More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 29

Chapter 29



"Manong," tawag ko sa driver ng jeep. "Iyong sukli ko po."

Pero sa rami ng nagbabayad, hindi niya ako narinig. Pero may kutob ako na sinasadya niya, eh.

"Manong...sukli ko po." Hindi niya pa rin ako pinakinggan. Kaya mas nilakasan ko na. "Manong! Sukli po!"

Nagbuntong-hininga siya at tumingin sa 'kin. "Oo na, oo na."

Hinawakan ko ang strap ng bag habang naghihintay. Masama ang tingin niya nang iniabot niya ito sa akin.

"Sa susunod po, matuto po kayong magbigay ng sukli," pagpaparinig ko kaya naman mas sumama ang tingin niya.

Nakakapanibago 'yun kasi kilala ko na ang driver na 'yun. Matanda siya at kalbo. Matagal na niya iyong ginagawa sa 'kin, pero para bang nagkaroon na ako ng lakas ng loob.

Ayaw ko nang maging talunan...ayaw ko nang maging aso kagaya ng sabi ni Mayumi at ni Joy. Kailangan kong tumayo sa sarili kong mga paa.

Habang naglalakad papunta sa tindahan, nakita ko sina Tiboy at Reggie na nakatambay sa tindahan, at kasama nila si Oyo. Nag-iwas kaagad ako ng tingin na para bang hindi ko sila napansin kaso tinawag ako ni Reggie.

"Uy," peke kong bati. Hindi na rin ako lumapit pa. Nanatili ako sa daan at nakatingin sa kanila maliban kay Oyo.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nagbabati. Hindi ko na rin siya nakausap pa simula nung nagkasagutan kami sa kwarto. Naiinis pa rin naman ako sa lahat ng sinabi niya tungkol kay Joy.

"May sasabihin daw si--Aray!"

Parang paputok ang naging tunog ng pagpalo ni Oyo sa likod ni Tiboy. Pati nga ang tindera ay dumungaw.

"Hayup ka!" sigaw ni Tiboy.

Kaagad naman akong tumakbo at pinigilan nang susuntukin na sana si Oyo kaya nabitawan ko ang bag sa daan. Kaso nang humarang si Reggie sa harapan ay siya ang nakatanggap nito.

Natahimik kaming apat habang nakatingin kay Reggie na nasa sahig at mukhang lumipad na yata ang kaluluwa sa langit. Nakahawak siya sa pisngi niya na namumula na ngayon.

Masama ang tingin niya kay Tiboy at tumayo, pero bago pa siya sumugod ay nakahawak na si Oyo sa kanya at itong si Tiboy naman ay tumago na sa likuran ako. Ginawa ba naman akong shield.

"Sorry na!" sigaw pa niya habang nakahawak sa mga balikat ko. "Hindi ko naman sinasadya!"

"Anong hindi sinasadya?! Gago ka!"

Dahil payatot itong si Oyo ay halos nadadala na siya. Kaya naman sumakay na lang siya sa likuran para mahila lang si Reggie.

"Hoy!"

Nahinto kaming apat nang makita ang tindera na may masamang tingin sa amin. Lumabas na talaga siya sa tindahan at parang kakainin na kami.

"Ang iingay niyo, ha!" aniya. "Kung gusto niyong magpatayan, pwede bang 'wag dito?! Konti na lang talaga, iba-blacklist ko kayo at ipapatawag kay Kapitan!"

Tumayo kaming apat nang tuwid.

"Sorry, po," ani Tiboy.

Kaya naman isa-isa na rin kaming sumunod.

"Konti na lang talaga!" Tinuro niya pa kami.

"Pasensiya na po," sabi ko. "Hindi na po mauulit."

"Heh!"

Napatalon kami sa singhag niya. Nakahinga ako nang pumasok na ulit siya sa loob. Inayos ko ang salamin at narinig ang bungisngis ni Oyo.

Hanggang sa nauwi kami sa tawanan. Nang magtinginan kami ni Oyo ay ngumiti siya sa 'kin.

