Ang Muling Pagkikita
Pabalik na dapat siya nang biglang dumilim ang kaniyang paningin at nawalan ng lakas ang kaniyang mga binti. Napasandal pa siya sa lababo bago tuluyang napaluhod sa sahig. Naninikip ang kaniyang dibdib habang ramdam niya na napakabilis ng pagtibok ng kaniyang puso. Mabilis at mababaw rin ang kaniyang paghinga at parang mauubusan na siya ng hangin.
Makailang beses na rin niyang naranasan iyon sa nakalipas na ilang linggo - sa tuwing naiisip niya na itatakwil siya ng kaniyang mga magulang sa oras na malaman nila ang kaniyang kalagayan. Subalit ang naranasan niya sa gabing iyon ang pinakamalubha - halos mawalan na siya ng malay.
Matagal rin siyang nakaluhod at pinipilit na huminga nang maayos bago tuluyang huminahon ang kaniyang pakiramdam. Subalit, hindi pa lubusang bumabalik ang lakas sa kaniyang mga binti kaya napahawak siyang muli sa lababo nang pinilit niyang tumayo.
“Lucia Mijares!” sigaw ng isang babaeng nasa pintuan na nakasuot ng baro't sayang kagaya niya. Subalit, kahit umalingawngaw ang kaniyang pangalan sa loob ng palikuran, hindi siya lumingon. Ilang beses pa siyang tinawag ng babaeng kasing-gulang niya subalit tila wala siyang naririnig. Nakatulala lang siya sa harap ng salamin, tinititigan ang sarili na halos hindi na niya maaninag dahil madilim na ang paligid.
Walang anu-ano’y bigla siyang napasigaw nang maramdaman ang isang kamay na humawak sa kaniyang braso. Naitapon pa niya ang abanikong hawak dahil sa pagkabigla.
“Ano ba, Esme! Huwag ka ngang nanggugulat!”
Napaatras rin ang kaniyang kaibigan nang siya ay mapasigaw. Ilang sandali rin siya nitong tinitigan bago nakapagsalita. Inaasahan niyang sasagot ito nang pabalang, subalit nagulat siya nang mahinahon nitong tinanong kung mayroon siyang pinoproblema. Tila nabatid nito na mayroon siyang dinaramdam.
Agad ring binuksan ng kaniyang kaibigan ang ilaw. Doon niya lang din napansin ang mga lamok sa kaniyang braso at ang pamamantal ng ilang bahagi nito. Bumakat pa ang dugo sa palad ni Esmeralda nang tapakin nito ang isang lamok na nakadapo sa kaniyang siko.
“Ayos ka lang ba talaga, Lucy?” muling tanong sa kaniya ni Esmeralda.
“Wala naman, Esme, kinakabahan lang. Magsisimula na ba?”
“Talaga lang ha? Kilala kita Lucia Mijares, alam ko ang ibig sabihin ng mukhang iyan. Amin na, ano ang problema?”
“Wala nga kasi! Huwag mo akong intindihin.” sabi niya bago nagmadaling lumabas ng palikuran upang iwasan ang mga tanong ng kaniyang kaibigan. Nais niya mang sabihin dito ang kaniyang kalagayan, subalit nahihiya siya at wala pang lakas ng loob na gawin iyon.
Dinig niya rin ang paghinga ng kaniyang kaibigan na labas pa sa ilong nito, subalit, hindi na siya nito kinulit pa. At dahil malapit nang magsimula ang patimpalak, nagmadali na silang bumalik sa bulwagan.
“Nandiyan pala si Manoy.” bulong sa kaniyang tenga ni Esmeralda.
Kumislap ang kaniyang mga mata nang marinig iyon. Pakiramdam niya rin ay biglang sumigla ang kaniyang pakiramdam at nagkaroon siya ng panibagong lakas. Umaliwalas rin ang kaniyang mukha na kani-kanina lamang ay hindi na maipinta.
