More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 3

Chapter 3



"Tiboy, pasa mo sa 'kin!"

"Bantayan mo!"

"Block! Block!"

Nang mai-shoot ni Oyo ang bola sa ring ay kaagad akong nahinto. Ipinatong ko ang mga kamay sa tuhod at hinahabol ang hininga.

"Ano ba naman 'yan, Lester. Talo na naman tayo," ani Reggie.

"Time-out," sabi ko.

"Pahinga muna tayo," ani Oyo.

Lumapit si Tiboy at inalalayan akong umayos ng tayo.

Matindi ang sikat ng araw at mabilis akong pagpawisan kaya naman basang-basa na ang suot kong t-shirt. Inaya kasi nila akong magbasketball. Kahit nag-aaral, iniwan ko na at nagbihis para sumama.

Pagdating sa tindahan ay kaagad hinubad ni Reggie at Oyo ang mga suot na jersey. Bumili na rin kami ng softdrinks. Tinanggal ko na muna ang salamin ko at pinunasan ang mukha gamit ang towel.

"Kanina ka pa lutang, Lester. Anong problema?" tanong ni Reggie.

"Wala... mabilis lang talaga akong mapagod."

"Sus. Hindi ka pa ba sanay diyan, Reggie?" sabi ni Oyo na nginunguya na ang straw.

Nagtawanan sila.

Sinungaling. Kahit malabo ang paningin ay sumasali pa rin ako ng iba't-ibang sports sa skwelahan. Ngayon lang talaga, ang dami kong iniisip.

Bukod sa mga deadline at sa pagsusungit ni Mayumi, hindi ko rin maiwasang isipin si Joy.

Si Joy na naman...

Simula nung pagbisita namin sa mental hospital, hindi na ulit ako nakabalik... hindi ko na ulit siya nakita.

"Reggie," tawag ko. "Wala na ba talaga 'yung tita mo sa Safe Haven?"

"Wala na... teka ba't mo natanong?"

"Curious lang. 'Di ba sabi mo maraming multo roon?"

Tumango siya. "Marami raw 'tol. Nakakatakot din raw ang mga baliw roon."

Tumawa si Oyo. "Marami bang magagandang baliw roon?"

Meron, gusto ko sanang sabihin. Pero hindi ko magawa. Baka mapagtripan si Joy. Wala pa naman akong tiwala sa mga mokong na 'to.

Umiling si Reggie. "Hindi ko alam. Bata pa ako nung bumisita kami ni Mama, eh. Tapos bawal ding lumampas sa mga kwarto talaga nila."

"Ba't mo natanong?" ani Tiboy kay Oyo.

"Wala kasing nagkakagusto sa 'kin, eh. Baka maka-tsamba ng baliw."

"Siraulo," si Reggie.

Nagtawanan sila. Ako naman, nakikisabay lang.

Laging busy si Mayumi kaya hindi na kami masyadong nagkakausap at nagkikita. Noon, kung may mga bakanteng oras kami, kumakain kami sa mga kainan sa labas ng skwelahan.

Namimiss ko na tuloy siya.

Kaya naman kapag may libreng oras, sa library ako tumatambay. Nagkakaroon din ako ng ilang oras para mag-isip ng kung anu-ano... kasama na roon ang Safe Haven.

Binalot ako ng kuryusidad. Kaya naman imbis na dumiretso sa bahay, pumara ako sa jeep malapit sa convenience store na malapit sa mental hospital.

Hinawakan ko ang strap ng bag habang naglalakad papasok sa pamilyar na eskinita. Unti-unti na naman akong binalot ng kaba at kilabot.

Alas tres pa ng hapon at makulimlim na. Nang makita ang puting building, napahinto ako at tinitigan ito. Napansin ko na konti lang ang mga nasa labas.

Naglakad ako papunta sa main entrance at nakita ulit ang guard. Tinanguan niya ako kaya kabado akong ngumiti.

"Uy, ikaw ulit!" sabi niya.

"He he... ako nga." Sinubukan kong hindi mautal. Nanginginig ang mga kamay ko kaya pinasok ko 'to sa bulsa ng suot na pantalon.

"Ba't ka nga pala nandito... teka, anong pangalan mo?"

"S-Silvester, po. 'Tsaka, may sadya ako kay kay... ano... kay..." Pinagpapawisan na ang noo ko kakaisip ng rason.

"Kay nurse ba? Iyong kakilala niyo rito?"

Dali-dali akong tumango. "Opo, opo."

"Sige. Mag-log in ka muna rito."

Pagkatapos kong isulat ang pangalan sa record book ay pinapasok na niya ako.

Doon ako lumiko sa may kaliwa. Ganun pa rin an paligid. Kung saan ka titingin, puti ang makikita mo. Kinakabahan ako. Paano kung mahuli ako rito?

Nilagpasan ko na 'yung pinto kung saan ako nag-CR nung huli. May hagdanan sa dulo kaya umakyat ako roon. Napakatahimik ng lugar. Naririnig ko 'yung sarili kong tapak. Pati na rin yata ang paghinga ko.

Dumaan ako sa parang may ward. May dalawang babae na nandoon, isang matanda at isang bata.

Nakaharap sa salamin iyong bata at kada-segundo ay ngumingiti na lang mag-isa. Iyong matanda naman ay nakaupo sa kama niya at nakatingin sa kisame, kahit wala namang makikita roon.

