More Than What Meets The Eye

All Rights Reserved ©

Chapter 7

Chapter 7



Bigla na lang nanginig ang mga kamay ko kasabay ng pag-ring sa kabilang linya. Para akong sinampal o sinuntok. Kahit nasa harapan ko na kanina, hindi pa rin ako naniniwala.

Kaya tinatawagan ko siya ngayon. Gusto ko lang makasigurado. Pero natatakot akong alamin...

Pumasok na sila sa mall habang ako ay parang engot na nakatayo sa may parking lot. Gabi na at medyo umaambon, pero hindi ako natinag.

At parang nahulog ang puso ko nang sagutin niya ito.

"Hello?"

Pagkarinig ko sa boses niya, napahugot ako nang malalim.

"Nasaan ka?" tanong ko, pinipigilan ang panginginig sa boses

"Bakit mo natanong?"

Nang marinig mula sa kabilang linya ang announcement ng mall, napahawak ako sa may poste.

"Wala...nagtatanong lang."

"Ah, nasa mall ako," medyo alanganin niyang sagot. "Ano...may binili lang. Bakit ba?"

"Wala. Sige."

Para yata akong nahilo. Totoo ba 'yung nakita ko? Si Mayumi? May kasamang iba?

Paano? Bakit?

Hindi siya iyong tipong ganun...ang sabi niya sa 'kin, abala siya sa kolehiyo. Pero ba't parang sa iba siya naging abala?

Kung anu-ano na lang na mga dahilan ang pumasok sa utak ko. Baka malayo...baka napapagod na siya...pero ba't hindi niya man lang sinabi?

Para na yata akong nababakla. Holiday kinabukasan kaya naman sinamantala ko 'yun para mag-isip. Buong araw akong nasa kwarto.

Hindi ko talaga matanggap na kaya niyang magsinungaling. Tatlong taon...paano siya nagbago bigla?

May kumatok sa pinto.

"'Tol...papasok kami, ha?" narinig ko ang boses ni Reggie sa likuran.

Hindi ako kumibo. Nanatili lang akong nakaupo sa dulo ng kama, nakatitig sa blangkong pader.

Bumukas ang pinto at nasipasukan sila.

"Okay ka lang?" tanong kaagad ni Tiboy.

Amoy pawis sila. May hawak pang bola si Oyo.

Tumango ako.

Umupo sa bawat tabi ko sina Reggie at Tiboy. Si Oyo naman ay pa-tumbling na humiga sa kama.

"Ba't kayo nandito?" walang gana kong tanong.

"Tinawagan kami ni Tita Gina," ani Reggie. "Umiyak ka raw nang umuwi kagabi. Tapos hindi ka na raw kumain pa at lumabas."

Tumango ulit ako.

"What's the matter, bro?" tanong ni Oyo na may pekeng accent pa.

"Si Mayumi ba?" tanong ni Tiboy.

Ginulo ko ang buhok at napayuko. "Kagabi kasi...nakita ko siyang may kasamang iba."

Katahimikan.

"Ano...uh...sure ka ba na si Mayumi 'yun?" si Oyo.

Tumango na lang ako. Sumasakit na rin ang ulo ko.

Naramdaman ko ang pagtayo ni Reggie. "Talaga? Pare, hindi biro 'yang ganyan..."

"Mukha ba akong nagbibiro?" sabay tingin sa kanya.

Katahimikan ulit.

Nang kinusot ko ang mga mata sa ilalim ng salamin, basa na ito. Tinapik ni Tiboy ang likuran ko.

"Okay lang 'yan..." sabi niya.

"Gwapo ba?" tanong ni Oyo.

Tumango lamang ako.

"Aba'y lugi tayo niyan pare."

Sabay na tumingin sina Reggie at Tiboy sa kanya kaya kabado siyang tumawa.

"Anong plano mo niyan?" ani Tiboy.

"Kasi, nandito lang naman kami, Pre," si Reggie. "Kung magtatawag ka ng inuman, always ready kami diyan. Kung gusto mong mag-karaoke, sige okay rin."

"Nagkausap na ba kayo?" tanong ni Tiboy.

"Iyon nga eh...nang tinawagan ko kagabi, nasa mall nga raw siya pero walang sinabi na may kasama siyang iba."

"Patay tayo diyan," si Oyo.

"Hihiwalayan mo ba?" tanong ni Reggie.

"Hindi ko alam..."

Tinatanong ko lagi ang sarili kung ano ang kulang...kung ano ang naging mali...pero wala talaga, eh.

Baka kasi ako 'yung may problema. Baka kasi may hindi ako naibigay. Baka kasi galit siya.

Doon ko lang napansin na hindi na pala niya ako tinatawagan. Ako lagi 'yung unang gumagawa nun. Pati na rin iyong mga panahong hindi man lang niya ako kinamusta.

Unti-unting luminaw sa 'kin ang mga kulang sa relasiyon namin.

Paulit-ulit ko ring naririnig ang boses ni Joy. Sumapul siya. May iba nga si Mayumi. Tinuturo ako ng konsensiya ko kung ba't hindi ako nakinig.

