• Tadhana Uno •
PAYAPA ang hangin na dumaraan sa mga dahon ng punong aking kinasisilungan. Humuhuni ang mga ibon na gumising sa kanina’y tulog na daigdig. Basa pa ang mga talulot ng mga bulaklak, dulot ng pag-ulan kagabi.
Kinalabit ko ang k’werdas ng aking gitara, humimig at ipinahiram sa mundo ang aking musika.
Sa hindi inaasahang
Pagtatagpo ng mga mundo
May minsan lang na nagdugtong,
Damang-dama na ang ugong nito
’Di pa ba sapat ang sakit at lahat
Na hinding-hindi ko ipararanas sa’yo
Ibinubunyag ka ng iyong mata
Sumisigaw ng pag-sinta—
Nawala ang musika sa paligid—naglaho. Unti-unting nabasa ang aking mga pisngi, napaiyak na pala ako. Damang-dama ko ang sakit, naalala ko ang mga pangakong hindi ko ipararanas sa’yo. Sa muli kong pagkalabit sa k’werdas ng aking gitara, narinig kong muli ang ugong ng nakaraan,
“Timmy, sabay na tayo!” nakangiti kong saad habang isinusukbit ang gitara sa aking balikat.
"Uy, ’kaw pala, Ara?”
“’Di ba, sa kabilang kanto lang ang sa inyo?” tanong ko pa.
Tumango siya at nagwika, ” Oo, ako na nga ang magdadala n’yan.”
Itinuro niya ang gitara na nasa aking likod at humakbang palapit sa akin. Lumakas ang tibok ng aking puso, at dahan-dahan ko namang inihakbang paatras ang aking mga paa. Napatigil naman siya sa paghakbang nang mapansin niya ang aking pagkatuliro.
“Ayos ka lang, Ara?” nagtataka niyang tanong.
“A, e, wala, ayos lang ako Timmy! Ako pa ba?”
“Para kang ewan, meron ka ’no?” Nang-aalaskang tinapik niya ang aking balikat at hinigit ang manggas ng aking damit.
“Aray, ano ka ba?” asik ko sabay sipa sa kan’yang sa tuhod.
“Kalma! Kalma! Sorry, sorry na!”
Napangiti ako nang makita siyang napaupo at hinihimas ang tinamaan kong tuhod.
“Bagay talaga sa kan’ya ang seryoso,” mahina kong saad.
“May sinasabi ka, Ara?”
“Naku, wala! Wala!” pakli ko at nagsimula na akong maglakad.
Tumayo na rin siya at sinabayan ako sa paglalakad. Napansin kong paika-ika pa rin siya at medyo nakakunot ang mga noo.
“Sorry, Timmy,” wika ko habang sinisipa ang mga bato sa aking dinaraanan.
“Ha? Para saan?”
“Nasaktan ka ’di ba?”
Ngumiti siya at nagwika, “Nasaktan? Hindi, uy, ang lakas ko kaya! Akin na kasi ’yang gitara mo, mukha ka ng kuba e.”
Muli ko siyang tinitigan at tila tumigil ang oras. Marahang naglaglagan ang mga tuyong dahon ng narra habang hinehele ito ng hangin pababa sa lupa. Sakto lang ang singaw ng lupa, upang maramdaman ko ang atmospera ng kapaligiran. Naririnig ko ang huni ng mga ibon, na lalong nakdagdag sa tagpo ngayon—pagtatagpo ng dalawang mundo. Sa kabi—
“Hoy, Ara! Natulala ka?” nakangiti niyang saad habang inaayos ang sintas ng kaniyang sapatos.
Dagli akong bumalik sa reyalidad, at ngumiti rin pabalik. Kinuha ko ang gitara sa aking balikat at ibinigay sa kan’ya.
“Hindi. Mukha ba akong tulala? Heto ’yung gitara ko, ’kaw na magbitbit.”
