Nasaan si Paulo?
Ayan na naman sila. Nag-aaway na naman sina Josh at Paulo. Noong nakaraang lingo pa sila hindi nagkakaintindihan. Tahimik lang kami ni Stell sa gilid habang nakikinig sa kanilang dalawa nang bigla na lamang pumasok sa eksena si Ken.
Dito na napatayo si Stell dahil nagsapakan na ang tatlo. “Ano ba! Tama na nga iyan! Hindi ba kayo nahihiya?”
“Ayan, pagsabihan mo iyang magaling mong kaibigan!” bulyaw ni Josh at pati ako, sinamaan pa nito ng tingin.
“Problema mo?” pagtataray ko pa. Nakasusura na siya. Isang sapak pa kay Pau, tatamaan na rin siya sa akin. Akala mo kung sino.
“Uy, huwag kang makikisali sa gulo. Sinasabi ko sa’yo, Justin!” banta naman ni Ken sa nakabusangot na mukha.
“Sus, kayo naman ang puno’t dulo ng lahat ng ito!” bulong ko na lang.
Nagsimula sa pera ang lahat. Magkakasama kami sa iisang bahay dahil pareho lang din naman kami ng pinapasukang trabaho sa isang call center company. Tunay ngang money is the root of all evil. No’ng una ay nangutang lang sila sa amin ng isang beses.
Wala naman talagang problema hanggang sa humingi na ang dalawa ng panibago. Paulit-ulit at paulit-ulit. Dito na kami nagtataka dahil aanhin nila ang pera? Noong nalaman naming napupunta lang pala lahat sa online sabong, doon na nagalit si Paulo at pinagsabihan ang dalawa na ayaw naman tumanggap ng pagkakamali.
“Bakit ako ang pagsasabihan? Hindi ba kayo itong lulong sa bisyo?” patutsada naman ni Paulo. “Kung sana ginastos ninyo ng mabuti ang pera ninyo, hindi sana kami ang sasalo sa tatlong buwang upa ninyong hindi pa nababayaran hanggang ngayon!”
Galit na bumaling si Ken dito. “Ano bang pinagpuputak mo riyan ha, Pau? Huwag kang mag-alala, babayaran ko rin naman ang utang ko sa’yo!”
“Oo nga. Ang yabang-yabang mo. Sa makalawa, isaksak mo sa bunganga mo ang pera mo!” dagdag naman ni Josh.
“Sus, sinabi niyo rin iyan sa amin last month.” Hindi na ako nakatiis. Ang lakas ng loob sumigaw sa amin eh kami na nga itong biktima rito.
“Jah…” awat sa akin ni Pau, pinapatigil ako. Ayaw na ayaw nitong nasasama ako sa gulo.
“Hindi. Kailangang malaman ng dalawang ito na mali sila,” salungat ko naman.
“Hindi lang iyan. Pati pagkain nila, tayo ang sumasagot.” Wala naman iyong problema sa akin. Hindi man sa pagmamalaki pero matagal na akong nakaluwag-luwag sa buhay pero itong sina Stell at Paulo, may pamilya silang sinuportahan samantalang ako, sarili ko lang naman.
Inis na binato ako ni Ken ng unan. Buti na lang at nasalo ni Stell. “Ano ba, Ken!”
“Bakit? Pinagtutulungan niyo kaming tatlo? Eh ‘di sige, kayo na ang magaling. Kayo na ang tama tapos kami naman ang bulakbol.”
Napasinghap si Stell. “Hindi iyan ang ibig naming sabihin—”
“Ay, hindi! Iyan ang gusto niyong iparating. Na kayo—kayo ang may kwenta tapos kami naman dito ay mga pabigat at palamunin. Hindi ba, tama ako? Hayop na buhay ito!” dabog ni Josh.
“Pau! Pau, gising! Gumising ka, please.” Napabalikwas ako ng bangon nang marinig ang palahaw ni Ken hanggang sa humahagulhol na talaga ito. Nanlalaki ang mga matang tumayo ako upang gisingin si Stell na nasa deck. “Sorry, sorry talaga.”
