Prologue
I just have one dream...
A dream to fulfill the wish of most people.
To have a spotless, flawless, bright skin that no one can ever resist.
****
Binuklat ko ang isang notebook na naglalaman ng aking mga sekreto. Not the personal ones, but those things that happen before, during, and after my experiments.
Marami nang mga gamot na nagpapaputi ng balat. Kaya lumikha ako ng isang medisina na iba sa mga gamot na kinagisnan na ng mga tao. Hindi lang ito nagpapaputi, kundi tinatanggal nito ang mga hindi kaaya-ayang bagay na tumutubo sa balat gaya ng tigyawat, white and black heads, at nagpapaliit din ito ng mga pores kaya magiging makinis at maputi ang balat ng isang tao kapag makainom nito.
Napapangiti ako habang nagsusulat sa aking diary.
Napabahing ako nang kumati ang ilong ko. Napapunas ako ng tissue saka inishoot ito sa basurahan. Allergic kasi ako sa alikabok at madali akong sipunin. Sa katunayan, sinisipon ako ngayon at kailangan ko na palang uminom ng gamot.
Tumayo ako at nagtungo sa isang cabinet para kumuha ng gamot. Nandito kasi sa laboratoryo nakalagay lahat ng mga gamot ko kaya hindi ko na kailangan pang pumunta sa kuwarto ko para kunin 'yon. At parang kuwarto ko na rin pala 'tong laboratoryo dahil halos hindi na ako lumalabas dito.
Pagkabukas ko ng cabinet, inabot ko kaagad ang lalagyan ng gamot. Napabuga ako ng hangin nang makitang isa na lang ang gamot ko sa sipon. Kailangan ko nang bumili sa botika.
Bago ako lumabas, napatingin ako sa counter na puno ng mga kemikal. Mga kemikal na ginagamit ko sa aking eksperimento. Kompleto silang lahat at nabili ko sa mahal na presyo.
Napangiti ako nang dumapo ang tingin ko sa isang bote na laman nito ang pinal na gamot na aking nilikha. Mamaya ko na siya gagamitin kapag gumising na ang experimental subject ko.
Pagkalabas ko ng laboratoryo, nagpaalam ako sa aking anak na pupunta ako sa botika.
Sumakay ako sa sasakyan dahil medyo malayo ang botika mula sa bahay namin. Habang bumabiyahe, naalala kong may mga kulang pala akong mga kemikal kaya bibili na lang ako roon.
Tumagal ako ng ilang minuto sa botika dahil sa haba ng pila. Pero mabuti lang nakasakay ako agad pauwi.
Dumeretso ako sa aking laboratoryo saka inilagay ang gamot at ang mga kemikal sa kanilang mga lalagyan.
I rubbed my palms together while grinning. Kating-kati na akong subukan ang medisina na aking nilikha sa isang nilalang na pinulot ko sa daan.
Kinuha ko ang isang napakaimportanteng dokumento kasama ang ballpen sa lamesa. Pero napakunot ako ng noo nang medyo umiba ang pakiramdam ko nang tumingin ako sa mga kemikal na ginagamit ko sa eksperimento. Mukhang may hindi tama.
Pero nagkibit-balikat lang ako saka naglakad palayo.
Now that I'm in the phase 2 clinical trial, I need a human for testing. Grabe, ilang hayop din ang napatay ko noon para masigurado ang safety ng gamot. At ngayon, aalamin ko na kung magwo-work ba ang gamot sa tao.
Pumunta ako sa isang maliit na kuwarto na ang tanging dingding ay kurtina. Hinawi ko ito at tumambad sa'kin ang isang babae na nakahiga sa kama at kagigising lang. Tinurukan ko siya ng pampatulog para kumalma at nilagyan naman ng busal ang bibig para hindi sumigaw noong dinala ko siya rito. Nagpupumiglas siya sa kama habang masamang nakatingin sa'kin.
"Ssshhh..." mahinang bulong ko sa babae habang hinihimas ang ulo niya. Teenager siya na hindi pinagpala sa kakinisan at kaputian ng balat kaya swak-na-swak siyang tester sa aking medisina. "Hindi kita sasaktan. Palalayain din kita mamaya. At hindi pa 'yan, bibigyan pa kita ng pera. Five thousand pesos." Ngumiti ako.
Pagkarinig niya ng 'pera', kumalma ang dalaga saka gumaan ang tingin sa'kin. Mas lalo akong napangisi. Halos lahat ng tao ay kahinaan ang pera. Pero hindi lang yan ang armas ko. Malalaman niya kapag may plano siyang tumakas.
"A-Ano ang gagawin n'yo sa'kin?" nauutal niyang sambit. Bakas ang takot sa kaniyang mga mata.
"Simple lang naman." Ipinakita ko ang ballpen at papel. "Pipirma ka dito, ineng."
Lumipat ang tingin niya sa papel. "Ano po 'yan?"
Hinaplos ko ang buhok niya. "Para makuha mo ang five thousand pesos, pipirma ka lang dito." Hindi ko sinagot ang tanong niya. Alam kong kakagat siya sa perang inaalok ko sa kaniya.
