More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 5

Chapter 5



"Anong ginagawa mo rito?" sabay turo ko sa kanya.

Nakasuot siya ng itim na long sleeves na bestida na hanggang sa mga tuhod niya. Naka-half pony iyong buhok niya at parang naka... lipstick. Partida, naka-boots pa!

"Anong ginagawa mo rito?" balik niyang tanong sa 'kin.

Hindi ako makasagot. Inayos ko pa 'yung salamin ko para siguraduhin kung siya ba talaga ang nasa harapan ko.

Lumipat ang mga tingin niya sa bulaklak na dala ko. "Para sa 'kin ba 'yan?" sarkastiko niyang sabi at may pilit na ngiti.

"H-Hindi ah-"

"So may date ka rito?" sabay buntong-hininga. "Sinabi ko naman sa 'yo na hiwalayan mo na 'yang girlfriend mo. Niloloko ka lang nun."

Nagkunot-noo ako. "Huwag ka ngang magsalita nang ganyan."

Hinamon niya ako ng tinginan. Lumapit siya at kumuha ng isang pirasong rosas at inamoy ito. "Akin na lang 'to, ah. Sayang. Favorite ko pa naman ang pink."

"Teka-"

"Sir, doon po sa may dulo ang table niyo," putol nung receptionist. "May waiter po na mag-aalalay sa inyo."

Tumango ako. "Sige."

"Naka-half payment pa po pala kayo, Sir. Kailangan niyo nang magbayad ng full."

"Ah, okay," sabay kuha ko sa wallet at nagbayad na.

Nang lumingon sa tabi ay wala na si Joy. Tumingin ako sa pinto at sa buong lugar pero wala na siya.

Umiling ako. Hindi talaga siya marunong magpaalam 'no? Hindi rin pala niya ako sinagot. Baka tumakas iyon sa ospital. Pero parang... may ginawa talaga siya rito.

Sinabi niya na rin mismo na hindi siya baliw. Kahit hindi pa ako ganoon kakumbinsido na hindi nga, hinayaan ko na lang.

Ilang minuto akong naghintay kay Mayumi. Nag-order na rin ako. Hindi rin siya nagrereply sa 'kin.

Lampas twenty minutes na nang pumasok siya sa lugar. Napangiti ako. Kahit naka-pantalon at simpleng t-shirt lang, ang ganda niya pa rin. Nakatali ang buhok niya at nakalugay iyong bangs.

"Sorry. Medyo traffic," aniya nang umupo sa tapat. "Bakit kasi dito mo ako pinapunta."

"Hindi mo ba nagustuhan ang lugar?" mahina kong tanong.

Walang gana ang mga mata niya nang tingnan ang kabuuan ng lugar. "Okay lang. Mukhang mahal dito, ah."

"Okay lang, Mayumi."

"It's Yumi... okay?"

Tumango ako. "Yumi."

Hindi pa rin ako sanay sa pangalan na 'yun. Para kasing ibang tao iyong tinatawag ko. Noon, gustong-gusto niya ngang tawagin ko siya nun.

"'Tsaka, medyo busog pa ako," aniya sabay tingin sa cake na nasa harap.

Tumango ako. "Kain ka na."

Tumango rin siya at nagsimulang kainin iyon. Malungkot akong tumingin sa kanya. Ang seryoso niya habang kumakain. Hindi rin niya ako tinatapunan ng tingin.

Mabigat ang loob ko. Hindi naman siya ganito, ah? Ba't siya biglang nagbago? Baka busy lang talagasa kolehiyo. Baka stressed.

Narinig ko bigla iyong boses ni Joy sa utak ko. Mapait akong umiling. Hindi iyon magagawa ni Mayumi... este Yumi.

"Ba't ganyan ang mukha mo?" aniya.

Umiling ako at malungkot na ngumiti. "Wala."

Inilagay niya ang tinidor sa plato. "Anong wala? Lester, kilala ko 'yang mukha na 'yan. Sabihin mo na..."

Napasapo ako sa noo. "Bakit ka... ganyan?"

Nagtaas lamang siya ng kilay, halatang iritado.

Nagpatuloy ako, "Bakit parang wala ka nang gana? Bakit hindi mo na sinasabi sa 'kin kung anong nangyayari sa bawat araw mo? Hindi na nga kita matawagan kasi lagi kang busy... anong problema, Mayumi?"

Kitang-kita ko kung paano niya pinipigilan ang mga emosyon niya.

Kilala rin kita, Mayumi. Alam kong may bumabagabag sa 'yo. Pero sana mali si Joy... Sana mali siya...

"Lester..." pagod niyang sabi. "Ano bang drama 'yan? Ang dami kong ginagawa. Bumiyahe pa ako rito tapos sasabihin mo lang 'yan? Konting consideration naman."

Sa ilalim ng mesa, kinuyom ko ang kanang kamao.

Galit na galit ako. Ilang gabi ko ring tiniis na hindi siya tawagan. Ilang araw kong tiniis na hindi siya makita. Pilit kong inintindi na abala siya, pero abala rin naman ako, ah? Ba't nagagawa ko pang kamustahin siya kahit antok na antok na ako?

"Sorry..." mahina kong sabi.

"Ang demanding mo na, Lester. Nakakapikon."

Iyong hapon na 'yun, hinatid ko siya sa kanila. Wala siyang imik. Alam ko rin na galit pa siya.

Hindi ko alam na ganito pala ang kahahantungan ng 'date' namin. Hindi man lang niya ako kinausap nang matino. Pero sa kabila ng lahat... parang naging normal na rin iyong ganito.

Unti-unti na akong nasasanay na wala siya palagi, na hindi ko naririnig iyong boses niya gabi-gabi... normal na lang lahat.

