A Hundred Days More

All Rights Reserved ©

Summary

After sacrificing her life to save someone, Zainy Mae Limjoco is given a rare second chance to live again—on one condition: return to the world of the living for 100 days and teach one man what it truly means to love. That man is Lendon Rexel Francisco, a charming heartbreaker hiding deep scars. She's never been in love. He stopped believing in love. Time runs out. Feelings burst out. Two broken souls. One divine mission. In 100 days, can love heal what death could not?

Genre
Romance
Author
Booffee
Status
Ongoing
Chapters
1
Rating
n/a
Age Rating
18+

Ang Afterlife

Langit. Sa itaas ng mundo. Sa liwanag.

Ito ang sinasabi nilang patutunguhan mo kapag namatay ka bilang isang mabuting tao. Dito raw sagana ang biyaya at makakamit mo ang lubos na kasiyahan. Euphoria kumbaga.

Sabi ng iba, kailangan daw na sundin mo ang sampung utos para maituring kang mabuting tao. O kaya dapat hindi ka kakain ng mga iilang klase ng putahe dahil sa mga sagradong dahilan. May iba naman na sariling tawag ng konsensya lang ang pinapakinggan. Pananampalataya at moralidad—ito ang mga basehan ng pagiging isang mabuting tao.

Pero ilang beses ba dapat gumawa ng mabuti para ma-qualify ka sa langit? At may leniency o tolerance ba kapag lumabag ka sa pananampalataya at moralidad? Ano ang hangganan ng kasamaan at kabutihan?

At pagkatapos mong mapunta sa langit, kabutihan nalang ba ang magagawa mo roon? Na para bang nakaprogram ka o isang kang trained AI na walang ibang gagawin kung hindi ang mga mabubuting bagay?

Ang daming tanong 'no? Pero wala akong magawa kundi isipin ang mga ganitong bagay dahil doon ako papunta—sa langit. Oo. Kahit grabe ako magsuspetsa, doon pa rin ako mapupunta. Source?

Self-consciousness of the dead. Because I have already died.

It may sound tragic, pero wala eh. Nandito na ako sa kabilang buhay—o dapat bang sabihin ko na kabilang patay kasi hindi na rin naman na ako buhay?

Pero ayun na nga. Lahat ng mga namatay na kagaya ko, alam na namin kung saan kami pupunta. Lingid sa kaalaman ng karamihan (kasama na ako), hindi pala agad-agad napupunta sa langit o impyerno ang mga yumaong tao. Tanda ko rin kung gaano kabagal ang huling hininga ko na para bang iyon na ang pinakamatagal at masalimuot na karanasan ko sa buhay. Hindi ko rin narinig ang anunsyo ng time of death ko dahil nasa proseso na ako kung saan humiwalay ang kaluluwa at katawan ko.

Akala ko nga ay may oras pa ako para lumutang-lutang. Pero hindi. Sa isang iglap lang, napunta na ako sa Yong—isang parte ng universe na hindi kailanman malalaman ng nabubuhay dahil walang paraan para matuklasan ito ng mga tao. Ito rin ang sinasabing pinakamalapit sa langit.

Sa loob ng Yong magsisimula ang Seven Levels of Afterlife. Ang level one ng afterlife ay tinatawag na Primero, which has the barrier of Yong against the rest of the universe. Magandang mag-stargazing sa level na 'to kaya naman nagtagal din ako dito ng pitong oras.

Sa level two naman o Segundo, dito ako nagpahinga sa nakakapagod na pinagdaanan ko noong buhay pa ako. Ito talaga 'yung pahinga kasi may mga establishments na kagaya ng mga mamahaling hotel kung saan ako pwedeng humiga. Oo, higa lang dahil hindi na nag-eexist ang pagtulog dito. Wala na rin naman kasi akong subconsciousness. Lahat ng mga iniisip ko ngayon ay puwedeng malaman ng kahit sino dito sa afterlife. Pero wala rin naman akong ibang nakitang kaluluwa dito kaya mas malaya akong nakapag-isip. Kaya ayun, sa sobrang pagkamangha ko sa Segundo, hindi ko man lang namalayan na isang araw pala akong nagtagal doon. Ang weird nga kasi wala naman akong ibang ginawa kung hindi isipin ang mga naiwan ko at mga alaala ko sa mundo.

Sa level three naman o Treso, dito na ako magdedecide kung paano ko gustong mabuhay kapag natapos na ang lahat ng levels. Dito na nagtatagpo ang iba pang mga kaluluwa at nasa sa amin na kung nais naming makisalamuha. Medyo nag-alala pa nga ako kasi baka nababasa nila ang iniisip ko pero kalaunan, napagtanto kong hindi naman interesado sa'kin ang iba at hindi rin ako interesadong malaman ang iniisip nila.