“Hindi namin sinasadya, please gumising ka na.” Boses naman iyon ni Josh.
Hindi ko alam pero sobrang lakas ng tambol ng dibdib ko. Hindi ako mapakali habang ginigising si Stell. “Tey! Tey, gising!”
“Hmmmm?”
“Sina Ken, umiiyak. Mukhang may nangyari kay Paulo.” Naiiyak na ako at nagsimula na akong pagpawisan ng malamig.
Nakakunot-noong napatingin siya sa akin. “Ayos ka lang ba, Jah?”
Naiinis na sinimangutan ko siya. “Mukha ba akong nagbibiro?”
“Ah, baka may lagnat ka?” Sinalat niya ang noo ko kaya natampal ko tuloy ang kamay niya.
“Wala akong sakit. Tara, puntahan natin si Pau!” pagpupumilit ko pa.
Napailing-iling na umupo siya matapos dumungaw sa higaan ko. “Jah, ayan si Pau oh, nakaupo sa kama mo. Alam mo ikaw, matulog ka na lang. Naalimpungatan ka lang eh. Pau, batukan mo nga iyang si Justin, mukhang nakasinghot ng katol eh.”
Dahan-dahan akong lumingon sa higaan ko at para akong binuhusan ng malamig na tubig. Paano? Wala siya rito kanina. Hindi ko rin narinig na pumasok siya. Maingay ang pinto kapag nabubuksan ito pero wala akong narinig. Bigla akong kinilabutan pero baka distracted lang ako?
“P-Pau?” tawag ko rito pero nakatungo lang ito.
“Ken, Ken! Tubig! Buhusan natin ng tubig. Baka magising siya. Bilisan mo!” Nag-p-panic na ang boses ngayon ni Josh.
“Oh my god!” Sa gulat ko ay napatalon si Stell mula sa deck. “Anong nangyayari sa labas?”
“That’s what I’m trying to say!”
Napalunok siya. “Pau, anong nangyayari kina Josh at Ken sa labas?”
Iling lang ang natanggap namin mula sa kaniya. “Pau, may ginawa ba sila sa’yo?”
Muli itong umiling. Naikuyom ni Stell ang kamao bago ako hinablot. “Tara, harapin natin ang mga problematic na iyon!”
Naiwan si Paulo sa kuwarto namin ni Stell. Hinayaan ko na lang din. Baka nga may ginawa sa kaniya sina Josh kaya sa amin siya nagpunta. Usually, kapag ganitong may alitan silang tatlo, sa amin siya nakikitulog. Magkakasama kasi silang tatlo sa iisang kuwarto kaya ayon. Baka mas makakapagpahinga si Pau sa amin.
Tahimik na ang sala nang lumabas kami ni Stell. Ang naabutan na lang namin ay si Josh na umiinom ngayon ng beer in can sa may bakuna ng kusina. Napataas-kilay pa ito. “Oh, ba’t gising pa kayo?”
“Oh, nasaan si Ken?” pagtataray ko.
“Nasa kusina. Bakit ba? Umalis nga kayo sa harapan ko!” pagtataboy pa nito sa amin.
Inis na nakapamewang si Stell. “Nasaan si Paulo?”
Bigla tuloy itong nabulunan. Pinaningkitan namin siya ng mata. “Josh, anong ginawa niyo sa kaniya?”
“A-Aba, wala! Bwisit na iyan, kami na naman ang masama?” singhal pa nito.
Galit na dinuro siya ni Stell. “Oras na may panibagong gasgas si Pau, malalagot kayong dalawa sa akin.”
Umirap naman si Josh. “Sus naman talaga!”
“Talaga lang, Josh. Hindi kita sasantohin. Hindi porque mas matanda ka rito, ay hindi na kita papatulan.” Muli akong hinablot ni Stell. “Tara, i-check natin si Pau. Oras na may makita akong panibagong sugat sa kaniya, sasakalin ko na kayong dalawa!”