Ba't naman ako makikinig? Eh, si Joy 'yun. Hindi iyon matino.

Linggo nang nagpunta ako sa coffee shop malapit sa bahay nila. Nagtext kasi ako noong nakaraan na makipagkita.

Kinakabahan ako. Baka kasi kung ano ang masabi ko. Lalo na nang pumasok siya sa lugar. Halos malunok ko na rin ang dila sa nerbyos.

Nang magkatinginan kami, para bang piniga ang puso ko.

Hindi na kasi niya ako tinitingnan nang kagaya noon.

Nag-iba ang lahat ng pananaw ko sa kanya. Kasi siya iyong tao na hindi ko inaaasahang gagawa 'yun. Pinagkatiwalaan ko siya, eh.

Pero ganun pa rin ang tingin ko...maganda pa rin siya. Kahit medyo pumayat at may bangs na siya, ganoong-ganoon pa rin.

Nagbago na ba iyong paningin niya sa 'kin?

"Bakit?" aniya at umupo sa tapat.

Hindi man lang niya ako kinamusta.

"May lakad pa ako ngayon, Lester, kaya bilisan mo na," mahinahon niyang sabi.

"Saan ka pupunta?"

Nagkatinginan kami.

"Bakit mo natanong?" sabay iwas ng tingin. "Nag-order ka na ba?"

"Importante ba ang pupuntahan mo?"

Nagbuntong-hininga siya. "Ano na naman ba 'to, Lester? Ano na naman ba ang problema mo?"

"Kasi...nung nakaraan...nakita kita sa mall."

Nahinto siya.

"May iba ka kasing kasama."

Kabado siyang tumawa. "So? Iba 'yung iniisip mo? Hindi ba pwede na kaibigan ko lang?"

"Hinalikan mo siya sa pisngi, Mayumi."

Yumuko siya, parang walang planong magsalita.

"Ano 'yun? Sino 'yun? Bakit ganun?"

Inayos niya ang buhok niya. "Makikipaghiwalay ka na ba sa 'kin?"

Hindi ko kayang tumango sa kanya. Alam ko na wala na rin naman 'tong patutunguhan. Sira na rin ang tiwala ko.

"Fine," aniya. "Maghiwalay na tayo.

Tumango na lang ako. Kinusot ko kaagad ang mga mata para hindi maluha.

"Pumapayag ka?" tanong niya.

Tumingin lamang ako, naguguluhan.

"Hindi mo man lang ba ako sisigawan? Pipigilan? Wala talaga?"

"Wala," sabay iling.

"Iyan ang problema mo, Lester. You are too plain. Kung ano ang sasabihin ko, tumatango ka lang. Kung ano ang mga desisyon ko, sinasabayan mo lang. Hindi ko alam kung boyfriend ba talaga kita...o aso."

Kinuyom ko ang kamao sa ilalim ng mesa. Parang naging tripleng suntok ang naging katumbas nun.

Tinapakan niya ang pride ko. Talagang sa aso pa niya ako hinambing.

Hindi ko rin naman kayang tumango kasi totoo 'yun. Totoong-totoo.

Kasabay ng pag-alis niya ay ang pagkabasag ng puso ko.

Nawala iyong kumpyansa ko sa sarili. Para akong naputulan ng mga paa. Hindi ko alam na si Mayumi ang magiging katapusan ko. Halos gabi-gabi, bumabalik iyong mga ala-ala namin.

Hindi rin nakatulong 'yung pagtatapon ko sa mga bagay na binigay niya. Dinelete ko na rin ang number niya. Pati iyong lahat ng mga picture.

Tuwing umuuwi ako sa bahay, lagi akong tinatanong ni Mama kung okay ba ako, pero tumatango lang ako kahit hindi naman totoo.

Lagi rin akong kinakamusta ng mga barkada ko. Halos tuwing linggo, inaaya nila ako.

Dahil sa tulong nila, medyo naibsan iyong sakit sa loob ng dalawang buwan. Pero may kulang pa, eh...

Mula sa kinatatayuan ko, tanaw-tanaw ko ang de-tulak na may mga streetfood at si manong. Kanina pa ako nakabaang at tinitiis ang init.

Malapit na ala-una kaya naman medyo kumukonti na ang mga estudyanteng lumalabas. Malapit na rin iyong klase ko. Pero wala akong pakialam sa ngayon.

Nang may pamilyar na babaeng mataas ang buhok na nakabestida ng dilaw ang lumabas sa gate, kaagad akong lumapit.

Sa paglapat ng mga tingin niyang walang buhay sa mga pagod kong mga mata, nagtaas siya ng kilay.

"O? Anong ginawaga mo rito-"

"Tama ka, Joy...tama ka."



Continue Reading Next Chapter

About Us

Inkitt is the world’s first reader-powered publisher, providing a platform to discover hidden talents and turn them into globally successful authors. Write captivating stories, read enchanting novels, and we’ll publish the books our readers love most on our sister app, GALATEA and other formats.