Trece
Share with your friends
Customize readability

Trece

All Rights Reserved ©

Summary

Huwag na huwag mong kunin o gamitin ang pagmamay-ari nila dahil kapag nagamit mo ito, hindi ka na nila tatantanan hanggang sa mapasakanila ka.

Status
Complete
Chapters
1
Rating
4.7 (6 reviews)
Age Rating
18+

TRECE

Lunes ng umaga, ngumingiti na ang haring araw. Bitbit ang mabibigat na maleta, nakatayo si Alliah sa harap ng isang apartment. Inilibot niya ang kulay kayumangging mga mata sa kabuuhan ng kanyang pansamantalang tirahan. Gawa ito sa matibay na kahoy na hindi madaling anayan at matumba ng bagyo. Walang masyadong kapitbahay, mabibilang lang sa mga daliri ang mga kabahayan dito. Maaliwalas at hindi gaanong liblib at malayo sa bayan. Isa lang naman ang pakay niya rito, iyon ay ang hanapin ang nawawalang kaibigan. May nakapagsabi at nakapagturo na sa lugar na ito makikita ang kaibigan kaya naniwala siya at susubukang hanapin.

Kasalukuyan niyang kasama ang propyetarya. Pagkabukas ng pinto, lumangitngit ito ng bahagya. Bumungad sa kanya ang malalaking larawan at iba’t ibang klase ng pigurin. Makikita rin ang mga antigong gamit na puno ng alikabok.

“Pasensya ka na, hija. Hindi ko na magawang linisin ang mga gamit. Matagal-tagal na rin kasi nang may huling tumira dito.” Napatingin naman siya kay Nanay Lisa at ngumiti para ipakitang ayos lang.

“Ito ang magiging kwarto mo,” aniya at binuksan ito. Malaki ang kama at may malaking aparador sa gilid. Hindi gaanong masikip, insakto lamang para sa iisang tao. May salamin ngunit basag ang kalahati. Nang matapos nitong ipakita ang lahat, nagpaalam na ito.

“Kung may kailangan ka, naroon lamang ako sa kabilang bahay. Huwag kang mahihiya, hija. Lahat ng umuupa ng tirahan sa akin ay tinuturing ko ng anak o kapamilya.”

Ngumiti siya dahil sa kabaitan nito. “Maraming salamat po, nanay.”

Inilapag niya ang kanyang mga gamit sa ilalim at bukas na lamang ito aayusin. Nangangalay ang kamay niya at masakit ang likod sa haba ng biyahe at kulang pa siya sa tulog simula ng gumayak papunta rito. Sa pagpikit ng kanyang mga mata, tinangay na siya ng kadiliman.

Naglalakad siya sa isang hindi pamilyar na lugar. Madilim at nakakabingi ang katahimikan. Masangsang ang amoy na tila may pinatay na hayop. Lakad-takbo na ang ginagawa niya ngunit parang walang katapusan ito. Hanggang sa may naaninag siyang isang pigura.

“S-sino ka?” Nauutal at halata ang panginginig ng kanyang boses.

Lumingon ito sa kanyang gawi. Hindi niya gaanong makita ang mukha dahil natatakpan ng ilang hibla ng buhok. Napansin niyang nababalutan ng dugo ang buong damit nitong kulay puti at mabubulaklakin.

Napaatras siya nang lumapit ito sa kanya. Atras pa siya ng atras hanggang sa isang malamig na dingding ang lumapat sa kanyang likuran. Dahil magkalapit na sila, aninag na niya ang mukha nito.

“Erica!”

Napabalikwas siya ng bangon. Hinahabol niya ang kanyang hininga. Lalabas na yata ang puso sa sobrang bilis at lakas ng pagtibok nito. Palaisipan sa kanya kung bakit ganoon ang kanyang panaginip. Bakit si Erica? Bakit ang kaibigan pa niya?

