More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 28

Chapter 28



Pagod kong umupo sa sofa at ipinatong ang mga paa sa mesa na kaagad namang tinapik ni Lovely.

"Ma, ang panganay niyo, o," aniya. "Nasa mesa na naman ang mga paa niya. Parang siya iyong naglilinis, eh lagi namang wala rito."

"Ewan ko sa inyong dalawa," sabi ni Mama at pumasok sa kusina.

Sinamaan ako ng tingin ni Lovely. "Ibaba mo 'yan."

"Ayoko."

Pinalo niya ulit iyon nang mas malakas, kaya napa-aray ako at inalis na lang.

"Pinalo ba kita, ha?" sabi ko. "Kainis."

Sininghalan niya ako at nagpunta sa kwarto niya.

Kinuha ko ang remote at pinaandar ang TV. Minasahe ko nang marahan ang mga paang pagod sa paglalakad.

Araw ng mga patay ngayon kaya nagtungo kami sa sementeryo. Mula hapon hanggang gabi kaming naglakad kasi bawal na pumasok ang mga traysikel.

Ngayon na rin matatapos ang break namin at bukas ay second sem na.

"Lester," tawag ni Mama. "Sabihin mo sa kapatid mo na maghahapunan na."

"Opo, Ma."

Kinatok ko kaagad ang pinto ng kwarto ni Lovely nang malakas sabay tawag sa pangalan niya. Nakabihis-pambahay na siya nang lumabas at may simangot sa mukha.

"Sirain mo na lang kaya ang pinto 'no?" aniya at naunang maglakad.

"Ang init ng dugo mo sa 'kin, ah. May nagawa ba ako?"

"Kahit wala ka namang gawin, mainit pa rin ang dugo ko sa 'yo."

Tinuro ko si Lovely pagdating sa mesa. "Ma, 'yang anak mo, ang tulis na ng dila. Kailangan nang tabasin."

Ginaya lamang ako ni Lovely sabay irap sa 'kin.

"Magpatayan na lang kasi kayo," ani Mama. "Pwede bang kumain tayo nang mapayapa? Gusto ko nang matulog."

"Opo," sabay naming sabi, pero palihim pa rin niya akong inirapan.

Minsan, tinatanong ko rin kung ba't ganyan ang kapatid ko. Walang katulad ang ugali, eh. Parang susulong sa lahat ng giyera. Ampon yata 'yan, eh.

Kumain na kami pagkatapos magdasal. Ramdam ko ang pagod nila. Nangangalay nga ang mga binti at braso ko lalo na't ako iyong laging pinapadala sa mga bag.

Nag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa kaya palihim ko itong kinuha at tiningnan sa ilalim ng mesa.

Si Joy...nag-send siya ng picture ng playground. Gabi ito at parang ngayon lang kinuha.

Nagtaas ako ng kilay. Pwede na ba siyang lumabas? Parang hindi pa yata, ah. Kaya nag-message ako sa kanya.

Ako:
Pinayagan ka bang lumabas?

Ako:
Anong ginagawa mo diyan? Gabi na ah.

Ako:
'Tsaka malamig. May suot ka bang jacket?

Nakatingin sa 'kin si Lovely kaya inilagay ko muna sa kandungan ang cellphone at nagpatuloy sa pag-kain nang biglang mag-reply si Joy.

Joy:
aN0 bAng pAkiALam m0???????

Pinigilan ko ang tawa nang makita ito. Hindi pa rin ba siya tapos sa pagta-type nang ganyan?

Ako:
Gusto mo akong papuntahin diyan 'no?

Joy:
FeeLinG......

"May baliw yata rito."

Nahinto ako nang magsaita si Lovely habang nakatingin sa 'kin. Inalagay ko ulit ang cellphone sa kandungan.

"Huh?" kunwari hindi ko na-gets..

"Huh?" gaya niya sa 'kin. "Kanina ka pa ngiti nang ngiti diyan."

"May ano...may message lang."

Tumahimik ulit. Tumingin ako kay Mama, naghihintay ng timing habang kinakagat ang daliri.

"Ma," ani Lovely. "May sasabihin yata 'yang anak mo, o."

