More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 30

Chapter 30



Hindi ako makapag-isip nang maayos. Hindi ko rin alam kung ano ba dapat ang kailangan kong maramdaman.

Umuwi ako sa araw na 'yun at nagkulong sa kwarto habang nagre-replay ang mga nakita ko. Nag-iba ang paningin ko kay Joy. Naaawa ako sa kanya.

Kitang-kita ko kung paano siya nahihirapan. Kung gaano niya kagustong maayos na lahat. Sa tuwing pumapasok siya sa isipan ko, parang bigla na lang sumisikip ang mga kalamnan ko kasabay sa pagtaas ng mga balahibo.

Hindi ako makapag-focus sa pag-aaral. Imbis na sa biology ang kailangan kong i-highlight para sa darating na quiz, natagpuan ko na lang ang sarili na naghahanap ng mga libro tungkol sa psychiatry at sa mga trauma.

Gusto ko kasing malaman kung paano ba dapat mag-react sa kanila. Kung ano ba ang dapat kong gawin, kung paano sila pakalmahin. Gabi-gabi akong nagbo-browse ng mga tungkol sa sakit sa utak at kung ano ang epekto ng trauma.

Hindi man sinasabi ni Joy sa 'kin, pero nararamdaman ko na nagiging malubha na ang lahat. Nakakalungkot lang talagang isipin kung bakit niya pa ito nararanasan.

Hindi ako paladasal na tao, pero ngayon, lagi kong hinihiling na sana maging okay na siya. Desperado na ako kaya sumama pa ako kay Mama at Lovely na magsimba.

"Sinong anghel ang sumapi sa 'yo?" ani Lovely. "Himala yata at sumama ka sa 'min."

Hindi ko siya pinansin at naging tahimik lang.

"Kuya," mahinahon niyang tawag. "Okay ka lang ba?"

"Okay lang naman."

"Kung may pinagdadaanan ka...nandito lang naman ako," aniya. "Pwede mo akong pagsabihan. Marunong din kaya akong makinig 'no."

Ngumiti ako at tinapik nang marahan ang ulo niya. "Ayos lang ako."

Sinungaling.

Lagi akong binabagabag ni Joy. Hindi ako mapakali. Sobra akong nag-aalala. Kaya naman pagkatapos kong magsimba ay nagpaalam ako kay Mama na may pupuntahan muna ako.

"Ayos ka lang ba talaga, Silvester?" aniya.

"Opo, naman. May...uh...gagawin lang ako. Hindi ako magpapagabi. Promise."

Nagbuntong-hininga siya at tumango kaya naman magkaiba ang traysikel na sinakyan namin.

Malakas ang pintig ng puso ko habang naglalakad papunta sa kwarto ni Joy. Hindi ako kumportable, pero gusto ko ring makita kung okay na ba siya.

Nag-inhale at exhale muna ako bago kumatok sa pinto. Binuksan ko ito at sumilip sa loob at nakahinga nang maluwag nang makita si Joy na kumakain ng popcorn habang nanunuod sa TV.

"O, may pagkain ka bang dala?" tanong niya.

Paos ang boses niya, pero bukod roon, walang namang nagbago. Hindi siya iyong mahinang Joy na nakita ko, kung hindi iyong Joy na nagsusuot ng maskara.

"Wala, eh," sabi ko at pumasok na sa loob.

"Wala ka naman palang silbi, eh."

Napangiti ako. Bumalik na nga talaga siya.

Kumpara noong huli kong pagbisita, mas marami nang apparatus at makina ngayon Wala pa rin siyang dextrose, pero may maliit na mga bilog sa bawat sentido niya. Nagbe-beep ito ng kulay pulang ilaw.

Napansin ko rin na may tatlong camera sa kwarto, na para bang binabantayan ang bawat kilos namin.

Mahina kong kinagat ang ilalim na labi para pigilang malungkot. Kailangan kong maging masaya.

Base sa librong binasa, kapag daw nasa paligid ng taong may PTSD, dapat 'di mo pinapakita na parang may problema. Akala ko kaya ko...pero ba't ang hirap magpanggap?

Paano niya ba nakayanan 'yun? Kasi sobrang hirap sa 'kin na makita siyang nagpapanggap.

Magpakatotoo ka naman, Joy...

"Bihis na bihis ka yata ngayon," sabi niya. "May date ka ba?"

Umupo ako sa katabing stall. "Nagsimba ako."

"Huh? Ikaw? Anong nakain mo?"

"Pagkain na yata lagi ang nasa isip mo ngayon, ah. Sige ka, tataba ka niyan."

"Sus, ako pa talaga ang tinatakot mo. Kahit tabachingching na ako, maganda pa rin ako 'no."

"Sa bagay, tama ka..."

Naging seryoso siya. "Anong problema mo? Para ka yatang na-bankrupt."

"Joy, paano kaya kung sabihin ko na gusto kita?"

Hindi ko 'yun inasahan. Kusa na lang na lumabas at hindi ko napigilan. Sabay kaming nagulat.

Nang mailabas 'yun, para akong nakahinga. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari, pero kailangan ko rin namang sabihin. Kailangan kong mailabas lahat.