Tumayo siya at tiningnan ang repleksiyon sa salamin. Nahahati ang kanyang katawan dahil na rin sa basag ang kalahati. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at sa pagmulat, dugo ang kanyang nakikita sa buong paligid. Punong-puno ng dugo kaya napaatras siya at naging blangko ang isipan. Nanginig bigla ang kanyang tuhod hanggang sa humakbang siya paatras at parang may malamig na kamay ang humawak sa kanyang paa. Malakas siyang napasigaw at umakyat sa kama. Tiningnan kung ano o sino? Nagsitaasan ang kanyang balahibo at pinagpapawisan na siya ng husto.

Pumikit siya ulit at sa kanyang pagmulat hindi makapaniwalang wala na ang dugo. Huminga muna siya ng malalim at binalewala na lang niya baka dulot lang sa pagod ang mga nakikita.

Lumabas muna siya para magpahangin. Bahagyang nahihirapan pa siyang huminga dahil sa nangyari. Pumunta siya sa bahay ng propyetarya nila. Nababagot siya sa bagong tirahan at hindi sanay na mag-isa.

“Tao po?” aniya habang kumakatok.

Pinagbuksan naman siya. “Pasok ka, hija.” Pinaupo siya nito sa malaking sopa at inalok naman siya ng inumin at pandesal. Iniwan siya sa sala at habang naghihintay sa meryenda ay tinitingnan niya ang bawat litrato. May nakakuha sa kanya ng atensyon. Iyon ang litrato ng isang bata, mukhang nasa apat na taon pa ito. Nakangiti ang mga mata nito at mapupunit na ang labi sa laki ng ngiti idagdag mo pa na sobrang amo ng mukha.

Biglang nagsalita si Nanay Lisa kaya napaigtad siya at nabitawan niya ang frame kaya nabasag ang salamin. Lumaki ang mga mata niya at mabilis na pinulot kaya nasugatan siya sa kamay.

“Pasensya na po, hindi ko po sinasadya!” Nanginginig ang mga kamay nito habang pinupulot ang mga bubog. Nasaktan siya pero hindi na lang niya pinansin kasi nangingibabaw ang kabog ng dibdib.

Hinawakan naman ang kamay niya para pigilan sa kanyang ginagawa. “Ako na riyan,” aniya.

Hindi mababakas ang galit sa tono nito at hindi rin naman mababakas na ayos lang ang ginawa niya. Tiningnan nito ang kanyang kamay na nababalot ng dugo. Tahimik itong kumuha ng bulak at betadine para linisin ang kanyang sugat.

“Siya si Lily, anak ko,” biglang sabi ni Nanay Lisa.

Napatingala siya at nagtagpo ang kanilang mga mata. Puno ng hinanakit ang mga mata nito at bakas ang pait sa boses ng bigkasin ang pangalan ng kanyang anak.

“Nasaan na po siya?” aniya

“Patay na. May sakit ito at hindi na naagapan pa,” may halong panginginig ng boses ang pagkasabi nito.

Tumayo siya at niyakap ang matanda. Naramdaman naman niyang na estatwa ito sa ginawa niya. Kumalas siya sa yakapan nila at nagkuwentuhan na lang. Nalaman niyang iniwan ito ng asawa kaya mag-isa na lang siya sa buhay. Hindi niya lubos akalain na sa kabila ng ngiti nito ay may nakatagong mapait na nakaraan.

Napatingin siya sa labas. Nag-aagawan na ang liwanag at dilim. Bumalik na siya sa apartment. Pagkapasok niya ay sobrang tahimik. Tanging tunog ng pagbukas ng pintuan ang maririnig. Sobrang dilim kaya binuksan niya ang ilaw na kulay dilaw. Pumunta siya sa kanyang kwarto at humiga. Iniisip niya kung saan maaaring nagpunta ang kanyang kaibigan.

