Chapter 1
Chapter One
JUANA
Hindi mabura ang ngiti sa aking labi nang unti-unti kong natanaw ang grand hall ng aming beach resort. Kulang na lamang ay patakbo kong puntahan ang lugar na iyon, kung hindi lamang abot lupa ang aking suot na bestida ay kanina pa ako kumaripas roon.
"Ate Juana, ang lawak yata ng ngiti mo ah?" bati ng aking nakababatang kapatid.
Hindi ko inaasahan ang pagsunod niya sa akin, sapagkat kahit kailan hindi naging maganda ang aming pagsasama. Ngunit masyadong maganda ang araw para bigyan ko ng kaiinisan ang aking damdamin.
"Sino ba namang hindi mangingiti Martina, nakita ko lang naman ang boyfriend ko na bumili ng engagement ring. Mukhang yayain na yata niya akong magpakasal ngayon, siya pa naman ang nag-organize ng event. Saka nakita mo ba ang mga disenyo ng grand hall? Napakaganda hindi ba?" hindi pa rin mabura ang ngiti na tugon ko.
"Oo, pero sigurado ka ba sa nakita mo baka naman hindi iyon singsing na para sa iyo?" seryosong usisa niya.
"Oo naman, hindi pa malabo ang mga mata ko, alam ko ang nakita ko."
"Pero, hindi ba at hindi naman alam nila Papa at Mama ganoon na rin ng pamilya ni Eldridge na mayroon kayong relasyon?"
Huminto ako sa aking paghakbang saka bumaling sa direksyon ng aking kapatid, hindi naman kasi namin magawang ipaalam sa lahat ang aming relasyon, sapagkat ayaw sa akin ng pamilya ni Eldridge, actually mas gusto pa nila kay Martina dahil mas talentado siya kumpara sa akin na hindi maipakita ang galing. "Baka naman handa na siyang ipaalam iyon ngayon, isa pa halos isang taon na kami, ano pa ba ang dapat naming hintayin 'di ba?"
Dahan-dahang tumango si Martina. Nanatili ang mga mata ko sa gawi niya at nanatiling seryoso ang aking mukha. Ngunit hindi rin nagtagal, lumitaw din ang ngiti sa aking labi saka ako nagpatuloy sa paghakbang.
Pagtuntong ko sa grand hall, inilibot ko ang aking mga mata sa kapaligiran. Tila naging hardin ang loob dahil sa mga pulang rosas na ginamit pang-disenyo. Marami na rin ang mga tao sa loob, subalit hindi pa man ako nakakaabante muli, dalawang lalaki ang humarang sa sa aking harapan. Pareho silang nakaitim, ngunit hindi ko na kailangan pang tanungin kung sino sila nang iangat ng isa ang kanyang palad sa pagitan naming dalawa.
"Pasensya po Madam, required po ang invitation sa pagpasok," wika nito.
Napakurap ako, wala akong invitation. Hindi nagbigay ang ang nobyo ko sa akin. Palihim muli akong ngumiti.
Mukhang isa ito sa pakulo ni Eldridge, binabalak niya yata akong sorpresahin.
Mula sa aking likuran lumandas si Martina, dumukot siya sa kanyang purse at mula roon inilabas niya ang isang imbitasyon. Kinuha iyon ng guard at siya'y kanilang pinadaan. Ngunit, hindi kumilos papasok si Martina sapagkat umikot siya upang harapin ako.
"Hindi ka pa papasok ate?"
Suminghap ako at iniwas ang mga mata sa kanya, muli akong bumaling sa guard at taas noo na hinarap silang muli. "Ako ang nobya ng taong dahilan kung bakit mayroong event ngayon."
Bahagyang kumurap ang mga guard saka nagpakawala ng halakhak. Kumunot ang aking noo, ano naman ang tinatawa-tawa nila? Mukha ba akong joker?
"Madam, pasensya na po, pero alam po namin na walang nobya si boss!" natatawang sambit nila.
Itinikom ko ang aking labi. Wala nga palang nakakaalam na mayroon kaming relasyon ni Eldridge, maliban sa aming dalawa at sa kapatid ko, malamang hindi nga sila maniniwala!
"Mga kuyang guard, pasensya na po. Kasama ko po kasi siya, pwede ko rin po ba siyang isama sa loob?" pagsingit ni Martina.
"Pasensya na po talaga Miss, iyon po kasi ang protocol namin dito. One invitation per person. Mukhang hindi po imbitado ang kasama ninyo."
Ngumiwi ako. Ang mga lalaking ito, kung alam lang nila, baka kapag muli kaming nagkita engaged na ako sa boss nila!
