Cornflower

All Rights Reserved ©

Summary

a short story about the one that got away

Genre
Romance/Drama
Author
Jom
Status
Complete
Chapters
1
Rating
n/a
Age Rating
16+

Cornflower

Nakatulala ako sa bintana ng kotse. Pinagmamasdan ang iba't ibang ilaw sa mga dinadaanan naming poste habang lumulubog ang araw. Ganito pa rin sa EDSA, walang pinagbago. Sa pagdaan ng bawat minuto ay isa-isa nang nagsusulputan ang mga tala. Bumabati na tila nangungusap na huwag ko nang ituloy ang binabalak ko.


"Hindi mo naman kailangan gawin ito, Luke," saad ni Theo.


Bagamat isang taon na kaming magnobyo, hindi ko pa rin magawang suklian ang pagmamahal niya nang buo. Ang pagmamahal na ibinigay ko sa ibang tao sampung taon na ang nakalipas. Pagmamahal na nawala lamang dahil sa kapusukan. Dahil sa tawag ng laman. Dahil sa mahinang kalooban na nagpadaig sa tukso. Dahil sa kabiguan ng dati kong kasintahan.


"Ayos lang ako," pagsisinungaling ko. Inilihis ko ang aking tingin. Sa bintana muli ako napalingon nang muling umandar ang aming sinasakyan. "Hindi na nga tayo umabot sa kasal nila, pati ba naman wedding reception liliban tayo?"


Hinigpitan niya ang hawak sa aking kamay sa pagtatangkang damayan ako. Pinilit kong ngumiti. Ngunit hindi ko mapigilang isipin na ang dati kong nobyo ang kahawak-kamay ko.


Bahagya kong nakita si Patrick sa lalaking katabi ko. Wala pang isang segundo na tila siya mismo ang kahawak ko. Magaspang ang palad, mainit at matikas hindi gaya ng kay Theo. Mabilis akong tumingin sa malayo. Hinatak ko ang aking sarili pabalik sa reyalidad mula sa anumang ulap na nililiparan ko.


Nagsuot ako ng headset. Tinangka kong paandarin ang radyo sa aking cell phone sa halip na pakinggan ang listahan ng mga itinago kong kanta. Ngunit tila mapaglaro ang tadhana, umalingawngaw sa aking mga tainga ang mga awiting puno ng panghihinayang.


Lalo akong napahawak sa aking nobyo. Isang bagay na nagpakurba sa kanyang mga labi. Ngunit sa aking diwa ay ipinagdarasal ko na si Patrick ang kahawak-kamay ko. Ang nasayang na pagkakataon. Ang napanis na pag-ibig. Ang itinapong pagmamahalan.


Natapos ang aking mga pinakikinggan eksakto nang dumating kami sa wedding reception. Puno ang paligid ng makukulay na lobo. Maayos na nakahilera ang mga magagandang bulaklak. May mga liryo sa entrada, may mga mirasol sa mga tarangkahan, samantalang mga pulang rosas naman ang nagkalat sa entablado. Ang palumpon na hawak ng babaeng ikinasal na ipinapakita sa projector ay puno ng mga bughaw na bulaklak. Magagandang bulaklak na hindi basta-basta makikita kung saan.


"Cornflower," bulong ko.


Bahagya akong napangiti. Pamilyar sa akin ang mga bulaklak na iyon. Mga bulaklak na bahagi ng isang magandang alaala. Mga alaalang akala ko ay itinapon ko na ngunit heto at bumubulaga sa aking mukha. Natigilan akong saglit bago pumasok sa venue.


Nilingon ako ng aking nobyo. Nakakunot ang kanyang noo habang tila nakapako naman ako sa kinatatayuan ko.


"Luke, are you okay?" usisa ni Theo. Nahuli niya akong nakangiti. Tila lumilipad ang utak sa langit dahil sa halimuyak ng mga pamilyar na bulaklak.


"Parang nangyari na 'to-" Natigilan akong bigla.


Naalala ko na kung saan ko nga ba nakita ang mga naturang halaman. Minsan, napunta kami sa Baguio kasama ang dati kong kasintahan. Itong mga bulaklak na ito mismo ang nagkalat sa aming harapan. Nakatitig ako kay Theo nang maalala ko na hindi nga pa pala siya ang kasama ko noon kundi ang lalaking ikinasal kaninang hapon.


"Puwede pa rin tayong umuwi, kung gusto mo," yaya ni Theo.


