I.V. Dexthrose
Ivy
"Yeah, yeah, stop blabbling your mouth, mom. I am currently driving." Pinatay ko kaagad ang phone at sabay tapon sa katabing upuan. Hindi ko mapigilang magalit dahil pinapapauwi na ako ni mommy.
"Shit! Joke ba ito? Alas dose pa ng madaling araw at pinapapauwi na ako? What the fuck? Dalawang shot lang sa party at alis kaagad, bakit ang cheap ng buhay ko!" Sa galit ay sinuntok ko ang manibwela. Tumakas kasi ako sa bahay para um-attend ng party kasi hindi ako pinayagan kaso nahuli nila ako kaya pinapauwi ako ni mommy kaagad or else, wala naa kong bahay na uuwian pa.
"Calm down, Ivy. Everything will be fine, your friends will understand it." Huminga ako ng malalim at pilit pinapakalma ang sarili.
Nakatingin lamang ako sa daan at hindi talaga para sa akin, ang araw na ito. Bumuhos ng malakas ang ulan at rinig na rinig ko sa loob ng kotse ang tunog ng kulog ng langit. Ang tahimik, tanging patak ng ulan ang naririnig ko. Wala akong nakikita ibang kotse sa daan kaya mas kinakabahan ako. Agad ko pinaandar ang radyo pero tanging static lamang ang bawat channel nito. Ramdam ko ang pagtayo ng balahibo sa may balikat ko dahil sa naiisip ko.
"Imagination mo lang yan, Ivy. Imagina- Ah!" napasigaw ako dahil sa biglaang pagtunog ng phone ko. Tiningnan ko ito ng saglit at "mommy" ang nakalagay dito.
"Ano ba, mom? Every goddamn 5 minutes, really?" Pilit ko inaabot ang phone ko pero agad ako nainis nang mas lumayo ito sa akin tsaka nahulog. Kukunin ko na sana kaso agad akong nag-panic dahil may biglaang sumulpot na sasakyan. Hindi nagtagal ay dumilim na ang aking paningin.
"Ivy, gising," rinig ko pero pilit kong dumilat kaso sobrang bigat ng aking mga mata. Hindi ko alam ang nangyayari, ang lahat ay parang naka-fastforward at naka-slow motion, feeling ko ay parang lumulutang ang aking paningin.
"Okay lang ba siya, bro?"
"Gising ka na ba?"
"Maya nalang po kayo bumisita dahil-"
"Tatlong araw na." Ang daming boses na naririnig ko at gusto kong dumilat kaso mas bumibigat ang aking mata. Gustong kong gumalaw pero parang ibinaon ako sa semento. Ang hirap huminga, ramdam ko na, sobra na akong pinagpawisan. Pinilit kong idilat ang aking mga mata at igalaw ang aking katawan at iniisip ko na, "Pilitin mo, Ivy! Pilitin mo!"
Biglaang bumalik ang aking diwa sabay napaupo mula sa pagkahiga. Hinahabol ko ang aking hininga. Napansin ko na nasa puting kwarto ako. Napatingin ako sa aking katawan at nakasuot ako ng puting kasuotan. Tatayo sana ako, kaso ramdam ko na may nakalagay sa aking kanang kamay at pagtingin ko ay isang plastic na nakasabit. Lumapit ako dito at binasa ito, "5% Dextrose I.V. USP."
"Hindi naman ako dehydrated o ano, saan na kaya ang doktor at nurse dito?" Tatanggalin ko na sana ang tape ng dextrose sa kamay ko kaso biglaang namatay ang lahat ng ilaw. Maya't maya pa ay may naririnig akong nakaka-inis na tunog, sumasayad na kuko sa isang pader.
"Ano iyon?" Kinabahan akong masyado kaya napahawak ako sa aking kanang kamay at biglaang bumalik ang lahat. Tumingin ako sa kamay ko, naka-tape muli ang dextrose tube sa kamay ko.
"Hindi kaya ito ang dahilan? Teka lang, anong nangyayari dito? I should call mommy!" panic kong sabi at agad hinahanap ang phone ko pero kahit isang gamit ko ay wala dito.
