More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 33

Chapter 33



"O, bakit ang emotional mo naman?" sabi niya.

May maliit siyang ngiti habang nakalingon na sa akin. Umupo ako sa gilid ng kama at hinawakan ang kanan niyang kamay. Nakita ko na may mga sugat ito.

Naaawa ako sa tuwing tumitingin sa maputla niyang mukha. Bakit ba nagpapanggap na naman siya? Ba't pinapakita niya na naman na parang walang nangyari?

Nagkuntot-noo siya. "Napipi ka na ba? Huy, magsalita ka nga."

"Nandito na ako."

"Alam ko. Nakikita kita. 'Tsaka, ba't ka nakahawak sa kamay ko? 'Tsansing ka, ha."

Mahina akong natawa. Hinaplos ko ang kamay niya gamit ang mga daliri ko. Magaspang ito kasi namumula.

"Anong nangyari dito?" tanong ko habang nakatingin sa kamay niya.

"Ba't kita sasagutin?"

Napangiti ako. Inasahan ko na 'yun. Sa bagay, hindi naman niya talaga ako sinasagot nang maayos.

Biglang humangin nang malakas at kumulimlim ang kalangitan kaya tumayo ako para isara ang mga bintana. Hinawi ko rin ang kurtina at doon lang bumagsak ang napakalakas na ulan.

"May bagyo yata," sabi ko. Nagkunot-noo ako nang nakatitig siya sa 'kin. "Bakit?"

Umupo ulit ako sa gilid ng kama at tiningnan siya. Ang cute pa rin ng maliit niyang nunal sa tulay ng ilong. Bukod sa maiitim at malalaking eyebags, maputla at tuyong labi, siya pa rin naman ang Joy na nakilala ko.

"Ano ba talaga ang pinunta mo rito, Lester?" seryoso niyang tanong. "Nawala ka ng isang buwan, tapos babalik ka na parang wala lang. Ano ba talaga ang pakay mo?"

Napalunok ako sabay yuko. Mukhang hindi ko na yata ito matatakasan.

"Joy, seryoso ako sa sinabi ko na gusto kita. Nandito ako para malaman mo na hindi ka nag-iisa."

"Bakit? Nararamdaman mo rin ba kung ano ang nararamdaman ko? Alam mo ba ang pakiramdam ng isang baliw?"

"Hindi ka baliw, Joy."

Nag-iwas siya ng tingin. Namumula ang mga mata niya.

"Tigilan mo na 'yan kasi wala 'yang patutunguhan," sabi niya. "Wala kang maaasahan mula sa 'kin. Tingnan mo nga ang sitwasiyon ko." Tumingin siya sa 'kin. "Gusto mo pa rin ba ako pagkatapos mo 'kong makita?"

"Bakit ba ako nandito? Hindi pa ba obvious?"

Mukhang pagod na pagod na ang mga mata niya kakaiyak. Nasasaktan ako lalo na at palihim siyang humihikbi.

"Nakakahiya," aniya. "Nakakahiyang ganito ako. Ang duwag-duwag ko."

"Hindi ka naman duwag, eh."

"Kung hindi, bakit hanggang ngayon ay ganito pa rin ako? Bakit nakikita at naririnig ko pa rin ang boses nila? Bakit sa tuwing pumipikit ako, sila ang nakikita ko?"

"May mga sugat lang talagang ayaw maghilom, Joy. At wala tayong ibang magawa kundi ang tanggapin ito."

"Madali lang sa 'yong sabihin 'yan kasi hindi mo alam."

"Hindi nga," medyo tumataas na ang boses ko. "Pero nandito na ako. Sasamahan kita."

"Ginagawa mo lang ba 'yan kasi gusto mo ako?"

Hindi ako nagdalawang-isip na umiling. "Dahil kaibigan din kita."

Natahimik siya at yumuko. Kinukusot niya ang mga kamay na para bang hindi nasasaktan lalo na at may mga sugat dito.

"Hindi pa rin nawawala ang mga flashback, Lester. Sa tuwing nakakakita ako ng dugo, natatakot ako. Kaya ayokong pumikit o matulog kasi...kasi mga mata ni Mommy ang lagi kong nakikita.

"Hindi ako tanga. Alam ko na nagiging malala na ang mga resulta kahit hindi man sabihin ni Dok. Konti na lang, itatali na nila ako. Konti na lang, tuluyan na akong masisiraan ng bait. At nakakapanghina 'yun."

Nahinto siya para punasan ang mga luha. Kahit ako, ay nagtutubig na rin ang mga mata. Masakit na 'yung galing kay Tita Matilda, pero nang sabihin niya diretso sa 'kin, parang pinupunit ang puso ko.

Pero wala akong magawa. Hindi ito pisikal na sugat. Nasa utak ang problema, at hindi iyon basta-basta.

