KABANATA 01: Ang Anim na Prinsipe
Ken’s POV
Matagal na panahon na rin ang lumipas mula nang sumiklab ang digmaang iyon. Pero kahit ilang taon pa ang dumaan, hindi pa rin mabura sa isip ko ang mga mukha ng mga taong pinaslang, ang amoy ng nasusunog na lupa, ang sigaw ng mga ina na nagmamakaawa habang kinakaladkad ang kanilang mga anak.
Lahat iyon, nakabaon sa utak ko.
Parang multo.
Apat na taong gulang pa lang ako noon, isang batang mahina na walang magawa kundi ang umiyak. Ano nga bang laban ng isang paslit na kagaya ko sa isang mapanganib ng digmaan?
Habang naglalakad ako sa gitna ng tahimik na kagubatan, muling sumagi sa isip ko ang mga alaalang iyon. Pero agad akong nagising sa katotohanan nang marinig ko ang boses ng matandang lalaki sa tabi ko.
“Ayos ka lang ba, iho?” tanong niya, may halong pag-aalala sa tono.
Ngumiti ako kahit medyo pilit. “Ayos lang po ako. Tapos na po ang misyon ko rito. Mag-ingat po kayo.”
“Maraming salamat sa tulong mo, Prinsipe Ken,” sagot ng matanda, sabay yuko bilang paggalang.
Tumango lang ako, saka huminga nang malalim. Oras na para umalis.
Misyon.
Iyon lang ang alam ko sa buhay nitong nakaraang walong taon. Iyon lang din ang dapat kong gawin bilang isang prinsipe ng Zierra, ang maglingkod, magligtas, at magtanggol.
Dito sa Zierra, lahat ng prinsipe ay nagsisimula sa pag-aaral sa edad na apat hanggang sampung taon. Pagkatapos noon, walang pahinga. Diretso na agad sa mga misyon para sa mga mamamayan.
Mahirap, pero kailangan.
Binuka ko ang kamay ko. Sa sandaling iyon, isang maliwanag na apoy ang biglang sumiklab sa aking palad, umiikot at kumikislap na parang may buhay.
“Oras na para umuwi,” bulong ko sa sarili.
Itinapon ko ang apoy sa harapan ko at ilang segundo lang, naging isang umiikot na lagusan iyon. Nagliliyab, mainit, pero pamilyar. Hindi na ako nagdalawang-isip at tumalon ako sa gitna ng apoy.
Pagmulat ko, nasa loob na ako ng palasyo. Agad kong ipinasok muli ang apoy sa palad ko at naglaho iyon na parang bula.
“Kuya!”
Agad kong narinig ang boses na iyon, hindi ko kailangang lingunin para malaman kung sino.
Si Alvey, ang isa sa aking kapatid, ang bunso sa aming magkakapatid. Habang tumatakbo siya ay kitang-kita ko Ang kulay lila nitong buhok at mata na kumikinang.
Tumatakbo siya papalapit, may ngiti sa labi at parang batang sabik na sabik.
“Natapos mo na ang misyon mo?” tanong niya agad.
Ngumiti ako. “Oo. Inabot ako ng isang linggo pero ayos na. Wala nang problema.”
Sumimangot siya bigla.
“Kakatapos ko lang din. Pero hindi na ako natutuwa.”
Napataas ako ng kilay. “Bakit?”
Napabuntong-hininga siya at tumingala. “Kuya, sobrang init kanina, umiitim na ako. Hindi na maganda ‘yung kutis ko.”
Napailing ako. Seryoso? Iyon talaga ang iniisip niya?
“Bakit mo pinoproblema ‘yan? Hindi naman importante ‘yan sa misyon.”
“Importante ‘to! Hindi ako pwedeng lumabas sa kaharian kung pangit na ako!” reklamo niya habang inaayos ang buhok niya.
Napangiti na lang ako at ginulo ang buhok niya. “Sige, sabi mo eh.”