“Totoo ba yan?! Ang sabi kasi ni Danny, sa fiesta pa siya uuwi.”
“Biro lang!”
“Esme naman kasi!” sagot niya sa kaniyang kaibigan bago ito hinampas ng hawak niyang abaniko.
“Kanina ka pa ha!” sagot naman nito sa kaniya matapos gumanti at pinalo rin ng abaniko ang kaniyang siko.
“Totoo nga! Umuwi siya. Ang totoo nga niyan, nariyan siya ngayon, manonood daw. Tapos, sine daw tayo mamaya. Pero mauna na lang kayo ha? Susunod na lang ako kasi may kailangan pa akong asikasuhin.”
“Seryoso nga?!”
“Oo nga!”
Nagkukulitan pa sila habang pababa ng hagdan sa isang gusali sa tabi ng bulwagan nang marinig nilang tinatawag ang kanilang pangkat. Lumagatok sa sementadong sahig ang mga suot nilang bakya nang nagmadali sila upang habulin ang kanilang mga kagrupo na paakyat na sa entablado. Humarang pa sa kanilang daraanan ang napakaraming mga manonood na ayaw umalis sa kanilang kinatatayuan at sa kanila’y magbigay daan sana.
Hinihingal na sila nang makarating kanilang puwesto sa ibabaw ng entablado. Matalim na rin ang tingin sa kanila ng kanilang mga guro at inis na rin ang kanilang mga kasamahan sa koro dahil muntikan na silang hindi umabot. Kung nagkataon ay bungi ang kanilang porma, nasa unahan pa naman ang dalawa. Mabuti na lang din at nagkaroon ng problema ang mga mikropono kaya hindi agad itinaas ang tabing kaya nagkaroon pa sila ng ilang minuto upang habulin ang kanilang mga hininga bago magsimulang umawit.
Nang maalala ni Lucia na naroon ang kaniyang nobyo, kasali sa daan-daang taong nanonood sa loob ng bulwagan, bigla siyang nakaramdam ng kaba. Kaba na hindi na niya maalala kung kailan niya huling naramdaman. Sanay na kasi siyang magtanghal sa entablado, katunayan, ilang beses na siyang umawit, tumula at nagtalumpating mag-isa sa harap ng napakaraming mga tao. Ngunit sa gabing iyon, pakiramdam niya ay magtatanghal siya sa unang pagkakataon. Iyon din kasi ang unang pagkakataon na mapapanood siya ng kaniyang kasintahan kaya natatakot siya na magkamali o biglang pumiyok.
Hindi pa humuhupa ang kaniyang kaba nang itinaas na ang mga tabing at nagsimula na silang uma.
Sa bawat pagbigkas niya ng mga salita, sinusuyod pa rin ng kaniyang mga mata ang mga mukha ng mga tao sa kanilang harapan. Nasulyapan niya ang kaniyang Mama't Papa at kanilang mga kaanak. Naroon rin ang kanilang mga kaibigan at ilang mga kakilala. Subalit hindi niya pa rin makita ang nag-iisang taong kinapapanabikan niyang makita sa gabing iyon. Nagduda na rin siya kung totoo ang sinabi ni Esmeralda na umuwi nga ang kasintahang niyang si Danny o binibiro lang siya nito. Ngunit, kalagitnaan ng kanilang pagtatanghal, muntikan pa siyang mapasigaw sa tuwa nang tumalbog ang kaniyang puso nang sa wakas ay masulyapan niya rin ang kaniyang sinisinta.
Mula nang lumapat ang kaniyang mga mata sa kasintahan ay hindi na niya binaling pa ang tingin sa iba. Daan-daan man ang mga taong nasa kanilang harapan, pakiramdam ni Lucia ay silang dalawa lang ang naroon. Pakiramdam niya ay siya lang ang umaawit ng mga himig ng pag-ibig sa ibabaw ng entablado, at si Danny lamang ang nag-iisang laman ng bulwagan na sa kaniya'y nanonood at nakikinig sa kaniyang mga tinig.