"Mga kuyang guard, sige na minsan lang ito. Kakilala naman namin si Kuya Eldridge, kami na po ang handang magpaliwanag."
"Naku Madam, hindi po talaga pwede." Bumaling ang isang guard sa direksyon ko. "Maliban na lamang Ma'am kung kayo ang may-ari ng resort," tatawa-tawang dagdag pa niya.
Umiling ako saka muling gumuhit ang ngiti sa aking labi. Talaga naman, ngayon lang ako pumabor sa mga sinabi ng mga guard na ito, magbibiro na nga lang pabor pa sa akin. "E 'di pwede talaga akong pumasok," nakangising saad ko habang ang mga braso ko ay nasa aking baywang.
"Ay sus si Madam, gagawa pa ng kwento," tatawa-tawang sagot pa nila, ngunit tila nalunok nila ang kanilang mga dila nang inilahad ni Martina ang isang litrato na dinukot niya pa mula sa kanyang purse.
"This is a family picture, I think you can recognize the owner here." Itinuro niya ang litrato. "She's our grandmother and this is my sister, which is her," nakangiting wika niya, kaya't nalaglag ang panga ng dalawang guard nang makita nila ako sa litrato na yakap-yakap ng may-ari ng resort, na siyang Lola ko rin.
"Sige po Madam, pumasok na po kayo. Pasensya na po sa abala," napapakamot batok na wika ng isang guard.
"Ate, tara na," anyaya ni Martina at inilabas ko nang bahagya ang aking dila nang makalampas kami sa mga guard.
Nagpakawala ako ng mahabang hininga. "Salamat sa pagtulong Martina."
"No problem, ate."
Nang maupo kami sa reserved table para sa aming pamilya, umikot muli ang aking mga mata sa kabuuan ng venue. Ngunit ni anino ni Eldridge ay hindi ko matagpuan, hanggang tuluyan na ngang nagsimula ang event at kasunod nito ang pagdating ng aming mga magulang sa aming table. Binati nila si Martina, ngunit tila hindi nila ako nakita.
Hindi ko na iyon pinansin pa, sapagkat noon pa man tila invisible na talaga ako sa kanila, sanay na ako, isa pa ang tanging iniisip ko na lamang niya ay ang proposal ni Eldridge na sigurado akong mangyayari ngayon.
The event was Eldridge's celebration after my grandmother allowed the restaurant of Eldridge's family to extend their business inside the beach resort.
Nang mag-serve na ng pagkain ang mga waiter sa table umakyat ang aking nobyo sa entablado at kinuha ang atensyon ng bawat isa. Kaya naman kahit kumukulo na ang tiyan ko, hindi ko pinansin ang pagkain sa aking harapan.
Unang pinagpasalamat ni Eldridge ang pagdating ng mga bisitang inimbitahan niya. Marami pa siyang binanggit ngunit nang dumako ang kanyang mga mata sa gawi ng table namin, dumausdos ang palad niya sa kanyang bulsa. Kaya naman nag-iinit ang pisngi kong dinampot ang tubig sa aking harapan at nilagok iyon, saka bahagyang inayos ang buhok.
"And now, for the final part of this event, I want you to witness something important that would happen in my life," anunsyo ni Eldridge, kaya't tumahimik ang kapaligiran. Bitbit ang mikropono, dahan-dahan siyang humakbang pababa sa hagdan mula sa stage at tinahak ang direksyon ng table namin, sinasabi ko na nga ba at tama nga ang hinala ko. Umikot ang mga mata ko sa kapaligiran at ang mga tao ay diretso ang tingin sa gawi ni Eld.
Mariin kong kinagat ang aking pang-ibabang labi habang lumakas naman ang kalabog mula sa aking dibdib. Mas lalong nag-init ang pisngi ko nang mahuli ng kanyang paningin ang maliit at pulang jewelry box sa kamay ni Eld.
Ilang hakbang na lamang ang layo niya sa aming table, kaya't hindi ko na napigilan ang sarili at tumayo na rin ako. Gumuhit ang kabadong ngiti sa kanyang labi at sinubukang hulihin ang mga mata ng boyfriend ko.
"Juana, ano ang ginagawa mo?" bulong ni Papa mula sa aking likuran, ngunit hindi ko na ito pinansin.
"Juana, bumalik ka rito, inaagaw mo ang atensyon na para kay Eldridge," dagdag pa ng aking ina, na sigurado akong kunot na ang noo.
Humakbang ako sa direksyon ng nobyo at pinalandas ang mas malapad na ngiti sa aking labi. Nang magtagpo ang aming landas nagtama ang aming mga mata. Nanigas ako sa aking kinatatayuan nang patuloy na humakbang pa si Eldridge. Lumukot ang aking noo at naglakbay ang aking mga mata.
