More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 31

Chapter 31




Hindi ako makatulog. Nakatingin lang ako sa kisame buong magdamag nang may kumatok sa pinto. Nang binuksan ito ay nakita ko si Mama na may dalang baso ng gatas.

"Gabi na po, ah," sabi ko.

Pumasok siya sa kwarto at inilapag ang baso sa mesa. "Gabi na rin, ah. Ba't gising ka pa?"

Hindi ako nakasagot. Ngumiti siya sa 'kin at inilibot ang paningin.

"Hindi ka ba naglilinis dito? Ba't ang daming alikabok?" Pumunta siya sa balkonahe at binuksan ang mga bintana. "Grabe, pati mga tuping damit hindi mo nailagay sa kabinet mo?"

Kinamot ko ang batok. "Naging busy lang po, eh."

"O siya, inumin mo na 'yang gatas para makatulog ka nang madali."

Tumango ako at ininom iyon nang isang lagok lang. "Tapos na."

Nahinto ako nang tumitig siya sa 'kin na may nag-aalalang ngiti. Nagbuntong-hininga siya at lumapit sa 'kin para haplusin ang balikat ko.

"Okay ka lang?" tanong niya.

"Opo..."

"Sinabi ni Lovely kanina, umiiyak ka raw."

"Nag-iimbento lang 'yun, Ma."

Umupo kami sa dulo ng kama habang nakatingin sa labas ng bintana.

"Galing ka ba sa ospital?" mahina niyang tanong.

"Opo."

"Nag-away ba kayong dalawa?"

Hinarap ko siya. "Bakit okay lang po sa inyo na nagkagusto ko sa...isang katulad niya?"

"Anong ibig mong sabihin?"

"Alam naman po natin na may," tinuro ko ang sentido, "sakit siya rito, 'di ba? Hindi ka ba naiilang dun?"

"Ano na naman kung may sakit siya rito?" at tinuro din ang sentido.

Naghahanap ako ng mga salita pero hindi ko maipaliwanag kung ano talaga ang ibig kong sabihin.

Mahina siyang tumawa. "Lester, ang mga may sakit sa utak ay pareho lamang sa mga taong may sakit sa pisikal na anyo. Sa totoo lang, wala naman akong pakialam kung ganyan siya, eh. Kagaya lang din sila sa mga may sugat at bali."

"Hindi ka ba natatakot? Kasi 'di ba...utak na ang pinag-uusapan."

Umiling siya. "Mabait na bata si Joy...naramdaman ko 'yun. Papatuluyin ko ba siya rito kung hindi?"

Nagbuntong-hininga ako at tumingin muli sa labas ng bintana.

"Mahirap ba?" tanong ni Mama.

Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya pero tumango na ako.

Hinaplos niya ang likuran ko. "Ganyan talaga 'yan, anak. Mahirap talaga. Iyong sa Papa mo nga noon, halos isipin kong magpakamatay na lang."

"Totoo po?"

Tumango siya. "Lalo na nang malaman ko na may iba pala siyang pamilya. Kaya pala hindi ako mapakasalan ng gago."

Mahina akong natawa. Nang magsimula siyag maluha, parang sinusuntok ang puso ko. Minsan ko lang makita si Mama na ganito, kaya naman niyakap ko ang baywang niya at ipinatong ang ulo sa balikat.

"Ngayon ko lang ulit ako nag-open up nang ganito." Tinakpan niya ng pilit na tawa ang paghikbi. "Pero, hindi ako nagsisisi na dumating kayo ni Lovely sa buhay ko."

Humarap siya sa 'kin. "Marami akong pagkakamali dahil sinunod ko ang puso ko, Lester. Pero naging masaya ako. Ang sa 'kin lang, kung hindi mo na kaya, lumapit ka sa akin, ha?"

Tumango ako. "Opo, Ma."

Gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos naming mag-usap. Sa mga sumunod na araw, hindi na rin ako nagpunta pa sa ospital.

Gusto ko mang malaman kung ano ang kalagayan niya ngayon, mas mabuti na rin sigurong ganito. Gabi-gabi, hindi pa rin ako makatulog nang maayos kakaisip sa kanya.

Kahit nakakapag-aral na nang mapayapa, namimiss ko rin naman ang mga panahong kinukulit niya ako. Parang tumahimik tuloy ang buhay ko nang biglaan.

"Pasa!"

"Block mo na!"

"Shoot!"

Nagbuntong-hininga ako nang nai-shoot ni Reggie ang bola sa basket. Nag-high five sila ni Oyo.

"Time out muna," sabi ni Tiboy. "Nakakauhaw."

Sumang-ayon kami at nagpunta sa tindahan. Pagkatapos na bumili ng mga malalamig na inumin, tumambay na muna kami roon.

Kinuha ko ang towel at tinanggal muna ang salamin bago punasan ang mukha. Nang isinuot ito mulli, nakita ko na palihim nila akong nginunguso.

"Bakit?" tanong ko.

"Ha?" si Oyo. "Anong bakit?"

"Huwag na nga kayong magkunwari. Halata kaya."

"Anong halata?"

Natawa ako kasi dilat na dilat ang mga mata niya, halatang nagsisinungaling.

Binatukan siya ni Reggie. "Best actor ka na niyan?"

"Aray!" sabay himas ni Oyo sa batok niya.

Nagbuntong-hininga si Tiboy bago ako hinarap. "Ayos ka lang?"

"Oo, naman."

"Kanina ka pa kasi tahimik."

"Tahimik naman talaga ako, eh."

Pumalakpak si Reggie. "Nahahawaan ka na talaga ni Joy sa pamimilosopo, Lester boy."

Ngumiti ako nang pilit, lalo nang binanggit niya si Joy.

