Prologo
Prologo
Sa isang tahimik na sulok ng Barangay Samyonikar, doon sa probinsya ng Ibalon Sur, may isang matandang puno na parang may sariling orasan. Kada sampung taon lang ito tinutubuan ng isang bulaklak, at kapag nangyari ’yun, kakaibang bango ang maaamoy sa buong baryo.
Naniniwala ang mga matatanda na kung patutuyuin mo ang bulaklak at ihahalo sa tsaa, maaaring magkaanak ang babaeng hirap mabuntis.
Pero sa likod ng ganda at kakaibang amoy ng bulaklak na ito, may kuwentong binubulong na ito raw ay may kapalit.
Si Joe Martin Hilario at ang asawa niyang si Grace Hilario, matagal nang sumusubok na magkaroon ng sariling anak. Sa Maynila sila nakatira noon, pero walang nangyayari. Kaya naisipan nilang umuwi sa probinsya, magpakonsulta sa matandang albularyo na si Mang Tasyo.
“Joe, anak, ’yung puno... mamumulaklak na,” sabi ni Mang Tasyo sa kanila nang dumating sila sa bahay nito. “Ito ang sagot sa dasal niyo.” Dagdag nito.
Tamang-tama, parang tadhana. Pinuntahan nila ang puno sa gitna ng gabi, habang ang buwan ay buong-buo. Pinulot ni Joe ang bulaklak na kumikinang sa dilim, at sa tulong ni Mang Tasyo, pinatuyo at ginawang tsaa.
“Inumin mo ’to, Grace,” bulong ni Joe sa asawa niya, habang hawak ang kamay niya. “Para sa atin ’to. Maniwala kang magkakaanak na tayo.”
Ininom ni Grace ang tsaa na may halong dinikdik na katas ng bulaklak, at hindi nagtagal, pagkalipas ng mga buwan, nabuntis ang asawa niya. Masaya sila, parang bagong buhay ang nag-aantay sa kanila. Pero... may kabayaran pala ito.
Sa panganganak, lumaban si Grace hanggang huli, pero binawian siya ng buhay.
“Grace... wag mo akong iwan,” hikbi ni Joe habang hawak ang bagong silang na sanggol.
Naiwan si Joe na mag-isa, hawak ang anak na siyang tanging alaala ng kanilang pag-ibig. At sa likod ng lahat, parang may lihim na ngiti ang punong ’yun, na alam lang niya ang totoong kabayaran ng milagro.