More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 2

Chapter 2



Hindi ko alam kung ano ang malaking kasalanang nagawa ko sa buhay para malasin ng ganito. Nagsitaasan bigla ang mga balahibo ko.

Nasa harap ko lang naman ang babaeng baliw na nakausap ko noong nakaraan.

Nakasuot siya ng dilaw na bestida at naka-braids ang mataas niyang buhok. Maputla pa rin siya at... hindi ko nagugustuhan ang mga ngiti niya.

Tatawag ba ako ng nurse? Tatakbo na ba ako?

"Huy, okay ka lang? Ganun ka ba kagulat?" natatawa niyang sabi.

Hindi ako umimik, nag-iisip pa rin kung ano ang gagawin.

Natawa siya. "Gulat na gulat ka nga."

"N-Naliligaw ka ba?" nauutal kong sabi. Nanginginig na rin ang mga kamay ko. "Gusto mo bang ihatid kita sa kwarto mo? O tumawag ng nurse?"

Dahan-dahan ko iyong sinabi na para bata iyong kausap ko. Hindi ko rin naman alam kung ano ang gagawin ko. Unang beses kong makaharap ng baliw.

Napaatras ako nang sumimangot siya. Napasandal tuloy ako sa pinto.

"Kaibigan ako..." sabi ko. "Kaibigan mo ako."

"Ba't ganyan ka magsalita? Para naman akong baliw niyan."

Napalunok ako. Paano ko ba sasabihin na baliw nga siya? Sensitive topic ba 'yun sa mga pasyente rito?

Pinaningkitan niya ako ng mga mata. "Not unless... Hoy! Iniisip mo bang baliw ako?!"

Natakot ako bigla. Magkatagpo na iyong kilay niya at parang anytime pwede nang sumugod.

Umiling ako "Hindi ah."

Nagkrus ang mga braso niya. "Hindi ako baliw."

Tiningnan ko lamang siya, hindi naniniwala.

"Hindi nga ako baliw," ulit pa niya.

Pumilit ako ng ngiti. "Oo, hindi ka na baliw. Kaso... kailangan ko nang umalis eh."

Nang tumalikod na ako para tumakas ay nanigas ako bigla nang hawakan niya ang kaliwang braso ko. Madiin ang hawak niya roon at nasasaktan ako.

Kahit maliit siya, pambihira din iyong lakas niya ah.

Wala tuloy akong magawa kundi humarap. Mabuti na lang at binitawan na niya ako.

"Ba't mo ako tinatalikuran?" sabi niya. Mala-anghel pa rin naman ang boses niya pero kinikilabutan na ako.

Pinagpapawisan na ako sa kaba.

"Tatawag ako ng nurse," tugon ko sa kalmadong boses. "Para na rin ma-assist ka."

Umirap siya. "Hindi nga ako baliw. Nakakainis ka na, ha."

Nagsimula siyang maglakad papunta sa harapan kaya naman sinundan ko siya. Mas mataas ako sa kanya ng ilang dangkal pero mas mataas ang kumpyansa niya sa sarili.

Halata naman iyon kung paano siya maglakad. Kulay itim ang kulay ng mga matataas niyang kuko.

Ang pinagtataka ko lang ay ang damit niya. Ibang-iba kasi iyon sa mga sinusuot ng mga pasyente rito. Tapos hindi rin kulay puti. Kaya naman tumitingkad talaga siya.

May mga nurse na sa paligid pero hindi man lang siya pinapansin. Naguguluhan tuloy ako.

"Tinititigan mo na naman ako," aniya kahit hindi naman ako tinapunan ng tingin.

"Hindi ka ba talaga... baliw?"

Nahinto siya sa paglalakad at humarap sa 'kin. Habang palapit siya nang palapit, paatras naman ako nang paatras. Tumingin siya sa likuran ko.

"Hoy, Edwin, baliw ba ako?"

Tumingin ako sa sinabihan niya at nagulat na ang guard pala 'yun. Wala man lang kagalang-galang. Ang nakakagulat doon ay para bang sanay na iyong guard sa pananalita nitong babae.

Tiningnan muna ako ng guard bago humarap ulit sa babae. "Hindi. Bakit, Joy?"

Joy... Iyon ang pangalan niya.

Parang ang ironic naman yata. Hindi kasi siya mukhang masaya. Tapos wala pang buhay ang mga tawa niya.

Tapos nakakakilabot ang ngiti at ang mga mata. Ba't ba 'yun ang pangalan niya?

Imbis na sagutin si guard ay napabaling siya sa 'kin. "Kitams? Hindi nga ako baliw."

"Pero-"

"Bakit? Sinong may sabi, ha?"

"Iyong nurse-"

"Ah, si Imelda," aniya sabay tango. Tumingin siya sa malayo at nakayukom ang mga kamao. "Iyong bruhang 'yun talaga."

Umatras ako ng isang tapak. Namumula iyong mga tenga niya. Hindi ko alam kung sa galit ba o... dahil baliw siya.

Hindi pa rin kasi ako kumbinsido.

"Teka, ano bang ginagawa mo rito? Ba't ka nakapasok?" tanong niya.

"Anak siya nung kinikuwento ni Nurse Imelda," singit ng guard.

Mula sa mukhang parang may papatayin ay bigla siyang ngumiti sa 'kin... isa sa mga dahilan kung ba't baliw pa rin ang tingin ko sa kanya.

"Ikaw pala si golden boy, ha. Tara," aniya at nauna na namang maglakad papunta sa may kaliwa.