Ito ang level ng afterlife ko ngayon. Ako ang may hawak kung kailan ko gustong magtagal sa isang level. Pero hangga't maaari, gusto ko nang matapos ang lahat. Pagod na kasi ako. Walang halong biro. Lalo pa't may apat na levels pa akong pupuntahan—ang Celestial, Stellar, Divine, at Transcendence.

(A/N: The levels of afterlife is based by the book of Chris Carter, detailing the theory of 'seven levels of afterlife' by the post-death message of a poet, Frederic Myers. The level names are fictional.)

Kaya naman ito ako ngayon sa boundary ng Treso at Celestial. Sa first three levels, wala akong pinagdaanang komplikadong proseso papuntang next level dahil nasa loob pa rin ng Yong ang tatlong levels. Pero dahil ang Celestial ay bahagi na ng langit (kaya hindi na base sa numero ang pangalan nito), mayroon nang kailangang magsuri ng mga tatawid dito para masiguradong handa na kami sa langit. At 'yun ay walang iba kundi si San Pedro.

Si San Pedro na dapat ay nandito lang sa bukana, pero wala akong makitang pigura. Hmm, ang weird naman. Bakit kaya wala siya—

"Iha."

"Hik!"

Nagitla at napalingon ako bigla sa likod ko dahil sa boses ni...

"Saint Valentine," sambit ko na para bang hindi ito ang una naming pagkikita.

Iba talaga ang consciousness of the dead. Alam ko na agad na siya si Saint Valentine dahil sa bow and arrows na nakasukbit sa mga braso niya. Pero bakit si Saint Valentine ang nandito imbes na si San Pedro?

"Mukhang si San Pedro ang sadya mo kahit nandito naman ako," ani niya.

"S-sorry po," sabi ko nalang at yumuko nang bahagya gaya ng mga nakasanayan ko sa trabaho ko noong nabubuhay pa ako. Mukha kasing na-offend ko siya kahit hindi iyon ang intensyon ko.

Hangga't kayang lunukin ang dangal at akuin ang responsibilidad, gagawin ko para hindi na lumaki ang gulo. Ito ang nakaugalian ko sa iba't-ibang part-time jobs na pinasukan ko noon. At mukhang nagbunga naman ang pagtitiis ko dahil ito na ako. Papunta na sa langit.

"Hay naku, Zainy..." sabi ni Saint Valentine at bumuntong-hininga. Lumapit siya sa'kin at hinawakan ang mga kamay ko.

Oo nga pala. Zainy Mae Limjoco—ito ang pangalan ko. Parang ang tagal na simula nang may tumawag sa pangalan ko.

"Mukhang kahit nandito ka na sa Treso, hindi ka pa rin marunong magpahinga. Sabihin mo nga, gaano ka katagal sa Segundo?" tanong niya sa akin at tinitigan ako sa mata.

"Isang araw po," agad kong sagot kahit na may pagtataka. Anong ibig sabihin niya na hindi ako marunong magpahinga?

Sa totoo lang, sobra-sobra na 'yung isang araw na pahinga ko sa Segundo. Noong mga unang oras ko nga sa Segundo, hindi ako mapakali at naghanap ako ng malilinis o maaayos habang nandoon, pero wala eh. Pahinga lang talaga ang puwedeng magawa doon kahit na napakagarbo ng lugar.

"Bakit gusto mo nang tumawid sa Celestial? Hindi ba't mas maganda kung susulitin mo ang Treso? Ayaw mo bang makisalamuha sa kanila?" tanong niya ulit na para bang may gusto siyang ipahiwatig. Pero ngumiti lang ako sa kaniya at umiling.

"Alam kong mas magiging payapa ako kapag nalagpasan ko na ang Transcendence," sagot ko.

Saglit siyang natahimik bago malawak na ngumiti.

"Talagang nahasa na ang pananampalataya at moralidad mo, Zainy. Sa Treso kasi, kapag mas lalo mong gustong manatili dito, mas tataas ang tsansa na ipatapon ka sa Impyerno dahil maraming tukso sa level na 'to," mahabang litanya niya na siyang ikinagulat ko. Mukhang hindi kasama ang impormasyon na 'to sa self-consciousness of the dead.

"Tama, walang ibang nakakaalam nito," biglang sabi niya marahil dahil binasa niya ang nasa isip ko.

"Kung gano'n, puwede na ba akong tumawid?" tanong ko sa kaniya.

Pero imbes na sumagot ay bigla siyang kumumpas at isang busog ang lumitaw sa kamay niya. Muli siyang kumumpas at isang palaso naman ang nalikha niya. Binanat niya ang tali nito at inasinta...sa akin?

Teka! May nagawa ba ako para asintahin niya?

