Deathrose
"DEATHROSE"
Tanaw ko ang bilog na buwan sa itaas mula sa salaming bintana na siyang tanging nagbibigay ng liwanag sa apat na sulok ng silid na aking kinaroroonan habang ako'y nakaupo sa higaan. Puting kama, puting unan, at puting kumot---iyan lang ang mga kasama ko sa impyernong ito.
Pinagmasdan ko ang puting bestidang araw-araw kong isinusuot. Hindi na ito ganoong kalinis katulad no'ng una ko itong isinuot no'ng unang araw ko rito. Marungis. Parungis nang parungis! Pinaraanan ko ng titig ang mga pasang nagmarka sa aking magkabilang braso, at may ilan pang sugat at ang iba'y nagdurugo pa nang kaunti. Papahilom na sila kung tutuusin ngunit nanunuot pa rin sa aking puso ang sakit na dala hindi ng mga pasang ito kung 'di ng pagtataksil sa akin ng itinuring kong pamilya, dahilan upang mapadpad ako rito sa impyernong kinasasadlakan ko.
Sinundan ko ng tingin ang dextrose na nakakabit sa aking pulsuhan. Ang kabilang dulo nito'y nakakabit sa isang plastic na naglalaman ng kung anong likido na nakasabit sa bakal sa gilid ng aking kama. Wala akong sakit...wala. Bakit nila ito ginagawa sa akin?
Mayamaya'y may kumatok sa pinto ng aking silid. Narinig kong bumukas ang pinto. May pumasok ngunit hindi na ako nagsayang pa ng lakas upang lingunin ito. Kilala ko na siya.
"Kumain ka na, baliw," ani ng guwardya. "Ubusin mo 'yan, kung hindi'y magagalit si Nurse Reyes sa 'yo."
Nanatili lang akong nakatulala, at hinayaan kong ilapag nito ang aking hapunan sa ibabaw ng kama, sa harap ko.
Narinig kong napasinghap ang guwardya. "Baliw talaga," sambit pa nito bago naglakad palabas ng silid.
Narinig kong sumara ang pinto at ini-lock ito mula sa labas. Sa pagkakataong ito, hindi ko na napigilan ang aking mga luha sa pagtakas mula sa aking mga mata. Yumuko ako upang tingnan kung ano ang inihanda nilang pagkain: kaunting kanin, isang piraso ng daing, at isang basong tubig. Inamoy ko ang kanin at hindi nga ako nagkamali, panis ito. Tiningnan ko rin ang tubig sa baso, napakarumi nito. Pati ang daing ay nilalanggam na. Napalunok ako ng laway dahil sa aking sitwasyon.
Sa halip na kumain ay kinuha ko ang aking kuwaderno at lapis. Araw-araw akong nagtatala ng mga nangyayari sa akin sa loob ng lugar na ito. Binuklat ko ang pulang kuwaderno't napagtantong kaunting pahina na lang pala ang natitirang bakante. Ibig sabihin nito, matagal-tagal na rin pala ako rito.
Kahit na nanginginig, hinawakan ko ang lapis at pilit na nagsulat.
Ika-13 ng Marso, 2016:
Ito ang simula ng wakas...
Paano nga ba nagsimula ang lahat? Sunod-sunod sa pagpatak ang aking mga luha habang sumasariwa sa aking isipan ang mga mapapait na alaala ng nakaraan.
"Papa, Mama, saan po ulit kayo pupunta?" tanong ko sa mga magulang ko na may hawak na namang mga maleta.
Nakaupo ako sa sofa sa sala habang nagbabasa ng libro.
"May pupuntahan kaming business meeting abroad," sagot ni Mama.
Kauuwi lang nila, aalis na sila agad?
Tatayo at lalapit na sana ako sa kanila para yumakap pero bigla na lang may tumawag sa kanila sa telepono at nagsipulasan na silang dalawa palabas ng bahay.
Wala akong nagawa kundi ang sundan sila ng tingin hanggang sa mawala na sila sa paningin ko. Mag-isa na naman ako sa bahay kahit na may mga kasama naman akong kasambahay. Abala naman ang mga iyon sa mga gawain.
Malulugmok na naman sana ako sa kalungkutan, pero nakarinig ako ng sitsit. Nabuhayan ako ng loob at napatingin kaagad sa labas. Hindi nga ako nagkamali. Nakita ko si Paco na nakasilip sa aming bakod.
Nagmamadali akong lumabas upang lapitan siya. Naabutan ko siyang nakasandal at naghihintay sa isang puno sa labas ng aming bahay.
