More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 34

Chapter 34



Malamig ang simoy ng hangin. December na nga talaga. Marami na ring nangangaroling at may mga dekorasiyon na rin sa bahay na binili ni Mama sa tiangge.

Masaya ang paligid, kaya pinipilit ko na lang din ang sarili na makiisa, kahit sobrang bigat ng pakiramdam ko.

Nang dumating ang birthday ko, simple lang ang naging handaan. Dahil may bagyo, hindi nakapunta ang iilan kong mga pinsan at kamag-anak. Nandito rin sina Oyo, Reggie, Tiboy pati si Phil.

Napanganga ako nang may binigay siyang paper bag sa akin na may logo ng kinagatang mansanas. Naki-usisa rin sina Oyo.

"Ano 'to?" tanong ko.

"Birthday gift."

"Maraming salamat, pare. Mabuti ka pa at may gift ka. 'Yang iba kasi diyan, nakikikain na nga, nanghihingi pa ng bring home."

"Hoy, si Oyo lang kaya ang ganyan," depensa ni Tiboy.

Kumandong si Reggie kay Phil. "Pwede bang i-adopt mo na lang ako, 'tol?"

"Ako rin!" Nag-isa ng kamay si Oyo.

Tumingin si Phil sa kanya. "Pasensiya ka na, baka magtaka pa si Mommy kung ba't ako nag-uwi ng butiki, eh."

Kaagad pinigilan ni Tiboy si Oyo sa pagsugod. Nagtawanan na lang kami. Itinabi ko muna ang regalo at tinulungan sila sa pagkain.

Nang makita si Lovely na nakanganga at nakatingin kay Phil, kaagad ko siyang sinimangutan at hinarangan.

"Tumabi ka nga," aniya. "Panira ka, eh."

"Bata ka pa. Bawal 'yan."

"Sinong nagsabi na bata pa ako? Tabi ka na diyan."

"Sa bagay, hindi ka rin naman magugustuhan ni Phil. Hindi kasi mga tulad mo ang tipo niya. 'Tsaka mas matanda siya sa 'kin ng dalawang taon 'no."

Tinuro niya ang sarili. "Sa tingin mo ba, may paki ako?"

8 PM nang umuwi na ang mga bisita maliban sa kanila. Nasa labas pa kami at nag-iinuman. Hanggang ngayon, nakatulala pa rin sila sa 'kin na para bang nagkaroon ako ng pakpak o ano.

"Umiinom ka na ba talaga?" tanong pa ni Reggie.

"May problema ba dun?"

"Nakakapanibago lang."

Sinalinan ulit ni Phil ang baso ko. "It's normal guys. Birthday niya rin naman ngayon."

"Anong problema?" tanong ni Tiboy.

Nagbuntong-hininga ako at sinabi sa kanila kung ano ang nangyayari. Mula nung panahon na tumigil ako kakabisita hanggang sa nangyari noong mga nakaraang linggo.

Nakita ko kung paano nag-iba ang tiyempo ng paligid. Natahimik kaming lahat at sabay na napainom. Nilagok ko 'yun akin, hindi na masyadong naninibago sa lasa nito.

Tinapik ni Reggie ang balikat ko. "Ang tapang mo, pare."

"Okay lang 'yan," ani Oyo. "Maayos din ang lahat. 'Tsaka birthday mo ngayon, huwag ka nang malungkot."

Ngumiti ako ng pilit sa kanila bago uminom.

"Makaka-get over ka rin," sabi ni Tiboy.

Pero mali yata siya. Kahit pwedeng-pwede kong piliing kalimutan at hayaan na lang si Joy, hindi ko iyon gagawin. Kailangan niya ang tulong ko.

At itong nararamdaman ko para sa kanya, hindi ko maipaliwanag, eh. Malalim na yata talaga ang pagkahulog ko.

Naisipan kong makipagkita kay Tita Mayumi isang araw bago ang pasko. Nandoon na siya sa pinag-usapang coffee shop pagkadating ko.

"Magandang hapon, po." Umupo ako sa kaharap na upuan at inilagay sa tabi ang dalang kahon. "Pasensiya na po kung na-late ako. Medyo traffic kasi, eh."

"It's fine. I've been wanting to see you, too. Nag-order na pala ako. May gusto ka bang idagdag?"

"Ah, hindi po. Okay na ako." Huminga ako nang malalim. "Hindi po ba ako nakaabala sa inyo?"

