Prologue
“Uy, Pepe, tagay ka,” alok ni Andoy, na isa ring mangingisda. Kainuman nito ang mga barkadang sina Enan, at Pedring.
Mariing umiling-iling si Pepe. Gustuhin man niyang umiwas, hindi puwede. Kailangan niyang bayaran si Aling Helen.
“Pare, tinatanggihan ka, o,” sulsol ni Enan. “Hindi ba, wala pang tumatanggi sa ’yo?”
Tumawa naman si Pedring, na parang nambubuyo.
Hindi iyon pinansin ni Pepe. Sa halip, iniabot niya nang tahimik sa tindera ang malaking isda, na sa tantiya niya ay umaabot ng limang kilo.
“Magkano ’to?” tanong ni Aling Helen.
Napamaang at napakamot sa ulo si Pepe.
Pumulanghit ng tawa si Andoy. “Bobo ’yan, Aling Helen, kaya ikaw na ang magpresyo.”
Nagtawanan ang tatlong mangingisda, gayundin si Aling Helen.
“Mabuti pa tayo, nakagradweyt ng elementarya,” sabi ni Pedring. Nakipag-apiran pa ito sa dalawang kainuman.
“Sige na, ako na ang magpresyo,” presenta ni Enan, saka nilapitan si Aling Helen upang bulungan.
“Ulo lang, ha? Sasabawan ko para may pulutan kayo,” sagot ni Aling Helen.
“Oo. Okey na ’yon.”
“O, sige, Pepe… Two hundred. Ibabawas ko na lang sa utang ng mga magulang mo sa akin.”
Umalma ang kalooban ni Pepe. Ipinahalata niya iyon kahit hindi siya nagsalita.
“Ano? May sasabihin ka pa?” bulyaw ni Enan. “Alis na. Tanga! Galingan mo pa ang pangingisda para makabayad ka kaagad ng kautangan ninyo sa amin. Gagong ’to!”
Pinagtawanan pa siya ng mga ito habang painot-inot siyang naglakad palayo. Gusto niyang umiyak, pero pakiwari niya’y said na ang luha niya.
Bago siya bumalik sa kaniyang barumbarong, na nasa tabi ng dalampasigan, sa dulo ng mga hilera ng kabahayan, tinanaw niya ang pangarap niyang isla. Nakikita niya ang payapa at tahimik na buhay roon. Aniya, napakapalad ng may-ari niyon.
Nilinga naman niya ang kanilang munting pamayanan. Naalala niya ang masasama at masasakit na alaala sa lugar na iyon. Gusto niya itong takasan, pero hindi niya alam kung paano. Sa katulad niyang pangingisda lamang ang kabuhayan, paano niya tutuparin ang pangarap niya?
Sa kaniyang barumbarong, parang naririnig niya ang tinig ng kaniyang masiyahing kapatid.
“Kuya, magpalipad tayo ng saranggola. Ito, o,” aya ng walong taong gulang niyang kapatid.
“Hindi puwede, Tommy… Magagalit na naman si Papa sa akin.”
Umubo muna nang sunod-sunod ang kanilang ina. “Pepe, samahan mo na muna ang kapatid mo. Sumaglit lang kayo… Bumili ng gamot ang papa ninyo. Mamaya pa naman siguro iyon makakabalik,” sabi ng kanilang ina.
“Sige po… Halika na, Tommy.”
Nagpalukso-lukso pa sa tuwa si Tommy.
Napangiti na lamang si Pepe nang maalala iyon, pero bigla siyang napangiwi at napapikit nang tumambad sa kaniya ang mukha ng kaniyang mabagsik na ama.
“Aray ko po, Papa! Tama na po. Hindi na po ako maglalaro uli. At hindi na ako pupunta sa eskuwelahan ni Tommy,” pagmamakaawa niya habang nararamdaman niya ang pagdaiti ng tsinelas ng ama sa kaniyang hita.
“Tama na ’yan, Lucio!” sawata naman ng kaniyang ina.
Tumigil naman sa pagpalo ang ama. “Pagsabihan mo ’yang… anak mong bobo! Ang tigas ng ulo!”
Nang maalala iyon, hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kaniyang luha. Pagkatapos niyon, hinagilap niya sa kaniyang damitan ang laruang helikopter. Tumakbo siya palabas ng bahay habang pinalilipad kunwari ang hawak na laruan. Parang bata ang kasiyahan ni Pepe sa mga sandaling iyon, kaya hindi niya namalayang narating niya ang sand bar, kung saan mas natatanaw niya ang karatig isla.
Napaupo siya sa buhanginan, saka muling pinalipad ang helicopter patungo sa pangarap na isla. Pakiwari niya, natupad niya ang kaniyang pangarap nang kunwaring mailapag niya ang laruan sa islang iyon.
Hindi pa lumipas ang isang minuto, natanaw niya ang paparating na helicopter—totoong helicopter. Iyon ang madalas niyang matanaw na lumalapag at umaangat sa islang pangarap.
Napatayo siya upang subaybayan ang paglapag niyon. Grabe ang kasiyahan sa puso niya.
Lingid sa kaalaman ni Pepe, isang matipunong binata ang lulan ng helicopter na iyon.
“Sapat ba ang supplies ko para sa two weeks stay ko rito?” tanong ng binata sa piloto habang papalapit ang helicopter sa isla.
“Yes, Sir… Saka, anytime, Sir, puwede mo akong kontakin,” tugon ng piloto.
“Thank you!”
“Ah, Sir… Matanong ko lang po… Ito yata ang pinakamatagal mong stay sa mansion… At wala kang kasamang friends… Bakit po?”
“I just want to be alone. Gusto ko ng peaceful moment… Kung ayaw nila sa akin, ayaw ko rin sa kanila.” Hindi na niya sinabi ang totoong problema, na siya at ang pagkalalaki lamang niya ang nakaaalam. Alam niyang ang lugar na iyon lamang ang makagagamot ng kaniyang karamdaman. Umaasa siyang ang islang iyon ang magbibigay sa pambihirang ligaya, na hindi maibibigay ng sinoman sa kaniyang mga babae at mga kaibigan.
Hindi na rin nagsalita pa piloto pagkatapos niyon hanggang makapag-landing sila.
Samantala, masaya at punong-puno ng pag-asa si Pepe nang bumalik siya sa kaniyang tirahan. Naniniwala siyang ang islang iyon ay hindi lang abot-tanaw mula sa baryong kaniyang kinalakhan, kundi abot-kamay rin.