BENEATH THE SURGEON'S BLADE 2 (FILIPINO)

All Rights Reserved ©

Summary

They say some encounters are meant to be forgotten… pero paano kung ang nag-iisang taong iyon na dapat mong kalimutan ang siya pa ring patuloy na hinahanap ng iyong puso? She was his student. He was her professor. Both tried to resist—until fate forced them to collide again. One secret. One undeniable chemistry. One story that refuses to end… even when it should. Book 1 was just the beginning—this time, the heart’s lesson gets harder to ignore. Marcus and Celeste, 10 years later… “Sabihin mo nga sa akin, paano mo ipaglalaban ang isang totoo at malalim na pagmamahal na naging tulay ng pinakamasamang bangungot sa buhay ko—na hindi ko napaghandaan, kasi hindi ko nakitang paparating?” -Marcus

Status
Ongoing
Chapters
1
Rating
n/a
Age Rating
18+

KABANATA 1

“SERYOSO ba ito?” pabulong pero may bigat ang tinig ni Marcus.

Magkakasunod ang buntong hiningang pinakawalan niya habang nakatitig sa monitor ng kanyang laptop. Gusto sana niyang isiping dinadaya lang siya ng paningin niya. Gusto niyang isiping ang pangalang nakikita at nababasa niya ngayon bilang isang referral na pasyente ay isang masamang panaginip lamang. Pero walang kahit anong trace na nananaginip siya. Totoo ang nangyayari.

“Okay ka lang?” tanong ni Irish sa kanya.

Nasa condo siya ni Irish. Dito siya nagpalipas sandali ng oras. Pero dahil gabi na rin ay inalok siya nitong dito na rin matulog. Naisipan niyang buksan ang kanyang laptop at ito na nga ang bumungad sa kanyang email.

Isang mensahe mula sa kanyang dating guro sa St. Joseph University na si Dr. Diosdado Dizon. Ang totoo hindi lang ito basta guro sa kanya. Maliban kasi kay Dean Calderon na siyang nag-alok sa kanyang magturo noon, si Dr. Dizon ang masasabi niyang mentor niya bilang doktor. Ang naging father figure. Pagkatapos kasi ng nangyari kay Mario ay hindi na rin naman naiba ang sitwasyon niya sa isang anak na naulila sa ama. At iyon ang isa pang nagdulot ng kabigatan at hindi matatawarang sakit sa puso niya.

“Yeah, okay lang ako,” pagsisinungaling niya kay Irish.

Matagal na rin mula nung unang may mangyari sa kanila ni Irish. Pero sa kabila ng lahat ng iyon ay hindi pa rin niya magawang buksan ng buo ang lahat sa dalaga. Hindi iyon dahil sa kung ano. Mabuting tao si Irish at kung hindi nga lang sa pagiging tila bato ng puso niya, kung pwede lang, ito ang pipiliin niyang mahalin. Kaya lang ay hindi ganoon kasimple ang lahat. Limitado lang talaga ang kaya niyang ibahagi sa iba at kasama sa mga iyon si Irish. Kasama na rin doon ang kung ano lang ang kaya niyang ibigay. Hindi niya alam kung ano ang tawag doon, pero nakatitiyak siyang hindi iyon pagmamahal.

“Gusto mo ba ng tea or coffee?” tanong sa kanya ng dalaga saka sinuklay-suklay ng mga daliri nito ang buhok niya.

“Coffee,” ang maikli at diretso niyang sagot.

“Okay,” masaya ang tinig ng dalaga saka na siya iniwan pagkatapos.

“Salvador Montemayor,” pabulong niyang binasa ang pangalang nasa referral email ni Dr. Dizon. Pagkatapos ay mabilis na muling gumuhit ang galit sa puso niya. “Celeste,” ang huling pangalang binanggit niya ay lalong nagpabigat ng kanyang nararamdaman.

Hindi niya gusto ang damdaming inihahatid sa kanya ng pangalang iyon kaya mabilis niyang iwinaglit sa kanyang isipan. Walang maitutulong sa kanya ang mga alaalang hindi naman naging magandan ang katapusan. At ang masaklap pa, ang mga alaalang nagdala sa kanyang ng matinding delubyo at bangungot sa kalaunan.

Laman ng sulat ni Dr. Dizon ang pakiusap na kung maaari ay tanggapin niyang pasyente si Salvador Montemayor. Ayon pa sa sulat, naniniwala ang kanyang mentor na siya ang tanging surgeon na may kakayahan upang maisagawa ng mataumpay ang operasyon. Isang operasyon na masyadong mapanganib.

