Chapter 1
"If your crush let you date her, saan mo siya dadalhin?" Nakaupo kami ni Elian sa ilalim ng puno ng mangga, dinadama ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa balat namin. Tahimik siya, parang iniisip kung paano sasagutin ang tanong ko. Kaya inulit ko ito.
"Ang lalaking tulad kong walang sapat na pera, hindi kaya yung mga restaurant date. Siguro ipagluluto ko na lang siya ng masarap. Dadalhin ko siya sa bundok, sa paborito kong lugar, at gagawin ko ang lahat ng alam kong makakapagpasaya sa kanya."
Simple lang ang sagot, pero parang isang bilyong paru-paro ang biglang nagdiwang sa loob ng tiyan ko.
Uminom ako ng sabaw ng buko na hiningi namin sa Lolo niya. Si Elian, laking probinsya. Bata pa lang siya, apat na taon, nang mamatay ang mga magulang niya. Lumaki siya sa Lolo niyang si Adolfo.
"Bakit mo naitanong?" tanong ni Elian.
Ngumiti lang ako at tumingin sa malayo. "Alam mo ba, mas gusto ng ilang babae yung act of service kaysa sa mamahaling date?"
Napatingin siya sa akin, halatang nagtataka, pero agad ding ibinalik ang tingin sa abot-tanaw.
"Kailan mo balak bumalik dito sa amin?"
Napawi ang ngiti ko. Ayokong marinig ang tanong na iyon dahil ni ako, hindi ko alam ang sagot.
"Alam mo ba, noong sinabi ni Lolo na nandito ka," huminto siya saglit at huminga nang malalim. "Nasa palayan ako noon. Pero nang marinig kong bumalik ka, nagpaalam agad ako para puntahan ka."
Tahimik. Walang nagsalita sa aming dalawa. Pero kahit walang salita, sapat na ang presensiya niya.
Humiga siya sa damo at ginawang unan ang braso. "Masaya ako kapag nandito ka, Arielle."
Napatingin ako sa kanya, hindi sigurado kung tama ba ang narinig ko o baka guni-guni lang. Pinili kong manahimik. Ayokong umasa siya.
Hinintay naming lumubog ang araw. Gusto kong makita ang takip-silim kasama siya kahit sa huling sandali lang, dahil hindi ko alam kung mauulit pa ito.
"Hindi ka na ba babalik sa pag-aaral?" tanong ko, pilit na binabago ang usapan.
"Iniisip ko rin yan," maikli niyang sagot. "Pero ayokong iwan si Lolo. Mas gusto kong tumanda dito kasama siya."
Ramdam ko ang bigat ng boses niya, yung uri ng lungkot na hindi sinasabi pero nararamdaman. Yung pagmamahal na marunong magsakripisyo.
Tumango ako. "Pag-isipan mo nang mabuti. Pwede mo akong tawagan kung gusto mong mag-aral ulit. Tutulungan kita."
Ngumiti siya, at lumitaw ang biloy sa magkabilang pisngi. "Maraming salamat. Kapag nakapagdesisyon na ako, ikaw ang unang makakaalam."
Ang saya niyang pagmasdan. At habang tinitingnan ko siya, ang naisip ko lang, sana magkaroon pa ako ng pagkakataong makita ulit ang ngiting iyon.
"Ihatid na kita sa inyo?" alok ni Elian nang makababa kami sa bahay ng Lolo niya. "Huwag kang mag-alala, hindi ako gagawa ng masama." Nahihiya pa siyang ngumiti.
Bumaling kami pareho kay Lolo Adolfo na papalapit. "Bakit hindi ka muna magmeryenda, Arielle? Naglaga ako ng kamoteng kahoy," alok ni Lolo.
Sasagot na sana ako pero nauna si Elian. "Lolo, baka hindi sanay si Arielle sa ganitong pagkain. Baka sumakit ang tiyan niya." Napangiti ako. Maalalahanin talaga siya.
"Ah, ganoon ba?" sabi ni Lolo, tumango. "Sige, ihatid mo na siya. Hiramin mo yung motor ni Welberto."
Sumunod si Elian. Ilang minuto lang, nasa kalsada na kami, ako sa likod, nakayakap sa kanya.
"Pasensya na kung amoy pawis ako. Hindi na kasi ako naligo o nagbihis," sabi niya, halatang nahihiya.
Ngumiti ako. "Ano ka ba, ako nga dapat mahiya. Hindi ko na dapat hinayaang ihatid mo pa ako."
"Ayos lang. Baka sa susunod na taon pa ulit tayo magkita. At least ngayon, nakasama kita nang matagal. May dahilan na ulit akong maghintay."
Hindi ko alam kung bakit, pero biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ako sumagot. Sa halip, dahan-dahan kong inangat ang kamay ko at niyakap siya mula sa likod.
Kung pwede lang, sana hindi na matapos ito.
"Kahit isang beses lang tayong magkita sa isang taon, masaya na ako. Habang buhay kong babaunin yung mga araw na kasama kita, Arielle."
Ngumiti ako. Sa ngiti na 'yon ramdam ko ang bigat na nasa loob. Hindi ko maipaliwanag kung bakit, pero isa lang ang alam ko.
Mamimiss ko si, Elian.