KABANATA 1 “ANG SIMULA”
“Halika na rito Victoria, nakahanda na ang mesa para sa almusal!” tawag ni Loleng sa anak na nagdidilig ng halaman sa kanilang bakuran.
Nakangiting lumingon sa kanya si Victoria. Ang anak niya, napakaganda. Ang nag-iisa niyang kayamanan. Bata at puno ng pangarap. Sino ba naman ang makapagsasabi na sa kabila ng pagiging mangkukulam niya ay mabibiyayaan siya ng isang kagaya ni Victoria.
Oo, isa siyang mangkukulam at nagmula siya sa angkan ng mga mangkukulam. Ang kapangyarihang minana niya sa kanyang ninuno, hindi niya alam kung masasabi o matatawag ba niyang sumpa ang kapangyarihang mayroon siya. Pero siguro kung siya ang tatanungin mas pipiliin niyang regalo iyon. Ang totoo kasi, nakuha niya ang ama ni Victoria gamit ang kapangyarihan niya. Sa naisip ay napangiti si Loleng.
Si Victor ang ama ni Victoria ay isang magsasaka. Napaka-gwapo nito at masasabi niyang kamukhang-kamukha ng anak niya. Nakilala niya ang lalaki dahil nagtitinda siya ng kakanin sa bukid. Naging malapit sila at noon nga niya nalaman na iba ang babaeng gusto nitong ligawan.
Hindi naging katanggap-tanggap para kay Loleng ang rebelasyong iyon. Dahil nang mga panahong iyon ay talagang hulog na hulog na ang loob niya kay Victor. Wala sa plano niya na gamitan ito ng salamangka bukod pa sa katotohanang hindi pa siya nasasalinan ng kapangyarihan ng kanyang ina nang mga panahong iyon. Kaya kahit hindi niya gusto, hiningi niya sa nanay niya ang kapangyarihang alam niyang mapupunta rin naman sa kanya.
Kalahati ng kapangyarihan ng nanay niya ang isinalin nito sa kanya. Iyon ay upang hindi ito tuluyang mamatay. Pagkatapos niyon ay ginawa na nga niya ang balak. Naging kanya si Victor, inanakan siya nito. Pero dahil nga hindi buo ang kanyang kapangyarihan ay hindi ganoon kalakas ang pag-ibig na naitanim niya sa puso ng lalaki. Sa madaling salita, iniwan siya ni Victor para sa babaeng tunay nitong iniibig.
“Pag-ibig, tunay na pag-ibig lamang ang may kapangyarihang talunin ang akin salamangka—ang aking kapangyarihan,” bulong ni Loleng habang pinanatili ang paningin sa kanyang anak.
“Gumawa ka ba, Inay ng kapeng bigas?” ang masayang tinig ni Victoria nang makalapit ito sa kanya.
Buong pagmamahal na hinagod ng tingin ni Loleng ang magandang mukha ng kanyang anak. “Oo naman. Alam kong paborito mo iyon,” sagot niyang iginiya ito pagkatapos papasok.
Magkaharap na sila sa hapag nang muling magsalita si Loleng. “Magko-kolehiyo kana sa susunod na pasukan, anak,” pagsisimula niya.
Takang napatitig sa kanya si Victoria. “K-Kolehiyo?” anito, halata sa tinig na hindi makapaniwala sa narinig.
Bilang tugon sa katanungang iyon ng kanyang anak ay tumango si Loleng. Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang maiitim na mga mata ni Victoria. Nangingislap ang mga iyon dahil sa labis at hindi maipaliwanag na kaligayahan.
“A-Anong kurso ba ang nais mong kunin kung sakali?” tanong niya.
Ang tanong niyang iyon ang muling nagpahinto kay Victoria. Sa pagkakataong ito, sa gagawin sana nitong paghigop ng mainit na kapeng bigas na paborito ng dalaga.
“Seryoso ka ba, Inay?” ang hindi makapaniwala pa rin nitong tanong-sagot.
Natawa ng mahina si Loleng. “Oo naman.”
“Saan tayo kukuha ng pera?” tanong ni Victoria.
Inasahan na iyon ni Loleng. Hindi naman kasi nalingid kay Victoria ang kahirapan ng kanilang buhay. Ang ama nitong si Victor ay hindi nag-abalang sustentuhan ang kanilang anak kaya mag-isa niyang itinaguyod ang pag-aaral nito.
Mabuti na lamang at matalino si Victoria. Hindi siya nahirapang ilapit ang kanyang anak sa mga politiko kaya naging iskolar ito. Kaya kahit sa pampublikong paaralan ito nagtapos ng elementarya at high school ang iba pang gastusin nito ay nagmumula sa perang tinatanggap nito buwan-buwan.
“Nailapit kita kay Congressman. Pumayag siyang tustusan ang pag-aaral mo hanggang makatapos ka,” pagbabalita niya sa anak.
Sa narinig ay agad na nangilid ang luha ni Victoria. Tumayo ito saka siya mahigpit na niyakap pagkatapos. “Gusto kong maging isang guro, Inay,” iyon ang sinabi nito saka siya hinalikan sa noo.
Humaplos ang mainit na damdamin sa puso ni Loleng. Pinigil niya ang mapaiyak at nagtagumpay siya doon. Hindi lingid kay Victoria ang tungkol sa pagkatao niya. At wala siyang planong ipasa rito ang kanyang kapangyarihan. Dahil ang pangarap niya, mamuhay ito katulad ng mga normal na tao.
“Magiging matagumpay ka, anak,” aniya rito.
“Opo, Inay. Sa inyo ko iaalay ang aking diploma,” ang madamdaming hayag ni Victoria at ramdam iyon ni Loleng.