"Am I dreaming? Bakit walang tao?" Tumayo ako kaagad at dahan-dahan na lumakad at medyo ramdam ko ang sakit ng paa ko kaya agad ako bumagsak sa sahig at napasinghap sa sakit ng pagkabagsak ko.
"While observing my surroundings, I should protect my dextrose." Dahan-dahan akong tumayo at ini-ingatan ang paglalakad patungo palabas ng kwarto. Wala kahit isang anino ng tao ang nakikita ko. Sirang-sira ang lahat na parang kagagaling bagyo. Napansin ko na may kalmot ng kuko ang maputing pader ng ospital. Ang ilaw ay maya't maya na patay-sindi.
Naglakad ako bitbit ang stand ng dextrose ko. Ramdam ko ang lamig ng sahig dahil wala akong suot na sapatos o kahit tsinelas man lang. Medyo masakit ang katawan ko at hindi ko maalala kung anong nangyari sa akin. Naglakad-lakad ako at iniisip ko kung ano ang nangyari sa akin pero kahit isang ala-ala ng kahapon ay hindi ko maalala.
Biglaang lumamig ang pakiramdam ko, nagsitayuan ang mga balahibo ng leeg ko noong may naririnig akong tunog ng halimaw, parang sari't saring boses hayop na umuungol, hindi lang isa kun'di marami sila. Tiningnan ko ang nakasabit na dextrose at agad akong napamura, "Shit!"
Agad-agad akong lumakad palayo sa mga ingay dahil natuklasan ko na, paubos na ang laman ng dextrose ko. Bumilis ng bumilis ang lakad ko kahit paika-ika lamang dahil lumakas na lumalakas ang mga ungol at ang tunog ng mga kuko na sumasayad sa pader ay mas tumitinis.
Isa-isa kong tiningnan ang mga kwartong madadaanan ko pero puro wasak na mga higaan o madilim lamang ang nakikita ko. Mas dumadalas ngayon ang pagpatay-sindi ng ilaw at mas binilisan ko ang paglalakad. Muntikan na ako napasigaw dahil nakita ko ang lumilikha ng nakakatakot na mga ingay habang naghahanap ng pamalit ng dextrose. Hugis tao ito pero nakamaskara. Maitim ang katawan nito na parang ginuhit lamang ng isang bata. Mataas at halatang matutulis ang mga kuko nito.
"This is unbelievable." Pinamasdan ko lamang ito at doon napatanto na sa akin pala ito nakatingin.
"Shit, shit, shit!" Agad akong tumakbo noong dahan-dahan na lalapit ang halimaw. Ika-ika ako pero pinilit kong lumayo sa nilalang iyon. Nahihirapan ako dahil may dala din akong stand ng dextrose at alam ko na may masamang mangyayari kapag hindi ko ito iingatan. Parang mauubusan na ako ng hangin dahil medyo inaangat ko ang stand ng dextrose dahil sa pagmamadali kong lumayo sa halimaw. Nabuhayan ako ng loob noong may isang kwarto akong nakita na may "supplies" na nakalagay sa itaas nito kaya agad ko itong itinulak dahil sa pagmamadali, hindi bumukas.
"Bobo mo, Ivy!" galit kong sabi dahil akala ko na tinutulak lamang ang pinto dahil sa panic kaya agad kong hinawakan ang doorknob at binuksan agad-agad.
"Ah! Shit, pota!" sigaw ko dahil ramdam ko ang kalmot nito sa aking kaliwang braso pero hindi ko ito masyadong ininda at pumasok ng tuluyan sa kwarto. Ramdam ko ang paglakas ng tunog ng aking puso, rinig na rinig ko na ang malalim kong paghahabol ng hininga. Medyo nanginginig na ang kamay't paa dahil sa takot. Sobrang init na ng mga mata ko dahil naguunahan ang pagpatak ng aking mga luha. Tiningnan ko ang aking braso at nakikita kong may tumutulo na dugo mula dito. Ramdam ko ang kirot nito kaya mas nag-panic ako dahil dito.
"Hindi ito panaginip, ah! Ang hapdi! Fuck!" sigaw ng isipan ko habang nakagat sa ibabang labi ko. Nilibot ko kaagad ang aking paningin sa maliit na kwarto para maghanap ng kahit anong magagamit ko para sa sugat ko.