"Okay lang 'yan, pre," sabay hagod ni Tiboy sa likuran ko.

Nasa tindahan kami ngayon, dinadamayan ako sa mga drama ko sa buhay. Umiinom din sila pero tanging softdrink lang ang kaya kong lunukin.

Kahit malamig ang gabi, nakahubad silang tatlo at nakasablay ang mga t-shirt sa balikat. Si Reggie lang iyong may abs sa kanila, iyong iba, nagfe-feeling lang. Parang liliparin na nga si Oyo dahil ang payat-payat.

"Ano ka ba," ani Oyo, "huwag ka nang malungkot. Iinom na lang natin 'yan!"

"Kung sino pa ang hindi mga broken, iyon pa ang mga umiinom," pasaring ni Reggie na may pekeng malungkot na boses.

Natawa si Tiboy. "Oo, nga."

Nagbuntong-hininga lamang ako sabay inom ng softdrink.

"Pero pansin niyo 'yun?" ani Oyo. "Parang kakaiba mukha mo ngayon, Pre."

"Oo, nga," si Reggie.

"Noong nakaraan, ang lapit-lapit mo nang umiyak. Pero ngayon... malungkot ka lang, ha."

"Dapat na ba akong sumaya dahil diyan?" tanong ko.

Umiling siya. "Hindi naman... parang hindi ka lang masyadong naapektuhan ngayon."

"Nasanay ka na ba?" sabay harap ni Tiboy sa 'kin.

Dahan-dahan akong tumango. "Para kasing... kahit anong hawak ko sa kanya parang siya na iyong dahan-dahang lumalayo. Parang unti-unti nang umabot sa punto na ayaw ko na."

"Palitan mo na lang, Lester Boy!"

Puro mura naman ang inabot ni Reggie sa sinabi. BInatukan pa siya ni Oyo.

"Aray! Bakit naman?!" sabay himas niya sa batok.

"Ang insensitive, ha. Asan ba utak mo? Nasa talampakan ba?" ani Tiboy. Humarap siya sa 'kin, "Huwag kang makinig sa libag na 'yan."

Tumango ako at nakisabay na lang sa malamig na hangin.

Lunes ng tanghali nang nagpunta ako sa eskwelahan ni Lovely. Nagtext kasi siya na may project sila at kailangan ng limang folder. Wala raw siyang pera kaya kailangan niya ang tulong ko.

Kaya naman, bilang isang napakabait na kuya, bumiyahe na talaga ako at bumili ng folder sa may malapit na tindahan. Sisingilin ko na lang siya. O di kaya ay gawing blackmail.

"Salamat kuya," ani Lovely nang salubungin niya ako sa gate nila.

Grade eight na siya pero iyong utak parang grade one pa rin. Minsan, ang sarap niya talagang ihulog sa kanal.

"Huwag kang magpasalamat sa 'kin. May kapalit 'yan."

Sumimangot siya. "The audacity."

"Anong audacity-audacity. Ulol mo."

Tinulak na niya ako. "Umalis ka na. Kainis ka."

Tumawa lamang ako. Kumaway muna siya sa 'kin bago pumasok sa loob.

Kumakalam na ang sikmura ko. 12:30 na at kung sasakay pa ako ng jeep, tapos manananghalian pa, tiyak male-late ako sa klase ko. Kaya nang makakita ng de-tulak na may binebentang fishball ay dumiretso na ako roon.

Mabuti at hindi masyadong mainit, Wala ring tao. Inubos ko ang bente at sinimulang kainin ito.

"Isang kwek-kwek din po."

May taong bumili kaya tumabi ako para bigyan siya ng lugar.

Pero nahinto ako sa pagnguya nang mapansin ang suot nitong itim na boots. Naka-pantalon rin siya. Nang dahan-dahan akong nag-angat ng tingin, napangiwi ako sa matingkad na yellow nitong blusa. Pero nanigas ako nang makita si Joy.

Teka... si Joy!

"ikaw?!" singhal ko kahit puno pa ang bibig.

Ngumiti siya na may halong panunukso at kumaway pa na parang nang-aakit.

"Anong... anong ginagawa mo rito?!"

"Salamat, Alfred," sabay tango niya sa taga-benta. "Bakit, ikaw lang ba ang pwedeng bumili rito? 'Tsaka, ikaw dapat ang tinatanong ko niyan."

"May hinatid ako sa kapatid ko..." wala sa sarili kong sabi.

"Ah, may kapatid ka rito?" sabay tango.

"Teka... anong ginagawa mo rito."

Tumawa siya. "Tingnan mo, Alfred, parang baliw," aniya. "Dito ako nag-aaral."

Ipinakita niya sa 'kin ang suot na ID. Happiness L. Paraiso, basa ko sa pangalan niya. So, palayaw niya lang pala ang Joy. 'Tsaka, kasalungat ng pangalan niya ang mukha sa picture. Walang emosyon ang mukha niya at para bang papatay.

Para ngang hindi ID picture, eh, kundi iyong mga picture ng mga suspek para sa thumbnail.

"High school ka pa?" tanong ko.

Tinuro niya ako ng stick kaya napaatras ako. "Ano sa tingin mo?"

"Nagtatanong lang, eh. Dapat ka ngang mag-kuya sa 'kin," mahina kong sabi.

Natawa siya. "Ikaw dapat ang mag-ate sa 'kin."

Nagtaas ako ng kilay. "Bakit nama-"

"May klase ka ba ngayon?" putol niya sa 'kin.

Wala sa sarili akong tumango sabay tapon sa stick sa may basurahan.

"Tamang-tama," sabi niya at humarap sa 'kin. "Mag-cutting tayo."
Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.