More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 32

Chapter 32



Wala kaming pasok ngayon pero maaga akong nagising para maligo. Imbis na maayos na t-shirt ay polo shirt ang pinili kong suotin. Nilagyan ko rin ng gel ang buhok.

"Akala ko ba wala kang pasok?" tanong ni Mama.

Umupo na ako sa hapag para mag-almusal. Sakto namang dumating si Lovely.

"Akala ko ba wala kang pasok?" tanong niya rin.

"May lakad ako, eh."

"Anong lakad 'yan?" tanong ulit ni Lovely. "Bihis na bihis ka yata, ah."

"Pormal na lakad."

Hindi na ulit nila ako kinulit ang nagsimula nang kumain. Ramdam na ramdam ko ang panlalamig ng mga kamay ko. Hindi ko alam kung tama pa bang umalis.

Pero kailangan ko itong gawin.

Huminga ako nang malalim para pakalmahin ang sarili. Inilagay ko na agad sa lababo ang plato at nag-toothbrush.

Pagkatapos ay hinugusan ko na ito. Tumabi ako nang inilagay ni Mama ang mga natirang plato sa lababo.

"Sa totoo lang," panimula ko. "Pupunta po ko sa ospital. Dadalawin ko po ulit si Joy."

Ngumiti si Mama. "Talaga?"

Tumango ako.

"First time mong 'di nagsinungaling, ah?"

"Po?"

"Nitong huling buwan, alam ko naman na sa ospital ka nagpupunta kahit iba ang palusot mo sa 'kin," aniya. "Nandun kaya si Imelda, baka nakakalimutan mo."

Kinamot ko ang batok. "Pasensiya na po...nakakahiya lang kasi."

Natawa siya. "Huwag ka nang mahiya. Malaki ka na. Normal lang na magkagusto."

Napatawa na rin ako. May iniabot siyang pera sa 'kin.

"Bilhan mo siya ng bulaklak."

Ibinalik ko ito. "Ma, may pera po ako-"

"Sige na. Pandagdag mo na rin 'yan. O, 'di kaya'y sabihin mo na sa 'kin galing."

Ngumiti ako at hinalikan ang noo niya. "Salamat, Ma."

"Walang problema."

Nagpaalam na ako bago umalis sa bahay.

Maganda at malamig ang simoy ng hangin. Unang araw ngayon ng Disyembre. Hindi ko akalain na mahigit isang taon na pala mula nung nakilala ko si Joy.

Hindi gaanong masikat ang araw. Dahil sa lamig, tumataas ang mga balahibo ko dala na rin sa kaba. Matapos ang isang buwan, ngayon lang ulit ako makakabalik dun.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari pero magtitiwala na lang ako.

Kagaya nga sa sinabi ni Lovely, kailangan niya ako ngayon. Kaya dapat hindi ako matakot.

"Lester!"

Paglingon ko sa may gilid ay nakita ko si Mayumi na naglalakad papunta sa 'kin.

"Mayumi? Bakit ka nandito?"

Malayo kasi ang baranggay nila, at sa pagkakaalam ko, wala naman siyang kaibigan dito. Wow, ilang buwan ko na rin siyang hindi nakita pero ganoon pa rin siya. Nahahawa pa rin ako sa magaganda niyang ngiti.

Pero hanggang doon na lang 'yun.

"Ikaw talaga ang sadya ko," aniya. "May oras ka ba?"

Nang tumango ako ay nagpunta kami sa isang cafe na malapit sa sakayan. Bagong bukas ito at wala masyadong customer.

"Anong gusto mo?" aniya. "Libre na kita."

"Huwag na. May pupuntahan din kasi ako, eh."

"Ahh." Tumango-tango siya. "Hindi rin naman ako magtatagal. May ibibigay lang ako sa 'yo."

"Ibibigay?"

"Alam mo na, malapit na ang Christmas kaya mamimigay ako ng regalo."

Mahina akong natawa. "Ba't hindi mo 'yan ginawa last year?"

"Hindi pa tayo bati nun. 'Tsaka, way of giving thanks na rin...ang dami mo ring magandang ginawa sa 'kin kahit may nagawa akong masama."

"Okay lang. Wala na 'yun sa 'kin."

Ewan ko pero mas nagpapasalamat ako na ganun ang nangyari. Ika nga, everything happens for a reason.

May inilapag siyang box na may tatak ng isang kilalang optical center. Dito rin ako nagpa-check up nung huli.

"Wala na akong time para balutin 'yan, kaya ta-da," aniya.

"Ano 'to?" Kinuha ko ang kahon at binuksan. "Contact lens?"

Tumango siya. "Hindi ko alam kung ganun pa rin ang grado ng mga mata mo pero may refund naman."

"Mas lumaki ang grado ko pero konti lang naman."

Tumango siya. Tinanggal ko ang salamin at tinulungan naman niya akong suotin ito. Nang kumurap-kurap, bigla nang luminaw ang paligid. Nakita ko na rin ang hawak na salamin.

"Wow..." aniya. "Mas bagay talaga sa 'yo na walang salamin."

Natawa ako. "Salamat."

Naalala ko rin ang sinabi ni Joy na gwapo raw ako kung walang salamin na suot. Pero masyado namang mahirap na paniwalaan.

Sabay kaming naglakad papunta sa sakayan. Hinatid ko na siya kasi bibili pa ako ng bulaklak. Simpleng pulang rosas lang ang pinili ko at sumakay na ng jeep papunta sa ospital.