Dumako ang tingin niya sa aparador. Tila may bumubulong sa kanyang lapitan ito. Hindi niya maintindihan kung bakit tila dinadala siya ng kanyang paa roon. Tumayo siya at dahan-dahang naglakad patungo sa aparador. Binuksan niya ito at tumambad sa kanya ang damit, kulay puti at mabulaklakin. Naningkit ang mga mata niya dahil pamilyar ang bestidang iyon. Inisip niya kung saan ito nakita. Lumaki ang mga mata nang napagtanto ito ang nasa panaginip niya na suot-suot ng kanyang kaibigang si Erica.

Napaupo siya. Pinipisil ang ulo at sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri. Natigil lamang ito ng biglang lumangitngit ng bahagya ang pinto at marahang nabuksan ito. Napatingin siya roon sa banda at may nakita siyang nakatayo malapit sa bintana. Tila isang pigura ng tao. Bumilis ang paghinga niya noong tumingin ito sa kanya kaya kahit na nanginginig ang tuhod ay isinarado niya ang pinto.

Kinalma muna niya ang puso bago huminga nang malalim. Totoo ba ’yong nakita niya? Baka guni-guni lamang niya iyon dahil sa pagod at sa sobrang panonood ng mga nakakatakot na palabas kasama ang mga kaibigan. Tinapik-tapik niya ang kanyang mukha bago nagsimulang magtanggal ng damit. Tinabi niya ang mga ito sa gilid bago binuksan ang gripo ng banyera. Inilubog niya ang katawan at pinikit ang mga mata. Inabot siya ng dalawampung minuto sa loob ng banyo kaya pinunasan na niya ng puting tuwalya ang katawan. May nagtulak sa kanyang isuot ang bestida kaya sinuot na lang din niya.

Pagkatapos maglinis ng katawan ay nagluto siya ng adobo at kanin ngunit biglang namatay ang ilaw. Hinanap niya ang kandila at posporo. Nangangapang pumunta siya sa altar para kunin ang kandila ng may natabig siya. Umalingawngaw ang tunog ng pagkabasag kaya napapitlag siya. Hinayaan na lang niya iyon at tumuloy sa kung ano ang pakay. Nang makuha ang kandila at posporo, sinindihan niya ito kaya nagkaroon ng maliit na ilaw.

Pag-angat ng tingin ay may nakatayo sa kanyang harapan. Nanginginig man ay pinilit niyang magsalita.

“S-sino ka?” Humarap ito at hindi niya inaasahan.

“Erica!” Napaatras siya sa nasaksihan. Duguan ang mukha nito. Sobrang putla ng kanyang balat na tila isang bangkay na muling nabuhay. Kumurap-kurap pa siya at baka namamalikmata lang siya ngunit… hindi, totoo ang kanyang nakikita.

“Hindi mo dapat isinuot iyan! Umalis ka na rito!” ani Erica.

“Anong nangyari sa’yo?” nagtataka man sa ayos ng kaibigan ngunit hindi niya papalagpasin na tanungin ito.

“Naisuot mo na ang pagmamay-ari ng demonyo kaya wala kang kawala! Umalis ka na rito. Umalis ka na!” aniya at bigla na lamang naglaho ng parang bula kasabay nito ang pagbalik ng ilaw.

Namamasa ang kanyang kamay at nanginginig ang tuhod. Nahihirapan siyang makatayo ng maayos dahil nanlalambot pa rin ito. Nalilito na rin siya at maraming katanungan ang bumabagabag sa kanyang isipan. Anong mayroon sa damit? Sinong demonyo ang tinutukoy nito? Nawalan na siya ng ganang kumain kaya pumunta na lang siya sa kanyang kwarto at humiga. Iniisip ang nangyari kanina. Tumunog ang selpon niya kaya kinuha niya ito at binasa ang mensahe ngunit nakapagtataka dahil wala namang signal.

“Umalis ka na! Ikaw na ang susunod!”