Nahuli ko ang mga natatawang tingin ng mga bisita sa aking direksyon, ganoon na rin ang bulungan ng iba. Lumandas sa kanilang mga labi ang mga mahihinang tawa at iilang pang-iinsulto. Kinagat ko ang pang-ibabang labi at tinanaw ang nilakaran ni Eld.
Tila ako'y nagyelo at kasabay niyon ang pagyakap ng katahimikan sa aming paligid. Nagtubig ang aking mga mata nang lumuhod ang boyfriend ko sa harapan ng aking kapatid. Nanuyo ang aking lalamunan nang itapat ni Eldridge ang mikropono sa kanyang labi.
"You're so beautiful tonight, Martina," panimula niya.
Hinintay kong lingunin ako ni Martina at magbigay ng mapagtanong na tingin, ngunit nanatili siyang nakatingin sa boyfriend ko nang mayroong malapad na ngiti rin sa labi. Ano'ng nangyayari? Bakit nagpapalitan sila ng ngiti?
"Martina..." tawag ko, ngunit tila bingi siya at nanatiling nasa nobyo ko ang kanyang paningin.
"Juana, bumalik ka nga sa upuan mo," bulong ni Mama ngunit ni-hindi ko na maihakbang ang mga paa ko. Wala akong naiintindihan sa nangyayari.
"Tonight, in front of everyone, I ask you this." Huminto si Eldridge at binuksan sa harapan ni Martina ang jewelry box na kanina pa niya hawak. Mula roon kuminang ang puting bato ng singsing.
"Will you marry me, Martina?"
"Of course, Eld, I will marry you!" masiglang saad ni Martina nang hindi man lamang nagdalawang isip.
Tila nakikipagkarerahan ang aking mga luha nang mag-echo ang mga salitang iyon sa aking tenga. Nanlambot ang aking mga tuhod at tuluyang bumagsak ang mga luha na kanina pa nagbabadya.
Gumawa ako ng maliliit na hakbang palapit sa kanila. "Eldridge, ano ang ibig sabihin nito? Martina?" usisa ko at pinasadahan sila ng tingin.
"Juana ano'ng ginagawa mo?" usisa ni Mama na tumayo na rin mula sa kanyang kinauupuan.
Hindi ko siya pinansin, kumapit ako sa braso ni Martina. "Tina, alam mo naman hindi ba? Mahal ko si Eld at mahal niya rin ako."
"Ate, ano ba ang sinasabi mo, bitiwan mo ako!" tugon niya at kumunot lamang ang noo ni Eldridge sa akin at marahas na kinuha ang kamay ko na hawak ang braso ni Martina.
"So this is how you want to end our relationship huh?" sarkastikong bulong ko.
"As if we have a relationship, don't live in your delusion Juana."
"Sinungaling ka!" kunot noo na wika ko saka itinas ang aking palad nang saluhin ni Martina ang kamay braso. Tinulak niya ako, kaya't bahagya akong napaatras.
"Ikaw ang sinungaling, mapaggawa ng kwento," nakangising bulong niya.
"Sinisira mo ang moment!" singit ng isa sa mga bisita.
"Hindi ba at kapatid iyan ni Martina? Ang kapal ng mukha, feeling niya yata kanya si Eldridge!"
"Malandi!"
"Lumayas ka rito, panira ka!"
"Mang-aagaw, inggitera yata."
Naramdaman kong mayroong palad na kumapit sa aking likuran, kaya't nilingon ko iyon. Si Papa, naglakad siya paalis sa grad hall habang hawak ako.
"Juana, hindi ka na natuto! Lagi mo nalang pinapahiya ang pamilya natin! Hindi ka ba masaya para sa kapatid mo at balak mo rin sirain ang relasyon niya?" panimula niya nang kami'y makalabas.
"Papa, totoong naging boyfriend ko po si Eldridge!"
"Juana, gumising ka na sa panaginip mo! Kung boyfriend mo nga siya, sana ikaw ang niyaya niyang magpakasal!"
"Pero totoo po ang sinasabi ko! Inagaw ni Martina si Eldridge at ang lalaking iyon nagpa-agaw naman! Lahat iyon to-"
Hindi ko na natapos ang aking sinasabi nang dumapo ang palad niya sa aking pisngi. Namilog ang aking mga mata at tila gripong lumandas ang aking mga luha. Kinagat ko ang aking labi at tinalikuran si Papa. Bahagyang itinaas ko ang aking mahabang kasuotan at patakbong lumisan.
(to be continued...)