SIMULA
Lampara Sa Alipapay — Simula
1993
INAYOS ni Pia ang strap ng sando nang mahulog ito sa kanang balikat at pagkatapos ay ang buhok naman niya ang inayos niya at nilagay sa kanang balikat. Aalis siya at handa nang tutungo sa sapa upang maglaba ng mga maduming damit.
“Pia, nakausap mo na ba si Oscar?” tanong ng kapitbahay niya at may dala-dala itong batya habang nakatingin sa kanya.
“Hindi pa, baka uuwi iyon bukas ng hapon.” sagot naman niya rito.
“Oh, ’di ba, tuwing linggo umuuwi iyon gaano man kahirap sa Manila?”
Isang construction worker si Oscar sa isang malaking kompanya sa Manila, masipag at mabait na asawa. Hindi na bago sa kanya na umuuwi ito ng matagal at kung minsan ay isang buwan pa. At dahil may tiwala siya rito ay hindi niya ito tinatanong nang kung anu-ano.
“Palagi na ’ata iyan?” mausisang tanong ng kapitbahay niya sa kanya. “Hindi pa rin ba nagkakalaman iyang sinapupunan mo? Hindi ka na nadidiligan-”
“Mawalang galang na ho tiyang Sita,” ani nang pamangkin nitong si Vic.
Anak si Vic ni Malou—ang namayapang kapatid ni Sita at kasalukuyang nagbabakasyon sa isla Alipapay. Ang bayan kung saan ang lahat ng mga tao roon ay namumuhay ng masaya at tuwing linggo ay may mga piging, nagdadasal at kung anu-ano pa.
“Ikaw pala, hijo, ang guwapo mo talaga! Sasama ka ba sa akin?” maaliwas ang mukha ni Sita nang itanong iyon sa pamangkin.
Hindi naman maiwasang pagmasdan ni Pia ang binata, mas matanda tingnan ang asawa niya rito ngunit may itsura naman si Oscar. Si Vic ay matangkad at guwapo. Siguro’y laking maynila talaga at hindi sanay sa probinsiya kumpara sa asawa niyang si Oscar.
Napailing si Pia at nag-iwas ng tingin nang bumaling ang tingin nito sa kanya. Kinuha na niya ang batya at handa na upang umalis tungong sapa.
“Sige,” anito at nakatingin pa rin sa kanya. “May gagawin pa ako dito at bibiyakin ang iilang kahoy...”
“Ganoon ba o siya sige at maiwan na muna kita, sasabay na ako kay Pia!”
Iniwas niya ang tingin sa mga ito at nauna ng maglakad. Tuwing umaga ay ganoon ang trabaho niya, babangon, maglilinis, maglalaba at magluluto ng sariling pagkain.
Simula noong nakaraang buwan ay sinanay na niya ang sarili na wala si Oscar sa paligid. Hindi niya ito matawagan madalas dahil napakalayo ng city sa lugar nila para matawagan lamang ito sa maynila. Kung uuwi naman ito ay sakay naman ito ng bangka. Tatawid pa sa Samar bago marating ang lugar nila.
Tanging telepono ng kompanyang pinagtatrabahuan nito ang mayroon siya at tiwala sa asawa.
“Pasensiya ka na ha, alam mo naman ang pamangkin kong iyon ay napakasipag na bata! Pinalaki ni Ate Malou ng maayos, sayang lang at hindi sila nagkatuluyan ni Carlitos Geminez ang ama ni Vic.” Kuwento nito sa kanya.
Sa paglalakad niya ay hindi niya maiwasang hindi magtanong.
“Kailan pa ho siya umuwi dito?”
Masayang tumawa ng mahina si Sita at masiglang nagkuwento uli. “Kagabi pa. At mamaya ay may katuwaan o kaunting salu-salo. Pumunta ka ha? Para naman hindi ka malungkot diyan sa barong-barong ninyo ni Oscar!”
Napakamot siya sa kanang balikat. At naalala ang sinabi ni Sita kanina sa kanya. Ilang buwan na silang kasal ni Oscar ngunit hindi pa rin sila nabibigyan ng anak. Bigla ay pinanghinaan siya ng loob at naisip ang asawa niya.