Tumingin siya sa 'kin. "Huwag mong sabihin sa 'kin na gusto mo pa rin ako pagkatapos mong malaman 'yun-"

"Gusto pa rin kita."

Napa-singhal siya. "Ang tigas talaga ng ulo."

"Gusto pa rin kita, at mananatili ako rito."

"May mga pangarap ka, Lester. Gusto mong maging doktor, 'di ba? Hindi mo 'yun matutupad kung itutuon mo ang oras mo sa 'kin."

"Matalino naman ako-"

"Pero tanga." Nagkunot-noo siya. "Hindi ka ba nahihiya na nagkagusto ka sa 'kin? Tingnan mo nga si Mayumi...magkaiba kami."

"Kaya nga. Magkaiba kayo." Huminga ako nang malalim. "Joy, hindi mo na mababago ang desisyon ko."

"Pakiusap," pumiyok ang boses niya dahil sa kakaiyak. "TIgilan mo na lang, Lester."

Yumuko ako at pinakinggan ang pagbuhos ng ulan. Sinasabayan yata kami ng panahon ngayon.

Pursigido akong manatili rito, pero wala na rin akong magagawa kung ayaw niya.

"Eh, anong gagawin ko para makatulong?" mahina kong tanong habang nakayuko pa rin.

Ayaw ko kasing ipakita ang mukha ko. Ayaw kong ipakita na naiiyak na ako.

"Malaking tulong na 'yun."

"Bakit sa mga pelikula, sinasabayan nila 'yung may sakit hanggang sa dulo?" Doon lang ako nag-angat ng tingin at nakita siyang nakangiti na sa 'kin.

"Hindi 'to pelikula, eh," malungkot niyang sabi. "Hindi rin 'to cancer o leukemia."

Hinawakan ko ang sugatan niyang kamay at inilapit ito sa mukha ko at doon na ibinuntong ang iyak.

Inasahan ko na rin ang posibilidad na 'to, pero hindi ko pa rin matanggap-tanggap. Mabigat sa 'king iwan siya.

"Pinangako ko sa 'yo na pwede mo akong matakbuhan, 'di ba?" tanong ko, desperadong mag-iba ang utak niya.

Hinaplos niya ang buhok ko gamit ang isa pa niyang kamay. "Ibahin natin...ako naman ang takbuhan mo."

Nag-angat ako ng tingin. "Anong ibig mong sabihin?"

Ngumiti siya sa 'kin kahit patuloy ang mga luha sa pag-agos. "Tuparin mo muna ang mga pangarap mo...graduation, med school, diploma, lahat. Maging doktor ka. Tapos bumalik ka sa 'kin...

"Hindi ako sigurado kung ano ang mangyayari bukas o sa susunod na sampung taon, pero magkita ulit tayo pagdating ng panahon."

Maingat kong inilapag ang kamay niya at nagbuntong-hininga.

Wala na talaga akong magagawa. May desisyon na siya. Iyon na 'yun.

Ngumiti ako habang tinitigan ang kabubuuan niya, inaalala ang bawat detalye para hindi ko siya makalimutan. Mula sa sobrang taas niyang buhok, sa mga nunal niya. mga labi, iyong mga mata...at iyong ngiti niya.

Malungkot akong tumawa. "Hindi pa nga naging tayo, nakikipaghiwalay ka na sa 'kin."

Natawa rin siya. "Gago. Nga pala, ang gwapo mo na walang salamin, ah."

"Talaga ba?" biro ko.

Hindi siya sumagot at nanatiling nakatingin sa 'kin.

"Gawin mo lahat ng gusto mo. Lumabas ka sa ibang bansa, uminom ka na parang mamamatay ka na, tapos enjoyin mo ang buong pag-aaral mo...magmahal ka ng iba. Live life."

Tumango ako, kahit hindi sigurado kung susundin ko ba ang payo niya.

Mabigat ang loob ko nang tumayo. Pinunasan ko na rin ang buong mukha.

"Hanggang sa muli, Lester," paalam niya.

Hindi ko alam kung kailan, pero may pag-asa pa rin sa puso ko na sa kanya pa rin ako uuwi. Kagaya nang laging paggapang ko sa tuwing wala akong matatakbuhan.

Malungkot akong ngumiti at hinalikan ang noo niya. "Hanggang sa muli," bulong ko.

Nang umuwi ako sa bahay nun, wala na akong pakialam at kaagad na humagulhol sa iyak. Sinasabayan ko yata ang ulan.

Pumasok si Mama sa kwarto at niyakap ako. Pati siya ay napapaiyak na rin.

"Okay lang 'yan, Lester," sabay haplos niya sa ulo ko. "Okay lang 'yan..."

Hindi ko alam kung magiging okay ba. Pero susubukan kong kamitin lahat ng mga pangarap ko para makabalik ulit ako sa kanya.

Joy, babalik ako...babalikan kita...


Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.