Masseur
Naglagay na si Art ng oil sa kaniyang palad, saka sinimulang masahein ang upper back ng unang kliyente-- na nagpa-home service sa kaniya pagkatapos niyang maglagay ng karatula.
Buong husay niyang isinagawa ang uri ng masahe na ni-request nito. Katulad ng dati, kailangan niyang maging professional, at umiwas sa pagtanggap ng extra service.
“Matagal ka na sa ganitong trabaho?” tanong ng kliyente, na nasa 40s na rin. Dad bod ito.
“Bago lang, Sir. Wala pang isang taon. Pahinto-hinto pa kasi nagtrabaho ako bilang family driver,” tugon ni Art.
“Ooh, pero mahusay kang masseur. Natutumbok mo ang lamig-lamig ko.” Napaungol pa nga ito nang bahagya.
“Thank you, Sir! Kailangan kong galingan, Sir. May nanay pa akong dapat suportahan.”
“Nice, nice!” Muli itong napaungol, pero, this time, mas mahaba at malakas-- na animo’y sobrang naligayahan.
Napangiti naman si Art sa alaalang pumasok sa isip niya, subalit kailangan niyang iwaksi agad iyon.
“May asawa ka?” tanong uli ng kliyente ni Art.
Ilang segundo rin ang lumipas bago siya nakasagot. “Wala pa po.”
“Oh, why?” Sinubukan pa nitong tingnan siya kahit nakadapa.
Mas pinili ni Art na ngumiti at tumawa na lang nang bahagya.
“I’m sorry kung masyadong personal.”
“Okey lang, Sir,” sabi niya. “Walang magkakagusto sa akin.”
“Uy, grabe ka naman sa sarili mo. You’re good-looking naman.”
Muli siyang ngumiti at tumawa. “Sa palagay ko, praktikal na ngayon ang mga babae. Mas gugustuhin nilang mapangasawa ang lalaking may kakayahang magbigay sa kanila ng maalwang buhay... Ako, Sir, anong maalwang buhay ba ang maibibigay ko sa magiging asawa ko kung ganito ang trabaho ko?”
“Huwag mong minamaliit ang trabaho mo. Saka may babae pa ring pumipili ng lalaki batay sa pagmamahal niya, hindi sa pangangailangan niya. Malay mo, iyon ang matagpuan mo.”
“Sana, Sir.” Naalala niya si Pam. “Nasaan na kaya siya,” tanong niya sa sarili. “Paano kung nabuntis ko siya? Magkikita pa kami?” Marami pang tanong si Art, pero nahinto iyon dahil may tanong naman ang kliyente niya. “Ano ulit ’yon, Sir?”
“Sabi ko, may girlfriend ka ba?”
“Wala na, Sir.” Medyo nakukulitan na siya.
“Ah, siguro… Pihikan ka.”
Tumawa na lang siya, sa halip na mainis. “Hindi ko priority ngayon ang pakikipagrelasyon, Sir. Patay na ang tatay ko. Na-stroke ang nanay ko. Gusto ko siyang kuhaan ng mag-aalaga kasi hindi rin maasikaso ng kapatid ko kasi may mga anak din. Pero sa ngayon, siya ang nag-aasikaso sa nanay namin. Tumutulong din ang ate namin sa mga gastusin, kasi nasa malayo rin siya.”
“Ah, okey! Naunawaan na kita… Kaya mo ’yan. Marangal na trabaho ang pagmamasahe, at hindi biro ang kitaan dito.”
“Opo, pero sa katulad kong nagsisimula pa lang, at bago lang sa lugar na ito, baka mahirapan akong makarami ng kliyente.”
“Naku! Huwag mong isipin ’yan! Kapag magaling ang isang tao, babalik-balikan ’yan. Gaya ko, uulit pa ako, at irerekomenda kita sa mga kakilala at kaibigan ko.”
“Ay, salamat po kung ganoon. Makakatulong din iyon nang malaki sa akin.”
“Oo naman. Saka, I suggest, mag-post ka sa social media para marami ang ma-reach mong clients.”