"Pasensiya ka na rin," aniya. "Alam ko na hindi naging maganda ang sinabi ko. May mali ako, Lester."

"Bwisit ka!" mahinang sabi ni Tiboy sa kanya. "Parang lumayas ang mga baga ko sa lakas nang pagkapalo mo."

Tinuro naman ni Reggie ang pisngi niya. "Hindi ka ba magso-sorry dito? Gago ka ha."

Pinagtawanan ko sila. "Libre ko na lang kayo. Kawawa naman."

Habang bumibili ako ng mga inumin at pagkain, nagbabangayan pa rin sila. Inilagay ko na ito sa may mesa.

"Tama na nga 'yan," awat ko.

"Anong tama?" ani Reggie. "Akala ko nga ay mabubunot na ang ngipin ko sa suntok niya, eh."

"Sorry na nga, 'di ba!"

Hindi pa rin sila natatapos nang lumapit si Oyo sa 'kin.

"Sorry talaga, Lester," aniya.

"Mali nga iyong nagawa mo, pero naiintindihan ko. Sinabi mo lang naman ang gusto mong sabihin, eh. Nagpapakatotoo ka lang."

"Pero...seryoso ka ba talaga sa kanya?"

Kumagat ako sa crackers at tumango.

"Sobrang seryoso niyan," singit ni Reggie. "Noong sem break nga ay halos sa ospital na siya tumira, eh."

"Pero bakit? Kasi 'di ba...weird siya. At mula kay Mayumi, 'tol ang layo-layo niya."

Nagbuntong-hininga. "Hindi ko rin alam. Kusa lang akong nagkaganito," at nagkibit-balikat.

"Sobrang layo nga niya kay Mayumi," si Tiboy. "Ano bang nagustuhan mo sa kanya?"

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko pagkatapos uminom ng softdrink.

Inakbayan ako ni Reggie. "Halimbawa, iyong mga tipo ko talaga ay mga matatangkad na babae. Kapag nakakakita ako ng isa, natu-turn on talaga ako...ikaw ba?"

Nahinto ako para mag-isip. Nakaabang sila sa 'kin kaya nakaramdam ako ng konting pressure.

Pero ano nga ba?

"Siguro...siguro..." nagbuntong-hininga ako. "Ewan ko. Basta 'yun na 'yun."

"Eh, 'yung kay Mayumi ba noon? Anong nagustuhan mo sa kanya?" tanong ni Oyo.

"Mahinhin kasi siya," sagot ko. "Tapos ang cute niya kapag tumatawa kasi lumiliit ang mga mata. Tapos, mapursigido."

"Kay Joy?"

Hindi ko alam kung ano ang isasagot kaya kumain na lang ako.

Tinapik ako ni Oyo. "Okay lang 'yan, Lester. Hindi talaga madidiktihan ang puso."

Tama nga siya. Pati nga ako ay nagulat nang biglang nag-iba ang paningin ko kay Joy. Pero kahit alam ko na ang tungkol sa "kapansanan" niya, hindi pa rin ito nagbago.

Maganda naman talaga si Joy, pero natatabunan lang talaga 'to ng pagka-weirdo niya. Pero alam ko na higit pa ito sa pisikal na anyo.

Pagkatapos kong maghilamos, tiningnan ko ang sarili sa salamin. Malabo ang nakikita ko, pero tinitigan ko ang repleksiyon sa salamin.

Tama si Phil nang sinabi niyang walang patutunguhan ang pagkagusto niya kay Joy. Alam ko rin na kagaya ng paningin ko, malabo rin kung saan ito hahantong.

Hindi ako umaasa na may mangyayari, pero para bang may nagtutulak sa aking umamin, kahit wala naman itong sense.

Nagbuntong-hininga ako at pinunasan ang mukha. Pagkatapos ay isinuot ko na ang salamin at luminaw na ang paligid.

Kinuyom ko ang mga kamao at ginulo ang buhok.

"Ano bang nangyayari sa 'kin?" bulong ko.

Hindi ko na kasi ito kayang ma-control. May kutob ako na kailangan ko na itong sabihin.