"Kamusta na pala siya?" tanong ni Oyo. "Hindi pa ba siya nakakalabas?"

Umiling ako.

"Bumisita kaya tayo sa susunod?" ani Tiboy. "Ilang linggo na rin akong hindi nakapunta roon."

"Oo nga, tapos tawagan natin si Phil para iwas-pamasahe na," sabi ni Reggie.

Paano ko ba sasabihin sa kanila? Ayaw ko rin naman kasing pag-usapan ang kalagayan ni Joy.

"Next time na lang. Medyo busy sa university ngayon tapos baka bawal ang mga bisita roon."

Nagkunot-noo si Reggie. "Anong ibig mong sabihin? Hindi ka na ba bumibisita roon?"

"H-Hindi na. Medyo naging seryoso ang medication ni Joy. Next time na lang."

Iba ang tingin ni Tiboy sa 'kin. "Pare, ba't may kutob ako na may hindi ka sinasabi sa 'min?"

"Kutob mo lang 'yan."

Tumawa si Reggie at pumalakpak habang lumalapit sa 'kin. "Marunong ka na talaga magsimula ng away, Lester."

"Gago," ilag ko. "Sige na, laro na tayo."

Mabuti na lang at hindi na sila nagtanong pa, kaya nagpatuloy na kami sa pagba-basketball.

Nang gabing 'yun, may lakad si Mama kay ako ang nakatokang magluto. Marunong naman ako pero hindi kasing-sarap ng luto ni Mama.

Ang importante, luto. Iyon na 'yun.

"Lovely, ayusin mo na ang hapag para makapag-hapunan na tayo."

"Okay," sigaw niya mula sa sala.

Nang matapos na ay inilagay ko ito sa mga lalagyan. Tinulungan ko na rin ang kapatid ko sa paghahanda. Nagdasal na kami at nagsimulang kumain.

Patingin-tingin si Lovely sa akin. Hindi ko siya pinansin kasi baka nang-iinis lang, pero parang may gusto yata siyang sabihin kaya tinitigan ko siya.

"Luh, ba't ka nakatingin sa 'kin?" aniya.

"Ako dapat ang nagtatanong niyan sa 'yo. Kanina ka pa kaya sumusulyap. May gusto ka bang sabihin?"

"Wala 'no."

"K."

Tahimik akong nagpatuloy sa pag-kain pero ayan na naman siya sa pasulyap-sulyap niya.

"Ano ba?" angal ko. "Naiilang ako sa 'yo."

Yumuko siya. "Actually, may itatanong ako kaso...nakakahiya."

"Ikaw? Nahihiya? Bago 'yan, ah."

Sumimangot siya. "Huwag na nga lang. Nevermind!"

"Sige. Madali lang naman akong kausap."

"Kuya naman, eh!"

"Ano nga?" tanong ko. "Nagiging pabebe ka na, ha."

Nagbuntong-hininga siya at sumeryoso. Itinuon ko ang buong atensiyon sa kanya kasi bihira lang siyang ganito. Mukhang importante.

"Kasi, Kuya...gusto mo ba talaga si Ate Happiness?"

Nagulat ako sa tanong niya. Hindi ko 'yun inasahan, ah. Nag-iwas ako ng tingin at nagpatuloy na kumain, kunwari walang epek.

"Bakit ganyan ang tanong mo?"

"Wala," aniya at ngumuso. "Gusto ko lang malaman. Kasi...hindi pa rin ako naniniwala."

"Kasi baliw siya?"

Hindi siya kaagad nakapagsalita. "Pinagsabihan na ako ni Mama tungkol diyan."

"Mabuti naman."

"Sa totoo lang, sobrang weird ng buong school sa pagkawala niya."

Saglit akong tumingin sa kanya bago nagpatuloy sa pag-kain. "Bakit naman?"

"Kasi sanay kaming hinahanap siya para iwasan, pero ngayon, parang napaka-uncomfortable lang. Pati nga ang office. Siya lang naman lagi ang pinapatawag dun, eh."

Gusto kong sumang-ayon kaso ayaw kong ipakita na ganun talaga kalaki ang epekto niya sa buhay ko.

"Usap-usapan din sa school ang tungkol sa pag-alis niya. Sayang kasi ga-graduate na sana siya ngayong taon."

"Oo, nga."

"Sobrang lala ba talaga niya?"

Napalunok ako at tumango.

Nagbuntong-hininga ulit siya. "Kuya, wala naman akong problema kung...kung gusto mo nga siya, pero sana malaman mo na kailangan ka niya ngayon."

Bigla kong naalala ang naging pangako ko kay Joy na pwede niya akong takbuhan. May kung ano sa tiyan ko at hindi ako mapakali.

"Kuya, kung ano man ang naging alitan niyo, sana maisip mo na kakaiba siya," dagdag niya pa. "Kahit gaano pa katapang ang isang tao, kailangan pa rin niya ng tulong. Ika nga, no man is an island."

May bumara sa lalamunan ko. Nakokonsensiya ako. Para bang binuksan ni Lovely ang mga mata ko.

Siya nga pala si Joy.

Hindi mo mapagkakatiwalaan ang bawat salitang papakawalan niya o lahat ng kilos na ginagawa niya. Bukod sa amin, wala na siyang ibang mapupuntahan, tapos susuko pa ako?

Bigla kong nakita ang walang buhay niyang mga mata sa utak ko.

Tama. Kailangan niya ako ngayon.

Ngumiti ako kay Lovely. "Saan ka galing sa mga words of wisdom mo?"

"Kuya naman, eh. Seryoso ako!"

Natawa lamang ako.

Kailangan ko rin ang words of wisdom na 'yun.

Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.