Prologue
Mabilis ang bawat tagpo, parang isang sirang film na pilit na pinatatakbo sa dilim habang humahagupit ang malakas na pag-ulan.
Static. Blur. Isang hallway na walang katapusan.
Sa gitna ng digital noise, isang babae ang mabilis na humahakbang. Malabo ang kanyang anyo, parang isang aninong pilit na binubura ng bawat kurap ng ilaw, pero damang-dama ang bawat bugso ng kanyang hininga. Mabigat. Puno ng malapot na takot na humahalo sa amoy ng lumang semento at bakal.
Tumataas siya.
Hagdan.
Semento.
Bakal.
Sa isang rooftop, ang hangin ay humahampas nang malakas, tila nakikipag-agawan sa ingay ng kanyang pagsisisi. May kaharap siya—isang pigurang hindi makita, isang presensyang dahan-dahang lumalapit mula sa dilim. Walang salitang lumalabas sa pigurang iyon, tanging ang tunog ng bawat mabigat na hakbang nito sa semento ang sumasagot sa kanya, habang ang babae ay tila basang sisiw, dulot ng malakas na pag-ulan.
Isang malakas na kulog at kidlat ang sumakop sa kapaligiran. Ang tila flash na idinulot ng malakas na pagkidlat ang siyang nagpa-aninag sa pigurang humahakbang mula sa dilim.
Itigil mo 'to.
Nagsasalita ang babae. Ang boses niya ay basag, parang signal ng radyo na hindi makuha ang tamang frequency, pero ang bawat kataga ay tumatagos sa kailaliman ng gabi.
Layuan mo'ko..maawa ka, pakiusap, lumayo ka.
Umiiyak siya, nanginginig ang kanyang mga kamay habang yakap ang isang bagay na tila kadikit ang kayang buhay.
Patuloy ang paglapit ng anino.
Walang imik.
Walang awa.
"Hindi!" ang mariing sabi ng babae, kahit na ang kanyang mga paa ay nasa mismong gilid na ng bangin. "Wala akong ginagawang masama."
Humakbang pa siya paatras, ang dulo ng kanyang mga sapatos ay ramdam na ang dulo ng rooftop. Sa huling pagkakataon, lumingon siya sa kawalan, ang kanyang mga mata ay puno ng pait habang humahalo ang luha sa ulan.
Isang hakbang pa.
Isang hakbang na magdidikta ng isang kapalaran.
Sa isang iglap, nangyari ang lahat. Isang mabilis na paggalaw mula sa dilim. Isang marahas na pagtulak na nilamon ng dagundong ng kulog. Walang sigaw, walang pasabi—tanging ang haginit ng hangin at ang huling kalabog ng sapatos sa gilid ng gusali.
At pagkatapos....ang pagbagsak.
Ang mukha ay nakaharap sa kawalan, ang mga mata ay nakadilat, kasabay ang pagkulay pula ng basang kapaligiran.
"NO!"
Napabalikwas ako sa kama.
Habol ko ang aking hininga, yung tibok ng puso ko, parang gustong sumabog sa sobrang bilis. I'm drenched in cold sweat, and every muscle in my body is literally shaking. Pakiramdam ko ay nahuhulog din ako, kahit na ang tanging nararamdaman ng likod ko ay ang malambot na kutson ng kama ko.
Panaginip lang.
It was just a nightmare.
Pero bakit ramdam ko pa rin ang lamig ng ulan sa balat ko? Bakit tila amoy basang semento at bakal pa rin ang bawat hininga ko? Every single night na nakikita ko ang babaeng 'yun, it feels like a piece of reality na pilit na humuhukay sa isip ko. Kahit hindi ko makita ang mukha niya, I know someone is gone. Someone died. At ang boses niya—yung huling pakiusap na 'yun—ang ayaw akong patahimikin.
Suddenly I remember her.
Lara.
Hinawakan ko ang mukha ko, trying to calm my shaking hands. Tumingin ako sa bintana ng kwarto ko. It's still dark outside, pero bawat anino sa labas ay tila nagpapaalala sa akin ng pagbagsak na 'yun.
"I'll find you justice." bulong ko sa dilim, habang ang tunog ng parang static sa pandinig ko ay unti-unting nagiging isang misyon.
Hindi ako titigil hangga't hindi ko nakukuha ang katotohanan. Even if it means watching her fall over and over again every time I close my eyes. I won't let her just fade away in the rain.
•••
QUANTUM TRACE
The Archive of Us