"Ano, tara na?" tanong niya sa akin.
Ngumiti ako sa kaniya. "Tara," tugon ko.
Hinawakan niya ang kamay ko at tumakbo siya nang mabilis. Hindi na ako nagtanong kung saan kami pupunta dahil alam ko naman kung saan. Nagpatangay lang ako sa kaniya habang humahampas sa aking balat ang malamig na simoy ng hangin.
Dinala niya ako sa park sa aming subdivision. Walang katao-tao sa lugar dahil madalang lang talagang may nagpupunta rito, kaya naman ay napakatahimik ng paligid. Dito kami unang nagkita ni Paco halos apat na buwan na ang nakalilipas. Umupo kaming dalawa sa bakal na duyan.
Lumipas na ang ilang minuto, ngunit wala pa ring nagsasalita sa amin. Nakatanaw lang ako sa malayo, pero ramdam kong nakatingin siya sa akin ngayon.
"Bakit parang anlungkot mo kanina nang makita kita? Mukhang hanggang ngayon, malungkot ka pa rin," tanong niya bigla.
Tumingin ako sa kaniya. Nagtama ang aming mga mata sa hindi sinasadyang pagkakataon. Medyo inilayo ko nang kaunti ang aking mukha sa kaniya dahil ramdam ko na ang hininga niya sa mukha ko.
"Sina Papa at Mama, umalis na naman kasi. Wala na silang oras sa akin. Minsan nga, napatatanong na ako sa isip ko: anak ba talaga nila ako? Bakit parang hindi ko maramdaman ang pagmamahal nila?" malungkot kong saad sa mahinang tono ng boses.
"Siyempre, nagtatrabaho sila. Para din naman 'yon sa kinabukasan mo." Inilapag niya ang kamay niya sa balikat ko. "Huwag ka nang malungkot. Nandito naman ako, e. Pasasayahin kita."
Sa mga sandaling iyon, waring huminto sa pag-ikot ang aking mundo. Labimpitong taong gulang pa lang ako, ngunit batid ko na itong nararamdaman ko. Sa maikling panahon na nakilala at nakasama ko si Paco, nagustuhan ko na siya...natutuhan ko na siyang mahalin.
"Hoy, Erica! Natulala ka na riyan. Ayos ka lang ba?" natatawang pagtawag ng pansin sa akin ni Paco na siyang nagpabalik sa akin sa reyalidad.
Pinagmasdan ko ang mukha ni Paco. Parang nabura ang lahat ng iniisip ko. Inokyupa niya ang utak ko. Sa mga sandaling iyon, wala akong inisip kundi siya.
Simple lang naman kung titingnan si Paco. Simple siyang manamit. Simple lang ang ayos ng kaniyang buhok. At walang arte sa katawan. Pero ang pinakanagustuhan ko sa kaniya ay ang kaniyang amoy. Siya lang yaong lalaking nakilala ko na nagpapabango ng Juicy cologne na may scent na Sweet Delights. Kung para sa ibang babae ay bawas-points na iyon sa lalaki, para sa akin naman ay dagdag-points iyon. Hindi ko alam kung para ba sa lahat ng lalaki ang pamantayan kong iyon, o para lang ba talaga kay Paco.
"Paco, gusto kita."
Hindi ko alam kung bakit ko iyon sinabi. Basta na lang lumabas sa aking bibig. Siguro'y iyon talaga ang nilalaman ng puso ko, kaya kusa na lang lumabas sa bibig ko.
Sinabi niya sa akin noon na hindi ako puwedeng magkagusto sa kaniya at ganoon din siya sa akin. Tinanong ko siya kung bakit, pero hindi niya ako sinagot. Basta, hindi raw puwedeng mahulog ang loob namin sa isa't isa.
Sa kabila niyon, hindi ko pa rin napigilang mahulog sa kaniya. Sa mga ipinakikita ba naman niyang kabutihan sa akin at sa pagpaparamdam niya sa akin na espesyal ako, hindi malabong magkagusto ako sa kaniya. At ayun na nga, ngayon ay naamin ko na sa kaniya.
Nag-iba ang reaksyon ng kaniyang mukha. Nakita kong dahan-dahang nabura ang ngiting nakaguhit sa kaniyang mga labi.
"Pero, 'di ba, nangako ka sa aking hindi ka magkakagusto sa akin? Na hanggang pagkakaibigan lang ang turingan natin sa isa't isa?" tanong niya gamit ang malumanay na tono ng boses.
