi kong tinitingnan ang chat box namin pero hindi siya muling nag-online.

Nagsimula na ang semestral break at wala akong ibang ginawa kundi magmukmok at manuod ng mga palabas. Pero laging lumilipad ang utak ko papunta sa Safe Haven.

Ano na kaya ang nangyari?

"Ma," tawag ko sa kanya nang bumaba sa kusina.

"O?"

"May pupuntahan lang po ako sa mall. M-Magkikita kami nina Reggie."

Nakita ko ang pagngiti niya. "Sila ba talaga ang pupuntahan mo?"

Tumango ako kahit naiilang na. "Sige, po."

Lumabas na ako sa bahay at pumunta sa sakayan. Sobrang lamig ng mga kamay ko. Hindi ako mapakali. Pero kailangan ko rin kasi 'tong gawin.

May maliit na mga tindahan sa gilid ng sakayan. Para itong tiangge. Puro assorted ang mga binebenta rito. Minsan, dito na rin kami bumibili ng mga kagamitan. Bukod sa mura na, maganda pa ang quality.

Nagpunta ako roon at huminto sa tapat ng flower shop. May mga iba't-ibang bulaklak na naka-display sa labas.

"Anong atin, Kuya?" tanong ng tindera.

"Gumagawa ba kayo ng bouquet dito?"

"Opo. May mga bagong gawa po kami."

Pumasok ako sa loob at may nakitang mga magagandang bouquet. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong piliin kasi wala naman akong alam dito.

Noon, laging red roses ang lagi kong binibigay kay Mayumi, pero gusto ko sanang maiba naman.

"Ano po bang okasiyon?" tanong ng tindera.

"Ah...may bibisitahin lang sa ospital."

Napakamot ako sa ulo, medyo nahihiya na.

Ngumiti ang tindera at binigyan ako ng bouquet na puno ng mga puting rosas. Sobrang ganda nito at ang payapa tingnan. Kaya naman binili ko na.

Habang nakasakay sa jeep, pinagtitinginan ako ng mga tao. Ang iba ay mga kapitbahay ko pa. Pero hindi iyon ang nasa utak ko ngayon.

Si Joy...

"Good morning, hijo," bati ng guard at naglabas ng log book.

"Good morning, po."

Bumagsak ang tingin niya sa dala ko at may malungkot na ngiti sa labi. "Para sa kanya ba 'to?"

Wala siyang binanggit na pangalan, kung si Nurse Imelda ba o si Joy, pero may taong kaagad na pumasok sa isipan ko. At alam kong iisa lang kami ng iniisip.

"Opo," sagot ko.

"Nasa second floor siya. Room 12. Hindi pa pwede ang mga hindi pamilya, pero sa kaso niya, pwede ka yatang papasukin."

Tumango ako at nagsulat na sa log book.

"Salamat, po."

Ibinalik ko na ang log book at ballpen sa kanya.

"Maraming salamat din," aniya. "Ayaw niya sa mga bulaklak, pero tatanggapin niya siguro 'yan."

"Ay ganoon po ba?"

Tumango siya at mahinang natawa. Nagpaalam ulit ako pumasok na.

Dahil alam ko naman ang pupuntahan ay doon na ako dumiretso. Nang paakyat na sa hagdanan, nagkasalubong kami ni Tita Matilda.

Nakasuot siya ng business suit at nakatali ang buhok niya. Malaki ang eye bags niya at mahahalata mong stressed, pero maganda pa rin.

Nag-bow ako. "Magandang umaga, po."

"Silvester, right?"

"Opo..."

Tumingin siya sa mga bulaklak at napaluha. "Do you have a minute? Let's have coffee."

Kinabahan man at nahihiya ay tumango ako. Nakasunod lang ako sa kanya hanggang sa canteen. Nag-order siya ng dalawang kape. Magkaharap kaming nakaupo sa mesa na malapit sa bintana. Inilagay ko naman ang bouquet sa katapat na upuan.

Nagbuntong-hininga siya at inilapag ang kape. "You are here for her, right?"

"Opo."

Ngumiti siya sa 'kin. "It's actually nice that she has a friend like you. Though alam ko na...hindi siya madaling pakisamahan. Kaya naman maraming salamat."

"Wala pong problema."

Nagsimulang magbadya ang mga luha niya. "I did not expect this to happen. She was fine...she looked fine...pero hindi naman natin nakikita kung ano ang problema kasi nasa utak niya 'yun, kaya sobrang hirap...

"That's why when I saw her trembling in the CR while mumbling words I could not understand, I began to panic. Tinawagan ko kaagad ang hospital na 'to.

"When I saw her cry after years, parang sinusuntok ang puso ko. Doon lang nag-sink in sa 'kin na napabayaan ko siya. I became busy that I forgot her.

"I am so wrong to think that she's alright now. I am so so wrong."

Kinuha ko ang panyo mula sa bulsa at ibinigay sa kanya. Tinanggap niya naman iyon at mainigat na pinahiran ang gilid ng mga mata para hindi masira ang make up.

"Hindi niyo po kasalanan," sabi ko.

"I am at fault, Silvester. I took her mental illness for granted. You know, it doesn't mean that a person looks fine, is really fine. They may be externally, but we don't know what they feel inside."