"Anong pinagsasabi mo?" Nakakunot na ngayon ang noo niya. "Huwag ka ngang magbiro nang ganyan."

"Hindi naman ako nagbibiro, eh. Totoo 'yun."

Pinatay niya ang TV at kinuha ang alcohol sa katabing mesa. Hinugasan niya ang kamay gamit nun.

"Alam ko na ayaw mo sa mga ganyan-"

"Ayaw ko talaga," putol niya. "Alam mo naman pala, eh. Ba't mo pa sinabi? Akala ko ba matalino ka?"

Yumuko ako, lihim na hinahanda ang sarili. Tama nga ako at hahantong dito, pero hindi niya ako mapipigilan.

Hinugasan niya ulit ang mga kamay gamit ang alcohol.

"Joy, gusto kita, okay?"

"Alam ko, Lester," sabi niya kaya napahinto ako. "Hindi ako tanga at manhid para 'di ma-gets kung ba't lagi kang nandito, kung ba't ganyan ka makatingin, at kung ba't hindi ka pa rin lumalayo sa 'kin."

"Ba't naman ako lalayo sa 'yo?" pabulong kong sabi.

"Last week, may nakita akong bouquet sa mesa. Alam ko na nandito ka. Alam ko na may nakita ka-"

"Eh, ano ngayon?" Hindi siya nakasagot. "Ano ngayon, Joy, kung may nakita ako?"

Pinipigilan niyang maluha habang masama ang tingin sa 'kin. Wala siyang sinabi at binuksan ang pinto ng CR. Lumapit ako sa kanya at nakitang hinuhugasan na naman ang mga kamay sa sink.

"Nakita mo naman, 'di ba?" aniya. "Gusto mo pa rin ba ako pagkatapos nun, ha?!" galit niyang singhal.

Nakatingin lang ako sa kanya, pinipigilan ang mga emosyon.

"Lester, hindi lang ganun. Minsan, nakikita ko ang mga magulang ko, kinakausap ako kahit alam kong patay na sila," aniya na namumula na ang mga mata. "Sa tuwing pumipikit ako, bumabalik ako sa oras kung saan itinali ako ng tatay ko. May sakit ako, okay? At nakakahiya 'yun!"

"Gusto pa rin kita, Joy. At hindi problema sa 'kin 'yun."

Tinuro niya ako. "Hindi problema sa 'yo, pero sa 'kin, oo!"

Nagpatuloy siya sa paghuhugas ng kamay. Marahas niya itong sinasabunan at alam ko na may mali. Namumula ang mga kamay niya, pero nagpapatuly pa rin siya kahit malinis na ito.

"Tama na 'yan," pigil ko pero hindi siya nakikinig.

"Sabi ko naman na ayaw ko sa mga ganyan, 'di ba? Ba't hindi ka nakikinig? Bakit mo ako pinapahirapan?"

Napalunok ako. "Ba't ka nahihirapan? May gusto ka rin ba sa 'kin?"

Doon lamang siya nahinto. Pero matapos ang isang minuto ay nagpatuloy ulit siya sa paghuhugas.

"Umalis ka na," aniya. "Ayaw kitang makita."

Sakto naman na may pumasok na dalawang nurse. Kaagad silang nagpunta kay Joy at tinigilan siya sa paghuhugas ng kamay kaso ayaw niyang makinig.

Nilapit ako ng isang nurse. "Sir, iwan na muna natin siya."

"Pero-"

"Sige na, po," sabay tulak niya sa 'kin sa labas.

May pumasok na rin na doktor at isa pang nurse. Hindi ko na siya nakita pa at isinara na nila ang pinto. Galit kong hinampas ang katabing pader.

"Bitawan niyo ako!" rinig kong sigaw niya. "Huwag niyo akong hawakan!"

Sumisikip ang dibdib ko kaya naglakad na ako palayo. Sa biyahe papunta sa bahay, nakatulala lang ako. Malapit pa nga akong lumampas. Nanghihina ang mga tuhod ko kaya napahawak ako sa pinto pagdating.

Paulit-ulit kong naririnig ang boses niya na pinapaalis ako. Bakit ba kasi ang hirap niyang mahalin? Sobrang hirap...

"Kuya?" sabi ni Lovely. "Okay ka lang?"

Mahinahon ang mga tingin at boses niya nang lumapit sa 'kin.

Tumango ako. "Punta muna ako sa kwarto."

"Okay..."

Alam kong napapansin na ni Lovely at may hula na siya sa nangyayari, pero na-a-appreciate ko ang respeto niya.

Nang isinara ang pinto, doon lang nagbagsakan ang mga luha ko. Kusa na lang silang lumabas. Ilang linggo ko rin itong pinigilan, pero hindi ko na kaya.

Hindi naman masakit iyong pagpaalis niya, eh. Ang masakit ay ang makita siyang ganun. Sobrang nahihirapan na siya, pero natatago niya pa rin.

Gusto ko namang tigilan na mahalin si Joy, eh...pero mas kailangan niya ako ngayon.

"Ba't ba ang hirap mong mahalin?" bulong ko sa sarili. "Ang hirap-hirap mong mahalin, Joy."

Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.