Katulad na katulad sa sinabi ni Erica sa kanya. Hanggang sa mag alas dose ay hindi siya dinalaw ng antok. Pabaling-baling siya sa kanyang kama hanggang sa panghuling baling ay may nakita siyang bata. Mapupungay ang mga mata nito ngunit bakas ang lungkot. Nagtagpo pa ang kanilang mga mata kaya tumindig ang balahibo niya. Sa kanyang pagkurap ay napapitlag siya dahil ilang dangkal na lang ang layo ng kanilang mukha. Napasigaw siya at naitabon ang kamay sa kanyang mata. Ayaw niyang makita ang mga mata nitong blangko. Walang buhay at nababalutan ng itim na kulay. Malamig ang paligid kasabay ng panlalamig ng kanyang katawan. Mga ilang minuto rin siyang ganoon ang porma kaya sinilip niya kung naroon pa ba at baka guni-guni na naman niya iyon.

Sumapit ang umaga, wala pa siyang tulog. Napatingin siya sa kalendaryo— Biyernes, Octobre labintatlo. Pumunta siya sa bahay ni Nanay Lisa. Kumatok siya ngunit walang sumasagot kaya pumasok na lang siya dahil bukas naman. Hinanap niya ito sa sala pero wala siyang nakita. Nagpunta siya sa may hagdan pababa at nakitang may pinto roon. Nakaawang ng kaunti kaya nakasilip siya kung anong mayroon. Napapalibutan ito ng maraming kandila at parang may kausap. Biglang lumingon si Nanay Lisa sa gawi niya kaya mabilis siyang nagtago. Hindi siya mapakali, parang may masamang mangyayari sa kanya.

Mabilis namang tumakbo ang oras. Mag-iimpake na sana siya dahil aalis na siya bukas na bukas nang may nakita siyang sapatos— maliit na sapatos. Tumingala siya at nakita niya ulit ang maamong mukha ng bata.

Naglakad ang bata at huminto ito nang naramdaman nitong hindi siya nakasunod. Kinumpas nito ang kamay na parang sinasabi nitong “Halika, sundan mo ako”. Parang may sariling utak ang mga paa niya dahil kusa itong sumunod. Pero pilit na sinasabi ng kanyang utak na "huwag". Parang hindi niya kontrol ang kanyang katawan. Nagtungo sila sa direksiyon papunta sa may pinto na kung saan may nakapaskil na bawal pumasok. Wala sa sariling pumasok siya. Lilingon na sana siya para tingnan ang bata ngunit wala na ito roon.

Bigla namang nagsara ang pinto. Pipihitin niya sana ito pabukas ngunit hindi na mabuksan. Parang may pumipigil mula sa labas. Bumibilis na naman ang tibok ng puso niya. Tanging ang ilaw ng buwan na sumisilip sa bintana ang nagdulot ng liwanag. Kinuha niya ang selpon na nasa bulsa at binuksan ang ilaw. Sa pagtapat ng ilaw ay mga litrato ang nakasabit. Nagitla siya at hindi makapaniwala. Nilalagyan ng ekis ang bawat larawan. Bawat biktima ay babae na nakasuot ng bestidang puti at mabulaklakin. Naririnig niya ang tunog ng kuliglig sa sobrang tahimik ng paligid. Isa-isa niyang tiningnan ang larawan at nakita niya ang mukha ng kaibigan.

Bigla namang tumulo ang luha niya at nanginginig na hinawakan ang litrato. Itinapat niya ang ilaw sa ibang direksiyon at laking gulat niya nang may makita siyang kabaong, isang maliit na kabaong. Mabilis namang napunta ang kabaong sa kanyang tapat. Abot na abot ito ng kanyang kamay na kanina lamang ay may kalayuan sa kanyang puwesto. Nanginginig ang mga kamay na hinawakan ito. Nang biglang bumukas at bumungad sa kanya ang mukha ng bata.

Napasinghap siya sa nakita. Kamukhang-kamukha ito sa batang nakita niya sa litrato noong pumunta siya sa bahay ni Nanay Lisa. Napaatras siya hanggang sa may matigas na bagay ang tumama sa likod niya. Tiningnan niya kung ano at sa pagtapat ng ilaw ay napasigaw siya ng pagkalakas-lakas. Sunod-sunod na tumutulo ang kanyang luha.