Alam ko na hindi ko dapat na gawin 'yun, pero natagpuan ko na lang ang sarili na naglalakad sa pathway ng Safe Haven at may dalang bulaklak.

Kinakabahan ako. Tumataas nga ang mga balahibo ko nang maisip ang mukha ni Joy. May posibilidad na magagalit siya, pero mas lumamang ang nararamdaman ko.

Hindi rin kasi ako matatapos kung 'di ko 'to tutuldukan.

Wala rin naman akong aasahan. Sasabihin ko lang. Tama. Hanggang dun na lang 'yun.

Pero walang tao sa kwarto niya nang nagpunta ako roon. Nagkunot-noo ako kasi nandoon pa rin naman ang mga gamit niya.

Napangiti ako nang makita pa rin sa vase iyong binigay kong bulaklak noong nakaraang buwan. Inilagay ko ang bagong bouquet sa tabi nito.

"Nurse, nasaan po 'yung pasyente ng kwartong ito?" tanong ko nang makakita ng nurse sa labas.

Tumingin siya sa papel na nakadikit sa pinto. "Ah, Paraiso? Mukhang nasa upper room."

"Sige po, salamat."

Hindi ko alam kung nasaan ang upper room na sinasabi niya. Nasa itaas siguro 'yun. Kaya umakyat ako.

Pero tahimik ito kumpara sa ibaba. Puro din mga kwarto at opisina. Nasa tamang floor pa ba ako?

Babalik na sana ako para maghintay na lang sa kwarto kaso parang nakita ko si Tita Matilda sa may pinakadulo, kaya naglakad ako papunta roon.

Sa sobrang tahimik, naririnig ko ang sarili kong mga tapak, kaso habang papalapit ako nang papalapit, natatabunan na ito ng mga mahihinang sigaw.

Nilalamig ako. Natatakot. Iyong boses...napakapamilyar.

May panahon pang tumakbo at bumalik, kaso mas lumamang ang curiosity ko. Alam ko na 'di ko 'to magugustuhan, pero nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad.

Sumilip ako at halos manghina ang tuhod sa nakita. Sa may gilid, may mga nurse kasama si Tita Matilda na hindi tumitigil sa paghikbi.

Napuno ng mahihinang sigaw ang paligid. Sa may harapan ko, may pader na gawa sa salamin at sa loob nito ay may puting kwarto....at nandun si Joy.

Sigaw siya nang sigaw. Iyak nang iyak. Ginugulo ang sariling buhok. Nagpupumiglas sa mga hawak ng doktor.

"Parang awa niyo na!" aniya. "Tigilan niyo na ako! Tulong!"

Nagpipigil ako ng hininga. Paulit-ulit kong sinasabi na hindi siya baliw...hindi siya baliw...pero kasalungat ang nakikita ko ngayon. Mukha siyang halimaw.

Ngayon ko lang siya nakitang ganito. Anong problema? Maayos naman siya nung nakaraa, 'di ba?

Sa bawat pagsigaw at paghingi niya ng tulong, unti-unting nababasag ang puso ko. Mas lalo ring napapahikbi ang Tita niya.

Lumalayo siya sa mga doktor na may gustong i-inject. Halos kagatin na nga niya ang mga braso nito para lang tumakas.

"Hindi ako baliw! Hindi ko kailangan niyan! Tulong! Mommy, Daddy! Huwag po, please..." paulit-ulit niyang sigaw.

Nanghihina na siya. Takot na takot. Ngayon ko lang siya nakitang ganito. Nasaksihan ko kung ano o sino ang nasa likuran ng ginagawa niyang pader.

May pumasok pa na tatlong nurse para tumulong. Mahigpit ang pagkakahawak nila kay Joy, at dun lamang nila nagawang pakalmahin nang itinusok nung doktor ang syringe.

Pero bago pa ito makatulog ng tuluyan, bigla kaming nagkatinginan.

At sa mga misteryoso niyang mga mata, nakita ko kung sino talaga ang totoong Joy.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.