Prologue
POV: MAVI
May dalawang klase ng tao sa mundong ito: ang mga nakatayo sa ilalim ng liwanag, at ang mga katulad ko na mas gustong manatili sa anino habang pinagmamasdan silang lahat.
Mula rito sa dulo ng hallway, nakikita ko sila. Ang mga 'Hari' ng unibersidad na ito. Ang mga lalaking akala mo’y hindi marunong yumuko. Ang mga atletang tinitingala, ang mga matatalinong kinatatakutan, at ang mga lider na sinusunod. Ang yayabang nila. Ang tataas ng lipad. Pero alam ko ang isang bagay na hindi nila alam.
Bawat tao, gaano man katayog ang tingin sa sarili, ay may 'trigger.' Isang lihim, isang kahinaan, o isang pagnanasa na kapag nahanap mo... magiging alipin mo na sila habambuhay.
Dahan-dahan kong binuksan ang hawak kong asul na notebook. Blangko pa ang mga pahina nito, pero sa isip ko, nakaukit na ang labindalawang puwesto na kailangang punan.
Isang anino ang lumapit sa akin—isang lalaking halos doble ang laki sa akin. Sa labas, mukha siyang matapang, ang tipo ng lalaking hindi uurong sa kahit anong laban. Pero sa loob ng silid na ito, sa pagitan naming dalawa, wala siyang laban.
"Master..." bulong niya.
Ang boses niya ay nanginginig, tila humihingi ng permiso kung pwedeng huminga. Ang sarap pakinggan.
Hindi ako sumagot. Umupo lang ako sa table at marahang tinapik ang aking hita. Senyales na kailangan na niyang gampanan ang papel niya. Mabilis siyang lumapit at sumunod. Nang maramdaman ko ang init ng kanyang katawan habang kumakandong ako sa kanya, isang mapait na ngiti ang sumilay sa aking mga labi.
Ang sarap sa pakiramdam. Ang makitang ang isang taong sinasamba ng lahat ay nagiging isang 'trono' lang sa ilalim ko.
Hinawakan ko ang kanyang panga at pilit siyang pinatingala sa akin. Pinagdikit ko ang aming mga noo hanggang sa maramdaman ko ang mabilis niyang paghinga.
"Huwag kang kukurap," bulong ko sa kanyang tenga. "Dahil sa larong ito, ako ang nagsusulat ng katapusan mo."
Binuksan ko ang unang pahina ng notebook. Inihanda ko ang aking ballpen. Hindi ko pa isusulat ang pangalan niya—hindi pa muna. Mas gusto ko silang panoorin habang wala pa silang kaalam-alam na ang kanilang Master ay naglalakad na sa tabi nila.
Ang koleksyon ay magsisimula na. At kapag natapos ko ang huling pahina... ang buong unibersidad na ito ay luluhod sa paanan ko.









excited for the stories
Author pls gawan mo pa po sana etong story mo..thanks