“Tulong, ayoko na,” umiiyak niyang saad. Isang katawan ang nakita niya na nakabitay. Hindi niya kayang tignan ang bangkay. Nanlalambot ang tuhod niya kaya hindi niya magawang makatayo man lang. Biglang bumukas ang pinto kaya nagkaroon siya ng pag-asa.

“Nay Lisa! Tulungan niyo po ako!” Itinapat niya rito ang ilaw pero mas lalong sumidhi ang takot niya ng makitang iba ang itsura nito. Napalitan ng nakakakilabot na ekspresiyon ang mukha nitong maamo noon. Napadako ang tingin niya sa kamay nitong may hawak ng patalim. Hindi na niya alam ang gagawin.

“Ikaw ang huling kukumpleto sa ritwal. Ang isinuot mong damit ay siyang pagmamay-ari ni Satanas na kinuha mo't ginamit. Bilang kapalit sa pagkuha ng kanyang gamit ay ang buhay mo. Kapalit ng buhay mo at sa lahat ng babaeng tumitira dito na naisuot ang damit ay ang iaalay ko na siyang makakapagpabalik sa anak ko.” Tumawa naman ito ng pagkalakas-lakas. Ibang-iba ang itsura nito ngayon.

“Alam mo bang nakipagsundo pa ako sa demonyo para maibalik lamang ang buhay ng anak ko?” ngumisi ito habang naglalakad papalapit sa kanya.

“Mag-aalay lamang ako ng labintatlong babae na siyang nakapagsuot ng bestida sa pagsapit ng Friday the 13th. At ikaw ang panghuling taong kukumpleto sa trece.” Hindi na siya makapag-isip ng tama. Binabalutan na siya ng kaba at takot. Ayaw huminto sa panginginig ng kanyang kamay at pagtulo ng kanyang luha.

“Hindi ka Diyos para maibalik mo ang buhay ng nawala.”

Mariin naman itong napatingin kay Alliah at mabilis na hinawakan ang buhok niya. “Bawiin mo ang sinabi mo!”

Akmang itutusok na nito ang kutsilyo sa kanya ngunit nasipa na niya ito at nakatakas sa hawak nito. Sa kasamaang palad, napatid siya kaya nahuli ang paa niya. Sinisipa-sipa niya ito para hindi siya mahawakan sa paa ngunit kahit may katandaan na ay malakas pa rin ito. Nakita na naman niya si Erica na nakatayo. May sinesenyas ito at nakita niya naman ang kutsilyo na nabitawan nito kanina ng sinipa niya ang propyetarya.

“Mamamatay ka!” sigaw nito ngunit buong puwersang tinulak ni Alliah si Nanay Lisa kaya siya na ngayon ang nasa ibabaw.

“Pinatay mo sila. Ang sama-sama mo!” Nagsilabasan na ang ugat sa kanyang leeg at humugot ng puwersa. Itutusok na sana ang kutsilyo ng nakita niya ang batang babae. Umiiyak ito kaya napatigil silang dalawa.

“Anak?” Mababakas sa boses nito ang pangungulila. “Anak ko. Nandito na si mama. Huwag ka ng umiyak.” Akmang yayakapin na ito ni Nanay Lisa pero tumatagos lamang ang mga kamay nito.

“Tama na po. Itigil mo na 'yan. Tanggapin niyo na lang ang lahat. Mahal na mahal ko kayo, mama. Paaalam.”

At bigla itong naglaho kasabay ng pagluhod ni Nanay Lisa. Dumaloy ang masaganang luha sa pisngi nito. Sa bawat hikbi nito ay damang-dama ni Alliah ang sakit. Lumaki ang mga mata niyang makitang nakatutok ang patalim sa dibdib ni Nanay Lisa. Tatakbo na sana siya para pigilan ngunit huli na. Nakita na lamang niyang nakahandusay na ito sa sahig at naliligo sa sarili nitong dugo. Dahil sa pagod, sinamahan pa ng kaba at takot, nanghihina ang buo niyang katawan, gusto niyang ipikit ang mga mata at nagbabasakaling panaginip lang ang lahat.