Ngayon, naramdaman ko muli ang sakit ng paa ko at mas trumiple ito dahil ginamit ko ito ng husto kaya napahiga ako sa sahig dahil sa sakit. Patuloy pa rin ang pagpilit ng pagbukas ng halimaw sa pinto kaya hindi ako nag-aksaya ng oras at gumapang papunta sa isang drawer at nagsimulang naghanap ng mga bagay na kakailanganin ko. Agad ako nakakita ng sterile gauze at bandage, may nakita din akong iba't ibang equipments, gaya ng forceps, gunting at stethoscopes. Agad kong binuksan ng gauze at inilagay sa medyong dumudugong sugat ko. Ramdam ko ang hapdi pero tinitiis ko ito.
"Okay lang ba ito, kahit walang linis-linis?" Tumahimik ang paligid ko at agad kong tiningnan ang dextrose stand na hawak ko, 1/8 nalang at mauubos na. Agad akong pumunta sa isang cabinet at napamura ako dahil iba't ibang fluid nandoon. Mayroong, 0.9% NaCl, may Lactated Ringer, Ringer Solution at Irrigation. Hindi ko alam ang mga bagay na ito at tanging kaparehas ng hawak kong dextrose lamang ang pinaniniwalaan ko.
"Wala dito, dapat magmadali ka, Ivy!" Pumunta ako sa may pinto at ramdam ko ang pagmamanhid ng aking kaliwang binti kaya medyo hinihila ko lang ito sa may sahig. Pinakinggan ko ang sa kabilang panig ng lugar at tanging nakakabinging katahimikan lamang ang naroroon. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at kahit isang anino ng halimaw ay wala. Nakita ko na puro kalmot ang iniwan ng halimaw sa pintuan ng supplies.
Agad akong lumakad at mula sa mabilis na tibok ng puso ko dahil sa kaba ay mas lalong lumalakas ito. Lumindol at rinig na rinig ko ang bawat yapak ng hindi ko kilalang nilalang sa labas ng ospital, basta ang alam ko ay malaki ito. Naririnig ko rin na may mga nababasag na mga salamin dahil sa pagyanig ng lupa.
Pilit kong lumakad kahit madami ko nang sugat sa katawan, kahit nagmamanhid na ang kaliwang binti ko at kahit may nakaabang sa akin na mga halimaw. "I have to take risk."
Patay-sindi na ang ilaw ng corridors kaya mas lalo kong binilisan. Ayokong tumingin sa dextrose ko dahil alam kong hindi aabot ng limang minuto ang laman nito. Kahit saan na ako nagpunta at pare-pareho lamang ang nakikita at naririnig ko. Ungol dito, ungol doon. Kalmot sa pader dito, kalmot doon. Lindol dito at lindol doon, hindi ko ininda ang lahat na ito dahil buhay ko ang nakasasalay dito. Kahit pinagpapawisan na ako ng maigi, kahit ang sakit-sakit na ng braso't binti ko, kahit hinhingal na ako ay patuloy pa rin ako sa paghahanap ng supplies ng dextrose.
Napangiti ako dahil may nahagilap akong lugar, "Pharmacy". Agad nawala ang ngiting iyon dahil sa ungol na nasa likod ko. Hindi na ako nagsayang ng oras pa at hindi na ako lumingon dahil ayokong masayang ng lakas. Pagkarating ko sa loob ay agad kong isinirado ang pintuan at laking gulat ko pagtingin sa loob ng pharmacy, sobrang kalat, ang mga med cabs at gondola ay nasa sahig ang lahat na ito. Tumingin ako sa may glass walls at ang daming halimaw na nakatingin sa akin pero agad akong pumunta sa isang parte ng Pharmacy at nakita ko kaagad ang kaparehas ng dextrose na hawak ko pero nag-iba ang description nito, "5% Ivy Dexthrose".
"Don't mind it! Baka parte ito ng ilusyon mo!" Agad ko itong kinuha at inihiga ang stand ng dextrose ko.
