PROLOGUE
EVE MIDELY RAGUEL
Para saan pa na mabuhay ako kung sa ganitong paraan lang din? Hindi ko gusto ito, malayong-malayo ito sa pinangarap ko no’ng bata ako. Sino bang nangarap na magkaroon ng malubhang sakit after kong maka-graduate sa college habang nagtatrabaho sa loob ng apat na taong pag-aaral ko? Bukod don, iniwanan pa ako ng ilang daang libong utang ng magaling kong ex na pinagpalit lang ako sa matandang may pera dahil nabuntis niya ito.
Hindi na, ayoko na.
Naaawa na ako sa pamilya ko na nagawa kong talikuran para sa walang kwentang lalaki pero sa huli, hindi ako pinapabayaan lalo na ngayong may sakit ako.
Lubog ako sa utang, kung kaya’t wala akong kakayahang suportahan ang sarili ko sa gastos sa hospital kaya ang mga magulang ko ang sumasagot ng pampagamot ko. Ako na walang ibang ginawa kung hindi suwayin lang sila para sa ibang tao.
Uunahin ko nang tapusin ang paghihirap ko at ng pamilya ko kaysa pahabain pa, lalo na ngayong wala naman na akong nakikitang pag-asa.
Pero gagawin ko ito sa paraang hindi lubusang mahihirapan ang pamilya ko.
Kaya ngayon, nasa gilid ako ng kahabaan ng Katipunan Avenue, naghihintay ng sasakyan na dadaan para magpabunggo. Hindi lang isang normal na sasakyan ang hanap ko. Naghahanap ako ng isang sasakyan na alam kong mamahalin gaya ng isang sports car o kahit anong luxury car, para makasiguro na pag namatay ako, may makukuha ang pamilya ko.
I want someone to be accountable for my death since I know na magbabayad sila once they accidentally killed me. Kailangan ko ng pera, pero ayoko nang mabuhay. Mas pipiliin kong mamatay na lang para makakuha ng pera at maipambayad sa utang na nagpapahirap sa pamilya ko. Sa ngayon, wala na akong pake sa taong makakabangga sa akin. I can only think about my family and the problem that I’ve caused them.
Napabuntong-hininga ako dahil nauubos na ang pasenya ko kakahintay na may dumaan na sasakyan sa kalsada. Walang masyadong sasakyan sa lugar na to dahil puro truck ang dumaaraan dito, at napakatanga ko para mapili ang lugar na to.
Nakuha ang atensyon ko ng malaking truck ng basura na biglang huminto sa harap ko. Napakainit ng binubugang usok nito at literal na napakabaho kaya biglaan akong napapaypay sa sariling mukha.
“Hi miss sexy, ang sarap mo!“ Kumunot ang noo ko at tinignan ang pahinante na sumigaw ng salitang yun, nagsipulan pa ang ibang kasama at napuno sila ng nakakalokong tawa. Ramdam ko ang biglaang pag-init ng mukha ko dahil sa sobrang pagkapikon kaya nang biglaan din itong humarurot ay dinuro ko ang sasakyan nito.
“GAGO!” hinihingal na sigaw ko, na parang doon ko ibinuhos lahat ng sama ng loob. “Bastos na yun!” nakasimangot ko nang bulong sa sarili. “Pasalamat ka at truck yang minamaneho mo kung hindi, manslaughter talaga ang magiging kaso mo!” nanggigigil na sigaw ko.
Wala akong magawa kung hindi pilitin ang sarili kong kumalma, pero dahil sa dugtong-dugtong na kamalasan sa buhay ko ay mabilis ring nanlabo ang mata ko dahil sa nagbabadyang luha.
“Nakakainis namang buhay to. Magpapakamatay ka na nga lang, mga manyakis pa ang huling makakausap ko!” pigil na pigil ang pag-iyak na sambit ko.