Sinamaan ko siya ng tingin.

"Ano?" sabi ni Mama.

Huminga ako nang malalim. "Ano po...pwede po bang lumabas muna? May pupuntahan lang ako saglit."

"Sabi ko na nga ba," singit ni Lovely. "Saan ka na naman pupunta, Kuya? Buong linggo ka kaya na wala rito. Halos hindi na nga kita makita, eh."

Hindi ko siya pinansin at ngumiti kay Mama. "Pwede po ba?"

Sumingit na naman si Lovely. "Sa ospital ka na naman ba pupunta?"

Hindi ako sumagot at sumubo na lamang.

"Nahahawa ka na sa kanya, ha. Bakit mo ba laging binabalikan 'yun? Naka-diagnose siya 'di ba?"

Hindi ko pa rin siya sinagot.

Unti-unti ko nang nakukuha kung ba't ako sinusungitan ni Lovely. Nagseselos yata siya. Natural lang kasi na kapag semestral break ay nasa bahay kami lahat at nanunuod ng mga palabas o magba-bakasiyon.

Ngayon kasi, halos tinutok ko ang buong break kay Joy.

"Bumalik ka bago mag-alas onse," sagot ni Mama.

"Ma, naman," angal ni Lovely.

"Hayaan mo na..."

Suminghal si Lovely at nagpatuloy na lang sa pag-kain habang may simangot sa mukha.

Hindi na ako nagbihis. Kaagad akong nagpunta sa sakayan pagkatapos kumain. 7 PM pa kaya maraming sasakyan at kaagad akong nakasakay.

Mas naging nakakatakot ang eskinita papasok sa ospital dahil sa matataas na mga kahoy. Tinatakpan nito ang kalangitan at halos mabingi ako sa ingay ng mga kuliglig.

Tumataas na naman ang balahibo ko. Kaya ayaw ko nang pumupunta rito sa gabi kasi para akong nasa isang horror movie.

At nandun nga si Joy sa playground, nagse-swing. Full moon ngayon kaya kitang-kita ko ang muha niya.

Naka-hospital gown siya at nakalugay ang sobrang taas nitong buhok. Hay, para talagang white lady.

Walang imik akong umupo sa katabing swing.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko. "Pinayagan ka ba?"

"Ganyan na pala bumati ngayon? Nakakawalang-galang."

At sa kanya pa talaga nanggaling 'yun, ha. Nagbuntong-hininga ako at dumungaw sa malaking buwan.

"May meeting ang mga staff kaya tumakas ako," aniya.

"Joy..."

"Bakit?" aniya at humarap sa 'kin.

Nahinto siya sa pagse-swing at nanatiling nakatitig sa 'kin. Napakaamo ng mukha niya...sobrang ganda. Kahit maputla ay napakapayapa nitong tingnan at hinding-hindi ako magsasawa.

"Hindi ka pa pwedeng lumabas," sambit ko.

"Alam ko. Babalik din naman ako, eh. Nakakasawa lang na nandun ako palagi."

Sabi ni Ninang, kahit okay na raw tingnan ay tinutukan pa rin nila si Joy. Bukod sa atake niya noong nakaraang linggo ay wala pa silang nakitang kakaiba pero kailangan niya pang manatili ng isa hanggang dalawang linggo.

Kaya naman hindi muna siya makakapag-aral. Wala akong masyadong alam tungkol sa mga mental hospital. Sobrang iba nga ito mula sa isang "normal" na ospital, eh.

Ang sugat kasi na kailangang gamutin dito ay nasa utak. Kaya mas mahirap. Parang wala pero meron, parang okay pero hindi.

"Bihis na bihis ka yata, ah?" aniya.

"Ah...galing ako sa sementeryo."

"Sinong binisita mong patay? Papa mo?"

Umiling ako. "Hindi. Lolo at Lola ko."

"Nasaan ba ang papa mo? Hindi ko nakita, ah."

Nag-iwas ako ng tingin. "May iba siyang pamilya."

Bigla akong nailang nang seryoso niya akong tinignan.

"Nalulungkot ka ba?" mahina niyang tanong.