Let MidnightPhantom08 know what you thought about this chapter!

dianne11
dianne11

I agree with the first commentor. Show vs. Tell. Marami ang nahihirapan sa part na ito. May iba mas maraming ang telling kaysa sa showing. For example, galit na galit si Ana sa kanyang ginawa- telling 'yan. So parang sinasabi lang niya na galit si Ana pero kapag ganito, "Nagsisilabasan na ang ugat sa leeg ni Ana at umuusok ang ilong niya sa kanyang ginawa." Mas pinahaba at hindi lang siya plain. Damang-dama ang emosyon. Dito rin nahihirapan ang ibang writers dahil more on telling ang ibang gawa nila. With regards of the plot, maganda naman siya, medyo mabagal lang ng kaunti ang phasing niya. however, bumawi naman sa pinakagitna and we learned something from the story which is 'yong hindi na natin maibabalik ang patay na at hindi tayo Diyos para maibalik ito. It is a touch of horror genre with a twist so I kinda like it. So far, wala akong nakitang error? like typographical error and deep pov siya and pure filipino ang gamit na lenggwahe. Sa title naman, yes, catchy siya and the cover is simple but nakaka-attract na siyang tignan. 'Yon lang and keep on writing and inspiring others to write.

7 years
1
austria11
austria11

Anong mayroon sa damit? kasi sinabi suot-suot ni Erica 'yon sa panaginip ni Alliah tapos nakita ni Alliah na suot-suot ni Nanay Lisa noong papatayin na siya nito? Is it just a coincidence? Pero para sa akin, parang 'yong damit ang sinusuot ni Nanay every time na may pinapatay siya para maibalik sa kanya ang namatay na anak. Anyway, malinis ang pagkakagawa. Gusto ko ang story. Medyo nabitin ako pero expected na 'yon sa maikling kuwento. Mapapasabi ka lang na I want more. Choss. Seryoso, ayos lang ang ending pero nabitin talaga ako. Diba ang gulo. Basta bibigyan kita ng tatlong M--

7 years
1
austria11
austria11

oo, tatlong M sa kuwento mo. Mahusay, Magaling, Magnifico! Sana marami ka pang maisulat.

7 years
1

Further Recommendations

Degradation

Sabina: I'm a little bit sad that Gabriel had to die and james had to turn out to be a devil, but honestly i can't even explain how much this book has left me thinking about life. i wanna kiss whoever wrote this book. I LOVE IT!!

Read Now
The Bloody mountains

WillythePooh: A nice short story. Worth reading!

Read Now
The Fox, the Hound and the Virus

Elena Love: This was a great story I personally like the graphics that we had in the fire

Read Now
Gettin` Heavy With The Yeti: In A World Of Monsters

Sabine : For this to be a Fantasy story; the plot is very interesting, and the need to be accepted, loved and mated is depicted as a universal need regardless of species. This is one of the few books that has been able to hold my interest, and I'm enjoying reading it.

Read Now
Southern Bite

truben21: It took me a while to get into the flow of this story, but once I did, I was hooked. The female lead step from naivety to siren was a little fast for me, but I guess it needed to be, to move the story along. I can't wait for the next story, with the cliff hanger whetting my appetite.

Read Now
The Bride of Lord Motte

Honey-marie: Great story can't. Wait to find and read the next book. You have a wonderful talent, keep dreaming!

Read Now
Claimed By Zyraxiel

SierraRhose: I like the voice of this story and could see it being fully fleshed out into a novel. I enjoyed it

Read Now
The Devil's Last Bride

ToriV: Nothing can beat this book. I love the story! It’s short & bittersweet.

Read Now