More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 4

Chapter 4



Para yatang bumagal ang mundo nang biglang hinawakan ni Joy ang kamay ko. Nakatitig lamang ako sa mga mata niya. Natapos nang tumunog ang kampana pero ang lakas pa rin ng tibok ng puso ko.

Kitang-kita ko kung paano niya ako hinila papasok sa isang maliit at madilim na silid. Pagkasara ng pinto ay isinandal niya ako rito at direktang tumingin sa 'kin.

Pinagpapawisan na ang kamay kong hawak niya.

"Anong-"

"Sshh!" aniya sabay lagay ng isang daliri sa bibig ko.

Nayelo na yata ako nang maramdaman ang daliri niya sa labi. Ano ba 'to, nanlalambot ang mga tuhod ko. Ang lapit-lapit niya kasi.

May narinig akong mga tapak ng paa sa labas. Marami iyon. Nang nawala na ito ay binitawan na niya ang kamay ko at lumayo sa 'kin.

Doon ko lang napansin na nasa may isang janitor's room kami. May mga panlinis sa kung saan. Tumikhim ako at nag-iwas ng tingin.

"A-Anong-"

"Narinig mo 'yun?" putol niya habang nakapameywang.

Tumango ako.

"Sabi ko naman sa 'yo na bawal ang mga bisita rito? Patay ka talaga 'pag nakita ka nila. Pasalamat ka, ako ang nakakita sa 'yo."

"Edi, salamat," mahina kong sabi.

"Huwag na. Huli ka na," aniya sabay irap. "Kaya mo bang lumabas dito nang hindi nakikita?"

"Naliligaw ako-"

"Ay, oo nga pala," putol niya ulit sabay buntong-hininga. "Sumunod ka na lang sa 'kin."

Binuksan niya ang pinto at lumabas na kami.

"Nag-log in ka ba?" tanong niya habang naglalakad.

"Oo."

Nahinto siya at humarap sa 'kin. "Bakit?!" pasinghal niyang sabi.

"Kasi kailangan?" parang tanga kong sabi.

Inirapan niya ako at nagpatuloy sa paglalakad. Nakasunod pa rin ako sa kanya.

"Hinahanap ka na siguro ni Edwin," tukoy niya sa guard.

Kuya Edwin... matuto kang gumalang sa nakakatanda.

Nang liliko na sana ay hinigit na naman niya ako at tinulak sa pader. Ang lakas niya kaya naman sumakit iyong likuran ko. Nagwo-work out ba siya? Ang liit niya yata para sa lakas na 'yun.

Sumilip siya roon. Hinila na naman niya ako at naglakad. Para tuloy akong kinakaladkad na aso. Medyo pumupula na iyong hawak niya at dumidiin rin iyong mga kuko.

"A-Aray," alanganin kong impit.

Huminto siya at tiningnan ako na nakasimangot. "Bakit?"

"Masakit," sabay nguso ko sa kamay niyang nakahawak sa papulsuhan ko.

Padabog niya iyong binitawan kaya naman nag-swing paatras iyong braso ko. Konti na lang talaga, matatanggal na 'to.

"Ang bagal-bagal mo kasi," sabi niya.

"Sorry na... teka."

Tumakbo siya bigla kay napatakbo na rin ako. Nang huminto ay nabangga ako sa likuran niya. Doon ko lang nalaman na may itim na hair clip pala siya sa buhok kaya tumama iyon sa baba ko.

"Aray," bulong ko.

May mga tao yata sa may kanto. Nagiging pamilyar na rin ang lugar. Malapit na rito iyong parang mga ward.

"Kapag sinabi kong takbo, kumaripas ka ng takbo, ha?" aniya.

Tumango ako. "Sige-"

"Takbo!"

Nataranta ako lalo na nung mabilis siyang tumakbo ng tuwid. Kagaya ng sabi niya, kumaripas na ako ng takbo. Umaalog ang salamin ko sa bilis kaya nahihilo na ako at parang lumalabo iyong paligid, pero takbo pa rin ako nang takbo.

Naka-focus lang ako sa kulay pink na blusang suot ni Joy.

Joy... ibang klase... may maliit na takong ang suot niya pero hindi iyon naging hadlang sa mabili niyang pagtakbo.

Naramdaman ko na may mga nakapansin sa amin pero hindi na ako tumingin dun. Si Joy lang talaga ang tiningnan ko. Nang makababa na sa hagdanan ay halos matapilok pa ako. Nag-aalala ako na baka ganun din siya kasi naka-sandals siya pero parang ayos lang naman.

Nang huminto kami sa paanan ng hagdanan ay hindi ko na naramdaman ang mga binti. Napahawak ako sa mga tuhod habang hinihingal. Ganoon din si Joy.

Nang magkatinginan kami ay bigla siyang natawa... pero hindi kagaya nung nakaraan, may buhay ang tawa niya. Namumula rin ang mga tenga.

Kaya naman nahawa na ako. Para kaming mga timang na nagtatawanan sa walang tao na hallway.

Hindi ko akalain na makakatakbo pala ako ng ganoon kabilis. Pero kaagad nahilaw iyong tawa ko nang bigla na lamang tumigil si Joy sa paghagikhik at bumalik sa pagkawalang emosyon ang mukha niya.