Mabilis akong umiling. Binitiwan ko siya at ako mismo ang naunang pumasok. Sa loob ay nasaksihan ko ang mga pamilyar na mukha. Mga dating kaibigan at mga kamag-anak ng dating iniirog. Huminga ako nang malalim. Hinyaan kong mapuno ang aking baga ng halimuyak ng mababangong bulaklak. Pinasagap ko sa aking mga tainga ang maiingay na awiting tungkol sa kasal. Mga kantang tila para sa akin ay mga awiting pangluksa.


Naupo kami ni Theo kasama ng iba naming kabarkada. Sa isang lamesa ay ang mga dating kaklase at ilang katrabaho namin. Pinilit kong umupo sa bakanteng upuan na nakatalikod sa entablado.


Dito man lang ay hindi masyadong masaktan ang puso ko.


Nagsimula ang programa. May mga palaro sa umpisa at nasa bagong kasal ang atensyon ng mga tao, maliban sa akin. Nakatitig lamang ako sa papel na hawak ko. Sa papel na isinulat ko noong kami pa ng lalaki sa entablado. Isang papel bahagya kong binago para sa araw na ito.


"And now, may we call on the maid of honor to give her message to the newly weds," tawag ng emcee.


Nakita ko ang kaibigan kong si Janice na nagtungo sa harapan. Sinalubong niya ng halik ang kapatid niyang si Candy at kinamayan naman si Patrick sa tabi nito.


Maganda ang mensahe ni Janice. May mga halong biro na nagdulot ng halakhak sa mga nagsidalo. May kahabaan ito dahil nagkuwento pa siya kung paano nila unang nakilala si Patrick. Mga bagay na totoo para sa kanila ngunit huwad sa memorya ko. Mga magagandang alaala para sa ibang tao ngunit malungkot para sa akin.


"And now for the best man," saad ng emcee.


Mabilis akong hinawakan ni Theo. Namumugto ang mga mata nito na tila hindi ako nais magpatuloy. Binigyan ko siya ng malaking ngiti. Agad kong tinungga ang baso ng alak sa aking harapan bago marahang tumayo at nagtungo sa entablado.


Ako ay nakayuko habang naglalakad. Ang bawat hakbang ko ay tila may kaakibat na tambol mula sa malaking speaker sa gilid ng entablado. Malalim ang aking hininga habang mahigpit ang hawak sa lumang papel na dala ko. Sa sandaling iyon ay wala akong ibang iniisip, kundi ang makita, magpaalam, at ipaubaya si Patrick sa huling pagkakataon.


Nasa gilid na ako ng bagong kasal. Hawak ko ang isang miktinig sa kaliwa kong kamay habang ang inihanda kong papel ay nasa kanan naman. Marahan kong inangat ang aking ulo upang tingnan ang bagong kasal. Abot-tainga ang ngiti sa akin ni Candy. Isang inosenteng babae na walang alam sa nakaraan namin ng lalaking kanyang pinakasalan.


Sa tabi niya ay ang lalaking umiwan sa akin. Maayos ang pagkakasuklay ng kanyang buhok at pulido ang pagpapakintab sa kayumanggi niyang sapatos. Napatitig ako sa mapupungay niyang mata, matangos niyang ilong at makapal niyang kilay. Mga bagay na bumihag sa musmos kong puso ilang taon na ang nakaraan. Suot niya ang isang puting tuxedo na may cornflower sa bulsa. Napakunot ako ng kilay, ito ang paborito naming bulaklak.


Mabilis niya akong nginitian na siyang agad kong iniwasan ng tingin. Napatingin ako sa malayo. Ibinato ko kay Theo na nasa aming upuan ang aking ngiti na para sana ay sa dati kong kasintahan.


Ang dating kasintahang nilisan ako dahil sa kanyang kasalanan. Ang noo'y kasintahan kong pinangakuan ako ng magagandang bagay ngunit sa huli ay hindi ako kayang ipagsigawan sa mundo.


Tinuon ko ang aking liham. Lumunok ako ng laway at klinaro ang aking lalamunan. Sa madla ako ay napatingin. Nginitian ko ang mga taong walang alam tungkol sa nakaraan namin ng lalaking bagong kasal.


"Una sa lahat, pasensya na po at ngayon lamang ako nakarating. Galing pa po kasi akong Australia at medyo na delayed ang flight," pagtatapat ko. Sa lahat ng mga sasabihin ko, marahil ito lamang ang pinaka totoo.


Muli kong ibinaling ang aking atensyon sa papel na aking bitbit. Sinumulan kong basahin ang mensaheng si Patrick mismo ang nakiusap sa aking gawin para sa araw ng kasal niya. Ngunit ang mga katagang bibitawan ko ay binago ko na, hindi gaya ng mensaheng nilikha ko para sa kanya noong kami'y nag-iibigan pa.


"Una kong naging malapit na kaibigan si Patrick matapos maging sila na ni Candy."