Nilampasan ko siya at naglakad na palayo.
“Kuya, saan ka pupunt—”
“Andito ka na pala.”
Tumigil ako. Ilang salita lang pero nakakapagpa-init ng dugo.
Paglingon ko, ayun na siya. Si Gregory. Nakataas ang kilay, halatang mayabang, at nakangisi pa. Ang berde niyang buhok ay kumikislap sa sikat ng araw.
“Ang bagal mo,” sabi niya habang papalapit. “Hindi ko aakalain na aabutin ka ng isang linggo sa napakasimpleng misyon.”
Napabuntong-hininga ako. “Wala akong gana makipagtalo sa’yo, Gregory. Kaya kung pwede, tumigil ka na.”
Umiling siya, nakangisi pa rin. “Wala naman akong ginagawang masama. Nagsasabi lang ako ng totoo.”
Si Gregory.
Pangalawa sa amin, at kung may kompetisyon lang sa pagiging mayabang, siya na ang kampyon.
“Tumigil na kayo.”
Sabay kaming napatingin nang marinig ang malamig na tinig ni Elbrus. Ang panganay. Ang seryoso. Ang tipo ng tao na hindi mo kayang lokohin kahit gusto mo.
“Wala naman kaming ginagawa, Elbrus,” mabilis na palusot ni Gregory. “Nagbibiruan lang kami.”
Umirap si Elbrus. “Hindi ako tanga, Gregory. Alam kong nakikipagtalo ka na naman kay Ken.”
Tahimik lang akong tumango. Ganyan talaga sila. Isa tahimik, isa sobrang maingay. Ako, nasa gitna.
“Kailangan niyo nang maghanda,” sabi ni Elbrus habang lumapit sa amin. “Ipinapatawag tayo ng ating Ina.”
Napatingin ako kay Alvey. “Panibagong misyon na naman?” tanong niya na may kasamang mahabang buntong-hininga.
“Hindi ko alam,” sagot ni Elbrus. “Pero lahat tayo ay ipinatawag.”
Natigilan ako. Lahat kami?
Ibig sabihin, pati ‘yung dalawa pa naming kapatid na bihira naming makita? Minsan lang kaming mabuo ng ganito.
Tahimik lang kami nang marinig naming biglang sumigaw si Alvey. “Ang ganda oh!”
Nilingon ko siya. Nakaturo siya sa labas ng bintana, kung saan daan-daang alitaptap ang nagliliparan, umiikot sa hangin na parang may sinasayaw na musika.
“Mukhang may nagpapatugtog na naman,” sabi ni Gregory, nakangiti habang nakatingin sa tanawin.
Napakunot ang noo ko. “Nagpapatugtog?”
Ngumiti siya. “Hindi mo alam? Si Cadel. Isa ‘yan sa mga kaya niyang gawin, ang kontrolin ang musika.”
Napatingin ako sa paligid. “Pero wala namang tumutugtog at wala akong naririnig na musika.”
Sumagot si Elbrus habang nakatingin din sa langit. “May ginagamit siyang instrumento para roon. Mukhang nagagandahan sa musika ni Cadel ang mga alitaptap.”
Parang sakto sa sinabi niya, may narinig kaming malamig na boses sa likod namin.
“Kumusta na kayo?”
Paglingon ko, andoon na si Cadel. Malamig ang aura, kalmado, parang walang emosyon. Kasama niya si Blair, na agad kong napansin dahil may dalang kakaibang aparato sa kamay niya na parang gawa sa kristal.
Si Cadel, pang-apat sa aming magkakapatid, Tahimik siya at mahilig sa musika. Si Blair naman ay ang pang-lima., siya ang pinakamatalino sa aming magkakapatid at laging may dalang kung anong imbensyon.
Ayun ang pagkaka-alam ko sa kanila.
“Wala ka pa ring pinagbago,” sabi ni Gregory, sabay tawa. “Tahimik ka pa rin.”