Nang hindi ko kinaya ay nanghihina akong umupo sa gilid ng kalsada at tinakpan ang mukha. Wala na akong pakialam sa mga posibleng makakita, napakabigat ng nararamdaman ko kaya sa ganoong paraan ako naglabas ng napakalakas na hagulgol, “A-ayoko na, pagod na pagod na talaga a-ako...” Halos hindi makahingang sambit ko sa pagitan ng malakas na paghikbi. Pakiramdam ko ay mapupunit ang dibdib ko sa sobrang sakit nito, pakiramdam ko ay hindi ako makahinga. Sobrang blanko ng utak ko at gusto ko na lang na makaalis sa madilim na mundong to.
Ako rin ang kusang huminto nang may narinig akong rumaragasang tunog na alam kong nanggagaling sa isang sports car. Dahan-dahan akong tumayo, sinisinghot pa ang sipon na namuo dahil sa pag-iyak at hinanda ang sarili sa posibleng pagsalubong dito.
Habang palakas nang palakas ang naririnig kong tunog ng sasakayan ay lumalakas din ang pagtibok ng puso ko. Nagkagulo-gulo ang mga iniisip ko. Namuo ang butil ng pawis mula sa ulo ko, at pakiramdam ko ay mas lumamig ang buong paligid. Umangat ang paningin ko sa madilim na kalangitan at tinanong ang buwan na halos natatakpan na rin ng ulap.
Gagawin ko na ba talaga to?
Ngunit sa hindi inaasahan ay parang mas bumigat ang katawan ko, na pinipigilan ako ng sarili ko sa balak na gawin. Nang sumaglit sa isipan ko ang mga paalala nila mama ay naikuyom ko ang sariling kamao at napapikit nang mariin.
“Anak wag ka na masyado mag isip ha? Tandaan mo nandito lang kami lagi ni mama mo, gagawin natin lahat para lang gumaling ka.”
“Hindi ko kakayanin pag nawala ka sa amin ni papa mo, kaya lumaban ka nakikiusap ako sayo, anak.”
“Wag kang mag-alala, Ate. Lilinisan ko lagi ang kwarto mo para sigurado na mas magiging komportable ka kapag nagpapahinga ka sa bahay. Kaya smile ka na, di naman kita papabayaan eh!”
Dahil sa isiping iyon ay natigilan ako, biglaang namulat ang sarili. Hindi—hindi ko dapat ito ginagawa! Kailangan kong bumangon. Lumalaban ang pamilya ko, bakit hanggang dulo ay sarili ko pa rin ang iniisip ko?
Ngunit, naningkit ang mata ko nang maaninag ko ang liwanag. Liwanag na nagmumula sa sasakyang narinig ko kanina, napakabilis nito at gumegewang-gewang papunta sa akin, kung saan ako nakatayo.
“Hala...” nang mapagtanto ko ang sitwasyon ay biglaang nanlaki ang mata ko at dahan-dahang napaturo sa sasakyan, “T-teka...hoy, wai—waittt!”
Tumakbo ako at iniwasan ang pwestong pagbabanggaan nito! Please, hindi na! Hindi ko na pag-iisipan ng masama ang buhay ko. Hindi ganito, kung mamamatay na lang ako gugustuhin ko na lang na dahil sa sakit ko. Unti-unti, kahit nanghihina at nabibigla, ginawa ko ang makakaya ko para maiwasan ang sasakyan na pasalubong.
Sinubukan kong lumingon sa likod, pero mas nanlaki ang mata ko dahil sobrang lapit na nito!
Kaya muli akong tumakbo, mas mabilis, yung sigu—.
“AGHH!”
Pero huli na ang lahat.
Namalayan ko na lang ang masakit na pagkabangga ng sasakyan sa akin, at ang pagtilapon ko sa ere kasabay ng pagbagsak ko sa tubig dahil hindi ko napansin na sa gilid na pala ako ng creek nakapwesto. Unti-unti, nararamdaman ko ang iba’t-ibang sakit na nagmula sa katawan ko dahil sa pwersa ng pagbagsak ko sa ilalim ng tubig.
Ito na ba talaga yun? Hanggang dito na lang ba ang buhay ko?