"May nagawa ka nga, Zainy. Pero 'wag kang mag-alala dahil ang pana ko ay hindi ginawa upang manakit," sabi niya at pinakawalan ang palaso na tumama sa kaliwang dibdib ko. Napahawak ako rito dahil sa gulat kahit hindi naman ako nasaktan.

"Sobrang napahanga mo talaga ako, lalo pa dahil alam kong sakripisyo ang dahilan ng pagkamatay mo. Kaya naman binigyan kita ng isang pagkakataon para magawa ang hindi mo nagawa sa mundo..."

"...at ito ay ang magmahal."

Ha? Anong...?

"Sa madaling salita, bibigyan kita ng isa pang pagkakataon para mabuhay muli at maranasang magmahal. Pero, may kailangan kang gawin–" dugtong niya pero pinutol ko ang salita niya.

"Pasensya ka na, St. Valentine. Pero hindi ko kailangang mabuhay ulit," mariin kong sabi.

"Sandali, hindi mo pa naririnig ang–"

"Sorry kung ma-o-offend kita, pero kung bored ka, huwag ako ang abalahin mo. Hindi ko kailangan ng pagkakataon na 'yan. Ang kailangan ko, makatawid na at makapagpahinga nang walang hanggan," malamig na sabi ko.

Mabubuhay ulit para maranasang magmahal? Nakakatawa. Baliw lang ang papayag sa kondisyon na 'yan. Bakit ko pa pipiliing bumalik kung malapit ko nang makuha ang kapayapaan?

"Magagawa mo bang maging mapayapa kung ito ang sitwasyon ng iyong ina, Zainy?" tanong ni Saint Valentine dahil mukhang binasa niya ang iniisip ko.

Kumumpas ulit siya at biglang lumitaw ang hugis puso na liwanag. Napasinghap ako nang ipinakita nito ang kalagayan ng ina ko.

"M-mama..." wala sa sariling usal ko at akmang hahawakan ko na sana ang liwanag nang magsalita si Saint Valentine.

"Ito ang kalagayan ng ina mo ngayon," saad niya.

Tagaktak ang pawis ni Mama habang kinukuskos ang dingding ng isang cubicle. Sa pagkakatanda ko, isa ito sa mga dating trabaho ni Mama, pero pinatigil ko na siya kasi masyadong nakakapagod ito. Bakit bumalik na naman siya sa trabahong ito?

"Dahil sa sakripisyo mo, pitong tao ang nakatanggap ng organs na idinonate mo, Zainy. Pero dahil labag sa batas na bigyan ng kompensasyon ang ina mo, ang kakarampot na government assistance lang ang natanggap niya–kulang na kulang pa sa pagpapalibing mo pa lang," dugtong niya na mas ikinalugmok ko.

Hindi naman ako humihingi ng kapalit sa pagdodonate ko, pero bakit gano'n? Bakit paghihirap para sa ina ko ang kapalit ng pagkamatay ko? Sa totoo lang, hindi naman ako magagalit kung hindi ako mabibigyan ng maayos na libing kung ito ang magpapaginhawa kay Mama.

"Gaya ng sinabi ko, hindi ko na kailangang mabuhay ulit at maranasan ang pagmamahal na sinasabi mo. Pero kung napahanga talaga kita at may gusto kang gawin para sa'kin, ang hihilingin ko ay ang matapos na ang paghihirap ng ina ko. Hindi ba puwede 'yun?" tanong ko, nagbabakasakaling mapagbigyan niya ako. Pero sa halip na sagutin ako ay muli niyang ikinumpas ang kamay niya at nawala na ang hugis-puso na liwanag kung saan ko nakita ang sitwasyon ni Mama.

"Gustuhin ko mang tulungan ka sa paraang iyan, pero hindi kami maaaring mangialam sa kapalaran ng mga buhay. Maaaring masira ang balanse at daloy ng buhay at kamatayan kung lalabag kami sa batas ng Yong. Sa totoo lang, ito ang unang beses na nag-alok ako ng tulong sa isang kaluluwa," paliwanag niya at saka tumingin sa kawalan.

"Sa dinami-daming namayapang kaluluwa na dumaan dito, ikaw lang ang kaisa-isang nilalang na mayaman sa pagmamahal, ngunit hindi naranasang magmahal. Bagamat pasado na ang moralidad mo sa Celestial, paniguradong mahihirapan kang makamit ang payapang walang hanggan kung wala kang pagmamahal," dagdag pa niya at ibinalik ang tingin sa akin. Pero hindi ako nagpatalo at nakipagtagisan ng tingin dahil nagpintig talaga ang mga tenga ko sa sinabi niya.

Ako? Hindi pa nagmamahal?

"Nagkakamali ka. Mahal ko ang ina ko kaya hindi mo puwedeng sabihing hindi ko pa nararanasang magmahal," giit ko sa kaniya.

"Alam mong hindi pagmamahal na para sa iyong ina ang tinutukoy ko, Zainy. At sigurado akong alam mo rin kung ano ang ibig kong sabihin," sagot niya at nginitian ako.