Hindi man lang kumurap si Cadel. “Makitid ang utak mo kung iisipin mong magbabago ako.”
Nakita kong nainis si Gregory, pero bago pa siya makasagot, sumabat si Blair.
“Sa halip na magtalo kayo, bakit hindi na lang tayo magmadali? Ipinapatawag na tayo ng Reyna.”
Tama siya. Sa dami ng nangyayari, muntik ko nang makalimutan ang dahilan.
Nagtinginan kaming lahat. Walang nagsalita. Pagkatapos ay sabay-sabay kaming naglakad papunta sa silid-trono.
Tahimik lang ang pasilyo. Ang tunog lang ng mga yabag namin ang naririnig.
“Kuya,” mahinang tanong ni Alvey, “ano kaya ang dahilan ni Ina para tawagin tayong lahat ng sabay-sabay?”
Tumingin ako sa kanya, saka umiling. “Hindi ko rin alam.”
Pero sa loob ko, ramdam kong may mabigat na dahilan. At kung ano man iyon… siguradong magbabago na naman ang takbo ng buhay namin.
Malapit na kami sa silid-trono. Ramdam ko ang kaba sa dibdib ko habang tinitingnan ang malawak na pinto sa harap namin.
“Handa na kayo?” tanong ni Elbrus. Kitang-kita sa mukha niya ang seryosong aura, pero ramdam mo rin ang presensya niya na parang pader na hindi mo basta matatawid.
Tumango kaming lahat. Kahit medyo kinakabahan, pinilit naming kumalma. Napabuntong-hininga ako at inayos ang postura ko, alam kong malaki ang magiging epekto ng mga susunod na sandali.
Binuksan ni Elbrus ang pinto at agad naming ramdam ang lamig sa loob. Hindi ito ordinaryong lamig, parang malamig na hangin na may kasamang awtoridad, isang bagay na nagpapakaba sa akin at sa iba. Pumasok kami ng sabay, at agad kaming bumungad sa kanya—ang mukha ng aming Ina. Ang Reyna.
Hindi kami nagdalawang-isip at sabay-sabay na umupo sa tamang pwesto at yumuko bilang paggalang. Si Alvey lang ang naiiba, pinagpag muna ang kanyang pantalon bago bumaba sa lupa at yumuko. Tipikal na ugali niya, palaging malikot kahit sa seryosong sitwasyon.
“Pagbati, Ina,” panimula ni Elbrus, malakas at malinaw ang boses. “Ano’t dahilan at pinapatawag niyo kaming anim?”
Pinagmamasdan ko ang Reyna. Tahimik lang siya, pero ramdam mo na nakikita niya ang lahat—ang bawat galaw, bawat damdamin. Ang mga mata niya parang kutsilyo na tumatagos sa bawat isa sa amin.
Hindi ko maiwasang kumalma at muling huminga ng malalim, ramdam ko ang bigat ng sandali. Parang bawat hakbang namin patungo sa kanya ay may kasamang tensyon. Kahit si Gregory, na laging mayabang at palabiro, bahagyang nagkibit-balikat, halatang nag-iingat sa bawat salita.
Si Cadel, tahimik at kalmado, nakatingin lang sa Reyna, parang walang nararamdaman. Pero alam ko sa sarili ko na may iniisip siya—ang galing niyang itago ang tunay na damdamin. Si Blair naman, abala sa paligid, siguro iniisip kung paano gagawa ng eksperimento habang nababagot.
Si Alvey, alam ko, hindi siya natatakot. Si Elbrus, parang bato. At ako… ramdam ko ang bigat ng responsibilidad sa dibdib ko, alam kong ang susunod na salita ng Reyna ay puwedeng magbago ng lahat.
Napapansin ko, mas mahigpit ang tawag ngayon… tila may mabigat na na misyon na kailangan gawin. Nakatitig na lang ako sa Reyna, handang tanggapin ang anumang sasabihin niya.