Tumaas ang mga balahibo ko. Para bang isang robot na kapag may pinindot sa remote ay biglang mag-iiba. Ganung-ganun!

"Nandito ka lang pala," sabi ni Guard na biglang lumitaw sa kung saan. Napabaling din siya sa nakasimangot na Joy. "At magkasama na naman kayo."

Umirap siya. "Anong magkasama? Nagkita lang kami rito," sabay krus ng braso.

Parang hindi yata naniniwala iyong guard, pero hindi na rin niya pinansin. "Tapos na ang oras sa pagbisita, hijo."

Tumango ako.

Magpaalam na sana ako kay Joy pero umakyat na siya nang wala man lang imik. Nagkunot-noo ako. Hindi ba siya marunong magpaalam?

Mapayapa akong nakaupo sa sala habang nanonood ng anime sa TV nang biglang sipain ni Lovely ang binti ko.

"Ano bang problema mo, ha?!" galit kong singhal.

"Akin na ang remote," sabay lahad niya ng palad sa 'kin. Nakapameywang pa ang duwende.

"Nakita mo bang nanonood ako? Kainis, ah."

"Hindi ka naman nanonood, eh. Kanina pa kita pinagmamasdan," sabay turo niya sa 'kin. "Minsan, napapatulala ka... tapos bigla na lang ngumingiti. Nakakatakot ka, Kuya, alam mo 'yun."

"A-Ano?"

"Ano bang iniisip mo, ha?"

Natigilan ako. Ano ba talaga ang iniisip ko?

Paulit-ulit sa utak ko iyong ginawa namin ni Joy kahapon. Iyong anime kasi na pinapanood ko ay tumatakas iyong mga bida para hindi makita nung mga titan. Bigla kong natanto na parang ganun din pala ang ginawa namin.

Para kaming mga ninja.

Iyon nga lang, mga nurse ang mga tinatakasan namin. At nasa isang mental hospital kami.

"O, ngumingiti ka na naman." Sinisipa niya ng mahina ang binti ko kaya iniwas ko 'yun sa kanya.

"Hindi kaya," sabay iwas ko ng tingin.

"Si Ate Mayumi 'yan 'no? Ayiee," tukso niya sa 'kin.

Para akong natauhan. Si Mayumi nga pala.

Tumayo ako at binigay sa kanya ang remote at umakyat sa kwarto. Tinanggal ko ang cellphone kong basag mula sa pagkaka-charge at nag-text sa kanya.

To Mayumi My Loves:
Hiiii. Busy ka ba?

Mga limang minuto yata nang nag-reply siya.

Mayumi My Loves:
Bakit?

To Mayumi My Loves:
Busy ka ba sa Lunes?

Mayumi My Loves:
Ewan.

To Mayumi My Loves:
Date tayo :)

Mayumi My Loves:
Ok.

Napahiga ako at napabuga ng hininga.

Busy yata siya. Minsan nalulungkot na talaga ako. Sinusubukan kong tawagan siya kasos lagi niyang pinapatay. Nung summer, lagi kaming magka-text kapag gabi, pero ngayon...

Tumagilid ako. Parang hindi ko na yata siya maabot ngayon.

Pumasok sa isip ko 'yung sinabi ni Joy kaya napabangon ako at umiling.

"Hindi naman siguro..." mahina kong sabi.

Bakit naman niy ako lolokohin? Baka busy lang talaga siya. Tapos lagi pa akong late.

Kaya naman pagsapit ng Lunes, nang matapos ang klase namin ay dumiretso ako sa pinakamalapit na flower shop. Bumili ako ng bouquet. Pink roses ito, paborito niya.

Ala singko pa ang usapan pero nandoon na ako kahit alas kwatro pa. Para na rin makabawi. Nasa isang mamahalin na coffee shop ang sinabi ko. Malaki rin kasi iyong na-save ko.

Nararamdaman ko rin kasi na kailangan ko talagang bumawi sa kanya.

"Good afternoon, Sir," bati nung guard sabay tango. Tinanguan ko na rin siya at pumasok sa loob.

Magarbo nga ang lugar. Parang mamahalin lahat ng gamit, mula sa mga upuan hanggang sa mga ilaw. May mahinang jazz music pa.

Si Reggie ang nag-suggest nito sa 'kin. Sabi niya, magugustuhan daw 'to ni Mayumi kasi minsan na raw siyang nagdala ng babaeng 'gaya niya rito.

Lumapit ako sa counter. "Hi."

Nagtingin siya sa bulaklak bago sa 'kin. "Hi, Sir."

"Uh, reservation para kay Mr. Cruz," nahihiya kong sabi. First time ko kasi. Nakakapanibago.

Tiningnan niya ang computer. "Silvester Cruz IV po ba?"

Tumango ako.

"Ang baduy naman."

Mula sa likuran, biglang may tumabi sa 'kin na pamilyar na babae.

Kagaya ng nakaugalian, naka-bestida siya na kulay pula at nakalugay ang mataas at makintab na buhok.

"Hello, wassup," bati niya.

Anong ginagawa ni Joy na half-baliw sa lugar na ganito?
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.