"Sorry, Paco, hindi ko napigilan. Gusto kita. Ako ba, hindi mo gusto?" seryosong tanong ko sa kaniya.
Napayuko siya. "Patawad, Erica," sambit niya lang bago tumayo mula sa pagkakaupo sa tabi kong duyan at nagtatakbo palayo.
Wala akong nagawa kundi ang pagmasdan siyang lumayo sa akin hanggang sa mawala na siya sa paningin ko. Hindi ko napigilang mapaluha dahil sa naging reaksyon niya. Umuwi ako noong araw na iyon na waring binagsakan ng langit at lupa.
Lumipas ang tatlong araw, pero hindi pa rin nagpapakita sa akin si Paco, ni ang anino niya. Pinupuntahan ko ang tagpuan naming park, ngunit wala akong naabutang tao roon. Walang Paco. Wala ang nag-iisang kaibigan na nakasasama ko at nagpapasaya sa akin sa tuwing nalulungkot ako.
Dumating ang katapusan ng aming semestral break, ang pagbabalik ng pasukan. Sa loob ng aming silid-aralan, kahit na ako yaong pinakatahimik sa klase na nakaupo lang sa gilid at hindi nakikipag-usap kanino man sa mga kaklase ko, bukod kay Paco na katabi ko, nilakasan ko pa rin ang loob ko upang tanungin ang aming mga kaklase ukol sa kaniya.
Nilapitan ko ang tatlong magkakaibigan kong kaklase na magkakatabi rin.
"Excuse me, Bea, Bianca, at Brena, nakita n'yo na ba si Paco? Pumasok ba siya?" tanong ko sa kanila.
Nagkatinginan silang tatlo sa isa't isa. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng tinginan nilang iyon.
"Sinong Paco ang tinutukoy mo?" tanong ng nasa gitnang si Bianca sa akin.
Ha? Hindi nila kilala si Paco. E, kaklase namin siya, e.
"Si Paco Delos Santos, yaong lalaking katabi ko. Pumasok na ba siya ngayon?" tanong ko ulit sa kanila.
Napailing-iling silang tatlo. "Wala kaming kilalang Paco Delos Santos," saad ni Bea.
Seryoso ba sila?
"E, kaklase nga natin 'yon, e," pagpupumilit ko.
Sunod na sumagot si Brena. "Wala tayong kaklaseng Paco Delos Santos. At excuse me lang, ha, for your information, wala kang katabi riyan sa likod. Ikaw lang mag-isa," diin niya.
Ikaw lang mag-isa. Ikaw lang mag-isa. Ikaw lang mag-isa. Nagpaulit-ulit sa utak ko ang sinabi niyang iyon. Namalayan ko na lang na tumayo sila at umalis sa kanilang kinauupuan upang layuan ako na wari bang pinandidirihan at kinatatakutan nila ako.
Pagkauwi ko ng bahay, agad kong tinungo si Yaya Mercy sa kusina.
"O, bakit parang nagmamadali ka?" bungad na tanong niya sa akin.
Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat.
"Nakita n'yo po ba si Paco? Pumunta po ba siya kanina rito? Hinahanap po ba niya ako?" sunod-sunod kong tanong.
Ewan ko ba, pero parang hindi ko na makontrol ang sarili ko. Ang gusto ko lang malaman sa mga oras na iyon ay kung nasaan si Paco. Ang makita siya ay ang tanging makapagpapakalma sa akin.
"Sinong Paco?" taas-kilay na tanong ni Yaya Mercy.
Tiningnan ko siya diretso sa mga mata. "Si Paco po, yaong palaging nagpupunta rito at sinusundo ako. Palagi po siyang bumibisita rito, Yaya Mercy." Itinuro ko sa kaniya ang bakod sa may labas. "Diyan po sa bakod...diyan niya po ako sinisitsitan at hinihintay bago kami pumunta ng park."
Nakita kong kumunot ang noo ni Yaya Mercy at waring nababahala na sa inaakto ko. Hindi niya kasi ako maintindihan. Paanong hindi niya makikilala si Paco gayong palaging napupunta iyon dito?
"Pasensya ka na talaga, Erica, pero wala akong nakikitang lalaki o kahit na sino man na tumatambay riyan sa may labas ng bakuran. At sa pagkakaalam ko ay wala kang kahit isang kaibigan," sambit ni Yaya Mercy.