Dalawang kanta pa ang kanilang inawit bago natapos ang kanilang pagtatanghal. At dahil sa pananabik na makasamang muli ang kasintahan, bumaba na agad siya ng entablado bago pa man tuluyang maibaba ang tabing. Hindi na rin siya nakapagpaalam kay Esmeralda o kaya sa kaniyang mga kagarupo. Nakalimutan na rin niyang magpaalam sa kaniyang mga magulang na hinihintay pa man din sila ni Esmeralda upang kumain sa labas matapos ang patimpalak.
Pakiramdam ni Lucia ay ilang taon na silang hindi nagkikita ni Danny kahit hindi na tatlong buwan pa lang mula nang huli silang magkapiling. Nananabik na rin siya na muli niyang mahawakan ang mga kamay ng nobyo at ang maramdaman ang init ng mga yakap nito. Subalit, gustuhin man ni Lucia na bilisan ang kaniyang mga hakbang patungo sa minamahal, ’di niya magawa dahil siksikan ang mga taong naroon. Hirap na rin siyang maglakad dahil masikip ang bakyang kaniyang suot. Kaya nang makakita ng maluwag na daanan, agad niyang hinubad ang mga bakya at tumakbo palabas.
Bago tuluyang makalabas ng bulwagan, bigla na lang siyang napatigil nang bigla na lang siyang may nakabangga. Muntikan pa siyang matumba kung hindi lang siya nasalo ng lalaki sa kaniyang harapan.
Labis ang pagtataka ni Lucia kung paanong napunta sa kaniyang harapan ang matangkad na lalaking iyon. Nagmamadali man, sigurado siya na wala iyon doon bago siya tumakbo.
Nang masilayan niya ang mukha nito, agad niyang napansin na pamilyar ito sa kaniya. Pakiramdam niya ay kilala niya ang binatang nagmamayari ng kulay kapeng mga mata na iyon. Tila alam niya rin kung paano nito nakuha ang malaking peklat nito sa kaliwang pisngi. Nakaramdam rin siya nang magkahalong pananabik at pangungulila. Subalit, pilit niya mang alalahanin, hindi niya matandaan ang pangalan nito. Ni hindi niya rin maalala kung saan at kung paano niya nakilala ang binatang iyon.
Nang mapagtanto niya na pinagtitinginan na sila ng mga taong naroon, agad siyang napaatras - dahilan para mabitawan ng lalaki ang kaniyang mga braso. At dahil sa wari niya ay ka-edad niya lang ang binatang iyon, naisip niya na baka akalain pa ng mga tao na sila ay magkasintahan - naroon pa man din ang kaniyang nobyo kaya nangamba siya na baka makita sila nito at sa kaniya ay magalit.
Kaniya ring pinulot ang mga nabitawan niyang bakya, subalit nang magpapaumanhin na siya sa binata, wala na ito sa kaniyang harapan. Labis ang kaniyang pagtataka dahil wala siyang narinig o naramdaman man lang na humakbang na pala ito papalayo.
Kahit saang banda siya lumingon, hindi na niya makita ang lalaking nakasuot ng puting damit na kaniyang nakabangga. Gusto pa naman sana niyang magpaumanhin dito, at itanong na rin ang pangalan nito. Ngunit dahil hindi na niya ito makita, dumiretso na siya sa likod ng paaralan kung saan naghihintay ang kaniyang nobyo.
“Padaba?” tanong sa kaniya ng isang pamilyar na boses sa likod ng napakalaking puno ng acacia.
“Danny?” tugon niya naman habang inaaninag ang lalaking lumitaw mula sa likod ng puno.
Kaagad niyang niyakap ang lalaki nang makasiguro na si Danny nga iyon - napakahigpit na yakap na para bang napakatagal na panahon silang hindi nagkita - mga yakap nanagsasambit pag-ibig na gusto niyang sabihin at ipadama sa sinisinta.