Kinuha niya ang aking gitara at mahinang tumawa, “Ibibigay rin pala, kung kanina pa, e ’di naka-uwi na tayo.”
“Timmy, ak—”
“Joke lang, ’to naman!” natatawa niyang turan at mabilis na tumakbo palayo sa akin.
“Hoy! Timmy, hintayin mo ako!”
Tumigil siya sa pagtakbo at ngumiti sa akin. “Humabol ka Ara, ang hahaba ng mga binti mo, ’tas ang bagal mo pa!”
“’Nak ng, Timmyyyyy!” sigaw ko at nagmamadaling hinabol ang kababata kong luko-luko.
Tila mga batang-kalye kaming naghabulan pauwi. Wala kaming paki kung pinagtitinginan kami ng mga taong aming nasasalubong. Basta—
“Ara.”
Naputol ang aking pagbabalik-tanaw at nilingon ang tumawag sa akin. Si Timmy pala, ang aking kababata.
“O, ba’t nandito ka? Kala ko aalis ka na?” ani ko habang pinapahid ko ang mga luhang tumulo sa aking mga mata.
“Oo, aalis na nga ako, pero bakit malungkot ka? ’Di ba babalik din naman ako.” Umupo siya sa aking tabi at kinuha ang gitara.
Minasdan ko naman ang mapuputing ulap sa kalangitan at ang mga ibon sa papawirin. Naninikip ang aking dibdib at ang lungkot sa pakiramdan. Tinitigan ko siya habang kinakalabit niya ang mga kuwerdas ng gitara. Maya-maya’y humimig na siya ng kanta—ang paborito kong kanta.
Ba’t di pa patulan
Ang pagsuyong nagkulang
Tayo’y umaasa
Hilaga’t kanluran
Ikaw ang hantungan
At bilang kanlungan mo
Ako ang sasagip sa’yo...
“Pupunta na akong Canada. Doon na ako mag-aaaral, pero kahit saan man ako makarating, sa iyo pa rin ako babalik, Ara,” mahina niyang saad habang nakatitig siya sa akin. Itinabi niya ang gitara at umupo sa aking tabi.
Muling nanubig ang aking mga mata at tuluyang napangiti. Niyakap ko siya nang mariin. Dinama ang oras na mararamdaman ang kaniyang presensya, ang init ng kaniyang mga yakap at haplos ng pagmamahal.
“Mag-iingat ka roon ha?”
“Oo, naman, ako pa ba?” saad niya at tinapik ang aking likod.
Kumalas ako mula sa kaniyang pagkakayakap at nagwika, “Huwag mo akong kalilimutan.”
“S’yempre ikaw pa, ang aking Ara. Ingat ka mahal na mahal kita, aking kababata. Sige, alis na ako, tandaan mo walang limutan ha?” Muli niya akong niyakap at ilang sandali pa’y nagsimula na rin siyang humakbang paalis.
Minasdan ko ang aking kababata—si Timmy. Ang aking makulit na kababata, na nakasama ko sa loob ng labindalawang taon. Kinuha ko ang aking gitara at dagling bumalong muli ang mga luha sa aking mga mata. Sa pagpatak ng aking mga luha’y, naalala kong ibibigay ko nga pala ang aking gitara na nakasama rin niya nang matagal na panahon.
“Dalhin mo ang gitara ko!” sigaw ko sa kaniya na umalingawngaw sa hangin.
Agad naman siyang napalingon at kita ko sa kaniyang mga mata ang luha.
Ngumiti siya sa akin, naglakad palayo at sumigaw, ” Hindi sa’yo na ’yan, alagaan mo ang tanging naging saksi sa ating mga alaala. Dahil sa tuwing kinakalabit mo ang kuwerdas ng ating gitara, kahit nasa malayo ako, maririnig ko ang bulong ng damdamin mo. Naririto ako at nakikinig sa’yo.”
—