Sa kabila naman, may dalawang lalake na naglalaro ng chess. Iyong isa ay kinakamot ang likuran ng leeg. Namumula na 'to. Iyong isa ay parang normal lang naman.

Natatakot na ako, pero patuloy pa rin sa paglalakad.

Sa mga sumunod na mga kwarto, ang dami-dami kong nakita. May lalakeng sinusuklay ang palaisipang mataas na buhok, may sumasayaw kahit wala namang tunog, may mga tumatawa na lang bigla, at kung anu-ano pa.

Tumataas ang mga balahibo ko. Ganito ba talaga... sila?

Kung titingnan mo, para lang talaga silang normal. Walang sugat. Walang bali. Nasa utak kasi ang may problema, hinding-hindi mo makikita.

Umabot na ako sa may dulo. Walang tao sa tahimik na hallway. Pagtalikod ko, nagkunot-noo ako nang hindi na naging pamilyar ang buong lugar.

Dinaanan ko ba 'to?

Nang maglakad pa ay napakamot ako sa ulo. Halos mahulog ang puso ko nang hindi na makakita ng daan palabas. Kahit saan ka lumiko, puro hallway at mga puting pinto ang makikita mo.

Pinagpapawisan na ako sa kaba kahit malakas naman ang aircon.

"Anong ginagawa mo rito?"

Napatalon ako nang may nagsalita sa likuran. Pero hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi nang makita si Joy.

Nakasuot siya ng pink na blusa at itim na paldang hanggang sa talampakan niya. Iyong buhok niya ang naging kulot ang dulo. May choker din siyang suot. Aakalain mo na galing siya sa party o ano.

Parang patay ang mga mata niya nang tumapat ito sa 'kin. Biglang tumaas ang mga balahibo ko.

"Ano... uh... kasi..."

"Anong ginagawa mo rito?" ulit niya.

Nang lalapit na sana siya sa 'kin ay inilahad ko ang dalawa kong palad para pahintuin siya.

"Teka, huwag ka nang lumapit," kabado kong sabi.

Nagtaas siya ng kilay. "Bakit?"

"Diyan ka lang," nauutal kong sabi.

Inirapan niya ako. "Iniisip mo pa rin ba na baliw ako? Ganyan ba katindi ang tiwala mo sa Imelda na 'yun?"

Gusto kong tumango pero mabuti na lang at napigilan ko. Mas may tiwala nga ako sa kumare ng Mama ko kesa sa kanya.

"Ba't ka nandito kung hindi ka baliw?" mahina kong tanong.

"Ba't nandito ang mga nurse at mga doktor kung 'di sila baliw?" aniya at tinuro ang ulo. "May saltik ka rin ba?"

Umiling ako.

"Hindi lahat ng mga nasa ospital na 'to ay baliw. 'Tsaka alam mo ba na bawal na ang mga bisita sa lugar na 'to?"

Kinamot ko ang leeg. "Nawawala kasi ako."

Natawa siya. Tumaas na naman ang mga balahibo ko. Iyong tawa niya kasi... ang kakaiba. Parang walang buhay o nananakot.

"Bakit ka ba kasi nandito?" aniya. "Anong sadya mo? Or... sino ang sadya mo?"

Nag-iwas ako ng tingin. May biglang lumagapak sa sahig. Pagtingin ko ay may nakita akong pamilyar na cellphone, pero basag na ang screen nito. Nang mas tinitigan ko 'to, halos mapaiyak ako nang akin pala iyon.

Mabilis ang kamay ni Joy at pinulot kaagad iyon. Binuksan niya ang screen pero inagaw ko na 'to sa kanya. Kaagad ko itong tiningan kaso ang laki talaga ng crack.

Anak ng... wala pa 'tong isang taon sa 'kin.

Sumimangot siya. "Ba't babae ang wallpaper mo?"

Inilagay ko ulit sa bulsa ng bag kaso sira na pala ang zipper nun, kaya siguro nahulog. Ibinulsa ko na lang 'to.

"Girlfriend mo 'yun?" tanong niya ulit.

Tumingin ako sa kanya at tumango.

Nagkrus ang mga braso niya. "Hiwalayan mo na 'yan. Niloloko ka lang niyan."

Nagkunot-noo ako, medyo hindi nagustuhan ang sinabi. "Ba't ka ba nangingialam? Sino ka para magsalita ng ganyan? Hindi mo nga kami kilala."

"Wow, mahal na mahal mo yata," sarkastiko niyang sabi.

Magkatagpo ang kilay ko nang tumingin sa kanya, medyo napipikon. Pero doon ko lang napansin ang mahaba niyang mga pilik-mata. Tapos iyong maliit niyang nunal sa may tuktok ng ilong. Malaki ang mga mata niya pero kahit wala itong emosyon at malaki ang eyebags, kulay brown ito. Pati na rin ang manipis nitong labi. Napakaganda.

"Nakatitig ka naman sa 'kin. Nagagandahan ka talaga 'no?" tukso niya.

Biglang tumunog iyong malakas na kampana. Sobrang lakas nito na parang sasabog na 'yung dumi ng tenga ko. Napapikit din si Joy sa inis.

"Oo, maganda ka nga," sabi ko kasabay ng kampana, umaasa na sana hindi niya iyon narinig.
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.