“Saka na siguro, Sir. Keypad lang ang phone ko, e. Wala pang pambili.” Naisip niyang mas okey na iyon, kaysa matunton siya ni Jack o Alex.
“Ah, ganoon ba?”
Pagkatapos niyon, natahimik na ang kliyente niya. Mas lalo naman siyang nakapagpokus sa pagmamasahe. Sa palagay niya, nakatulog ito dahil sa sarap ng kaniyang masahe. Sinamantala naman niya ang sandaling iyon upang damhin ang presensiya ni Jack, pakiwari niya kasi ay si Jack ang minamasahe niya. Natukso nga siyang lumampas sa limitasyon, pero, mabuti na lang, nakapagpigil siya. Tumigas ang kaniyang pagkalalaki, pero nagawa niyang pakalmahin at muling palambutin. At sa halip, inalala niya ang sakripisyo niya sa pamilyang Olerro, gayundin sa masasakit na alaala habang siya ay nasa pamilyang Zapanto.
Napangiti si Art nang sumagi sa alaala niya ang kakulitan ni Johnson—ang dise siyete anyos na anak ng pinakamamahal niyang si Jack.
“Twart, isusumbong talaga kita kay Papa,” sabi ni Johnson.
“Uy, bakit naman? Nag-thank you lang naman ako kay Pam,” natatawa niyang sagot.
“Oo nga, pero para kang bulateng pinatakan ng kalamansi… Ano? Kilig yarn?”
“Hindi, ah! Parang kapatid ko na ’yon si Pam.”
“Kapatid your face, Tito Art.”
Nakangiti siya habang ang mga hita naman ng kliyente niya ang kaniyang minamasahe. Labis ang pag-aasam niyang makita at makasama niyang muli si Johnson. Agad namang naglaho ang saya sa kaniyang puso nang maisip niyang isa si Johnson sa mga dahilan kung bakit kailangan niyang iwanan si Alex. Sa labis niyang pagpoprotekta rito, mas pinili niyang lumayo.
Mahirap kalaro si Alex. Kaya nitong gawin ang lahat, makuha lamang ang gusto. Napatunayan na niyang nakikipagsabwatan ito sa asawa ni Jack – si Lanie. Kaya mas lalong lumakas ang puwersa ng dalawa upang maihiwalay siya kay Jack.
Napangisi naman si Art nang maalala niya kung paano siya tinulungan ni Benjie—ang dentistang anak ni Attorney Benj, na tinutulungan niyang magkita at magkasama.
“Handa ka na?” tanong ni Benj bago nito pinaharurot pala sa mansion ang kotse.
“Oo. Handa na. Handa na akong tumaya, sumugal,” tugon niya.
“Nice!”
Malinaw na malinaw pa sa alaala ni Art ang sandaling iyon. Hindi niya akalaing sa tulong na nagibigay niya sa mag-ama ay agad na nasuklian. Kung wala sina Dr. Benjie at Atty. Benj, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Naisip niyang baka nasa mansion lamang siya sa mga oras na iyon, at nasasaksihan ang pagpapahirap ni Lanie sa stepson nitong si Johnson, gayundin ang karuwagan ni Jack, na ipaglaban siya at pigilan ang pakikipagsabwatan ng asawang si Lanie kay Alex.
At kung mananatili siyang nasa puder nito, hindi niya maipapanalo si Jack sa sugal. Sigurado siya sa mga sandaling iyon, na tama ang tinayaan niya. Naniniwala siyang sa roleta ng buhay kung saan siya tumaya, ay makukuha niya ang premyo-- si Jack. Darating ang panahon, pagkatapos niyang lumayo, at kung kailan siya ay malakas na, makukuha na niya ang lalaking pinakamamahal.
Ang paglayo niya ay isang sugal. Alam niyang walang nananalo sa pagsusugal, pero naniniwala siyang magtatagumpay siya. Kailangan niya lang ang ‘the art of winning the jackpot.’