"Naku, hindi 'no. Like what I said, gusto rin kitang makita para magpasalamat."

"Para saan ho?"

Sakto namang dumating ang order at nang umalis iyong naghatid ay nagpatuloy siya.

"Actually, wala akong alam kung ano ang nangyari sa inyong dalawa. But it seems like, nagkausap na naman kayo. Pero nag-aalala ako sa inyong dalawa."

Yumuko ako. "Mukhang...hindi na po ako makakabisita ulit, eh."

Iinom na sana siya ng kape pero natigilan sandali. "Huh? Bakit?"

"Guto niya rin kasing huwag na akong bumisita. Pero huwag po kayong mag-alala, nag-usap na kami tungkol dun."

Tiningnan niya ako, nag-aalala, pero ngumiti lang ako sa kanya. Kinuha ko iyong kahon at inilapag sa gilid ng mesa.

"Pasko na po bukas at may mga regalo po ako para sa kanya. Makikiusap po sana ako na...ihatid 'to."

"No problem, hijo. Ihahatid ko ito sa kanya."

"Ah, teddy bear lang po 'yan," nahihiya kong sabi. "Hindi ko po alam kung ano ang ireregalo, eh. Baka harmful po kasi."

Umiling siya. "So far, wala naman siyang incident with teddy bears, kaya okay lang 'to."

"Kumusta na po siya?" mahina kong tanong.

Hindi ko na dapat ito tinatanong pa, pero hindi ko talaga mapigilan ang sarili. Gabi-gabi ko ring pinag-iisipan kung tatawagan ko ba si Ninang tungkol sa kanya.

"Last week...itinali na siya."

Nanuyo ang lalamunan ko kay napainom ako sa kape at napaso pa nang 'di napansin na mainit pala ito.

"She started to scream and she's always running away. Lagi niya raw kasing nakikita si Ate Regina na naglalakad papunta sa kanya. I know, it's creepy. But we can't blame her."

Bumigat lalo ang pakiramdam ko.

"It would be great if you're there, Lester. Makakatulong sana ito sa kanya."

Alam ko, po. Iyan lagi ang nasa isip ko.

"May pangako po ako sa kanya, eh. Ayaw ko pong sirain iyon."

Sumandal siya sa upuan. "Naaawa na ako kasi wala akong magagawa. I'm afraid if her brain would shut down, and that one day, she won't be able to recognize us."

Hanggang sa muli.

Narinig ko ang boses ni Joy. Malaki ang posibilidad na mangyari iyon, pero malakas ang tiwala ko na magiging okay ang lahat.

Siya si Joy, eh.

"Babalik po ako...pero hindi po muna ngayon," sabi ko.

Ngumiti siya sa 'kin. "Okay..."

Alam ko na kung iisipin ko ang nararamdaman ko ngayon, pwedeng-pwede kong sirain ang pangakong iyon. Pero hindi, eh...ayokong biguin siya.

Tutuparin ko iyon lahat para sa kanya.

Pwedeng magbago nga ang lahat, pero babalik ako. Sa ngayon, titiisin ko na lang muna ang hindi siya isipin.

Pero magiging okay ang lahat...

Nagmamadali ako sa paglalakad lalo at naging busy ang mga kasama ko. Marami ang tao sa emergency room at isang malakas na tunog ng siren ang maririnig mo.

Nagbuntong-hininga ako at kinalabit ang isang nurse.

"Tell them to turn it off. Nakaka-istorbo ng mga pasyente."

The nurse nodded and went outside. Nakita ko na may police car din pala. This must be an accident. There's a man lying on the stretcher while they were transferring him inside the room.

Duguan ang mga tuhod nito at may buto ring sumisilip. I wore a surgical gloves and mask. Isinara ko na kaagad ang kurtina para simulan na.

May lumapit na nurse at ibinigay sa akin ang isang papel na naglalaman ng mga impormasiyon.

"Dok, car crash po. The front of the car collapsed onto the legs of the driver," sabi niya.

"Okay. Did you perform first aid already? Ba't hindi pa ito nilinisan?" Tinuro ko ang tuhod nitong duguan.

"The ligaments are very complex, Dok. The car doesn't have enough apparatus that's why it's hard for us to determine it. But some first aid were implemented already. Hindi na lang po namin ginalaw."

I sighed. "Okay."

It was around 4 PM when I went to the lobby to get some coffee. Nangangalay din ang leeg ko kakayuko sa operation na naganap kanina.