Tumango ako at lihim na kinuyom ang mga kamao sa ilalim ng mesa.

Kung alam ko lang mula sa simula, edi sana natutukan ko siya. Edi sana may nagawa ako. Hindi ko kasi alam na ganito pala kalala.

"Maraming salamat, ha..." aniya. "Salamat dahil nandiyan ka."

Kinailangan na niyang umalis kaya nagkahiwalay na kami pagkatapos mag-usap.

Mabigat ang loob ko habang naglalakad papunta sa kwarto niya. Hindi ako handang makita siya. Dalawang araw pa lang simula nung malaman ko ang tungkol sa pamilya niya, at hindi iyon madaling i-sink in.

Hanggang ngayon, gulat pa rin ako. Lalo na nang tiningnan ko mula sa internet ang balitang tungkol sa naganap. Hindi ipinakita ang mukha niya, pero alam ko na siya 'yun.

Nagda-drugs pala ang tatay niya kaya nagawa 'yun. Binalot ng katatakutan ang buong village at naging laman sila ng usapan, kaya lumipat siya rito, sa kamay ng Tita niya.

Nakatulala ako nang tiningnan ang pinto. Naguguluhan kung ano ang sasabihin. Kaya naman umupo muna ako sa bench at inilagay ang bouquet sa kandungan.

"Gusto mo talaga siya 'no?"

Biglang lumitaw sa harapan si Ninang. Nakasuot siya ng nurse uniform at may ngiti sa labi.

"Magandang umaga, Ninang."

Nagmano ako sa kanya. Umupo siya sa tabi ko.

"Alam ko na darating ka. Nag-text si Ma'am Matilda sa 'kin na pwede ka raw pumasok," aniya.

"Ah, ganoon po ba."

"May pa-flowers ka pa talaga, ha."

Kinamot ko ang batok, hindi alam kung ano ang dapat na sabihin.

Pagod siyang nagbuntong-hininga. "Hindi ko alam kung ano ang nagustuhan mo sa kanya, Lester, pero masaya ako na nandiyan ka. Kailangan niya talaga ng kaibigan ngayon."

Humarap ako sa kanya. "Sinabi niyo po ba kay Joy na...na..." hindi ko yata mailabas sa dila ko ang gusto kong sabihin dahil sa hiya.

"Na gusto mo siya?" sabi niya.

Tumango ako at nag-iwas ng tingin.

"Ay, hindi." Kunwari pa siyang nag-zipper ng bibig. "Ikaw na bahala roon."

Nakahinga ako nang maluwag. Mabuti naman. Hindi ko yata kayang humarap kay Joy kung sakali.

"Nilagyan na namin siya ng sedatives nang isinugod siya rito," sabi ni Ninang. "Kahapon, halos buong araw siyang natulog. May mga test sa kanya kagabi, at 80 percent ang result, ibig sabihin, nasa tamang pag-iisip pa siya."

Tumango ako at pilit na inintinidi ang ibig niyang sabihin.

"Kung bigla na lang siyang magsalita sa kung saan, huwag kang mag-panic, hindi iyon dahil sa may multo, dahil iyon sa hallucinations niya. Kung biglang iiyak, i-comfort mo lang. Kung biglang magwala, tumawag ka ng nurse.

"Huwag kang magsabi ng kung ano na pwedeng maka-trigger sa kanya...mga aksidente, pamilya o ano. Advisable kung mag-kwento ka tungkol sa school."

"Opo."

Hinarap niya ako na may seryosong mukha. "Ngayon, Lester, hindi siya ang Joy na nakilala mo."

Napalunok ako, kinakabahan. "Sabi po ng guard, ayaw niya raw sa mga bulaklak. Itatapon ko po ba 'to?"

Napangiti siya nang tumingin dito. "Magugustuhan niya 'yan."

Nagpaalam na siya at doon ako parang natatae. Kinakabahan ako.

Seryoso kasing usapan 'to. Alam ko na kailangan ko ring mag-seryoso. Kinakapa ko ang dibdib habang nakatingin sa pinto.

Parang mapupunit na yata ang labi ko kakakagat ko rito. Ilang beses na rin akong nag-inhale at exhale.

Nang pinihit ang door knob, akala ko ay maiihi na ako sa kaba. Bigla akong sinalubong ng malamig na aircon at amoy ng parang kemikal.

Paglingon ko sa kama, natunaw ang lahat ng kaba. Nakaupo si Joy habang nagbabasa ng libro.

Halos maluha ako nang tumingin siya sa 'kin. Iyong mukha niya...kahit sobrang putla nito, ay ang payapa pa ring tingnan. Naka-hospital gown siya at may nakakabit na dextrose sa kanang kamay.

Gumaan ang pakiramdam ko na makitang okay na siya ngayon.

Bumagsak ang walang buhay niyang mga mata sa bouquet na hawak-hawak...at nang tumingin siya sa 'kin, bigla na lang siyang ngumiti.

Pero hindi ito nakakakilabot, 'gaya ng lagi niyang ginagawa. Ito iyong ngiting sobrang payapang tingnan. Ito iyong ngiting gusto mong makita sa umaga.

Sa kauna-unahang pagkakataon, umabot ito sa mga mata niya.

"Lester..." pabulong niyang sabi.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.