Nang paalis na sana kami ay nakarinig kami ng sunod-sunod na mabibigat na tadtad mula sa kusina. Hindi ko alam pero masama na ang kutob ko. “A-Ano iyon?”
“Aish! Wala iyon! Bumalik na kayo sa pagtulog!” Itinulak pa kami ni Josh palayo.
“Teka—”
“Justin De Dios!” sigaw niya at sa hindi malamang dahilan ay nagtubig ang mga mata ko nang bigla niya akong sigawan ng malakas.
“Hayop ka talaga!” Isang sapak ang iginawad ni Stell sa kaniya bago kami tumakbo pabalik sa kuwarto.
Iyak lang ako nang iyak habang pinapatahan ako ni Stell. Bawat tadtad na naririnig namin mula sa kusina ay nagpapaigtad sa aming dalawa. “Oh my god!”
“Sssshhh, ayos lang,” saad ni Pau sa amin.
Napalapit tuloy kami sa kaniya. “Ano, ayos ka lang ba? Sinaktan ka ba nila?”
Ngumiti lang ito saka humiga sa higaan ko. “Dito na ako matutulog. Tabi tayo, Jah.”
“Ay, hindi. Tayong tatlo. Maglalatag ako, wait lang,” tutol ni Stell kaya napangiti ako.
Tinapik naman ako ni Pau. “Ayan, ngiti ka lang, Jasten.”
Nang matapos maglatag ni Stell ay pinagitnaan namin si Pau. “Jah?”
“Hmmm?”
“Natatakot ako,” pag-amin ni Stell.
“Bakit?” usisa ko.
“Ang tagal matapos ni Ken magtadtad. Ewan ko, parang may mali.” Halata na ang panginginig sa boses niya.
Napalunok ako. “Puntahan ko kaya? Masama rin ang kutob ko kanina pa.”
“Huwag. Tulog na kayo,” pigil ni Pau sa akin. “Mahal ko kayo.”
Hindi ko alam pero si Stell naman ngayon ang umiiyak. Hindi ko rin alam pero bigla na lang bumigat ang aking talukap nang halikan ni Pau ang noo ko.
Tatlong linggo na ang nakalilipas at mukhang laging balisa sina Ken at Josh. Parang may gusto rin silang itanong sa amin ni Stell. Kung ano man iyon, sila lang ang nakaaalam pero may minsang nagbubulungan sila hanggang sa hindi na yata sila nakatiis pa.
“Jah… hindi ba kayo nagtataka kung nasaan si Paulo?” panimula ni Josh habang nakatungo.
Nagtatakang napatingin ako sa kaniya. “Hindi. Bakit?”
“M-May nagawa kaming kasalanan.” Si Ken iyon.
“Eh?”
“Iyong totoo? Hindi talaga?” segunda naman ni Josh. “Hindi ba dapat magtatanong kayo kung nasaan siya?”
“Bakit, umalis ba siya? Hindi naman ah,” singit naman ni Stell matapos magmumog.
Nagtinginan naman ang dalawa. “H-Ha?”
Dito na ako napabungisngis. “Nag-d-drugs ba kayo? Anong pinagsasabi ninyo?”
“J-Jah, kasi—”
“Hindi umalis si Pau. Sus, mga bano!” pinal na saad ko.
“Ano?” Kulang na lang ay manghilakbot silang dalawa sa narinig. “Nagbibiro ka, hindi ba?”
“Duh! Hindi niyo ba napapansin? Kung nasaan kayo, laging nakasunod si Pau sa inyo? I mean… hello! Lagi kaya siyang nasa likod ninyo,” paglalahad naman ni Stell na halatang naiirita na.
Kasabay ng pamumutla nina Josh at Ken ay siya ring pagpatay-sindi ng ilaw sa buong bahay. Nagtinginan kami ni Stell bago napalunok. Parang may dumaang kabayo sa dibdib ko. Dahan-dahan kong inabot ang kamay ni Stell bago kumapit sa braso niya ng mahigpit.
Nasaan nga ba si Paulo?
Ah, nasa likod ni Ken, nakangisi sa akin.
The End