Makulimlim ang kalangitan kaya uulan yata. It's the first week of May, it should be sunny. Kung nakapasok na nga ang bagyo sa bansa, tiyak na made-delay ang flight ko bukas.

"Your mood seems gloomy," sabi ni Rebecca, ka-trabaho ko.

We also went to the same medical school. Maalon ang mataas nitong buhok, at aakalain mong artista o model sa tindig at pananamit.

"Yeah," I said and sipped from my coffee.

"Pagod ka na ba?" Natawa siya nang mahina. "Chill. Twenty-eight ka pa lang, hindi ka pa senior citizen."

"Sometimes, I feel like one."

"Sira," aniya at pabiro akong pinalo sa balikat. "Sige, I should go."

"Sige."

Tinapos ko muna ang kape bago bumalik sa office, kaso sinalubong ako ng nurse at sinabing naghahanap daw ang guardian ng inoperahan ko kanina.

Kaya naman kaagad akong nagtungo sa station at nagtaas ng kilay nang makita si Phil. He's wearing a specs, maybe to act cool. Mukhang gumagana naman kasi napapatingin ang mga nurse sa kanya.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko.

"Ikaw ang doktor?"

Tinuro ko siya. "Ikaw ang guardian?"

Tumango siya.

"Teka, kaano-ano mo 'yung naaksidente?"

"Pinsan ko."

Natawa ako. "Kumusta ka na? It's been so long."

"Oo, nga. Gusto mo magkape?"

Kahit kagagaling lang magkape, tumango na rin ako. Gusto ko ring makipag-usap sa kanya. Siguro tatlo o apat na taon na rin mula noong huli kaming magkita.

Naging professor kasi siya sa malayong lugar. Mas tumangkad rin siya. Panigurado, maiinggit si Reggie kapag nalaman niyang maraming tumitingin na mga nurse sa kanya.

Umupo kami malapit sa bintana. Malakas ang ulan at halos hindi ko na makita ang labas dahil sa lakas ng tubig na pumipisik sa bintana. Everything looked foggy

Kumagat ako sa donut na nilibre niya. "Huwag kang mag-alala. Okay na ang pinsan mo. We necessitated the replacement of the whole joint. Siguro mga six months to one year bago siya magiging okay."

Nagbuntong-hininga siya. "Napakapabaya kasi. Alam mo ba na kotse ko 'yun? Tsk."

"Hindi naman 'yan problema kasi marami ka namang sasakyan." Natawa ako habang siya ay sumimangot. "Kailan ka pala dumating?"

"Last week. Babalik na sana ako bukas, kaso dahil sa bagyo mukhang matatagalan ako."

Mukhang made-delay talaga yata ang lipad ko bukas. Narinig ko sa balikat na umakyat daw ito sa signal number three.

"Kumusta ka na, Dok?" May halong biro iyong 'dok' kaya natawa ako.

"Okay lang. Medyo nakakapagod pero ayos lang."

Kanina pa siya titig nang titig at nakakailang iyon. Nagkunot-noo ko at inilapag ang kape sa mesa.

"Kanina mo pa ako tinititigan, ah," giit ko. "Konti na lang, iisipin ko na may gusto ka sa 'kin."

Natawa siya. "May asawa na ako, ha."

"Matanda ka na pala, pare. Thirty ka na, 'di ba?"

"Huy, dalawang taon lang ang agwat natin," natatawa niyang banta sabay inom ng kape.

Pero hindi niya pa rin ako tinigilan.

"Ba't ka ba laging nakatingin?" naiinis ko nang sabi.

"Wala...hinuhulaan ko lang kung kailan mo pupuntahan si Happiness. Doktor ka na, 'di ba?"

Nahinto yata lahat ng sistema sa katawan ko. Matagal ko nang hindi naririnig ang pangalan niya. I can't help but to feel familiar as the memories started to flood me.

Tumingin ako sa kape, hindi alam kung ano ang sasabihin. Mabuti na lang at may nurse na lumapit.

"Dok, pinapapunta ka na po sa meeting."

I sighed out of relief, but I did not make it obvious.

"Pasensiya ka na, Phil." Tumayo ako. "Kailangan ko nang umalis. But it's nice to meet you again."

He smirked. "Sige, pare."

Nang maglakad papalayo, bigla akong nailang lalo na at hindi ako tinigilan ng utak ko sa mga alaala namin ni Joy.

Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.