"H-Hindi ah...tanggap ko na ang tungkol sa kanya kaya wala na sa 'kin 'yun." Nakatingin pa rin siya sa 'kin, mukhang 'di naniniwala. "Okay na talaga."

Nagpatuloy siya sa pagse-swing, pero mas mahina na. "Marami bang bumisita sa sementeryo ngayon?"

"Oo..."

Nagbuntong-hininga siya. "Alam mo ba na hindi ko pa nabibisita ang mga magulang ko?"

Napalunok ako at tumango. Ito ang unang beses niyang mag-open up sa 'kin mula nang malaman ko ang katotohanan. Kailangan ko ring mag-ingat sa bawat salitang bibitawan.

Bukod sa pwedeng maka-trigger sa PTSD niya, ayaw ko rin siyang masaktan.

"At wala akong planong bisitahin sila," aniya. "Ayoko lang. Kahit sa funeral nila, 'di rin ako nakapunta."

"Bakit naman?" mahina at marahan kong tanong.

Hindi siya sumagot kaya kinabahan ako.

"Kailangan mo na yatang pumasok, para makauwi na rin ako-"

"Alam mo ba na...walang akong nararamdaman?"

Nahinto ako, naguguluhan sa ibig niyang sabihin. Kaya tinikom ko na lang ang bibig, pero handa na akong tumakbo papunta sa ospital kung may mangyaring kakaiba.

"Sa loob ng tatlong taon, may maintenance akong gamot. Simula nung ininom ko 'yun, parang namanhid yata ako bigla. Hindi ako makaramdam ng lungkot...o saya..."

Kaya ba lagi siyang walang emosyon? Pero naalala ko kung paano siya tumawa tuwing kasama niya kami. Ilang beses ko ring nakita kung paano siya ngumiti.

Yumuko ako at itinago na lang iyon sa sarili nang nagpatuloy siya.

"Pero nitong mga nakaraang buwan, palihim ko itong tinigilan..." bulong niya.

Nagkunot-noo ako at tiningnan siya habang mahinang nase-swing.

"These past months...bigla kong naramdaman kung paano ulit tumawa, magalit...malungkot. Kaya siguro inatake ulit ako kasi bigla na lang bumalik lahat sa 'kin mula noong umuwi ako galing sa school hanggang sa panahong huli ko silang nakita."

Hindi ako sigurado dahil kahit maliwanag ang buwan, hindi ko pa rin naaaninag nang maayos ang mukha niya, pero para siyang naiiyak.

"Kaya tinigilan ko lahat ng gamot at nagpanggap sa lahat ng mga test," dagdag niya. "Ang hirap kasi kung ganoon na lang palagi. Gusto kong makaramdam, gusto kong harapin lahat...Lester, gusto kong gumaling...pero hindi talaga kaya ng utak ko, eh...

"Parang unti-unti ko na ring pinaniniwalaan ang lahat ng sinasabi nila...na baliw nga yata ako. I was aware that I'm hallucinating...pero hindi ko lang talaga ito ma-control. Kasi hanggang ngayon, hindi ko pa rin tanggap na wala na sila."

Kumirot ang puso ko nang marinig ang mahina niyang paghikbi. Nahinto siya sa pagse-swing at tahimik na umiyak.

Naguguluhan ako. Kinakabahan. Kailangan ko na bang tumawag ng nurse?

Pero nawala ang pagkataranta ko nang tiningnan siya. Hindi siya gumawa ng ingay habang umiiyak...doon lang pumasok sa 'kin na ito pala ang unang beses na nakita ko siyang ganito.

Walang bahid ng tapang ang Joy na nakikita ko ngayon. Kaya hinayaan ko na lang siya.

Hindi madali ang pinagdadaanan niya. Masakit na nga iyong mawalan ng magulang, lalo na siguro 'pag nakita mo kung paano ito namatay sa harapan mo mismo.

Naalerto ako nang tumayo siya bigla, kaya napatayo rin ako at aalalayan na sana siya, pero tumakbo na siya papunta sa loob ng ospital at iniwan na naman ako nang walang paalam.

Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.