Nawala na sana iyong kaba ko, eh, pero bumalik na naman ito nang nasa ospital na ako. Naiihi rin ako.

Aakyat na sana ako sa hagdan nang magkita kami ni Tita Matilda. Nakasuot siya ng corporate attire pero mukhang wala siyang tulog.

"Magandang umaga, po," bati ko sabay tango.

Nahinto siya at tinitigan ako. "Lester, ikaw pala...hindi kita namukhaan kasi wala kang salamin."

"Ah, oo nga po, eh."

Ngumiti siya sa 'kin. "Pupunta sana ako sa canteen para magkape. Pwede mo ba akong samahan?"

Nahulog yata ang puso ko. Mas dumoble ang kaba nang kusa akong tumango. Tahimik kaming naglakad papunta roon.

Nilibre niya na rin ako ng kape kahit ayaw ko. Inilagay ko sa katabing upuan ang bulaklak at uminom dito.

Ang awkward-awkward. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin kaya nanatili akong tahimik.

"Para sa kanya ba 'yan?" tanong niya habang nakatingin sa bulaklak.

"Ah, opo."

"Ilang linggo rin kitang hindi nakita, ah."

Napalunok ako at kaagad nag-isip ng palusot. "Naging busy lang po sa school."

"Nursing ka, 'di ba?"

"Opo."

"Preparatory for med school?"

"Opo."

"Alam mo ba na gusto rin ni Happiness na maging doktor?" Nahinto siya sandali para uminom ng kape. "Laging sinasabi ni Ate Regina na gusto niyang maging attorney ang anak niya, pero gusto niya talagang maging doktor."

"Talaga, po?"

Tumango siya, nakangiti.

Hindi ko akalain na gusto niya rin pala na maging isang doktor. Noong huli kasi kaming nagkausap ay todo tanggi siya sa ideya ng pagdodoktor.

"You know, her mom was a very well known lawyer. Kaya gusto niyang sumunod si Happiness. Sayang nga lang kasi...hindi na ulit siya makakapag-aral."

"Po?" sabay taas ng isang kilay.

"We...had a conversation a week ago. Ang sabi niya, gusto niya raw maging lawyer bigla, kasi iyon ang gusto ng mommy niya. She wants to go to school, but with her situation, it's very impossible."

"Bakit po imposible? Pumasok naman po siya sa school nung huli, 'di ba?"

Yumuko siya. "Sabi ng mga doktor, mas naging malubha raw ang kalagayan niya. PTSD is not strictly curable. Iyong mga treatment with special types of therapy and sometimes medication can make a big difference, but it is not a cure...

"Dahil walang nakakaalam na tinigilan niya na pala ang mga prescribed medications, mas lumalala pa iyon. Hindi na siya nakakatulog nang mabuti, nakikipag-usap na siya sa hangin, iyak lamang siya nang iyak...at sobrang sakit nun para sa 'kin."

Napalunok ako nang mapaluha si Tita Matilda sa harapan ko. Napayuko ako at hinayaan lamang siya.

"Marami din namang suvival cases, pero from PTSD, bihira lang talaga. The accident scarred her. Hindi lang natin nakikita kasi magaling siyang magtago, pero she's fighting on her own."

Kinuyom ko ang mga kamao sa ilalim ng mesa. Naiinis ako sa sarili kasi alam ko na may magagawa pa, pero nang marinig ko ito mismo galing sa kanya, nawala lahat ng pag-asa.

"Kaya naka-standby na lagi ang mga camera kasi...kasi...there could be possibilities of suicide." Tumingin ang mga mata niyang luhaan sa 'kin. "So, Lester...let's do our best to not make that happen, okay?"

Pero imbis na tumango at sagutin siya, iba yata ang lumabas sa bibig ko.

"Gusto ko po si Joy."

Pinunasan niya ang mukha gamit ang mga kamay. May ngiti na siya ngayon sa mukha.

"Alam ko, Lester. Nararamdaman ko 'yun. And I'm very thankful."

Yumuko ako at kinagat ang ibabaw na labi. "Ipapangako ko po sa inyo na sasamahan ko siya sa laban na 'to. Hindi po siya nag-iisa."

"Maraming salamat...maraming salamat..."

Pagkatapos naming mag-usap ay nagpaalam na siya na aalis kasi may meeting pa raw siyang pupuntahan. Kaya naman dumiretso na ako sa kwarto ni Joy.

Base sa mga sinabi ni Tita Matilda, sobrang malubha na pala ang kalagayan niya. Medyo sinisisi ko ang sarili kasi mas inisip ko pa ang nararamdaman.

Kung hindi lang sana ako umalis, sana may nakakausap pa siya ngayon bukod sa Tita niya.

Hindi ko alam kung kaya ko bang harapin siya, pero wala na ang takot sa puso ko.

Huminga ako nang malalim bago pinihit ang door knob, at parang lumambot ang mga tuhod ko kaya napakapit ako sa pinto.

Nasa kama si Joy, nakatulala sa kawalan habang may dextrose sa kanan niyang kamay at mga puting censor sa mga sentido niya. Sobrang taas na ng buhok niya at kulay itim ang ilalim ng mga mata. Maputla rin ang mga labi at mukha.

Nasasaktan ako na makita siyang ganito. Nagsimula nang magbadya ang mga luha ko.

Nang lumakas ang mga binti ay kaagad akong lumapit at hinawakan ang kamay niya.

"Joy...Joy...nandito na ako..."

Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.