Wala kang kahit isang kaibigan. Wala kang kahit isang kaibigan. Wala kang kahit isang kaibigan. Nagpaulit-ulit na naman sa utak ko ang pangungusap na iyan. Ramdam ko ang pawis na namumuo sa noo ko. Namamasa na rin ang magkabilang gilid ng mga mata ko.
Doon na bumagsak ang katawan ko dahil sa panghihina. Lahat ay naging madilim. Wala akong makita, o ni maaninag. Walang liwanag. Walang pag-asa.
Iminulat ko ang aking mga mata mula sa pagpikit at pag-alala sa hilakbot ng kahapon na naging dahilan kung bakit ako nagdurusa ngayon.
Ramdam ko ang pamumugto ng aking mga mata dahil sa panonood sa buwan na palitan ng araw. Lumiwanag na ang madilim kong silid kagabi. Wala na naman akong tulog, kagaya ng dati, kagaya ng nakagawian ko. Hindi ko na natapos ang pagsusulat ko sa aking kuwaderno dahil sa panghihina kagabi. Tumingala ulit ako sa bintana. May sinag ng araw. May liwanag. May pag-asa.
Biglang bumukas nang pabulwak ang pinto na tila ba nagsasabing itigil ko na ang aking pagpapangarap na may liwanag sa madilim na mundong ito.
May pumasok. Sa mga mabibigat na hakbang pa lang niya ay kilala ko na siya.
"Baliw, bakit hindi mo raw kinain ang hapunan mo kagabi? Wala kang karapatang magsayang ng pagkain sapagkat isa ka lang sa mga palamunin ng aming institusyon. Kulang ang ibinibigay na pondo ng gobyerno para sa inyong mga kinulang sa pag-iisip, kaya naman ang dapat na ipakain sa inyo ay mga panis na pagkain dahil wala naman kayong pakinabang sa lipunan," mahabang pahayag ni Nurse Reyes na agad na sinundan ng kaniyang paghampas sa akin sa pisngi.
Hindi ko na maramdaman ang sakit. Tila isa na akong batong napakatigas. Hindi pa roon nagtatapos ang lahat, pinagsusuntok pa niya ako sa panga, sa balikat, at sa magkabilang braso. Madaragdagan na naman ang aking mga pasa sa katawan. Balewala na sa akin ito; wala na akong pakialam sa kahihinatnan ko. Iisa lang din naman ang kahihinatnan ko: kamatayan.
"Tumayo ka riyan! Pupunta tayo sa Laboratory Room. Doon ka na muna hanggang mamayang gabi," sambit niya at bahagyang humina ang kaniyang boses sa sumunod niyang sinabi, "ang iyong huling gabi."
Hindi ako gumalaw. Nanatili lang akong nakatingala sa bintana kung saan ko natatanaw ang araw, ang liwanag. Sapilitan niya akong pinatayo mula sa aking pagkakaupo sa higaan sa pamamagitan ng paghila niya sa aking braso.
"Tara na," sigaw niya at tuluyan na niya akong nahila.
Kinaladkad niya ako ngunit bago pa man kami makalayo sa aking kama ay hinablot ko na ang kuwaderno at lapis na nakalapag doon gamit ang isang libreng kamay ko. Hinawakan ko ang mga ito nang mahigpit habang kinakaladkad ako ni Nurse Reyes papunta sa Laboratory Room. Nang makarating doon ay itinulak niya ako sa loob, dahilan upang mapaupo ako sa sahig.
"Diyan ka muna nang buong araw! Hindi ka kakain, hindi ka iinom. 'Yan ang parusa mo sa pagsasayang ng pagkain," aniya bago siya lumabas.
Nang isara niya ang pinto ay dumilim ang buong silid. Wala akong makitang kahit katiting na liwanag. Narinig kong ini-lock ni Nurse Reyes ang pinto gamit ang kadena.
Madilim...sobrang dilim. Naalala ko kung sino ang nagdala sa akin sa imyernong ito.
"Papa, Mama, totoo nga ang sinasabi ko. May kaibigan ako, si Paco!" pagpupumilit ko sa kanila.
Nagkatinginan silang dalawa sa isa't isa.
"Palala nang palala ang kundisyon mo," saad sa akin ni Mama bago siya lumingong muli kay Papa. "Marahil ay dapat na natin siyang ilagay sa mental hospital."
Nanlaki ang aking mga mata dahil sa sinabi ni Mama.
"Doon, mas mapabunuti siya. Matatanggal din 'yang kabaliwan niya after ng counseling sa kaniya ng nurses doon," sambit naman ni Papa.