“So, may heart sarcoma pala si Salvador Montemayor, Mama. Ang demonyong sumira sa buhay natin. Tangina niya, deserve na deserve niya ang maghirap,” pabulong pero gigil na sambit ni Marcus.

Ilang sandali pa at pinili niyang alisin na ang email na iyon sa kanyang harapan. Hindi siya nag-reply dahil wala rin naman siyang planong pagbigyan ang kahilingang iyon ni Dr. Dizon.

Bakit niya gagamutin ang taong naging dahil ng pagkasira ng lahat sa kanya? Ang dahilan kung bakit hanggang ngayon nasa isang mental institution ang kanyang ama. Ang taong pumatay at gumahasa sa kanyang ina.

Sa huling naisip ay muling napamura si Marcus.

Hindi kasalanan ni Juliana kung nanatili itong kaakit-akit. Pero ang kagandahan nito ay alam niyang nakalaan at exclusive lang sa paningin ni Mario, ang ama niya. Kaya lang, kung hindi sana dumating sa buhay niya si Celeste, kung hindi niya ito naging estudyante, at higit sa lahat, kung hindi siya nagpumilit noon na magturo, baka buhay pa ngayon ang Mama niya.

Alam niyang malaki ang mababago kung iba ang naging choices niya noon. Dahil una sa lahat, tutol na tutol si Juliana na maging part-time lecturer siya. Palagi nitong sinasabi noon na makapagtatapos siya ng medisina kahit hindi niya pinapasok ang ganoon. At alam niya iyon. Kaya lang naging mapilit siya. Kaya niya nakilala si Celeste.

Mapait ang ngiting pumunit sa mga labi ni Marcus.

Akala niya magic ang lahat. Akala niya totoong pagmamahal. Pero ang lahat ng pinaniwalaan niyang maganda tungkol sa kanila, binawi rin sa huli. Kaya ngayon walang ibang namamahay sa puso niya kundi matinding galit. Iyon ay kung angkop pa bang gamitin ang salitang ‘galit’ para mailarawan kung ano ang totoong nangyayari sa kanya.

Dati, maganda ang tingin niya sa mundo. Dahil sa ganoong paraan siya pinalaki ng mga magulang niya. Wala siyang maraming kaibigan. Pero wala siyang makitang kulang sa kanya. Kaya lang ngayon iba na ang nangyayari. Hindi siya nasanay na wala ang Mama niya at nasa hindi magandang kundisyon ang kanyang Papa. Ang dalawang taong alam niyang higit na magiging mas masaya kung nakikita lang ng mga ito ang lahat ng mayroon sila ngayon.

Pangarap niya ito noon. Ang maging isang mahusay na manggagamot. Ang una sa listahan niya kung bakit niya binuo sa puso niya ang pangarap na iyon? Ang mga magulang niya.

Inalagaan siya nina Mario at Juliana. At gusto niyang ibalik iyon sa mga ito. Naniniwala siyang hahaba ang buhay ng kanyang Mama at Papa kung magiging doktor siya. Hindi dahil wala siyang tiwala sa ibang manggagamot. Kundi dahil ang pagmamahal niya sa mga ito ang magiging inspirasyon niya para maging mas mahusay.

Ganoon naman ang nangyari. Pero ang masaklap, si Mario, hindi niya matulungan. At si Juliana? Ang babaeng pinakamamahal niya. Kahit sabihin pa nilang Mama’s Boy siya. Okay lang iyon. Ganoon siya kasi mahal na mahal niya ang babaeng unang nagparamdam sa kanya na kamahal-mahal siya.

Muli ay nagbalik sa isipan niya ang itsura nito. Ang kalunos-lunos nitong itsura. At agad na nag-init ang sulok ng kanyang mga mata.

“Putangina mo, Salvador Montemayor. Ako naman ngayon, at para ito sa Mama at Papa ko!” pabulong pa rin pero may bigat, may kalakip na galit.

Kasabay ng pagtaas-baba ng kanyang dibdib ay ang desisyon niyang isara ang laptop sa kanyang harapan. Ang sugat sa puso at pagkatao niya, hindi niya alam kung kailan maghihilom o kung maghihilom pa ba? O baka kailangan na lang niyang sanayin ang sarili niyang nandoon na iyon at hindi na mawawala. Ang sakit niyon nandoon na palagi.

Ayaw niyang magpatawad. Hindi ang lalaking iyon. At hindi rin si Celeste ang makapagpapabago ng isipan niya.