“Wala ba siyang pinagkakaabalahan sa buhay?” tanong niya kay Sita nang marating na nila ang sapa. At ang haligi niyon ay malinis pa rin kahit noong isang araw pa niya iniwan.
“Isang pintor ang pamangkin ko, Pia,” pagmamayabang nito. “Kaya siya narito sa bayan ng Alipapay ay para makatuklas ng ganda sa bayan natin. Malay mo, sisikat pa itong tagong lugar natin at maraming dadayo!”
Pintor. Naririnig niya ang salitang iyon sa ilang kabataan sa bayan nila. Mahirap lang si Pia at palaboy nang mamatay ang mga magulang niya sa gumuhong lupa o landslide noon sa Alipapay. Kaya hindi na siya magtataka kung bakit ay wala siyang kaalam-alam sa mga ganoong bagay.
“Ilang taon na ba ang pamangkin n’yo?” tanong niya uli rito at nagsisimula ng maglaba.
“Naku, Pia, dalawampu’t siyam at binata! Walang asawa si Vic, sayang nga at dapat nakapag-asawa na siya kung hindi lang namatay ang nobyang si Maureen noong kasagsagan ng bagyo sa Manila at nadamay sa mga namatay-”
“Patawad.” Mahinang sambit niya rito.
“Ayos lang, ano ka ba? Hindi talaga maiwasan ang ganoong klase ng kalamidad.” Mayamaya ay tumahimik ito at nilagyan ng tubig galing sapa ang sariling batya. “Ikaw, Pia, masaya ka ba sa pinili mong buhay?”
Napalunok siya bigla sukat nang marinig ang sinabi ni Sita at kanina tungkol sa asawa niya ay hindi na ito mawala sa isip niya. “Bakit naman ho ganyan ang tanong n’yo sa akin?”
“Ang ganda mong bata at sayang ka. Sa Manila alam mo ba ay maraming oportunidad? Makinis ang kutis mo, malaki at bilugan ang dibdib pati na ang balakang saka ang baywang mo ay seksi rin tingnan! At dagdag mo na ang tangkad mong iyan saka ang puwit, Pia-”
“Pinagloloko n’yo naman ako, Aleng Sita!” tumawa siya sa mga pinagsasabi nito ngunit hindi niya nakikitaan ng biro ang mukha nito. Bumuntong-hininga siya at nag-iwas ng tingin rito.
“Ilang taon ka na nga ba, Pia? Bente?”
Marahan siyang tumango at nahiya pagkatapos. Alam niyang iilan lang sa lugar nila ang nakakaalam na may asawa siya at iilan rin na hindi alam ang tunay na dahilan kung bakit nagsasama sila sa iisang bubong ni Oscar. Para sa kanya ay isang biyaya si Oscar na binigay sa kanya.
Isang mangingisda noon si Oscar nang makilala niya at madalas ay hatiran siya nito ng mga huli nito hanggang sa natutuhan niya na rin itong sagutin sa mga panliligaw nito sa kanya.
“Hindi ka ba nalulungkot sa tuwing hindi umuuwi si Oscar sa’yo? Kahit ang rason ay sa maynila siya nagtatrabaho?”
Marahan siyang umiling. “Hindi naman, Aleng Sita, may tiwala naman ako kay Oscar. At sa loob ng anim na buwan na nagsasama kami sa iisang bubong ay hindi ko naranasan na mag-isip nang kahit anu-anong negatibo tungkol sa kanya at sa trabaho niya doon sa Manila. Hindi naman niya pinaparanas sa akin ang kalupitan.”
“Ganoon ba? Masuwerte pa rin sa’yo si Oscar dahil sa edad niyang trenta ay maganda ang asawa at masipag pa-”
“Hindi naman ho...”
“Naku, Pia, huwag ka nang mahiya. Totoo naman! Kung hindi mo nakilala si Oscar ay baka maibigan kitang ipagkasundo sa nag-iisa kong pamangkin...”
Ang huling sinabi nito ay nagdulot ng maraming katanungan at kalituhan sa isip niya...