Okay, fine. Alam kong hindi ko naranasang magkaroon ng karelasyon, o kahit magka-crush man lang. Pero wala akong oras para sa mga bagay na 'yan sa loob ng dalawampung taon na pamumuhay ko. Simple lang.

Dahil wala akong pribilehiyong magpahinga.

"Sige, sabihin na nating papayag ako. Ano bang dapat kong gawin?" tanong ko at ipinagkrus ang mga braso ko.

Huwag niya lang talagang sabihing kailangan kong makipagrelasyon o gumawa ng kung anumang kababalaghan. Iniisip ko pa lang, kinikilabutan na ako.

Parang awa, Saint Valentine.

At mukhang binasa na naman niya ang iniisip ko dahil napahalakhak siya.

"Haha! Oo naman, Zainy. May awa ako. Kaya nga saglit lang ang ibibigay kong panahon para mabilis mong matapos ang kondisyon ko," tatawa-tawa niyang sabi at ikinumpas ulit ang kamay niya.

"Zainy Mae Limjoco. Sa ngalan ng pag-ibig, kailangan mong mapaibig ang isang lalaking hindi naniniwala sa pag-ibig. Isang lalaking nanganganib na mapariwara dahil sa poot na bumabalot sa kaniyang puso. Sa loob ng isandaang araw, pawiin mo ang puso niyang uhaw. Palitan mo ng pagmamahal ang galit sa puso niya. At sa oras na magtagumpay ka, walang pasubali kang mapupunta sa ikaanim na antas ng kabilang buhay, ang Divine. Kapag ikaw ay nabigo, ang buhay mo ay mabibilanggo. Kung handa ka nang bumalik, ang pana ko ay muling pipilantik," sabi niya na para bang nag-oorasyon. Parang bumalik ang tibok ng puso ko dahil sa kaba na hindi ko naman dapat maranasan kasi patay na ako.

Isandaang araw na misyon...

Mapaibig ang isang lalaking hindi naniniwala sa pag-ibig...

At mapupunta ako diretso sa Divine, imbes na sa Celestial pa lang...

Kung hindi ko magawa ang misyon, anong mangyayari?

"Mabibilanggo ka sa pagitan ng langit at impyerno kung saan walang katapusan ang kapanglawan," sagot niya sa katanungan ng isip ko.

Endless solitude...

"Puwede ko bang pag-isipan muna?" lakas-loob kong tanong.

"Siyempre naman. Pero kailangan mo nang magdesisyon bago pa bumalik si San Pedro dito. Dahil hindi na gagana ang kapangyarihan ko kapag bumalik siya aa balwarte niya," sagot niya.

"Gaano katagal bago siya bumalik?" tanong ko ulit.

"Hmm..."

"Sa loob ng labinlimang segundo..."

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at 'di ko napigilang magtaas ng boses, "Teka! 15 seconds?!"

"Ah...labintatlong segundo," walang kalatuy-latoy na sabi niya.

Okay, Zainy. Relax. Think.

Kapag bumalik ako, matutulungan ko si Mama. Sa isandaang araw, kailangan kong maisaayos ang buhay niya bago ako ulit mawala.

Kung hindi ko man magagawa ang misyon, mabubuhay ako mag-isa. Kaya ko naman siguro?

"Sampung segundo," muling wika ni Saint Valentine.

Hindi ko alam kung gaano kalala ang kapanglawan na sinasabi mo, Saint Valentine. Pero para sa ina ko...

...susugal ako.

Bago ko pa man sabihin ang desisyon ko ay nakangiti na si Saint Valentine.

"Alam mo na ang desisyon ko, Saint Valentine. Pumapayag na ako," sabi ko. Ikinumpas niya ang kaniyang mga kamay at muling lumitaw ang pana. Itinutok niya ang palaso sa akin at nagsalita ulit.

"Sa isang pilantik, ikaw ay babalik. Sa basbas ng kataas-taasan, humayo ka sa mundo ng nabubuhay," sabi niya at binitawan ang tali. Tumusok ang palaso sa kaliwang dibdib ko—paniguradong kung saan ang puso ko.

Isang tibok.

Dalawang tibok.

Tatlong tibok.

Unti-unting bumilis ang tibok ng puso ko—tanda na buhay na akong muli.

Kasabay nito ay ang pagtama ng liwanag sa aking katawan na unti-unting humarang sa aking paningin. Wala sa sariling hinarang ko ang kamay ko sa mga mata ko dahil sa pagkasilaw, pero maging ang katawan ko ang nagliliwanag na rin.

"Nawa'y maranasan mong magmahal at mahalin nang wagas," huling sabi ni Saint Valentine bago lamunin ng liwanag ang aking paningin.

[Itutuloy...]