Hindi ako makapaniwala na sa kanila pa nanggagaling ang mga salitang sinambit nila.
Pagsapit ng hapon, habang tahimik akong nagsusulat sa aking kuwarto, nakarinig ako ng ilang pagkatok sa pinto. Lumapit ako rito upang buksan, at sumalubong sa akin ang ilang tauhan nina Papa at Mama.
"Ano po'ng kailangan ninyo?" tanong ko sa kanila.
"Pinasusundo ka ng Papa at Mama mo," sagot ng isa sa kanila.
Tiningnan ko sila isa-isa. Parang may ikinukubli ang kanilang mga mata.
"Saan daw kami pupunta?" tanong ko ulit sa kanila.
Sumagot naman ang isa. "Hindi po sinabi sa amin," anito. "Sumama na lang po kayo sa amin, Ma'am."
Kahit na nagdadalawang-isip ay sumama pa rin ako sa kanila. Dinala ko ang aking hawak na pulang kuwaderno at lapis. Sumakay kami ng kotse. Habang nasa biyahe ay hindi ko maiwasang mag-isip nang masama.
Huminto ang sasakyan. Pinagbuksan ako ng isa sa mga guwardya at lumabas na rin ako sa kotse. Hindi pamilyar sa akin ang lugar na ito. Pero nabasa ko ang nakasulat: Munting Paraiso.
"Ano po'ng ginagawa natin dito?" tanong ko ulit sa mga guwarya.
Sa halip na sagutin ako, hinawakan nila ako sa magkabilang braso at kinaladkad papasok sa loob ng gusali. Nagpupumiglas ako ngunit malalakas silang lahat. Hindi ko sila kaya.
"Siya na po ba 'yon?" salubong na tanong ng isang lalaking nakasuot ng pang-nurse. May dalawang guwardya sa kaniyang likuran.
Nakita kong tumango-tango ang mga tauhan nina Papa. Ipinasa nila ako sa mga guwardyang nasa likuran ng nurse.
"Isusumbong ko kayo sa Papa at Mama ko!" sigaw ko sa kanila.
Nagtawanan ang mga tauhan nina Papa. "Ampon ka lang! Hindi ka nila tunay na anak. Napulot ka lang nila sa kalsada. Siguro anak ka ng baliw kaya namana mo," sambit nila.
Hindi ko napigilang mapaluha dahil sa mga sinabi nila. Nagwawawala at nagpupumiglas ako roon habang hawak ng dalawang guwardya, ngunit nawalan ako ng malay nang indyeksyunan ako ng nurse.
Doon nagsimula ang lahat. Iyon ang dahilan kung bakit ako ngayon nandito sa Munting Paraiso na siya palang madilim na impyerno.
Kahit na madilim at nanginginig ang mga kamay ko, sinikap ko pa ring magsulat sa aking kuwaderno.
Ika-14 ng Marso, 2016:
Ito ang wakas ng wakas...
Napahinto ako nang maramdaman ang hapdi sa aking pulsuhan. Nakakabit pa pala ang dextrose roon. Napasama pala ito sa pagkaladkad sa akin ni Nurse Reyes.
Wala akong sakit! Hindi ako baliw. Hindi ako dapat nandito! Totoo si Paco. Sadyang may social anxiety lang ako, kaya nahihirapan akong makisalamuha at makipagkaibigan sa ibang tao. Si Paco...siya lang ang nag-iisang kaibigan ko. At kahit walang naniniwalang nag-i-exist siya, ramdam ko siya. Ang sabi nga nila, nothing is more memorable than smell. Sa katunayan nga, habang isinusulat ko ang mga salitang ito ay amoy na amoy ko siya---ang pabango niyang Juicy na Sweet Delights. Nandito lang si Paco, katabi ko, at sasama na ako sa kaniya.
Binitiwan ko ang hawak kong lapis at kuwaderno. Hinaplos ko ang dextrose na nakakabit sa aking pulsuhan. Ito ang gamot na papatay sa akin.
Hinugot ko ito mula sa pagkakakabit sa aking pulsuhan at itinali sa aking leeg nang napakahigpit habang ang kabilang dulo ay nakasabit sa bakal. Humiga ako sa sahig at naramdaman kong humigpit ang aking paghinga. Madilim. Sobrang dilim. Ang dextrose na ginagamit sa hospital upang magsalba ng buhay ang siyang ginamit ko upang wakasan ang akin: dextrose na naging deathrose.