"Anong golden boy?" tanong ko habang nakasunod sa likuran.

"Ang dami mo namang tanong."

Napanganga ako. Gusto ko siyang kontrahin kaso tumahimik na lang ako. Mas bata yata siya ng ilang taon. Rerespetuhin ko na lang.

Binuksan niya ang double door at nakasunod pa rin ako sa kanya. Pumasok kami sa parang isang canteen. Pero walang tao.

Sa may dulo, dun ko nakita si Mama. May mga nurse na nakapalibot sa mesa. Nagsisimula na silang kumain.

"Nandito na pala si Lester," ani Mama pagkalapit ko. "Ito ang anak ko."

Nakilala ko agad iyong nurse na nasa harap ko. Siya iyong nakausap ko noong nakaraan. Siya si Imelda! Pinaningkitan niya ako ng mga mata.

"Aba'y ang laki na pala niya, kumare! Medyo pamilyar ang mukha..."

Halos lumabas ang puso ko. Hindi niya ako naaalala.

Mula sa gilid ng mga mata ko, nakita kong sarkastikong ngumisi si Joy. Kumakain na rin siya.

Tumawa si Mama. "Magmano ka. Ninang mo 'yan," sabi niya sa 'kin.

Tumango naman ako at nagmano kay Nurse Imelda. Hindi ako nakipagmata sa mata at baka makilala niya pa ako.

"Kamusta iyong apo mo?" tanong ni Mama.

Humagikhik siya. "Iyon nga at-"

"Hmm! Ang sarap naman!" putol ni Joy kay Nurse Imelda. Tumingin siya kay Mama. "Hindi ka po ba chef or something?"

Namumula ang mga pisngi ni Mama. "Hindi, 'no."

"Naku, ang sarap po!" Halos pumanibabaw an boses niya sa silid.

Napansin ko naman ang lihim na pag-irap ni Nurse Imelda. Base rin sa pananalita ni Joy kanina, mukhang hindi sila magkaibigan.

Sinalinan ni Mama ang plato niya ng dagdag na pagkain. "Sige, hija, kumain ka pa."

"Kakain po talaga ako," sabay pilit ng tawa. Mas nagtunog peke tuloy 'yun.

Nagpatuloy sa pag-uusap sina Mama at Nurse Imelda. Si Joy naman ay pinaglalaruan na lamang ang pagkain. Matalim din ang titig niya sa nurse.

Ano bang problema nilang dalawa?

May lumapit na staff sa 'min. "Joy, may tumatawag sa 'yo."

Walang emosyon ang mukha niya nang bumalin sa staff. Tumayo lamang siya at naglakad na paalis. Hindi man lang nagpaalam o nagsalita.

Hindi ba siya pinalaki ng mga magulang niya na gumalang?

Nagbuntong-hininga si Nurse Imelda. "Iyong batang 'yun talaga..."

"Sino ba 'yun?" bulong ni Mama.

"Pasyente iyon dito," sabay turo niya sa ulo. "Medyo may sira."

Napasinghap si Mama. "Talaga? Parang hindi naman halata."

Naguguluhan na ako. Ano ba talaga?

Kung pasyente nga siya rito, ba't ganun ang suot niya? Ba't parang hindi naman siya binabantayan ng mga taga-rito? Ba't umiling ang guard?

Ala una na nang naglilgpit na kami ng mga gamit. Nagpaalam na rin si Nurse Imelda. Hindi na rin bumalik si Joy.

Gusto ko pa sana siyang makausap. Ang dami kong tanong sa kanya kahit hindi rin naman sigurado kung maniniwala ba ako o hindi.

"Good afternoon, po," bati ulit nung guard pagkalabas namin. "Uuwi na po kayo?"

"Oo, eh," si Mama. "Nga pala, may pinaligpit ako roon para sa ibang mga staff na hindi pa nakakakain."

"Naku, maraming salamat po," sabay tawa nung guard.

Talagang ganito si Mama. Sa tuwing may fiesta o handaan, kulang na lang ay pakainin ang buong Pilipinas.

Sumakay na kami ng traysikel pauwi. Hindi pa nakakauwi si Lovely nang makarating kami sa bahay.

Tinulungan ko si Mama na ilagay iyong mga baunan at lalagyan sa lababo. Ako na rin ng nagpresentang maghugas kaya pinaandar ko na iyong gripo.

"Kakilala mo ba 'yung babae?"

Lumingon ako kay Mama at pinatay muna iyong gripo. "Po?"

"Iyong babaeng naka-dilaw na bestida. Iyong kanina... tuwang-tuwa ako kasi makikita mo talaga sa mukha niya na gustong-gusto niya ang luto ko," ani Mama na parang kinikilig.

"Hindi po. Nagkasabay lang."

"Baliw ba talaga 'yun?"

Nagkibit-balikat ako, hindi rin sigurado.

"O siya, punta muna ako sa palengke. Dito ka lang, ha," aniya.

"Sige, po."

Nagpatuloy na ako sa paghuhugas.

Hindi ko rin alam kung ano ang totoo. Mismong nurse na ang nagsabi. Kanina, nung tumawag siya sa guard, para bang kabarkada niya lang. Mukhang sanay na rin ang mga taga-roon sa ugali niya.

Kakaiba talaga siya.

Bigla tuloy akong napangiti.

Kung baliw man siya o hindi, isa lang ang alam ko... gusto ko pa siyang makilala.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.