"S-Sige po."
Napapangiti akong kinalagan ang isang kamay niya na nakatali sa gilid ng kama saka pinaupo siya.
Pero sa hindi inaasahang pangyayari, biglang dumapo ang kamao niya sa pisngi ko na dahilan ng aking pagkahilo at muntikang pagtumba sa sahig. Mabuti na lang at nakabalanse ako.
"Putangina," malutong kong mura habang sapo-sapo ang namamagang pisngi.
Pilit niyang kinakalas ang tali sa kaniyang isang kamay. Nanginginig siya at halatang gustong-gusto nitong makawala.
Nang makabawi, tumakbo ako sa aking lamesa at kinuha sa drawer ang isang .45 ACP na baril.
"'Wag kang gagalaw!" sigaw ko sabay tutok sa kaniya ng baril.
Natigilan naman ang dalaga at ipinako ang tingin sa baril.
"Ayaw mo ba ng five thousand, ha?"
"Gusto ko nang umuwi!" garalgal ang boses niya.
"Uuwi ka pagkatapos nito," may diing sambit ko. "Hija..." tawag ko saka hinawakan ang nanginginig niyang mga kamay. Pero nakatutok pa rin ang baril sa ulo niya. "Hindi kita sasaktan kapag susunod ka lang sa'kin. Kaya ngayon, permahan mo na 'yang papel na 'yan para makauwi ka na."
Tiningnan niya lang ako saka dahan-dahang tumango. Nakita kong napalunok ang dalaga saka yumuko.
Napangiti ako. Ibinulsa ko ang baril saka kinuha ang papel at ballpen at ibinigay sa kaniya. Alam kong mali ang ginagawa ko pero mas makakamura ako sa ganitong paraan. Mahal ang bayad sa isang human tester at wala akong budget para roon kaya ito ang naisip kong solusyon. Kidnapping.
"Marunong ka bang magsulat?" tanong ko nang mapansing tinitigan niya lang ito.
"Opo. Tinuruan ako ng ate ko."
"Sige. Permahan mo na 'yan."
Mas lalong lumapad ang ngiti ko nang isinulat niya ang unang letra hanggang sa tuluyang napermahan niya ang dokumento.
Agad ko itong kinuha saka inilagay sa lamesa. Dinakma ko ang kamay niya at itinali ulit sa kama. Nagpupumiglas siya pero hindi niya makayanan ang lakas ko.
"Ang sabi mo makakauwi na ako 'pag napermahan ko na 'yong papel!" asik niya sa pagmumukha ko.
Hindi ako nagsalita kundi binusalan ko ang bibig niya.
Nagmadali akong pumunta sa lamesa saka kinuha ang syringe at nilagyan ito ng Cleoprine—ang medisina na nilikha ko.
Bumalik ako sa kuwarto at nagpupumiglas pa rin ang dalaga sa kama dahil desperadong makawala.
Hindi ko siya binigyan ng pampatulog dahil gusto kong makita ang resulta ng gamot sa gising na tao. At may pampaantok naman ang gamot kaya makakatulog siya mamaya.
Hinawakan ko ang braso niya at ipinilit na patigilin ito sa paggalaw.
Itinusok ko ang syringe sa ugat niya saka ipinasok ang gamot. Napaigtad ang dalaga at mas lalong nagwala na parang sinasapian ng demonyo nang hinugot ko ang wala ng lamang syringe. Matapos ang ilang minuto, nanghina siya at tumigil sa pagwawala saka tuluyang nawalan ng malay.
Tiningnan ko ang balat niya. Hindi pa umeepekto ang gamot. Siguro aabutin pa ito ng ilang oras.
Lumabas ako sa laboratoryo at ni-lock ito. Pumasok ako sa kuwarto ko na katabi lang ng laboratoryo saka umupo sa kama. 6 PM na pala. Iidlip muna ako.
Naalimpungatan ako nang may narinig akong kumalabog sa kabilang kuwarto. Agad akong bumangon at tumakbo papunta sa laboratoryo.
Halos hindi ko pa maipasok ang susi sa padlock dahil sa pagkataranta. At nang mabuksan ang pinto, nagimbal ang sistema ko sa aking nakita.
Nagkalat ang mga gamit at nabasag ang ilang mga bote ng kemikal sa sahig. Nakataob na ang mga lamesa at upuan. Punit-punit na ang kurtina at wala na sa tamang puwesto ang kama. Gulong-gulo ang paligid at wasak ang halos lahat ng kagamitan.
At ang pinakamasama sa lahat ay...
Wala na ang babaeng tinurukan ko ng gamot.
Humakbang ako habang iginagala ang tingin sa paligid.
Hindi ko na siya makita. Wala na siya rito.
Napatigil ako nang makita ang basag na bintana. May bakas ng itim na likido ang talim ng salamin.
Napaluhod ako, nanlulumo at parang binagsakan ng langit at lupa.
Hindi ko alam kung ano ang naging epekto ng gamot. Pero hindi ito ang inaasahan kong resulta. Hindi ito ang gusto kong makita.
Hindi ko alam pero masama ang kutob ko sa mga oras na ito.