Hindi ito totoo. Kilala ko na siya noong high school pa lamang at palihim na ang relasyon namin mula noon. Ngunit hindi ko ito kayang basahin sa harapan ng maraming tao dahil sa pakiusap niya.


"Minsan po ay namasyal kami sa Baguio para sa isang proyekto," pagsisinungaling kong muli. "Doon niya isinumpa sa kanyang sarili na palilibutan niya ng mga magagandang bulaklak ang taong ihaharap niya sa altar."


Ang totoo ay sa akin siya sumumpa noon. Ngunit hindi na maari. Dahil sa nabuntis niyang dalaga ay kailangan na niyang panagutan ito.


Napatingin ako kay Patrick. Nakayuko lamang ito. Tila nalulungkot sa mga katagang aking binibitawan.


"At ngayon po ay nagawa nga niyang palibutan ang kanyang may-bahay ng mga naturang bulaklak."


Kaya kaya niyang sabihin sa asawa niya ang lahat? Na para sa akin talaga ito dapat? Mga planong binuo namin ngunit sa ibang tao niya inihandog.


Pinagmasdan kong muli ang mga napili nilang halaman. Tuluyan nang umusbong dahil sa lalim ng gabi. Nakapalibot sa aming tatlo na tila bigo sa kanilang nasasaksihan dahil hindi tumupad sa pangako ang isa sa amin.


"Tapat po siyang tao."


Nagsinungaling ulit ako. Sa sampung taon naming pagsasama ay hindi ko pa rin maintindihan kung paano niya nagawang sumiping sa iba.


"Magiging mabuti siyang asawa at ama."


Tila sumasayaw ako sa dilim nang mag-isa. Ang mga katagang binitawan ko ay parang mga musika na kusang nagpapagalaw sa aking mga paa. Gaya ng ginawa niyang paglisan.


"He will never leave you alone on your lowest. He will lift you up to the sky."


He left me on my lowest. Worse, he set me on fire.


"Hinintay ko nga po iyan sa Australia, may mga pangarap kasi kami."


Pero hindi siya natuloy, dahil sa kapusukan niya. Marahil ay dahil na rin sa pagpipilit ng kanyang mga magulang na siya'y mag-asawa na.


"But he found something better here in the Philippines. Something that made him complete."


Siguro ay tama nga. Marapat lamang na sa piling ng iba siya mapunta. Sa isang babaeng marahil wala akong kalaban-laban.


Napakagat ako ng labi. Napalunok ako ng laway. Ramdam ko na ang pamumugto ng aking mga mata. Maging ang namumuong sipon sa aking ilong ay agad kong sininghot.


Gusto ko nang ipagsigawan sa lahat ang nakaraan namin. Ngunit muli ko siyang nilingon.


Ang mga mata niya ay tila humihingi ng tawad sa bawat katagang pinapakawalan ko. Ang nakasimangot niyang labi na tila nagsisisi na dahil sa kanyang ginawa.


Pinuno ko ng malamig na hangin ang aking baga. Pinilit kong basahin ang mga binago kong bahagi ng aking liham para sa ikapapanatag niya. Para sa katahimikan naming lahat.


"To end this message, as you open this new chapter, I hope you live happily ever after."


I hope that as I finish reading this letter, it will mark the end of his chapter in my life.


Kinuha ko ang natuyong cornflower na nakaipit sa aking liham. Isang bagay na matagal kong itinago mula nang nagpunta kami sa Baguio. Naglakad ako sa gitna ng entablado. Inabot ko ito kay Patrick bago ko siya kinamayan.


Napatawad ko na siya noon pa. Ito nga rin marahil ang dahilan kung bakit napapayag niya akong maging best man nang muli kaming mag-usap noong nakaraang taon. Ngunit habang pinagmamasdan ko siya, muli kong naalala kung bakit ko nga ba ginagawa ito. Ito ay upang palayain na siyang tuluyan. Ito ay upang palayain na rin ang sarili ko.


Bahagi ng pagmamahal ang pagpapaubaya. Sa aking ginawa ay tila muli kong nabuksan ang aking puso para sa bagong pag-ibig. Para sa isang taong pinaghintay ko nang matagal. Panahon na siguro upang siya naman. Pagkakataon na upang sa kanya umikot ang mundo ko- ang aking kalawakan.


Hindi ko namalayan na nasa ibaba na pala ako ng entablado. Basa ang aking pisngi. Pumapalakpak na ang mga tao. Ngunit sa mga oras na iyon ay kay Theo na lamang ako nakatingin. Alam kong medyo matatagalan pa ngunit sa unang pagkakataon, sa sandaling iyon ay tila tumibok nang totoo para sa kanya ang puso ko.