"Hala! Paano ito palitan?" Kinalibutan ako kaagad dahil sa ungol na nasa likod ko. Lumingon ako ng dahan-dahan hanggang nakita ko ito. Isang pulgada nalang ang pamamagitan ng mga mukha namin ng isang naka-maskarang halimaw. Hindi ko na alam ang nangyari sa akin dahil dumilim na ang paligid. Malamang, ubos na ang dextrose ko, Ivy Deathrose.
"Gising," rinig ko sa isang boses lalaki.
"Hoy, gising!" rinig ko muli at kahit mabigat ang mga mata ko ay pinilit kong ibuka ito. Blurred ang lahat at may isang anino lamang ang nakikita ko at agad akong napaatras noong naalala ko ang nangyari sa ospital.
"Bakit takot ka sa akin, Ivy?" tawang sabi ng lalaki, pamilyar ang boses nito pero hindi ko matandaan. Bumalik na ng buo ang aking pangingin at nakita ang isang lalaki na nakamaskara sa harapan ko pero pamilyar ang maskarang iyon, parang maskara na nasa ospital ako.
"Teka, panaginip lang lahat na iyon? Bakit parang makakatotohanan?"
Tinanggal niya ang suot niyang maskara at doon ko naalala na ito ang nakilala ko sa party, isa siya sa kainuman ko na dalawang shots lamang. Hindi ko siya kilala talaga dahil nagkakilala lang kami sa isang friend ko na si Britney.
"Musta ang lipad mo?" Nagtaka ako ng sobra sa sinasabi niya at agad akong napatingin sa kamay ko, puno ng sugat. Naalala ko tuloy ang pagkalmot ng halimaw sa akin pero ang nakikita ko ngayon ay halatang sinugatan, gamit ang isang blade. Napatingin ako sa naka-inject sa aking kaliwang kamay, isang hose gaya ng dextrose kaya naalala ko nanaman ang nangyari sa ospital. Binasa ko ang nakasabit, "5% Ivy Dexthrose".
"Ito yo'ng nakita ko sa pharmacy." Nagtataka ako habang nakatitig dito.
"Yes! Ivy Dexthrose, ako ang nagpangalan niyan, dextrose kasi ang container pero ang laman ay amphetamine with a twist kaya para kang lumulutang, Ivy kasi inspired ako sa pangalan mo, intravenous o I.V. ay katunog ng Ivy, ano? Maganda ba doon?"
"Ano bang sinasabi mo!" napasigaw ako dahil sa sinasabi niya, kahit kailan ay hindi ako nagdru-drugs. Oo, alam ko kung ano ang amphetamine at isa itong droga.
Tumawa ang lalaking sa harapan ko bago nagsalita, "Hay nako, ang weakshit mo kasi, two shots lang at uwi kaagad? Siyempre hindi pwede iyon kaya nilagyan ko ng KO drugs ang inumin mo, kaya, eto ka ngayon, unang sumubok sa experimento ko. Maganda ba? Saan ka napunta?"
"Pota ka! Kinidnap mo ako! Anong maganda sa napuntahan ko, alam mo bang naghirap ako dahil sa lugar na iyon, akala ko mamamatay na ako dahil sa mga halimaw na humahabol sa akin!"
"Nice! Realistic pala, pasensya pala sa sugat mo, hindi ka kasi gumigising kaya sinugatan kita." Binalewala niya ang sinabi ko at dahil doon napaiyak ako ng sobra.
Laking pagsisisi ko noong hindi ako nakinig sa mommy ko. Laking pagsisisi ko dahil tumakas ako sa bahay para pumunta sa party at laking pagsisisi ko dahil wala na akong magawa dahil naririto na ako kasama sa isang baliw, lulong sa bisyo.
"Sige, refill ko muna ang Ivy Dexthrose mo, Ivy at sasama na ako."
"Huwag! Huwag! Huwag, please, ayoko nang bumalik doon. Please, huwag!" Iyak ako ng iyak pero wala akong magawa at napalitan na talaga ng laman ang nakasabit sa akin at doon muling dumilim ang paningin ko.
Napadilat ako at agad akong kinabahan dahil naririto muli ako sa lugar na kinakatakutan ko, sa ospital.